CLAIM 4: 😳🫢😱

1290 Words
TANOD'S P.O.V: "BAKIT NGA BA hindi pa pinapasara ang bahay aliwan ni Maxine at Massimo?" tanong ni Mang Lando habang pabalik na kami sa lugar kung saan sila pumipilang mga pedicab drivers. "Mang Lando, alam ni'yo namang malakas ang kapit ng mag-asawang iyon at isa pa malaki ang perang ipinapasok nila sa bayan. Swerte na lang ng Baryo Xaria dahil wala sila doon," wika ko sa kanya. Huminto muna ako sandali sa pagpapadyak sa isang tabi at mabilis na hinubad ang suot kong damit na ngayon ay basa na ng pawis. Isinampay ko 'yon sa aking balikat at saka muling pinaandar ang pedicab. "Sabagay, hindi naman nakakasagabal ang negosyo sa pamumuhay natin dahil mas mabenta sila rito sa bayan kaysa sa Baryo Xaria," pagsang-ayon niya sa aking tinuran. "Siya nga pala, nabalitaan mo na ba ang tungkol sa mansyon?" "Anong mayroon?" patay-malisyang tanong ko. Ayaw ko na sanang isipin pa ang tungkol sa babaeng nakita ko ngunit mukhang kalat na talaga sa baryo ang pagdating ng anak ng pamilya Xaria. "Hmm, naikuwento kasi sa akin ng asawa ko na si Lucy na dumating nga ang anak ng pamilya Xaria ngunit hindi naman ito nagsasalita. Tanging pagtango at iling lamang ang ginagawa nito kapag may tinatanong si Lucy at nahihirapan silang pagsilbihan ito habang nasa mansyon." Si Mang Lando at Aleng Lucy ang mga magulang ni Alfred at si Aleng Lucy ay nagtatrabaho bilang kasambahay sa mansyon ng mga Xaria. "Hindi ba't sa Espanya sila naninirahan? Baka walang alam na salitang wikang Filipino ang kung sino mang anak ng mga Xaria," komento ko naman at tuluyan na kaming nakabalik sa pila ngunit nanatili kami ni Mang Lando sa pedicab niya at nagpatuloy sa pagkukwentuhan. "Xochitl Xaria nga raw ang pangalan ng anak ng Don at Donya. Ang sabi sa akin ni Lucy, napakagandang babae raw non na para bang isa siyang Dyosa na bumaba sa lupa ngunit ang kanyang mga mata ay may bahid ng lungkot. Nasa loob lamang ito ng kanyang silid at hindi lumalabas kung hindi kinakailangan." Ipinatong ko ang aking paa sa bakal ng pedicab at saka ako pumangalumbaba habang nasa balikat ko ang t-shirt na hinubad ko kanina. "Lahat naman ng tao ay nakakaramdam ng lungkot. Kaya siguro umuwi si Xochitl rito ay para maibsan ang kung ano mang dinadala niya sa buhay." "Gusto nga sanang usisain ni Lucy ngunit hindi nga nagsasalita kaya hinahayaan na lang nila dahil siya pa rin naman ang amo at mga kasambahay lang sila." Natahimik na lamang ako at hindi na nagsalita pa. Ibig sabihin, hindi nga imahinasyon ang nakita ko kagabi at totoong tao ang babaeng nasilayan ko sa balkonahe. Sumapit na ang takip-silim, nagpasya na akong umuwi ng bahay at hinayaan si Mang Lando sa pamamasada. Tuwang-tuwa siya dahil umabot ng limang daan ang pamamasada namin sa maikling oras lang. Gusto niya pa sana akong hatian ngunit tumanggi na ako dahil kusang loob naman ang pagtulong ko at wala akong hinihinging kapalit. Naligo na lamang ako at naglinis ng katawan at makalipas lamang ang ilang minuto, lumabas ako ng banyo na tanging tuwalya lamang ang nakatabing sa ibabang parte ng sking katawan at agad na nangunot ang aking noo nang marinig ang pagtunog ng aking telepono. Lumapit ako sa aking kama at kinuha ang maliit na aparatong iyon at napabuga ako ng hangin nang makita ang pangalan ng aking ama. Agad kong pinindot ang answer button at saka ito inilagay sa loud speaker at umupo ako sa gilid ng kama habang hawak-hawak ang cellphone ko gamit ang isa kong kamay. "Quade?" tawag sa akin ng aking ama. "Anong kailangan mo?" tinatamad na tanong ko sa kanya. "Kailan mo ba balak umuwi ng Maynila? Nalulugi na ang negosyo natin." Napabuga ako ng hangin. "Negosyo mo lang, Dad. Hindi ako kasama sa buhay na gusto mo at isa pa wala akong balak na umuwi." "Anak, please, kailangan kita rito. Nasaan ka bang lupalop at pupuntahan kita. Hindi ko na alam ang gagawin ko para maisalba ang negosyo natin." Tumayo ako mula sa aking kinauupuan at naglakad patungo sa bintana at tinanaw ang labas ngunit may nakita akong hindi kaaya-aya sa bintana ng kapit-bahay. "Sana naisip mong may anak ka bago ka gumawa ng kalokohan. Pinili mo naman ang bago mong pamilya kaysa sa akin, hindi ba? Bakit hindi ka humingi ng tulong sa kanila o baka naman nilustay na ng nilustay ng kabit mo ang perang pinaghirapan mo habang ako ay humihinga na lang rito sa mundo at nag-aabang ng suporta mo?" "Anak--" "Dad, kalimutan mo na lang ako kasi ginawa mo rin naman 'yan, di ba? Kinalimutan mo na may isang Quade Tanod Quillan na kadugo mo dahil diyan sa kabit mo." Hindi nakaimik ang aking ama sa kabilang linya at hindi ko na siya binigyan pa ng pagkakataon na muli akong kumbinsihin na umuwi ng Maynila. Pinatay ko na ang tawag kasama ang cellphone ko at mabilis kong isinara ang kurtina ng bintana ko dahil nakita ko ang kapit-bahay kong si Binggoy at Hannah na gumagawa ng kababalaghan gayong kakasapit pa lamang ng takip silim. Lalaki rin naman ako at may pangangailangan ngunit ang ganoong uri ng senaryo ay hindi nakakapagpataas ng libido ko sa katawan. Ibinalik ko na lamang sa ibabaw ng kama ang aking cellphone at saka ako naglakad patungo sa cabinet ko at naghanap ng kupas na t-shirt na kulay asul at pantalon na maong. Nagbihis lang ako at saka ako muling lumabas ng kwarto at tinungo ang sala at doon ako tumambay pansamantala. Tatawag lang sa akin ang magaling kong ama para kumbinsihin ako ng bumalik ng Maynila at tulungan siya sa kanyang negosyo na wala naman akong koneksyon. Kasalanan niya kung bakit ako napadpad dito sa baryo Xaria at hindi niya alam na dito ako sa probinsiya ni Mommy umuwi. Mula nang mamatay si Mommy dahil sa pambababae ni Daddy, kinalimutan ko na may ama ako. Oo, kinakausap ko siya kung kailan ko gusto ngunit nawala na ang respeto ko sa kanya bilang ama ko. Hindi siya nararapat na tawaging ama ng isang Quade Tanod Quillan. Hanggang sa hindi ko namalayang lumalalim na ang gabi, napatingin ako sa wall clock at alas dyes na pala. Ang bilis talaga ng oras kapag malalim ang iniisip ko at dahil hindi pa naman ako inaantok, lumabas muna ako ng bahay at pansamantalang maglakad-lakad ngunit dinala ako ng mga paa ko sa harapan ng mansyon. Muli kong nasilayan ang babae sa balkonahe at katulad nang pagkakakita ko sa kanya, nakasuot ito ng manipis na pantuloy na yumayakap sa kanyang katawan at wala siyang suot na pang-loob. Tila ba nagliliwanag siya sa ilalim ng sinag ng buwan dahil sa maputi nitong balat. Nagtago ako sa likod ng puno na malapit sa hacienda at muling sinilip ang babae at sa ikalawang pagkakataon ay nanatili na siya doon. Tila nakatanaw ito sa malayo at malalim ang iniisip at bakas sa kanyang mukha ang lungkot habang ang buhok nito ay nililipad ng hangin. "Xochitl..." wala sa sariling sambit ko at biglang gumalaw ang ulo ng babae at nagtama ang tingin naming dalawa at para akong timang na nagtago sa likod ng puno. Napahawak ako sa dibdib ko dahil sa kaba na aking nararamdaman at baka nakita niya akong tinititigan ko siya. Muli akong sumilip ngunit wala na siya doon kaya napabuga ako hangin at sumandal sa puno na para bang gusto kong iuntog ang aking ulo. "Quade, mukha kang binatilyo na pasikretong minamasdan ang babaeng hinahangaan niya!" sermon ko sa aking sarili. Nang magtama kasi ang mga mata namin ay nakaramdam ako ng kakaiba sa aking puso na para bang nangungulila ako sa kanya. Isang pakiramdam na ngayon lamang gumapang sa buong sistema ko. Paghanga ba ito o pag-ibig? Hindi ko alam.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD