CHAPTER ONE
"Ugh!" Frustrated na ungol ni Rowella sabay hagis ng android phone niya sa kung saang panig ng kanyang kama. Natalo na naman siya sa level ng game app na nilalaro niya. At sa puntong iyon ay tuluyan nang naubos ang lives niya. Ang ibig sabihin lamang ay kailangan niya pang maghintay ng trenta'y minutos upang maging full muli iyon at upang makapagpatuloy na siya sa paglalaro.
Mula sa padapang posisyon ng pagkakahiga ay tumihaya ang dalaga, tumingala sa kulay kremang kisame ng silid niya at humugot ng isang malalim na buntong hininga.
Nakakabagot ang manatili sa loob ng apartment niya buong maghapon. Mula kanina ay nakahilata lamang siya habang panay ang kalikot ng kanyang cellphone. Ayaw niya rin namang manood ng TV. Nasa prime time pa ang inaabangan niyang mga palabas. Wala na siyang maisip na iba pang pwede niyang gawin.
Kung bakit ba naman kasi required sa Lovely Essentials, ang beauty cosmetics shop kung saan siya nagtatrabaho bilang sales clerk, ang mag day off ng isang beses sa loob ng isang kinsenas. Mabuti sana kung mayroon siyang extra money upang may maiwaldas sa pagliliwaliw. Maaari niyang maenjoy ang buong maghapon. Ang magshopping sa divisoria o di kaya ay kumain sa paborito niyang fasfood chain.
Ang kaso ay wala. Sa tuwing natatanggap kasi niya ang suweldo niya ay inihuhulog niya halos lahat sa kanyang ATM account. Nagtitira lamang siya ng kaunting allowance para sa pagkain, necessary needs niya at gastos para pang commute sa araw-araw na pumapasok siya sa trabaho.
Nag-iipon kasi si Rowella ngayong taon para mabuo ang ninety two thousand pesos na hinihinging placement fee ng agency na in-applayan niya upang makalipad at makapagtrabaho siya ng Singapore bilang isang tutor nanny.
Matagal nang nasa isipan niya na planong gawin iyon ngunit nitong huli lamang siya naging desidido. Marahil ay dala na rin ng pangungumbinsi sa kanya ng mga kaibigan at kakilala niya na kasalukuyang nagtatrabaho at kumikita ngayon ng malaki over seas.
Hindi niya maiwasang magkaroon ng mga agam-agam noong una. Ang dami niyang nababalitaang mga OFW na napapahamak sa kung saan saang lupalop ng bansa, hindi naging maganda ang turing ng mga employers, binu-bully, minamaltrato at iyong ilan pa nga ay umuuwi sa Pilipinas na isang malamig na bangkay na lamang.
Pero naisip niyang walang mangyayari sa buhay niya kung lagi niyang paiiralin ang takot. Malinaw naman na hindi siya aasenso sa kakarampot na kinikita niya bilang isang tindera sa pinapasukan niyang beauty cosmetics shop. Nakapagtapos siya ng two years vocational course na Computer Secretarial pero ang ikinabagsakan niya ay pagiging isang tindera lamang. Hindi naman sa minamaliit niya ang trabaho niya. Marangal iyon ngunit kahit anong gawin kasi niya ay hindi talaga sumasapat ang sinasahod niya sa lahat ng mga pangangailangan niya sa araw-araw. Kulang na kulang.
Kung hindi marahil kay Trixie na kinakapatid niya ay hindi niya mararanasang tumira sa isang matinong tirahan. Isa itong call center agent at magkahati sila nito ng upa sa apartment na iyon na medyo may kamahalan.
Napag-isip isip niyang kung gusto niyang maabot ang maalwang buhay na inaasam niya ay dapat lamang na mag take siya ng risk. Malay niya baka ang hatid noon sa kanya ay malaking suwerte.
Ang dami niyang narinig na nagpayo sa kanya na mas maiging kumilos na siya ngayon pa lang. Samantalahin niya na ang pagkakataon habang bata pa siya, sa edad na twenty six, single, walang nobyo, asawa o anak na maaaring maging sagabal sa pag-alis niya.
Ang mga magulang naman niya na matagal nang annuled ang marriage at parehong may mga sarili nang pamilya ay hindi tumutol nang ipaalam niya sa mga ito ang kanyang plano. Sa katunayan ay ikinatuwa pa nga ng mga ito iyon. Suportado siya ng mga ito sa pasya niyang mangibang bansa.
Hindi pa man siya nakakalipad ay humirit na agad sa kanya ang Mama niya na kung sakaling matuloy ang pag-alis niya sana raw ay matulungan niya ito sa pagtustos ng tuition fee ng dalawang kapatid niya. Sa susunod na taon ay graduating na ng high school ang kapatid niyang si Brenan. Samantalang nasa grade five naman ang bunso nilang si Charmie.
Ang Papa naman niya ay umaasa ring mapapahiram niya ito ng kaunting puhunan para sa binabalak nito at ng stepmother niya na isang maliit na negosyo.
Wala namang problema sa kanya iyon. Willing siyang tulungan ang mga ito. Isa sa main reason niya kung bakit gusto niyang mangibang bansa ay upang matulungan niya ang mga magulang.
Kapag nakapag-ipon na siya ng malaki ay plano niyang makabili ng lupa at makapagpatayo roon ng sarili niyang bahay kung saan malayang tumira ang pamilya niya o kahit ng mga kamag-anakan nila.
Magtatayo rin siya ng isang maliit na negosyo. Isang boutique shop o di kaya ay convenience store ang naisip niya.
Saka niya na aatupagin ang kanyang love life kapag naging maayos na ang lahat sa buhay niya. Noon pa man talaga ay less priority niya na ang bagay na iyon. Kaya nga kahit kailan ay hindi niya sinubukan ang makipag boyfriend. Hindi rin siya mahilig lumadi.
Proud NBSB girl si Rowella. Noong nasa high school siya ay never siyang nag-entertain ng mga manliligaw. Pinanatili niya iyon hanggang college. Ang lahat ng mga lalaking nagpakita ng enteres sa kanya ay denidedma niya. Ganoon din noong makapagtrabaho siya. Ang lahat ng mga co-workers niya na nagpapalipad hangin sa kanya ay puro irap lamang ang natatanggap mula sa kanya. Naging suplada tuloy ang dating niya sa mga ito. Pero mas mabuti na iyon kesa ang paasahin niya ang mga ito sa wala.
Nakaipon na siya ng mahigit sixty thousand sa kanyang ATM account. Plus ay may ten thousand siyang nakatakdang matanggap next week mula sa close friend niya noong high school na si Irene na nakabase sa Canada at nakapag-asawa ng isang Canadian. Hiram iyon at ang usapan nila ay ibabalik niya kapag nakalipad na siya.
Ilang buwan na sahuran na lamang ang hihintayin niya at mabubuo niya na ang halaga ng placement fee na hinihingi ng agency.
Naputol ang pagmumuni muni ni Rowella nang marinig niya ang pagtunog ng message tone sa kanyang cellphone. Dali dali siyang bumangon at dinampot ang cellphone.
May text message siya mula sa kaibigang si Jackie. Kasamahan niya ito sa Tea and Cupcakes, sa dati niyang pinagtatrabahuhan bakeshop and cafe sa loob ng MOA. Bagama't pareho na silang wala roon ngayon ay hindi pa rin naputol ang kanilang kumunikasyon. Nagkikita at lumalabas pa rin sila kapag parehong libre. Partikular na tuwing pay day at nagkayayaan silang mag dinner o mag night out sa kung saan saang lamang na lugar na maisipan nila.
Katulad niya rin itong walang love life.
Two years ago noong nakipaghiwalay si Jackie sa childhood sweetheart nito. Marahil ay hindi pa nakakapag move on kung kaya't hanggang ngayon ay wala pa ring boyfriend. Pero hindi katulad niya na umiiwas sa mga lalaki, ito naman ay open sa pakikipag date.
Napangiti siya nang mabasa ang text nito.
Hey, mars. Nakita ko ang post mo sa kanina sa f*******:. May sulusyon ako diyan sa boredom mo. Tara, labas tayo. Day off ko rin today.
An hour ago ay nagpost siya ng kanyang picture sa kanyang sss account na malungkot at may caption na "I'm so bored".
Treat mo ako? Reply niya sa kaibigan
Hindi, gaga, wala na akong pera. Pinadala kong lahat kay mader sa probinsiya. Pero hindi naman natin kailangang gumastos e. Libre ang pagkain at drinks sa pupuntahan nating party.
Party? Saan?
Tumunog ang ring tone niya. Tumatawag si Jackie. "Hello?"
"Hello, mars. Doon sa condo ng pinsan ko tayo pupunta. Si Albert. Remember him, iyong sumundo sa akin isang beses sa Tea and Cupcakes? Birthday niya kasi. Ang sabi niya ay free raw akong magsama ng kahit sino. Mas masaya raw kasi kung marami."
"Hindi ba nakakahiya? Wala akong gift e."
Malutong na tumawa ito mula sa kabilang linya. "Anong gift? Ako nga na pinsan niya ay walang gift para sa kanya e. Ang tanda na ni Albert para bigyan ng regalo at saka isa pa ay hindi na uso iyon ngayon. Ang mahalaga sa birthday ay may pagkain, inuman at bisita. Huwag mo ng alalahaning pa iyon. Kaya sige na, go, magbihis ka na. Magpaganda ka, ha? Baka may mga cute boys na mga bisita roon at matipuhan ka."
Napaimismid siya. "Pagkain lang ang ipupunta ko roon. Wala akong pakialam kung may mga cute boys na bisita."
"Ay, oo nga pala nakalimutan ko. Wala nga pala sa bokabularyo mo ang makipagharutan sa mga boys dahil hindi mo sila priority. Sorry... Pero magpaganda ka pa rin, ha? Baka kasi maging alangan ka sa akin. Mapagkamalan kang tagabitbit lamang ng tsinelas ko," tila nang-aasar na wika pa ni Jackie.
"Bakit, ano bang susuutin mo, iyong bonggang gown na pang Reyna Elena? Hayaan mo magsusuot ako ng gown na pang Bini bining Pilipinas."
At muli na naman itong tumawa. "Gaga, syempre iyong sakto at naaayon lang sa okasyon ang susuotin ko. Ang ibig kong sabihin ay mag effort ka rin na mag-ayos. Mag make up ka. Magsuot ka ng matinong damit, huwag iyong simpleng blouse at maong lang."
"Okay, fine. Sige, mag-aayos ako para sa ikakapanatag ng loob mo. Saan pala tayo magkikita?"
Nang matapos ang tawag ay napasimangot siya. Kahit kailan talaga ay ang arte ni Jackie. Makikikain lang nga sila sa birthday e, bakit kailangan pang pomorma?
Iyon tuloy kailangan niya pang maghalungkat ng mga damit sa closet niya kung ano ang dapat niyang suotin. Bago iyon naligo muna siya sa banyo. Nakaligo na siya kaninang umaga pero minabuti niyang maligo ulit.
Isang white turtle neck long sleeve top na pinaresan niya ng sequin skirt at black pointed toe ankle booties ang napagpasyahan niyang suotin. Nagamit niya na rin sa wakas ang sapatos na iyon na natanggap niyang regalo mula sa kasamahan niya sa Lovely Essentials na si Aira noong mag kris kringle sila last year. Ang buong akala niya talaga ay aabutin pa ng ilang dekada bago niya maisusuot iyon.
Light lamang ang pinahid niyang make up sa mukha at dahil maikli ang gupit ng buhok niya na maitim ay hinayaan lamang niya iyong nakalugay. Nagsuot rin siya ng hikaw at kuwentas.
"Jackie, nasaan ka na?" Tinawagan niya ang kaibigan nang nasa labas na siya ng kanyang apartment. Alas cuatro trenta'y dos na ng hapon at ayon rito ang party ay mag-uumpisa ng alas cinco. Ang usapan nila ay dadaanan siya nito roon kasama ng isa pa nitong kaibigang binabae na si Mauricious na isang beses ay naipakilala na nito sa kanya noon.
Minabuti raw ni Jackie na isama si Mauricious para hindi na nila kailangan pang magcomute. May sasakyan kasi ang huli. Napakatalino talaga ng kaibigan niya. Siniguro talaga nito na ni isang sentimo ay wala silang pakakawalan na dalawa.
Speaking of the devil ay pinatay nito ang tawag niya at namalayan niya na lang ang isang puting Toyota Vios na huminto sa tapat niya. Bumukas ang bintana sa harapan. Bumungad ang mukha ni Mauricious at ng bruha niyang kaibigan.
"Wow, mukhang sineryoso mo talaga ang bilin ko sa'yo na mag-ayos, ah!" Ang namamanghang bulalas nang mapagmasdan ang get up niya.
"Syempre, nakakahiya naman kasi sa'yo kung isasama mo ako sa party na iyon na mukha akong gusgusin," nakairap niyang sagot rito.
"Infairness, bagay sa'yo. Kinabog mo ang outfit ko. Kung alam ko lang na ganyan ang isusuot mo ay binonggahan ko pa sana ang sa akin." Naka off the shoulder lace mini dress ito na floral red at kumpleto ang isinuot na mga accessories. Naka full make up. Agaw pansin ang dark red matte lipstick na pinahid sa labi. Ang mahabang straight at light brown hair na buhok ay naka bun. Mukha itong modelo tingnan.
"Huwag ka ngang pa-humble diyan. Halata namang mas bongga ang outfit mo compared sa akin."
"Hindi kaya. Mas bongga ang sa'yo dahil naka booties ka."
"Hey, guys. Hindi pa ba tayo aalis? Magchichikahan na lang ba kayo diyan?" Animo'y naiinip na reklamo ni Mauricious sa drivers seat. Ito naman ay hindi rin nagpatalo ng suot. Naka classic fit plaid linen shirt at khaki pants ito. Hindi ito katulad ng ibang binabae na nag-aayos na parang babae.
Malambot lamang ito kung magsalita pero normal na lalaki pa rin ito kung pomorma, pormal kung umasta at matikas ang tindig. Palibhasa ay nagtatrabaho bilang accountant sa bangko kaya kinakailangan talaga nitong panatilihin ang pagiging pormal. Sa isang sulyap sa mukha nito ay maaaring magka crush ang kahit sino mang babae rito. Mestizo kasi ito at malaki ang hawig kay Alden Richard.
Binalingan ito ni Jackie. "Ito naman, masyadong excited umalis. Excited nang rumampa at makakita ng papa. Sige na, mars, sumakay ka na. Naiinip na ang driver natin e."
Tumalima naman agad si Rowella upang buksan ang pintuan sa likuran ng sasakyan kung saan bakante. Pumasok siya at komportableng naupo.
"So now, are you ready guys?" Puno ng energy ang boses na untag ni Jackie sa kanila. "Let's go to party!"
"Yeah, let's party!" Masayang tili ni Mauricious sabay angat at pilantik ng malambot nitong kamay.
"Yes, party, party!" Parang wala naman sa kanyang sarili na segunda ni Rowella. Sumagi sa isipan niya nang mga sandaling iyon na mas mabuti na rin itong sulitin niya ang kanyang natitirang panahon sa Pilipinas upang makapag-enjoy dahil ilang buwan na lang ay lilipad na siya patungong Singapore.
Natitiyak niyang kapag naroon na siya ay magiging tutok na siya sa trabaho at mawawalan na ng panahon upang makapagliwaliw.