TANOD'S P.O.V:
LAMAN PA RIN ng aking isipan ang babaeng nakita ko sa balkonahe at para bang nakatatak na iyon sa akin.
Sa dami ng babaeng nakakasalamuha ko araw-araw ay sa kanya lang ako nagkainteres na para bang gusto ko siyang makilala ngunit hindi pwede na basta na lamang akong pumasok sa mansyon lalo na kung hindi naman ako trabahador doon.
Baka pagkamalan pa akong akyat-bahay pag pinilit ko ang sarili ko na muling makita ang babae iyon.
"Ang lalim yata ng iniisip mo, lasing ka na ba?" biglang sambit ni Maxine kaya dumapo sa kanya ang tingin ko at ibinaba ko sa mesa ang baso na hawak ko.
"Wala ngang laman ang utak ko tapos sasabihan mo pa akong malalim ang iniisip?" pabalang na sagot ko sa kanya kaya napangiwi siya sa akin.
"Alam mo, ang sarap mo talagang kausap. Minsan matino ka naman pero minsan may latak ka sa ulo. Dati ka bang baliw?" muling tanong niya kaya napaikot ang aking mga mata sa kanya.
"Bakit ba nandito ka sa mesa ko? Magtrabaho ka na nga."
"Ayun, matapos kitang ilibre, itataboy mo ako?"
"Oy, babayaran ko ito. Anong akala mo sa akin hampas lupa?"
"Hampas lupa ka naman talaga. Wala ka ngang matinong trabaho. Bakit hindi ka na lang pumasok dito at mag-apply bilang dancer? Malay mo maging mabenta lalo ang negosyo namin dahil sa'yo?"
Napangiwi ako. "Hibang ka ba? Wala akong balak na magbenta ng katawan, 'no. Ngayon pa nga lang naglalaway ka na sa akin, paano pa kung ako na mismo ang nasa entablado?"
"Ang yabang mo!"
"Gwapo lang." Pang-aasar ko pa lalo kay Maxine.
"Korni. Bahala ka nga diyan!"
Asar talo talaga si Maxine at mukhang pikon na naman kaya hinayaan ko siyang umalis sa harapan ko.
Ilang taon na rin naman ang lumipas mula nang mapadpad ako sa lugar na ito kung kaya't kilala ko na rin ang mga tao rito. Hinahamak man nila na isa lang akong tambay ngunit wala silang alam sa totoo kong katauhan.
Wala naman akong panahon para ibunyag sa kanila ang buo kong pagkatao dahil kung pera lang din ang pag-uusapan, pwede kong makuha iyon kahit kailan ko gusto.
Legal o ilegal man.
Halos maubos ko na ang laman ng bote na binigay sa akin ni Maxine ngunit hindi man lang ako tinamaan kaya bago pa ako makapag-isip na muling kumuha ng alak ay tumayo na ako sa aking kinauupuan at muling nagpasya na lisanin ang maingay na lugar.
Tinahak ko ulit ang kalsada pauwi sa aking bahay at nang marating ko ito, mabilis akong naghubad ng damit at wala akong itinira kahit isa at pabagsak akong nahiga sa malambot na sofa.
"Tsk, bakit ba hindi mawala sa isip ko ang babaeng nakita ko sa mansyon?" bulong ko sa aking sarili at saka napatitig sa kisame.
Ang bahay na ito ay pagmamay-ari ng Mommy ko at ako lamang ang mag-isang naninirahan. At pitong taon na akong naninirahan dito sa Baryo Xaria kaya halos kilala ko na ang mga tao bukod sa pamilya Xaria na siyang nagmamay-ari sa mansyon.
Ipinikit ko na lamang ang mga mata ko at hinayaan ang aking sarili na gupuin ng antok hanggang sa tuluyan akong makatulog nang hindi alintana ang kahubaran ko.
Hanggang sa magising ako, tanghali na at halos sumisilip na sa bintana ko ang sikat ng araw kung kaya't bumangon ako sa pagkakahiga ko sa sofa at naglakad ako patungo sa kusina para maghilamos.
Napatitig na lamang ako sa repleksyon ko sa lababo at napabuga ng hangin.
"What now Quade Tanod Quillan? Bakit ba kasi Tanod ang pangalan mo? Kulang na lang ay dugtungan ng Barangay, pwede ka nang rumonda!" inis na wika ko sa aking sarili at saka ako umalis mula sa pagkakatitig ko sa lababo at dumiretso ako sa kwarto ko para magbihis.
Isang kupas na t-shirt at jersey shorts ang suot ko. Balak ko kasing magkargador ulit sa palengke para naman may magawa ako at kahit hindi pa ako nag-aalmusal, nilisan ko na ang bahay ko at tinahak ang kalsada patungong palengke.
Habang nasa daan ako, biglang may tumigil na pedi cab sa tabi ko at nakita ko si Mang Lando.
"Tanod, magandang tanghali. Saan ang punta?" usisa nito sa akin habang pinupunasan ang pawis niya sa kanyang mukha.
"Sa palengke sana, Mang Lando. Kumusta ba ang byahe?" balik na tanong ko sa kanya.
"Matumal. Sobrang tirik pa nga ng araw at halos maligo na ako sa pawis," aniya at bakas nga sa kanyang mukha ang pagod.
At dahil wala naman akong gagawin, maigi siguro na akuin ko na lang ang trabaho ni Mang Lando?
"Hmm, wala naman akong gagawin. Ako na lang kaya ang mamasada tapos ikaw ang taga tulak?" offer ko sa kanya.
"Ha? Sigurado ka? Hindi ba't sabi mo ay pupunta ka ng palengke?" balik na tanong niya sa akin.
"Sus, magbubuhat lang ako doon kaya alis na diyan. Doon ka sa loob maupo at ako na ang magmamaneho," pangtataboy ko sa kanya nang makalapit ako kung saan siya nakaupo at wala namang magawa si Mang Lando kundi ang sundin ang gusto ko.
Ganiyan sila sa akin, hindi makatanggi dahil nga makulit ako.
"Sigurado ka ba talaga na balak mong mamasada?" muling usisa ni Mang Lando nang simulan ko nang paandarin ang pedicab na pagmamay-ari niya.
"Alam ni'yo namang wala akong ginagawa sa buhay kaya inaako ko na lang ang trabaho ng iba. Masama bang tumulong?" sambit ko sa kasabay ng aking paa sa pagpadyak.
Mesyo may kabigatan si Mang Lando ngunit kaya naman ng mga paa ko ang bawat pagpadyak ng pedicab niya. Magaan lang sa paa ang kadena, depende na lang talaga sa bigat ng pasahero.
"Kung bakit ba naman kasi hindi ka pa nag-aasawa. Ilang taon ka na nga ulit?"
"Dalawampu't-walong taong gulang ho."
"Ay bata pa. Gusto mo bang ireto kita sa anak ko? Kaso kolehiyo pa lang iyon at dalawampu't-dalawang taong gulang siya. Nasa ikalawang taon pa lang ng kolehiyo."
"Kuh, salamat na lang, Mang Lando. Wala pa sa isip ko ang magkaroon ng asawa."
"Bakit naman? Hindi naman panget ang mukha mo."
"Hindi sa wala akong ibubuga pero wala pa ho talaga iyan sa isip ko at isa pa bata pa ho ako, sabi ninyo."
"Hmp! Kung anak lang kita, baka kung kani-kaninong babae na kita inireto pero desisyon mo naman iyan. Ikaw ang bahala kung kailan mo gustong mag-asawa."
Hindi na lang ako umimik at sinariwa ang hangin na siyang sumasalubong sa amin ngunit maalinsangan nga ang panahon na kahit kalalabas ko lang ng bahay ay pinagpapawisan na ako agad.
Pinuntahan na lang namin ni Mang Lando ang estasyon ng mga pedicab at doon kami tumambay. May mga pasahero naman ako at halos mag-agawan sila sa akin tulad ngayon.
Dalawang babae mula sa bar ni Maxine ang kaharap ko ngayon.
"Tanod, sige na, ihatid mo na kami ni Ari," wika sa akin ni Rose at may panghihipo pa siyang nalalaman habang si Ari naman ay pinisil pa ang pang-upo ko.
"Tsk, hindi ko pa nga kayo naihahatid pero 'yong kamay ni'yo kung saan-saan na nakakarating! Ayun si Diego, bakit hindi kayo magpahatid sa kanya?"
Hinawi ko silang dalawa at saka ako sumakay sa pedicab habang si Mang Lando ay nakatingin lang sa amin.
May apat pang pedicab ang nasa harapan ng pila bago makarating sa amin ngunit sa akin sila lumalapit.
"Amoy anghit naman 'yan si Diego kaya nga sa'yo kami lumalapit kasi bukod sa gwapo ka na, mabango at masarap ka pa." Pambobola ni Rose sa akin.
"Dapat ba akong maniwala diyan kung halos naging eksperto na kayo kung paano mag-aya ng customer sa bar."
Humagikhik ng tawa si Rose at Ari at hinampas pa nila ang braso ko na may kasamang pagpisil.
"Kuhang-kuha mo talaga ang trabaho namin, ah? Sige na, ihatid mo na kami kasama ni Mang Lando. Bigyan kita ng tip."
"Oo nga, Tanod. Minsan ka lang namin makita rito, masama bang humiling sa'yo na ihatid kami sa bar kahit isang beses lang?" pangungonsensya nan ni Ari.
"Aish, sumakay na nga kayo. Ang dami ni'yong alam!" pagsuko ko na lamang at saka umayos ng pwesto sa manibela at masaya namang sumakay ang dalawa habang si Mang Lando ay pumwesto naman sa likuran.
"Kayo talagang mga babae oo. Gagawa na paraan para mapansin ni Tanod," bubulong-bulong na wika ni Mang Lando kaya nilingon siya ni Rose.
"Naman, Mang Lando. Sa ganiyang mukha ba naman ni Tanod na ubod ng gwapo sa tingin mo hindi kami mabibihag?"
"Oo nga, Mang Lando."
"Bakit, ang mukha ko ba walang panama kay Tanod para mabaliw kayo ng ganyan?"
Bahagya akong natawa sa pakikipagsagutan ni Mang Lando. Mukha siyang bagets sa part na iyon.
"Duh? Mang Lando, laos ka na."
"True!"
"Loko talaga kayong mga bata kayo."
Napailing na lang ako at saka tahimik na pinadyak ang mga paa ko hanggang sa marating namin ang bar at hinatid ang dalawa.