CHAPTER TWO

2531 Words
Ang cool para kay Rowella ng party na dinaluhan nila. Marahil ay dahil nagustuhan niya ang loob ng condo unit na ang interior ay isang modern tropical design. Nag incorporate ang natural elements katulad ng wood, stone, natural lighting sa space ng buong condominium. May touch ng nature, na ang vibes ay parang nasa loob ka ng isang resort living at the heart of the city. Malapad rin ang space kung kaya't nagkasya ang mahigit trenta katao na mga bisita. Sa living room ay nag-uumpukan ang karamihan, nakaupo sa mga couches habang masayang nag-iinuman at nagkakantahan kaharap ang malaking flat screen TV na may videoke. May mga nakapuwesto rin sa may terrace at nag-iinuman rin. Sa kusina ay may dalawang kaibigan si Albert na nag-aasikaso ng mga pagkain. Ang buffet table naman ay nasa malawak na dining. Doon ay pabalik balik ang mga bisita upang kumuha ng mga pagkain at inumin. Syempre pa dahil tanging pagkain lamang ang pakay niya roon ay nag focus ang dalaga sa pagkain. Infairness sa nakahaing mga putahe, ang sasarap. Nag-enjoy siya ng sobra. Walang humpay ang paglagay niya ng mga pagkain sa paper plate niya. Bago kumain ay natukso pa siyang piktyuran ang mga nakahaing pagkain. Si Jackie ay game naman na sinabayan siya sa kanyang trip. Kain rin ito ng kain habang nag-eenjoy sa pagmamasid sa paligid. Karamihan kasi sa mga bisita ni Albert ay mga kalalakihan at may mga itsura. Pero hanggang tingin lamang si Jackie hindi katulad ni Mauricious na umariba agad. Nalingat lang sila sandali na magkaibigan ay nakita na lamang nila itong nasa isang sulok at enjoy na enjoy sa pakikipag-usap sa isang guwapong lalaki na lumapit at nakipagkilala rito. "Bakit lahat na lang ng guwapo ay may boyfriend?" Ang narinig niyang himutok ni Jackie sa kanyang tabi. "Huwag mong sabihin na naiinggit ka kay Mauricious?" "Bakit ikaw ba ay hindi?" "Tsk. Hindi. Bakit naman ako maiinggit e alam ko rin naman sa huli ay iiwan rin siya ng lalaking iyan. At saka hindi magandang mainggit sa kapwa, no. Ang dami ng lalaki sa mundo. Huwag tayong umasta na parang mauubusan. Maghintay tayo ng isang darating para sa atin." "Hanggang kailan ako maghihintay? Sawa na akong maging single. Gusto ko ng magka jowa. Ayokong pagdating ng pasko ay wala akong ka-selfie sa ilalim ng Christmas tree. Saka ayokong masabihan ng mga friends ko sa f*******: na malamig ang pasko ko." "Iyon lang ang concern mo? Napakababaw naman niyan, " hindi makapaniwalang aniya rito. Ang buong akala niya ay mag-eemote na lamang ito sa tabi niya ngunit makalipas lamang ang ilang minuto ay biglang umaliwalas ang mukha nito. Tila nabuhayan ito ng dugo. "Tumingin ka sa kanan mo, ang guwapo no'ng guy, o," anito sabay bundol ng balikat nito sa balikat niya. "Super hunk. Parang ang sarap niyang makatalik sa kama..." Awtomatikong pinandilatan niya ng mga mata ang kaibigan. "'Yang bibig mo talaga, ang pervert," mahinang suway niya rito na hindi man lang tinapunan ng tingin ang tinutukoy nito. "Ito naman kung makapagsalita parang virgin–" Naitakip nito ang palad sa bibig. "Opps, sorry... Oo nga pala, nakalimutan ko na virgin ka nga pala dahil NBSB ka." Mas lalo niya itong pinandilatan. Nakakahiya kung sakaling may mga nakarinig. Nag-aalalang tumingin siya sa paligid. Mabuti na lamang ay medyo may kalayuan ang kinapupuwestuhan ng upuan nila mula sa karamihan. Abala ang lahat sa pakikipag-usap, pagkain at pag-inom. Napakaingay rin ng background dahil sa pinapatugtog na rock alternative music. Ikinahinga niya iyon ng maluwag. "Iyang bibig mo kapag hindi tumigil ay paplasteran ko 'yan, gusto mo? Umayos ka nga.." Inismiran siya nito. "Ok po, senora. Tatahimik na po." Ipinagpatuloy na lamang nito ang paglantak ng pasta sa sarili nitong plato. Naging mapayapa ang pagkain niya nang huminto na rin sa wakas si Jackie ng pagsiko sa kanya at pagturo ng kung sino-sinong napansin nitong mga bisita sa paligid. Ngunit maya-maya lang ay may nakita na naman ulit ito. Narinig niyang ang OA na pagsinghap nito sa kanyang tabi. Nang lingunin niya ang bruha ay nakita niyang namimilog ang mga mata nito habang parang kiti kiti na kinikilig mula sa kinauupuan. "O sino na naman ang nakita mo this time?" "Ang guwapo niya..." "Kamukha ba ni Jung Kook ng BTS?" "Hindi, kamukha ni Paulo Avelino. Iyong last guy na binanggit ko sa'yo kanina na sinabi kong masarap ikama." "O bakit?" "Kausap siya ni Albert ngayon." "And?" "Nakatingin sila sa gawi natin." "Nakatingin? Bakit?" "Omg! Mag ready ka, mars. Mukhang papunta sila dito?" Napakunot siya ng noo niya. "Anong ere-ready ko?" "Ng smile. Mukhang ipapakilala tayo ni Albert sa kanya at sa isa pa niyang kasamang papa na pogi rin. Maging mabait ka, please. Kahit ngayong gabi lang. Huwag kang suplada. Bihira ang pagkakataon na makakaharap tayo ng mga lalaking kasing guwapo nila." Bago pa nakahuma mula sa kanyang kinatatayuan si Rowella ay lumapit na sa kanila ang mga tinutukoy ni Jackie. Si Albert at ang dalawa nitong matitikas at matatangkad na mga kasama. Bumilis ang pagpintig ng puso niya ng mapagsino ang isa sa mga ito. Nagsasabi nga ng totoo si Jackie na kamukha ni Paulo Avelino ang lalaking itinuro nito sa kanya kanina. At kilala niya ito. Ito ay walang iba kundi ang pogi niyang kapitbahay na nakatira sa tapat ng inuupahan niyang apartment unit. "Hi, insan!" Bati ni Albert kay Jackie nang tuluyan itong makalapit sa kanila. "I'm glad you came tonight. Okay lang ba kayo ng kaibigan mo rito? How's the food?" "Ang sarap ng food, insan. Nag-enjoy kami, sobra," masiglang sagot ni Jackie sabay thumbs up rito. "I'm glad you like it. My good friend na isang chef cook ang nagluto ng mga iyan." "Ah, kaya pala ang bongga rin ng presentation ng mga pagkain. Parang pang five star hotel." "Well, he is actually a chef cook in a five star hotel," mayabang na sabi nito. "Oh, really?" Tumingin si Jackie sa kanya at nagkangitian sila na parehong na thrilled sa nalaman na isang professional chef cook pala ang nagluto ng mga pagkaing kanina pa nila nilalantakan. "By the way, I would like you to meet my friends," patuloy ni Albert na inakbayan ang dalawang kasamang lalaki. "This is Chino and Kevin. Guys, this is my cousin Jackie and her friend... What's your name by the way, sweetie? "Rowella," sagot niya. "Lowella." "No, it's Rowella." "Alright, Ro–wella. Pasensiya na medyo mahina ang pandinig ko." "Okay lang." Isa-isang pormal na nakipagkamay ang dalawang guwapong binata sa kanila. All out ang naging ngiti ni Jackie at hindi naitago sa mukha nito ang matinding kilig nang makadaupang palad ang mga ito. "Hi, Rowella," bati ni Chino sa kay Rowella. "I'm glad to see you here." Ikinatuwa ng dalaga na namumukhaan siya ng binata. So, Chino pala ang pangalan nito... Cute. Sa halip na tugunin ito ay lihim na sinuri niya ito. Pinagmasdan niyang maigi ang mukha ng kanyang kapitbahay. Ang ganda ng mga mata nito na ang kulay ay hazel brown, deep set full at mahahaba ang mga pilik. May kakapalan ang kilay ngunit maganda ang korte. High and pointed ang ilong. Makipot ang manipis at sensuwal na labi. Square shape ang mukha. Naka full shave mula cleft hanggang ilalim ng jaw line kung kaya't ang linis tingnan. Nakaka turn on tingnan ang adams apple nito gayundin ng buhok nito na may kakapalan at nakacombed back style. At ang katawan... Omg! Kahit balot ng kasuotan ay halatang well defined ang upper body nito. He has broad shoulders, muscled chest and a narrow waist. Nakadagdag rin sa hotness nito ang kayumangging kulay ng balat. Ang galing rin nitong pomorma. Ang astig ng dating nito sa suot na black leather jacket na nakabukas at ang loob ay white t-shirt katerno ang maong pants na black din at brown Oxford shoes. Naalala ni Rowella na sa tuwing may mga pagkakataon na nakakasalubong niya si Chino sa hall way ng apartment building nila ay hindi niya masyadong napagtuunan ng pansin ang anyo nito. Katulad ng madalas niyang inaasta sa mga lalaki ay dinedma niya rin ito. Pero syempre ay aware siya na guwapo ito. Madalas niyang nauulinigan na pinag-uusapan ito mga babae nilang kapitbahay. Lalo na si Noemi, ang Yaya ng batang si Pauline na anak nina Mr. and Mrs. Sarmiento–ang isa sa mga pamilyang kasama nilang nangungupahan sa third floor. Si Chino ang laging bukambibig ni Noemi. May isang beses pa nga na pinuntahan siya ng babae sa unit niya at inusisa siya tungkol sa mga whereabouts ni Chino. At dahil wala siyang maibigay rito na impormasyon ay pinakain niya na lamang ito ng merienda. Siniko siya ni Jackie nang hindi pa rin siya umiimik. "Hoy babae, kinakausap ka ni Chino. Magsalita ka naman diyan." Tila natauhan naman siya at ngumiti ng tipid sa binata. "Uhm, hi. Kamusta?" Aniya. "Hey, guys, do you know each other? " Tanong ni Albert na ipinaglipat lipat ang tingin sa kanilang dalawa. Si Chino ang sumagot. "Yeah, iisa lang ang building na tinitirahan namin. Magkapitbahay kami." "Oh, really..." Napasinghap sa narinig si Jackie. Pasimple itong dumikit at bumulong sa tenga niya. "Pambihira ka talaga, mars... Kahit minsan ay hindi mo man lang nai-chika sa akin na may super duper hot ka palang kapitbahay. Kung alam ko lang ay dinalasan ko sana ang pagdalaw sa apartment mo." Pasimpleng inundayan niya ng siko sa tagiliran ang babae. "Hayan, ka na naman at pinapairal mo na naman iyang kalandian mo." Sumimangot ito. "Tsk, napakadamot mo talaga kahit kailan." Masayang nakipag-usap pa ang mga binata sa kanila. Si Albert ay kumuha ng inumin para sa kanilang apat na game naman nilang tinungga. Si Jackie ay panay ang pacute kay Kevin at Chino. Kung ano-ano ang itinanong nito sa dalawa. Partikular na kay Chino. Ang lakas ng loob ng bruha na tanungin ang binata kung may girlfriend na ba ito. Ikinagulat ni Rowella nang sumagot ito ng wala. Hindi siya naniniwala. Sa gandang lalaki nitong iyon ay imposibleng wala itong girlfriend o marahil ay maaaring wala nga ngunit marami namang ka-flings. Kung siya ay hindi kumbinsido si Jackie naman ay tuwang tuwa. Mas lalo pa itong nagbunyi nang ang tanungin naman nito ay si Kevin. Kakabreak lamang raw ng huli sa ex girlfriend nito. Nanatili lamang siyang tahimik habang nakikinig sa usapan. Hindi niya namalayan na naubos na pala niya ang laman ng basong hawak niya. Inabot niya ang bote ng mamahaling wine. Nagsalin ulit siya ng isa pa. Nang maubos ay nagsalin pa ulit. Hanggang sa hindi niya na mabilang kung ilang baso ang naubos niya. Hindi niya na ipinagtaka na pagkalipas ng ilang oras ay makaramdam siya ng ibayong pagkahilo at pag-ikot ng kanyang paningin. Walang duda, lasing na siya. "Umuwi na tayo, mars. Lasing na ako," aya niya kay Jackie habang sapo ang namimigat na sentido. Maging ito ay halata na rin sa itsura na lasing na. Namumula na ang buong mukha nito, namumungay ang mga mata at panay ang ngisi. Parang timang lang. "Sige, mabuti pa nga," sang-ayon nito sa sinabi niya. "Pero para makauwi tayo ay tulungan mo muna akong hanapin si Mauricius." Nagpaalam sila saglit sa mga kausap. Hinanap nila si Mauricious sa kung saang sulok ng condo upang ayain na itong umuwi. Pero nalibot na nila ang buong unit ay hindi pa rin nila ito mahagilap. Kahit ang lalaking nakita nilang kausap nito kanina ay wala na rin. Sinubukan ni Jackie na tawagan ito ngunit cannot be reach ang numero nito. Hindi rin ito nag-re reply sa text at messenger. "Mukhang iniwan na tayo ng bakletang iyon. Nag-eskapo na kasama no'ng bago niyang papa. Grrr... Naku, kapag nagkita kami ulit no'n ay lagot talaga siya sa akin. Kakalbuhin ko siya ng bonggang bongga," himutok ni Jackie na naikrus ang mga braso sa inis. "Hayaan mo na iyon. Pwede naman tayong mag commute e. Marami namang taxi diyan." Bagama't lasing ay nagawa pa rin ni Rowella na magsalita ng tuwid. "Hindi ba delikadong mag commute? Pareho tayong nakainom." "Wala naman tayong choice e. Umuwi na tayo, please... Inaantok na ako, gusto ko ng humilata sa kama ko." "Anong problema?" Usisa ni Albert nang mapansin ang nakasimangot na mukha ng pinsan. Bumalik silang magkaibigan sa kinaroroonan ng mga lalaki upang magpaalam sa mga ito na kailangan na nilang umuwi. "Iyong driver kasi namin ay iniwan kami. Nakakita lang ng bagong papa ay wala ng paki sa amin. Inuna niya ang sarili niya. Wala tuloy kaming masakyan pauwi." "Uuwi na kayo?" Ani Chino sa kanila. "Hey, if you want ay sumabay na lang kayo sa akin. I'm going home too." Naliwanag ng mukha ni Jackie sa narinig at napangiti. "Talaga, Chino? Ihahatid mo kami? Hindi ba malaking abala? Okay lang sa'yo?" "Late na rin kasi kaya kailangan ko na ring umuwi. May maaga akong appointment bukas. Kung magtatagal pa ako rito ay baka maparami pa ang inom ko at madaling araw na ako makauwi." "Great! Thank you, Chino! That's a relief. Hindi na namin kailangan pang mag commute. Lasing pa naman itong si Rowella. Tamang tama at pareho lang kayo ng building na inuuwian. Hindi ko na kailangan pang ihatid siya sa loob ng apartment niya." Nagpaalam na si Chino sa mga kasama nito sa mesa. "Ang daya mo naman. Ang aga mong umuwi. Ang akala ko pa naman ay buong magdamag tayong mag-iinuman rito," protesta ni Kevin nang magpaalam rito si Chino. "Hindi ako pwedeng uminom ng marami e. I have a lot of things to do in my store tomorrow. Alam mo naman na kakaumpisa ko pa lang sa negosyo ko. Kailangan kong mag doble sikap. Maybe next time na lang.. Sa birthday mo, Pre, for sure ay free na akong makipag-inuman sa inyo buong magdamag." "Sige, asahan ko iyan, ha." Nagpaalam rin ang dalawang dalaga. "Let's go?" Tinamaan talaga ng matindi sa mga ininom na alak si Rowella. Hindi na siya makapaglakad ng deretso. Kinailangan pa tuloy ni Chino na alalayan siya sa pagpasok sa loob ng sasakyan nito. Si Jackie ay nakaya pa ng katawan nito a maglakad mag-isa. Sa front seat siya pinaupo ni Chino katabi ito samantalang si Jackie ay sa back seat. Tahimik silang bumiyahe. "Mars, nandito na ako sa amin," maya-maya ay narinig niyang untag sa kanya ng kaibigan. Nagmulat siya ng mga mata niya. "Pasok na ako. Next time ulit, gimmick tayo. Text text na lang tayo." "Okay." Nakita niyang inalalayan ito ni Chino sa pagbaba mula sa sasakyan. "Sige, mars. Bye..." Paalam nito sa kanya. "Bye, mars..." At muli siyang bumalik sa pagpikit. "Chino, salamat ng bongga sayo, ha? Hindi ka lang ubod ng guwapo, ang bait mo pa. Ikaw na ang bahala diyan sa friend ko, ha? Mag-ingat kayo sa daan." "Sure. You're welcome. Kaya mo bang pumasok ng mag-isa sa loob?" "Oo. Kaya ko na. Hindi naman ako katulad ni Rowella na mahina ang alcohol tolerance. Saka seloso iyong alaga kong asong si Tonyik. Baka pagkamalan ka niya na dating ex boyfriend ko. Magkahawig pa naman kayo. Lalapain ka no'n ng buhay.Joke lang. Sige na, bye bye." Umingit ang bakal na gate, senyales na pumasok na sa loob ng bahay nito si Jackie. Saka tumunog ang makina ng sasakyan at umusad na sila paalis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD