The Enchanted River

1747 Words
Ala- una ng hapon, araw ng Sabado. Namangha si Jewel sa ganda ng enchanted river sa Mt. Binintian sa Taal, Batangas. Napakalinis at napakalinaw ng tubig na tila ba nag-aanyaya sa kanilang lahat na lumusong dito at magtampisaw. May kakaibang panghalina ito kung kaya agad lumusong dito ang kanyang mga kaibigan maliban sa kanya na minabuting ayusin muna ang mga dala-dala nilang pagkain. Habang abala sa ginagawa ay hindi niya naiwasang balikan ang mga sabi-sabi tungkol sa hiwagang diumano ay bumabalot sa isa sa pitong bundok sa isla na ito na nasa gitna ng Taal lake. Ayon sa urban legend ng Cavite at Batangas, dito daw sa Mt. Binintian daw nakatira ang isang uri ng mga maligno na kung tawagin ay piritay. Katulad ng tao ang itsura ng mga ito maliban lang sa kulay ng balat na matingkad na pula. Mababait daw at palakaibigan ang mga piritay at nakisalamuha ang mga ito sa mga tao noong unang panahon. Ngunit sa hindi malamang dahilan ay bigla silang naging mailap at nagtago sa mga tao. Sang-ayon sa iilang personalidad na pinalad na makarating sa mundo ng mga piritay, ang mga ito daw ay may kamangha-manghang sibilisasyon. Malulusog, masisipag, disiplinado at mabubuti ang bawat mamamayan. May maayos na gobyerno, mabubuting mga pinuno, makatuwirang mga batas, malinis na kapaligiran at saganang pagkain. Wala raw tao na hindi nanaising tumira rito. An ideal place to live. Iyon ang paglalarawan ng mga aklat ukol sa lupain na ito ng mga piritay. Ngunit ayon pa sa mga kuwento ay hindi ganoon kadali ang makapasok sa dimensyon ng mga piritay. Kinakailangan daw ang imbitasyon mula sa isang piritay upang makapasok sa lagusan patungo sa mahiwagang daigdig ng mga ito. Kung kaya sa loob ng mahabang panahon ay nanatiling misteryo para sa mga tao ang lugar na ito sa kabila ng mga sari-saring kuwento ukol dito. Nanatili lamang ito sa kuwento at sabi-sabi na nagpasalin-salin sa bibig ng mga tao. Kung kaya tinawag itong Terra Incognita, o The Lost World or Unknown World. Masayang naligo ang magkakaibigan habang nagkasya na lamang si Jewel na panoorin ang mga ito sa dahilang hindi siya marunong lumangoy. Kuntento siyang nakaupo lang sa pampang habang pinapapak ang cheese sticks na baon nila. Nilibang niya ang sarili sa panonood ng iba’t ibang uri ng mga halaman at bulaklak sa paligid. Nang biglang makarinig siya ng isang sitsit. Tila nagmumula iyon sa likuran niya kung kaya agad siyang lumingon. Ganoon na lang ang gulat niya nang isang guwapo, matangkad at mestisong lalaki ang nakita niya ilang dipa ang layo sa kinaroroonan niya. Elegante at makulay ang suot nito na tila ba sa isang prinsipe mula sa Middle Ages. Agad niyang tiningnan ang mga kaibigan at ang kasama nilang guide kung nakikita ng mga ito ang nakikita niya. Ngunit sa malas ay tila siya lamang ang nakakapansin sa mahiwagang nilalang na ito. Kahit naguguluhan kung paano nagkaroon ng isang tila prinsipe sa gitna ng kagubatan ay hindi niya napigilan ang paghanga sa kakisigan nitong taglay. Nang kinawayan siya nito ay parang may magnet sa pagitan nila na agad siyang lumapit dito. Habang papalapit siya ay lumalapad ang pagkakangiti nito kung kaya mas nabistahan niya ang mapuputi at pantay-pantay nitong mga ngipin. Mapusyaw na kulay bughaw ang mga mata nito. Kulay ginto ang buhok at makinis ang maputing balat. Ganoon pa man, sa kabila ng kakisigan ng misteryosong lalaki ay may kaunting takot pa rin siyang nararamdaman. Pero mas malakas ang panghalina ng lalaking ito kaysa sa pag-aalinlangan sa utak niya. Ilang hakbang na lang ang layo ni Jewel sa estranghero nang di sinasadyang sumabit ang kanyang braso sa nakausling sanga ng isang punongkahoy. Agad na dumaloy ang sariwang dugo mula sa napunit niyang balat. Saglit niyang tiningnan ang munting sugat. Nang masigurong mababaw lang iyon ay muli niyang ibinalik ang mga paningin sa naghihintay na lalaki. Nakita niyang titig na titig din ito sa kanyang dumudugong braso. Napansin din niya ang biglang pagbabago ng kulay ng mata nito mula sa mapusyaw hanggang sa matingkad na bughaw. “Ako si Yurik, isang dalaketnon mula sa kaharian ng dalaket,” pagpapakilala nito nang makalapit siya. Sa tingin niya ay lalong naging mas guwapo ito sa malapitan. Matamis ang ngiti nito. Nangungusap ang mapupungay na mga mata. Ilang ulit niyang ikinurap ang mga paningin sa pag-aakalang nananaginip lamang siya. “Dalaket?” maang na tanong niya. “Ang dalaket ay isang daigdig sa kabilang dimensyon. Maganda, masaya at tahimik dito. Gusto kitang anyayahan sa aking kaharian, magandang binibini,” paliwanag ng lalaki. Titig na titig ito sa kanya na parang sadya siyang inaakit ng magagandang mga mata. May pagdudududa sa tinig ni Jewel nang muli siyang nagsalita. “Ngunit hindi ko alam ang lugar na sinasabi mo. Isa pa, hindi rin kita kilala. Paano ako makakasiguro na magiging ligtas ako sa pagsama sa iyo?” “Isa akong prinsipe, binibini.” Muling ngumiti nang ubod tamis ang lalaki. “Hindi ako gagawa ng anumang bagay na ikahihiya ng maharlika kong angkan. Isa pa ay maituturing mong mapalad ka, sapagkat hindi lahat ng babae ay nagkakaroon ng pribilehiyo na maanyayahan sa lihim naming pamayanan.” “Kung ganoon, maaari bang sabihin mo sa akin kung ano ang dahilan at inaanyayahan mo ako sa iyong daigdig?” Hindi pa rin maalis ang pagdududa sa kanya. “Sasabihin ko kung sasabihin mo muna ang iyong pangalan?” Pilyong ngumiti ang prinsipe. Lalong naging napakaguwapo nito sa mga mata niya. Saglit na nag-alinlangan si Jewel. Ngunit sadyang malakas ang taglay na panghalina ng mga ngiti ni Yurik kung kaya hindi niya ito natanggihan. “Ako si Jewel. Jewel Sta. Maria.” Muling ngumiti si Yurik. May kakaibang kislap ang bughaw nitong mga mata. Saglit siyang nalito kung ano ang ibig sabihin noon. “Napakaganda mo, Jewel. Kanina pa kita pinagmamasdan mula sa malayo at nahalina ako sa taglay mong kagandahan hanggang hindi ko napigilan ang aking sarili na magpakita sa iyo.” Alam ni Jewel na maaaring may ibang mapuntahan ang kanilang pag-uusap kung kaya iniba niya ang kanilang paksa. “Ngayon, ano ang dahilan at inaanyayahan mo akong sumama sa iyong lugar?” “Nabanggit ko na, Jewel. Nahalina ako sa ganda mong taglay, sapat upang lumabas ako mula sa aking pinagkukublihan at magpakita sa iyo na hindi dapat gawin ng isang maharlikang tulad ko. At para sa akin ay hindi sapat ang pagpapakita lamang. Nais kitang isama sa aking daigdig upang lubos mo akong makilala.” “Sigurado kang iyon lang ang dahilan?” may pag-aalinlangang tanong niya. “Oo at wala nang iba,” pagkasabi noon ay inabot ng lalaki ang sariling kamay sa kanya. Ilang saglit lang siyang nag-isip. Nilingon niya ang mga kaibigan sa di kalayuan. Masayang-masaya ang mga ito habang nagtatampisaw sa tubig. Walang kamalay-malay ang mga ito na ng mga sandaling iyon ay tila napapailaliman na siya ng isang gayuma. Wala sa loob na iniabot niya ang kamay sa mahiwagang lalaki. Agad naman nitong hinawakan ang kamay niya at pinisil. Singlamig ng yelo ang palad nito. Napakislot siya ngunit hindi binitawan ni Yurik ang kanyang kamay. Mabilis na naglakbay sa ugat at kalamnan niya ang kakatwang lamig na sapat upang makaramdam siya ng panghihina. At nang hinila na siya nito sa loob ng kagubatan ay wala siyang nagawa kungdi sumama. Hindi alam ni Jewel kung gaano sila katagal naglakad ni Yurik. Pahina nang pahina ang tinig ng kanyang mga kaibigan, palatandaan na palayo na siya nang palayo. Gustuhin man niyang bumalik ay mas malakas pa rin ang panghalina ni Yurik kung kaya sumunod na lamang siya rito. Ang buong akala niya ay wala ng katapusan ang kanilang paglalakad hanggang tumigil sila sa harap ng isang napakalaking puno. Sa sobrang laki ay tila hindi kayang yakapin ng sampung lalaki na magkakahawak-kamay ang katawan nito. Ilang metro din yata ang inaabot ng mahahaba at malalago nitong mga sanga. “Ito ang puno ng dalaket, Jewel. Narito ang lagusan patungo sa aming daigdig, ang Dalaket. Isang malaking karangalan ang isama ka ngayon sa aming kaharian,” sabi ni Yurik nang bahagyang huminto ito sa paglalakad. Hindi pa rin binibitawan ang kanyang kamay. Gumapang ang kilabot sa katawan ni Jewel. Bigla ay gusto niyang humulagpos mula sa pagkakahawak ng lalaki at tumakbo pabalik sa kanyang mga kaibigan. Ngunit sa hindi niya maipaliwanag na dahilan ay wala siyang lakas ng loob na gawin iyon. Para siyang nalulunod sa mga titig ng bughaw nitong mga mata, sapat upang tunawin ang lahat ng pag-aalinlangan sa kanya. Marahang ikinumpas ni Yurik ang kamay sa harap ng malaking puno. Ilang saglit pa at unti-unting nagkaroon ng butas ang katawan ng puno hanggang lumaki iyon sapat upang magkasya ang isang tao. Dahan-dahang hinatak ng prinsipe ang kanyang kamay papasok sa madilim na lagusan. Gusto niyang sumigaw at magwala ngunit mas malakas ang pang-akit ng bughaw nitong mga mata at maririkit na mga ngiti. Sinimulan ni Jewel na ihakbang ang mga paa. Ngayon ay papasok na siya sa isang mahiwagang daigdig na ni sa panaginip ay hindi niya gugustuhing gawin. Kung makakabalik pa siya sa sariling mundo ay hindi niya alam. Nasa loob na ng lagusan si Yurik at hinihintay na lang na ihakbang niya ang kanyang mga paa papasok sa mahiwagang puno. Nang iniangat niya ang isang paa upang ipasok sa lagusan ay isang malakas na kalabog ang nadinig niya malapit sa kanyang likuran. Nang tinangka niyang lingunin ito ay simbilis ng kidlat na may humablot sa kanya mula sa pagkakahawak ni Yurik. Napatili na lang siya nang mula sa lupa ay lumundag nang mataas ang mahiwagang nilalang na kumuha sa kanya upang maabot ang sanga ng isang puno habang yakap siya sa kanyang baywang. At mula sa sanga ng punong iyon ay nagpalipat-lipat sila sa iba pang mga sanga. Halos mapugto ang kanyang hininga habang pinipilit unawain kung ano ang nangyayari at kung sino ang nilalang na ito na umagaw sa kanya mula kay Yurik. Ramdam din niya ang banayad na init na isinisingaw ng katawan nito na kabaligtaran naman ng balat ni Yurik na singlamig ng yelo. Hanggang bumagsak sa lupa ang mahiwagang nilalang na una ang mga paa samantalang ni hindi man lang siya nagalusan. Mukhang iniingatan nito na masaktan siya. Mahilo-hilong iginala niya ang paningin sa paligid. Malapit pa rin sila sa ilog ngunit hindi ito ang lugar na pinag-iwanan niya kanina sa mga kaibigan. Nakaramdaman siya ng takot sa realisasyong tuluyan na siyang napawalay sa mga kasama. Saka pa lang niya naalalang kilalanin ang mahiwagang mandaragit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD