Halimaw "P-PASENSIYA ka na, Milencio. May nakuha na pala si Ma'am." Hinging paumanhin ng kaibigan niyang nag-tip sa kanya kahapon na nagtatanggapan daw sa pinapasukan nito. Napabuntunghininga siya. "Wala yata talagang pag-asang makakuha ng marangal na trabaho ang isang tulad kong ex-convict na ang record ay pagnanakaw," bulong niya sa sarili. "Ganoon ba? Sige tol, maraming salamat pa rin, ha?" aniya sa kapitbahay na alam niyang hindi nagsasabi ng totoo. Nang magkausap sila ay marami raw ang kailangang manggagawa ng pabrikang pinapasukan nito. Kaya sinabihan siyang mag-apply. Hindi naman kapani-paniwalang natulog lang sila ay nakakuha na agad ang boss nito ng mga bagong tauhan. Ngunit nagsawalang kibo na lang siya. Nakita naman niya kung gaano ito nahirapan sa ginagawang pakikipag-usap

