PROLOGUE

1269 Words
“Shangrila isn’t true. It existed only in the imagination of James Hilton.” Tandang-tanda pa ni Jewel Sta. Maria, isang graduating nursing student sa Olivarez College sa Tagaytay City ang huling sinabi ng teacher nila sa world literature subject matapos nilang pag-usapan sa klase ang aklat ng novel British author na si James Hilton, ang The Lost Horizon. “Ano ka ba, Jewel. Huwag mong sabihin na naniniwala ka na totoong may isang lupain na katulad ng Shangrila?” Nakataas ang kilay na tanong ni Erika kay Jewel. Nakatambay silang magkakabarkada ngayon sa lobby ng kanilang kolehiyo habang hinihintay ang susunod na klase. Kanina pa natapos ang klase nila sa literature pero parang hindi pa siya maka-move on tungkol sa naging discussion nila. “Oo nga,” susog naman ni Jessica. “Sobrang nagustuhan nitong kaibigan natin ang nobela na iyon kung kaya hanggang ngayon ay hindi pa siya maka-get over.” Napangiti si Jewel sa mga sinabi ng mga kaibigan. Ugali na ng mga ito na tuksuhin siya kapag may mga hindi kapani-paniwalang kuwento silang napag-uusapan lalo na sa klase. Paborito niya kasi ang literature subject lalo na kapag fantasy story ang topic. Gustong-gusto niya ang mga kuwento tungkol sa mga mahihiwagang nilalang diumano sa kabilang dimensyon, gayon din ang mga myth, epic at mga kuwento na may tema ng utopia at dystopia. Pero siyempre, alam niyang kuwento lang ang mga iyon at malayong magkatotoo. Bunga lang ang mga iyon nang malikot na imahinasyon ng mga magagaling na manunulat. Pero sa loob-loob niya ay naniniwala siya na totoong umiiral ang isang lupain na katulad ng Shang-rila. Kumbinsido siya na may isang napakasayang lugar na maaaring hindi pa nararating ng tao kung saan ang mga naninirahan ay halos imortal, mahaba ang buhay, hindi nagkakasakit at mabagal tumanda. Ngunit kung saang panig ng mundo ito matatagpuan ay hindi niya alam. “Let us drop that topic, guys,” nangingiting wika niya upang matigil na ang mga kaibigan sa panunukso sa kaniya. “Ang pag-usapan naman natin ngayon ay ang plano natin sa darating na bakasyon. “Tuloy ba ang pamamasyal natin sa enchanted Binintian river sa Taal lake? Kung tuloy, aba’y dapat ngayon pa lang ay pagplanuhan na natin ang petsa at budget ng lakad natin.” Si Marlon ang agad na sumagot. “Iyong petsa ay okay na. Three days after ng graduation natin. Konti lang naman ang magagastos natin. Mula rito sa Tagaytay ay magbibiyahe tayo papuntang bayan ng Talisay tapos may mga boat for hire sa tabi ng Taal lake. Bale pamasahe sa jeep, pambayad sa bangka at pambili ng pagkain lamang ang kailangan nating paghandaan.” “Pero hindi ba kayo natatakot?” Si Marinella ang nagsalita. Siya ang pinakaduwag sa kanilang magkakabarkada. “Kilala ang Binintian river dahil diumano tinitirahan ito ng iba’t ibang uri ng mga engkanto? Ayon sa mga balita, taon-taon ay kumukuha ang ilog na iyon ng isa sa mga taong naliligo roon.” Inis na sumagot naman si Jayson. “Ano ba, Ella? Hindi ba kaya nga doon tayo pupunta? Para sa kakaibang experience? Saka napag-usapan na natin na gagawin nating memorable ang ating pagtatapos sa kolehiyo, di ba? Malay mo, doon ninyo makilala ang mga prince charming ninyo.” “Excuse me,” lumabi pa si Marinella. “Hindi ko type ang mga kapre, tikbalang at kung anu-ano pa. Baka si Jewel pa,” sabi nito sabay sulyap kay Jewel. Nagkatawanan ang mga kaibigan ni Jewel. Maging siya ay nakitawa na rin. “Ano ba kayo? Bakit ba kapag ganyan ang usapan ay laging ako ang nakikita ninyo?” nakangiting tanong niya. Si Erika ang maagap na sumagot. “Eh, paano naman, ikaw itong napakahilig sa mga kuwentong katatakutan. Baka akala mo ay nakalimutan na namin ang kuwento mo tungkol sa diumano ay di nakikitang nilalang na parang laging nakasubaybay sa iyo mula pa noong bata ka.” “Oo nga,” susog naman ni Ella. “At ang sabi mo pa ay parang napadalas ang pagpaparamdam ng mahiwagang nilalang na iyon sa iyo nang sumapit ang ika-dalawampu’t isang kaarawan mo.” “Hindi kaya nasobrahan ka lamang sa pagbabasa ng mga kuwento tungkol sa mga kababalaghan, Jewel?” Nangingiting tanong naman ni Jayson. Lumabi si Jewel. “Totoo naman iyon, ah. Noong bata pa ako ay natatakot ako sa kanya pero nang magtagal ay nasanay na rin ako. Ang importante ay hindi siya nagpapakita sa akin. Saka feeling ko, inaalagaan niya ako at inilalayo sa kapahamakan.” “Hindi kaya may masamang intensyon iyon sa iyo? Hinintay lang na lumaki ka saka ka niya kukunin para dalhin sa kanilang kaharian?” pananakot naman ni Marlon. “Tse,” asik niya kay Marlon. “Tigilan mo na nga ang pananakot sa akin. At bakit naman niya ako kukunin, aber?” “Malay mo, may koneksyon ka sa kanilang angkan? Hindi ba, ayon sa family tree mo ay descendant ka ng isang magiting na pinuno ng isang tribo na si datu Makdum na nabuhay bago dumating sa Pilipinas ang mga Kastila? At sabi sa mga kuwento, si datu Makdum ay buong tapang na nakipaglaban sa iba’t ibang uri ng mga engkanto kabilang na ang malupit na diyos ng mga ito na si Magaul.” “So, ano’ng konek?” kunwari ay pagtataray niya. “Simple lang. Gusto ka nilang kunin upang paghigantihan,” nangingiting sagot ni Marlon. “Gosh,” tila takot na takot na reaksyon ni Ella. Sumabat na ang kanina pa nakikinig na si Jessica. “Puwede ba? Tigilan na ninyo ang pananakot kay Jewel. Malay naman ninyo, in love lang sa kaibigan natin ang misteryosong nilalang na iyon.” “Ngek! Ganon’n pa rin iyon. Kukunin pa rin niya si Jewel at dadalhin sa kanilang kaharian upang gawing asawa,” over-acting na sabi ni Ella. “Hay naku, tigilan n’yo na nga ako. Puro kayo exaggerated,” nangingiting saway niya sa mga kaibigan. Biglang nagseryoso ng mukha si Jessica. “Seriously speaking, Jewel. Halimbawa ay may nanligaw sa iyo na taga-kabilang dimensyon, magugustuhan mo kaya?” “Bakit naman hindi? Basta ba guwapo, mabait at ipagtatanggol ako?” pabiro niyang tugon pero ang totoo ay sinasakyan lang niya ang mga kaharap. “Sinabi mo iyan, ha?” nag-chorus pa ang kanyang mga kaibigan kasunod ang malakas na tawanan. Sa pagitan ng mga tawa ay nagsalita muli si Marlon. “Akalain mo?” Kaya pala ayaw mong mag-boyfriend ay dahil isang maligno ang hinihintay mo?” Lalong lumakas ang tawanan ng kaniyang mga kaibigan. Naiiling na nakitawa na rin si Jewel. Siyempre, biro lang ang lahat ng pinag-uusapan nila. Pero pagkaraan ng ilang segundo ay natahimik siya at nahulog sa isang malalim na pag-iisip. Paano nga kaya kung sakaling magkatotoo na may isang nilalang mula sa daigdig ng hiwaga at kababalaghan ang ma-in love sa kaniya? Ma-in love din kaya siya kahit taga-kabilang dimensyon ito? Lihim niyang pinagtawanan ang sarili. Imposible ang iniisip niya. Sobrang imposible talaga. Pero ano nga kaya ang ibig sabihin nang madalas na pagpaparamdam sa kanya ng isang hindi nakikitang nilalang nitong mga huling araw? Pakiramdam niya ay laging nakatutok sa kanya ang mga mata nito saan man siya pumunta. She just heaved a sigh. Naisip niya na sa halip na takutin ang sarili ay ipagpapalagay na lamang niya na epekto lang iyon ng sobra niyang pagkahumaling sa mga kuwento tungkol sa kababalaghan at pantasya. At ang lupain na katulad ng Shangri-la? Well, para sa kanya ay iyon ang totoong umiiral at hindi bunga lamang ng kanyang imahinasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD