CHAPTER 2

1581 Words
Pagkatapos ibalita ni Paula sa lahat ng kaklase namin na sila na ni Eugene, pinagtitinginan nila ako. Okay lang sana kung kinantyawan nila ako pero hindi, eh. Tahimik lang sila at parang naawa pa nga sa akin. As if! Napansin ko ang mahigpit na pagkapit ni Paula sa braso ni Eugene, na tila, ipinagsisigawan niya sa lahat na pag-aari niya si Eugene. Bigla akong tumayo at hinarap ang lahat. "At bakit ganyan kayo makatingin sa akin?"bwelta ko sa aking mga kaklase. Natahimik ang buong silid. Walang gustong sumagot sa diretsahan kong tanong. Hindi pa ba sila nasanay sa akin? Kaya nga nila nalaman na crush ko si Eugene dahil wala naman akong itinatago sa kanilang lahat.  "K-kasi, harap-harapan ka nang binabastos ni Paula." Tinaasan ko ng kilay ang babaeng nagsasalita na naupo malapit sa upuan ni Paula. "Ahhh...pasensya ka na Cathy ha, hindi kasi kita maintindihan. Sa anong paraan ba ako binabastos ni Paula?" "Hindi ba malaki ang pagkakagusto mo kay Eugene?" bilib din talaga kay Cathy pagdating sa pagiging clueless.  Simula noong first year pa lang kami ni Paula, may kumpetensya nang namamagitan sa aming dalawa. Mula sa pagiging top one sa klase, at padamihan ng kaibigan. "Ah..ganun ba yon." Tiningnan ko si Eugene. Nakayuko lang ito na parang aliping pinag-aagawan kung sino ang may kayang bumili nito. Matalino pa naman sana si Eugene, bakit hindi nito ginamit ang utak at nagpaloko lang kay Paula? "Naku, pasensya na ha kung hindi kayo updated sa mga pangyayari sa buhay ko. Yes, tama kayo. Minsan, ay naging crush ko si Eugene pero matagal na yon. Noong elementary days pa lang namin. Kumbaga, kupas na at nag-move on na po ako." I lied, syempre, para hindi naman magmukhang tanga, no! Ano sila, sinuswerte? "Ano?" kumunot ang noo ni Paula habang tinatanong ako, ganunpaman, hindi pa rin nabawasan ang angkin nitong kagandahan. Sus, kung hindi lang siguro kasalanan na kalmutin ko ang kanyang pagmumukha, matagal ko na sanang ginawa 'yon. "Ang sabi ko, matagal nang hindi si Eugene ang aking crush. Kayo lang naman itong gumagawa ng sarili  ninyong kwento. Daig nyo pa ang Nanay ko sa dami ninyong alam sa aking buhay!" Mukhang naimbyerna yata si Paula sa aking sagot dahil dinidilatan niya ako, ngumiwi lang ako.  "Sinungaling!" giit ni Paula sa akin.   Nagpanting ang aking taynga sa biglang pagsigaw ni Paula. "At ako pa ngayon ang sinungaling sa ating dalawa? Mahiya ka nga sa mga pinagsasabi mo, Paula." "Alam kong nagsisinungaling ka lang, Ana. Lahat tayo ay may mga crush at alam nating pareho na si Eugene ang crush mo!" Ipinagpilitan talaga ng babae ang paniniwala nito kahit itinanggi ko na ng ilang beses. "Hindi ko alam kong matalino ka ba talaga o bingi. Hindi mo ba narinig ang sinabi ko? Matagal nang hindi si Eugene ang nagustuhan ko dito sa school natin. Bawal bang pumasok ng sabay ang magkapitbahay? Isa pa, si Omar naman talaga ang crush ko!"  At sa isang iglap, napatingin ang lahat sa lalaki na aking idinawit. Si Omar na walang malay. Literally, walang malay dahil tulog. Tuwing dumarating ito sa aming silid-aralan, kaagad itong matutulog. Ginigising lang nila ito tuwing tanghalian at uwian. Sa madaling salita, ang lalaking ipinakilala ko bilang bagong crush ay walang iba kundi ang pinakawalang kwentang mag-aaral sa Saint Augustine. "Infairness bagay kayong dalawa ni Omar," bigla na lang ay nag-iba na ang tono ni Paula. Ngumiti pa ito bago muling naupo sa kanyang upuan. "Thanks, Paula. Kayo rin naman ni Eugene, bagay na bagay." Madali lang naman palang mag-move on. Kailangan lang palitan ang isang bagay o tao na nawala sayo. Simple.  At si Eugene? Naging parte na lang siya sa history ng aking buhay pag-ibig.  Si Omar? Wala akong panahon na problemahin ang barumbadong 'yon. Pwede ko namang bawiin ang sinabi ko kanina sa susunod na araw o sa susunod na linggo. Wala namang batas na nagbabawal magpalit ng crush, di ba? Akala ko ay tapos na ang palabas namin ni Paula. Hindi pa pala. Nilapitan nito si Omar at ginising. Grabe talaga ang lalaking 'yon. Parang nasa bahay lang. Matapos mag- stretching at pinunasan ang laway sa gilid ng bibig nito, saka hinarap si Paula. "Hello beautiful, nasa langit na ba ako?" sabi nito sa namamaos na boses na animo'y bagong gising talaga sa umaga.Kawawa talaga ang mga magulang ni Omar, sa totoo lang. Ano kaya ang mga kasalanan nito at biniyayaan ng isang katulad ni Omar? Dios mio. "Unfortunately, wala pa. Pero doon ka rin naman pupunta." sagot ni Paula. "Really?"  Char, may pa english-english pang nalalaman itong si Omar! "Yes. Dapat nga ay magdiwang ka pa, kasi ikaw na ang bagong crush ni Ana. O bakit ganyan ka makatingin sa akin? Don't tell me na hindi mo type ang top one sa klase natin?" Malisyoso ang istilo ng pagtatanong ni Paula kay Omar at hindi ko nagustuhan 'yon. Para kasing ipinamukha nito sa lahat na hindi ako magugustuhan ng lalaki, at mas maganda siya kaysa sa akin. "Actually, type na type ko siya. Hi Ana, sabay tayong mag-lunch mamaya, okey?" Sabi ni Omar, na ikinagulat ni Paula.  Nagulat din naman ako sa sinabi niya. Agad-agad? Aba at ang animal na si Omar ay parang nag-eenjoy pa sa mga kaganapan. Naghihiyawan ang aking mga kaklase nang kumindat si Omar sa akin bago natulog muli.  Sana ay bangungutin ka, bwesit! Babalikan ko pa sana si Paula ngunit biglang dumating ang aming guro. At sa tingin ko, mukhang wala sa mood si Mrs. Yan. Nakasimangot, eh. At nagpang-abot ang kilay. Mas lalo itong tumanda tingnan sa suot nitong eyeglasses with matching hairdo na pang-1960's ang dating. "Good morning, students." "Good morning, Mrs. Yan." sabay-sabay kaming bumati sa kanya. "Malalaman ko mamaya sa resulta ng exam kung talagang maganda ang morning ninyo! Aba'y, hindi pa nga nagsisimula ang first subject, gumawa na naman kayo ng gulo!" Aray! Natitiyak kong may nakapagsumbong sa Prinsipal ng paaralan tungkol sa sigawang naganap sa aming klasrom. Kaya siguro uminit ang ulo ni Mrs. Yan dahil pinagsabihan na naman ito ni Prinsipal. Kapag ganito ang mood ni Ma'am, sinisigurado naming nakatikom ang aming bibig at hindi mag-iingay. Konting pagkakamali lang, siguradong pahihirapan kami sa test na ibibigay.  Dahan-dahan kong binuksan ang aking bag, kinuha ang papel at ballpen, at saka ibinalik sa guro ang aking atensyon. Ganun din ang aking mga kaklase. Nang magsimula ang exam, pansamantala kong nakalimutan ang tungkol kay Omar at nag-concentrate sa pagsusulat ng aking mga sagot. Pero kahit anong gawin kong pag-focus, nahagip pa rin ng aking mga mata ang natutulog na lalake sa bandang dulo na nasa  kabilang row. Pinagalitan ko ang aking sarili dahil hindi maaari na pagtutuunan ko ng pansin ang walang-kwentang kaklase. Nasa fourth year na ako at kailangan kong makakuha ng magagandang grades. Iyon ang magiging ticket ko sa college. Sa hirap ng aming pamumuhay, imposible na kakayanin namin ang aking pag-aaral sa unibersidad. Kaya, kinakailangan kong manguna sa klase upang makakuha ng scholarship sa kursong gusto kong kunin. Dahil sa aking mga layunin, pansamantala kong nakalimutan ang nangyari kaninang umaga. Hindi ko man lang namalayan na malapit nang mag-lunch break. Kinse minutos na lang at tutunog na ang kampanilya mula sa prinsipal's office. Sinimulan ko na ang pagliligpit ng aking mga gamit upang hindi na ako ma-delay sa pag-uwi sa amin. Araw-araw ay sa bahay ako kakain ng lunch. Nahihiya kasi akong kumain sa karinderya, doon sa lungsod namin, dahil maraming tao at siksikan. Mabuti pa sa amin at siguradong bagong luto ang kanin at mainit ang sabaw ng utan bisaya na kadalasan ay siyang ulam namin sa tanghalian. At syempre, hindi kumpleto ang kainan kung walang pritong daing sa mesa. Ding!Dong!Ding!Dong! Ayun, uwian na. Una nang nagpaalam ang guro namin sa last subject at sumunod na rin kaming mga mag-aaral. Pagtingin ko sa main gate, grabe, as in nagkakagulo ang mga estudyante na gustong makalabas agad. Kailangan pang pumila. Pinili kong doon na lang sa back gate dumaan, malapit sa kantena. May alam akong shortcut galing back-gate papunta sa amin. Binilisan ko ang aking paglalakad upang makarating kaagad ako sa bahay. Gutom na kasi ako, eh. "Ana!" Nilingon ko ang tumawag sa akin at hindi ako makapaniwala sa aking nakita. Si Omar. Ano naman kaya ang sadya nito sa akin ngayon? Pambihira talaga, o. Kung kailan nagmamadali ako, saka pa nito naisipang mang-istorbo. "Omar, ikaw pala. Bakit?" Tinanong ko siya. "Sabi ko sayo kanina na sabay tayong mag-lunch ngayon." Automatic na tumaas ang aking isang kilay dahil sa sinabi nito. "Ah.. some other time na lang siguro. Sa amin kasi ako mananghalian ngayon, hinihintay nila ako sa bahay." sabi ko sa kanya which is totoo naman. "Sa inyo? At maglalakad ka lang?" Kumunot ang noo nito na parang hindi makapaniwala sa sinabi ko sa kanya.  "Bawal ba ang maglakad?" "Hindi naman sa ganun. Kaya lang, medyo malayo ang bahay ninyo." "Sanay na ako. Mamaya na lang tayo mag-usap, okey? Kailangan ko na talagang makauwi." Dahil nag-aalburuto na ang aking mga bituka. Mamaya, kakausapin ko ang lalaki tungkol sa nangyari kaninang umaga. Baka maniwala pa itong may crush nga ako sa kanya, mahirap na! "Hmm, mabuti pa ay ihahatid na lang kita sa inyo. At doon na lang din siguro ako kakain. Halika na, umangkas ka na sa motorsiklo ko."  "Ano? Nababaliw ka na ba? Gusto mo bang atakihin sa puso ang ama ko dahil nagdadala ako ng lalaki sa bahay?"Tiningnan ko ang oras mula sa suot na relo. Kinse minutos na ang nasayang.  "So? Halika na sabi, at gutom na rin ako."  Nang marinig kong kumulo ang kanyang sikmura, pati ang sikmura ko, hindi na ako nagpakipot pa. "Sige na nga." Waley, sadyang may pagka-marupok itong damdamin ko, paminsan-minsan, at hindi naman pangit si Omar eh, ang pogi kaya! Iyon nga lang, walang kwenta!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD