PUMASOK si Khal sa loob ng bahay. Napaangat ang tingin ni Orah sa binatang kararating lang. Nagpaalam ito kanina na lalabas sandali, ngunit hindi na niya inusisa kung saan pupunta.
"Para sa'yo..." saad ni Khal sabay lapag ng tatlong piraso ng pulang rosas sa lamesa.
Kaagad napatunghay si Orah, bakas ang pagtataka sa kanyang mukha na ang mata niya'y nasa mga bulaklak. "P-Para saan 'tong mga bulaklak?"
"Para sa'yo..." inulit lamang ni Khal, walang pag-aalinlangan sa tono.
Napatango- tango si Orah, saka niya naihilig ang ulo habang nakatitig sa binata. Tila nagtatanong ang kanyang mga tingin.
"Yes, sinabi mo na 'yon kanina. Pero ang tanong ko, para saan nga ang mga bulaklak?" Kunot ang noo niyang tanong.
"Di ba, sinabi ko kanina na liligawan kita? Eto na— ginagawa ko na. Gusto kong patunayan sa'yo na alam ko ang mga sinabi ko kahit na lasing ako habang nagpapaalam sayong manliligaw," sagot ni Khal. "Orah, minsan lang ako magseryoso sa isang babae. Kung ayaw mo sa akin, diretsuhin mo na lang ako."
Saglit na napipilan si Orah, hindi alam kung ano ang itutugon sa binata.
Sa halip na tanggapin ang mga bulaklak na inabot ni Khal, tumayo si Orah at tinalikuran ito.
"Iiwasan mo na naman ako? Ganyan ka ba talaga? Bakit hindi mo ako harapin, Orah? Sabihin mo, 'wag mo na lang basta akong tatalikuran!" Tumataas na ang boses ni Khal, halatang hindi na niya kayang itago ang bigat ng damdamin. Ramdam niya ang malamig na pakikitungo ni Orah. Ni hindi na nga siya tinatawag na 'kuya'.
Humakbang si Orah palayo.
"Zipporah Burton! Mahal kita! Mahal na mahal kita! 'Wag mo naman akong pahirapan ng ganito!" Sigaw niya, ngunit nanatiling nakatalikod si Orah, tahimik at walang kagalaw-galaw.
"Alam kong mahirap tanggapin ang katulad ko. Hindi ako nababagay sa'yo. Ang layo ng edad natin sa isa't isa at pati sa estado ng buhay mo, ang layo- layo natin. Pero tunay ang nararamdaman ko para sa'yo. Ako lang si Khaldiag Mangahas. Hindi ako kasing-yaman o kasing-gwapo ng ex mo, pero mahal kita. Uulitin ko, mahal na mahal kita." Patuloy na saad ni Khal, bakas ang hinanakit sa bawat salita.
Mariing napapikit si Orah, kagat- kagat ang pang-ibabang labi habang pilit na pinipigilang lingunin si Khal. Ramdam niya ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib na parang gusto nang sumabog. Pilit niyang tinatago ang sumisigaw niyang damdamin. Napahaplos siya sa kanyang tiyan, sinusubukang pakalmahin ang kirot na unti- unting lumalakas, at napasinghap.
"Ahh..." mahina niyang daing, sabay kuyom sa kanyang palad.
"Orah, ayos ka lang ba?" tanong ni Khal, halata ang pag-aalala sa boses habang pinagmamasdan ang tila paninigas ng dalaga.
"A-Ahh! Hindi ko na kaya… Manganganak na ata ako, K-Khal!" pasigaw na sagot ni Orah, napayuko siya dahil sa sakit na bumalot sa kanyang tiyan.
Nanlaki ang mga mata ni Khal. Mabilis niya itong nilapitan at marahang hinawakan sa braso.
"Ha? Manganganak? Paano?!" Natataranta niyang tanong.
"Sinabi ko na, 'di ba?! Manganganak na ako! Ang sakit ng tiyan ko! Dalhin mo na ako sa ospital!" Mga sigaw ni Orah, napasapo pa sa noo at halata ang inis. Namimilipit na nga siya sa sakit, hindi pa rin makuha ni Khal na manganganak na siya.
Biglang natauhan si Khal at tila binuhusan ng malamig na tubig. "M-Manganganak ka na?" tanong niya na halos hindi makapaniwala.
Masamang tiningnan lang siya ni Orah bago umiwas ng tingin. Pero nagulat siya nang bigla siyang buhatin ni Khal ng walang pasabi. Napahawak siya sa leeg nito, at sa gitna ng sakit, napansin niya ang pag-aalala at kaba sa mukha ng binata.
Mabilis na lumabas si Khal, naihabilin muna ang ina kay Aling Maria, na may ari ng tindahan sa tapat ng bahay nila. Pagkatapos ay isinakay niya si Orah sa tricycle at pinaharurot ito palayo, papunta sa ospital.
Panaka-naka’y sumisilip si Khal kay Orah sa loob ng tricycle niya, halata ang kaba sa mukha niya. "Pigilan mo munang lumabas si baby!" halos pasigaw niyang sabi, habang nagmamaneho na nanginginig pa ang kamay. Ramdam niya ang pawis na dumadaloy sa kanyang noo, pati ang nanlalamig niyang katawan.
Si Orah naman ay napapikit, pilit na iniinda ang kirot. "Mag-drive ka na nga lang d'yan! Dahan- dahanin mo naman! Baka tatlo pa tayong magpaospital dito!" bulyaw niya, kahit halata ang pagod sa boses.
"Diyos ko, ganito pala ang pakiramdam ng nanganganak na ang misis mo," bulalas ni Khal, sabay mabilis na lingon kay Orah.
Bahagya namang napangiti si Orah sa kabila ng sakit na nararamdaman. "Khal, mag-focus ka na lang sa pagda-drive. Huwag kang nenerbiyusin, baka lalo tayong madisgrasya!" Singhal niya, pero hindi napigilan ang mahinang tawa sa reaksyon ng binata.
Pagdating sa ospital, binuhat pa rin ni Khal si Orah papasok. Agad siyang lumapit sa reception, pawis na pawis at mukhang mas stress pa kaysa kay Orah.
"Kailangan niya nang manganak, miss! Emergency na 'to!" halos pasigaw na sabi ni Khal sa nurse.
Tumingin ang nurse sa kanila at kalmadong sumagot, "Sir, maternity ward po sa kabila."
"Ha? Akala ko ba ito na ‘yon?!" tarantang tanong ni Khal habang panay ang lingon sa paligid.
"Okay lang po, sir. Relax lang. I-call ko si Doc. First time niyo po ba?" Kaswal na tanong ng nurse.
"First time na magdala ng manganganak! Pero feeling ko, ako rin ang manganganak dito. Bilisan mo na, pakitawag ang doktor!" Sagot ni Khal na tila hiningal sa sobrang pagkataranta. Nangiti ang nurse sa kanyang tinuran.
"Hoy! Ako kaya ang manganganak, bakit parang ikaw ang mas natataranta?" Sabat ni Orah habang nilalabanan ang sakit. Nagngingitian pa ang dalawa sa kanyang harapan habang siya'y hirap na hirap na.
Sabay na napalingon ang nurse at si Khal sa kanya.
Dinala si Orah sa isang wheelchair. Habang tinutulak ito ng nurse, panay ang takbo ni Khal sa tabi ni Orah, parang coach sa isang basketball game. "Kaya mo 'yan, Orah! Huminga ka nang malalim! Push mo lang!"
"Khal, huwag kang mas maingay pa sa mga doktor!" Singhal ni Orah sabay irap.
Habang hinihintay si Doc, panay naman ang lakad ni Khal pabalik- balik sa loob ng maternity room. Napatigil siya nang may pumasok na lalaking naka-puti.
"Nasaan ang pasyente?" tanong ng doktor.
"Doc, ito po siya.. manganganak na po siya." Si Khal na ang sumagot.
Napatingin ang doktor kay Orah na nakahiga sa bed saka muling napabaling sa kanya. "Eh, sino ka? Ikaw ba ang mister ng pasyente?"
Alanganing tumingin si Khal kay Orah nanghihingi ng permiso ang mga tingin niya. Napatingin siya sa doktor.
"O-Oho..." Tila nasamid siya sa kanyang sinagot. Alam naman niyang nagsisinungaling siya. Ni-reject na nga kaagad siya ni Orah. Pagkatapos magpapanggap pa siyang asawa.
Tinapik ng doktor si Khal sa balikat at pinuntahan ang nurse saka kinausap. Nagpapasalamat siya na hindi nagreklamo si Orah sa kanyang sagot sa doktor.
Sa loob ng delivery room, hindi mapakali si Khal. Iniisip pa rin niya kung tama ba na kasama siya sa loob habang nanganganak si Orah.
"Mr. Khal, pwede po kayong mag-stay sa tabi niya at hawakan ang kamay ni misis," giit ng doktor.
Nag-aalalangan man si Khal pero kaagad ding sumunod. Mahigpit niyang hinawakan ang kamay ni Orah. Yumukod siya para bumulong. "Andito lang ako sa tabi mo. Hindi kita iiwan. 'Di ko kayo iiwanan ni baby."
Pinilit ni Orah na ngumiti kahit ramdam niya ang matinding sakit. Ang sinabi ni Khal ang hudyat para siya kumalma at maging panatag.
"Push, misis! Konti na lang," sabi ng doktor. Sinunod naman ni Orah ang sinabi ng doktor at malakas na umire.
"Isang malakas na push pa, misis! Kayang- kaya mo 'yan!" Sabi muli ng doktor at nilalakasan ang loob niya.
"Orah, lakasan mo pa! Konti na lang! Malapit na si baby!" Halos pasigaw na sabi ni Khal.
"Khal, ang dali sabihin pero ang hirap gawin!" Angil ni Orah at muli na namang umire.
Puno ng pawis ang noo ni Orah habang binigay niya ang lahat ng lakas sa huling pag-push. Napakapit siya nang mas mahigpit kay Khal, na halos hindi na rin makahinga sa sobrang kaba. Isang malakas na iyak ang umalingawngaw sa loob ng kuwarto.
"Tapos na, misis. Congratulations, safe na si baby!" Masayang nawika ng doktor. Nagsilang si Orah ng isang malusog na babaeng sanggol. Inilapit sa kanya ang kanyang anak.
Kusang kumawala ang luha sa kanyang mata. Luha iyon ng kagalakan. Sa wakas ay nasilayan na niya ang pinakamamahal na anak.
Binigyan niya ng moment ang mag-ina at nakuntento na lamang siyang panoorin ang mga ito. Ilang minuto si baby sa tabi ni Orah bago ito ibinigay sa nurse para lilnisan.
Nagpahinga si Orah, humihingal at pawisan, pero ngiti ang sumilay sa kanyang labi. Tumingin siya kay Khal, pamsin niya ang mga luha nito sa mata.
"Orah, ang galing mo. Ang tapang mo." Namamaos na sabi ni Khal. Pinalis ang mga luhang pumatak sa kanyang mata.
Bahagyang ngumiti si Orah, masaya siyang nairaos niya ang panganganak. "Salamat, K-Khal at andito ka." Nagpapasalamat din siya na hindi siya iniwan ng binata.
Hinawakan ni Khal ang kamay ni Orah, mahigpit ngunit puno ng pagmamahal. Ramdam ni Orah ang taos-pusong pagmamalasakit ng binata, at sa kabila ng lahat ng hirap, naramdaman niya ang seguridad na hindi sila pababayaan ni Khal, silang mag-ina.
"Hindi mo kailangang magpasalamat. Ang mahalaga, ligtas ka at si baby. Sige na, Orah. Magpahinga ka na muna," aniya, bago yumuko upang mag-iwan ng halik sa noo ni Orah.
Saglit siyang tumitig kay Orah, na kahit pagod ay nagawang ngumiti. Isang huling tingin sa mag-ina ang ginawa ni Khal bago siya lumabas ng delivery room, iniwan ang dalaga na papikit na ng kanyang mga mata.