Chapter 1.1 - Their mission Part 1

780 Words
"Bili na kayo mga suki! Mura lang! Pili na! Pili na!" sigaw ng tindera ng gulayan sa palengke. Nabungaran ni Jona ang ina niyang sumisigaw upang magbenta ng mga gulay na inaangkat nito sa palengke ng pamilihan ng bayan ng Marikina. Dumaan lamang siya roon upang ihatid ang tanghalian nito. May iilang mga bumibili rin sa tindahan nila ngunit naroon din naman ang katuwang ng ina niya. Isang may edad na babaeng sinasahuran nila araw-araw. "Ma, tanghalian niyo." Iniabot nito ang thermal bag sa ina. Bumaling ang ina sa kaniya. "Oh, ikaw pala. Papasok ka na?" "Opo. Kumain kayo mamaya at inumin niyo po ang gamot niyo. Sinabi ko naman sa inyo na sa bahay na lang kayo at sapat naman ang kinikita ko." "Ayokong pumirme sa bahay at alam mo naman na mas lalo akong manghihina roon. Sige na at baka ma-late ka na. Marami pa akong customer!" pagtataboy ng ina. "Oh, siya. Kayo ang bahala. Hindi ko na rin kayo pipigilan pa," tumalikod na siya upang bumalik sa nakaparada niyang kotse 'di kalayuan. "Umuwi ka ng maaga!" pahabol nitong sigaw. "Opo!" sigaw niyang tugon. Ilang hakbang lang ay nasa kotse na siya. Nasa gilid lang naman ng kalsada ang kinatatayuan ng kanilang tindahan. Akma na sana niyang bubuksan ang pintuan ng kotse ngunit narinig na lang niya ang pagsisisigaw ng isang ale. "Magnanakaw! Magnanakaw! Ang bag ko! Diyos ko, tulungan niyo ako! Magnanakaw!" mangiyak-ngiyak na hiyaw ng ale. Ang lalaking magnanakaw naman ay mabilis na tumakbo patungo sa direksiyon niya kaya pasimple niyang iniharang ang kanang paa sa daraanan nito. Dahil mabilis ang pagtakbo nito ay napatid ito sa paa niya at sumubsob sa semento. Sa lakas ng impact nito sa kalsada ay gumulong-gulong ang lalaki sa may kariton ng kamatis na tinda ng isang ale. Nagkandahulog-hulog ang mga kamatis at nasira din nito ang kabilang bahagi ng kariton. Mabilis na tumayo ang lalaki at hindi alintana ang natamo nito sa nangyari ngunit inunahan na niya ito. Patakbo niyang hinatak ang suot nitong maruming t-shirt sa likuran saka pinigilan. "Saan ka pupunta?!" gigil na gigil siyang pinigilan ito. Nagpupumiglas ang lalaki ngunit pinatamaan niya itosa may litid ng leeg na siyang pipigil sa daloy ng dugo nito patungo sa katawan. Napaigik ang lalaki. Nawalan ito ng malay kaya mas lalo itong bumigat na siyang dahilan upang mapunit ang damit nito na hawak niya. Napasalampak ito sa kalsada. Naalarma rin siya sa isa pang lalaki na sumugod sa kaniya ngunit nakaiwas naman siya. Ginamit niya ang kaalaman niya sa martial arts. Nakipagbuno siya sa lalaking may kalakihan din ngunit hindi naman siya nagtinag dito. Maraming sipa at suntok ang ginawa niya upang pigilan ang atake ng lalaki. Marami rin ang nadamay na iba pang mga paninda sa gilid ng kalsada at ang mga tao naman ay naghihiyawan habang nakikiusyuso. Kasabay ng pagsipol ng pito ng pulis ay napabagsak niya ang lalaki sa kalsada. Walang malay ito tulad ng isa pang lalaki. Naglakad naman siya upang kunin ang bag na ninakaw nito sa ale kanina saka iniabot niya sa babae. "Ang bag ko! Diyos ko! Salamat, ineng! Napakahusay mo naman!" tuwang-tuwa ito at pinuri siya. "Walang anuman po," tugon niya. Nagsidatingan na rin ang mga pulis saka inaalam ang nangyari. Nakita siya ng mga ito at ang dalawang lalaking nakahandusay sa kalsada. "Chip! Chip! M-mabuti at dumating kayo! Ayan! Iyang dalawang nakahandusay na iyan ang salarin! Mabuti na lang at magaling ang magandang dilag na ito na makipaglaban! Pinatulog niya ang dalawang lalaki!" pagkukukuwento ng ale na nahablutan ng bag. "Tama po, Chip!" sabay-sabay naman ang mga nakiusyuso sa paligid. "Oh, siya. Dalhin ang mga iyan sa presento. Buhay pa ba ang mga iyan?" "Buhay pa," tugon ng isang batang pulis. Lumapit sa kanya ang pulis. "Hija, maaari ka bang imbitahan sa presento upang makapagbigay ng statement?" "Ah—" Nag-alangan siya. Naisip niya ang badge niya na madalas pinapakita sa mga awtoridad. Pasimple niyang kinuha ang manipis na card holder sa bulsa ng pantalon saka pinakita sa pulis. "Sir, may trabaho pa ako. Kayo na ang bahala sa statement ko." "Ah—sige." Napatitig din ito sa pinakita niya. "Wala sa hitsura mo ang—" Bumulong siya. "Ssshh. Nariyan ang nanay ko, Sir Chip." Sabay ngumiti siya. Ginaya niya ang pagtawag ng ale dito na chip. "I understand. Okay, kami na ang bahala rito. Makakaalis ka na." "Thank you, Sir Chip." Sumaludo pa siya saka tumalikod. Hindi na niya hinintay ang lumapit ang ina niya saka mabilis siyang pumasok sa kanyang kotse 'di kalayuan sa pinangyarihang kaguluhan. Pinaandar na niya ito saka nilisan ang palengke upang makaiwas na rin sa komusyon ng mga nakakita roon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD