CHAPTER 2 - Mag-lola

1092 Words
Mag-lola MADILIM-DILIM pa ay gising na silang magkakapatid. Pinagtulung-tulungan nilang ligpitin ang hinigaan. Nakapaglinis na si Cristina ng sahig gamit ang walis tingting nang dumating si Mireng. May bitbit itong pansit at supot ng pandesal. Sabay-sabay silang nag-almusal habang ang malaking kalderong may lamang tubig ay nakasalang sa kalan. Matapos maligo at magbihis ng damit pamasok, sabay-sabay na silang naglakad papunta sa paaralang may kalayuan man ay puwede pa ring lakarin lang. Kinse anyos na si Cristina, subalit nasa unang taon pa lamang ng hayskul. Nagkasakit kasi si Romer no’ng nakaraang taon at kinailangang magsalitan silang mag-lola sa pagbabantay at sa paghahanapbuhay. Nasa ika-apat na baitang si Romer at si Mercedes naman ay nasa ikatlo. Matapos idaan sa paaralan ang dalawang kapatid ay maglalakad uli siya papunta naman sa hayskul. Kahit mahaba at malayo ang nilalakad, hindi siya nakakaramdam ng pagod. Makakapag-aral na siya, at iyon ang mahalaga. Dahil sa alam na ang hirap sa pagkita ng pera, naging masinop siya sa mga gamit. Ang mga pahina ng notebook ay siksik ng sulat na pinakokopya ng kanilang mga guro. Hindi siya nagpupunta ng canteen upang kumain. Sapat na sa kanya ang apat na pirasong caramel candy at tubig na nakalagay sa baunan upang makaalis ng pangangasim ng sikmura. Hindi niya pansin ang pagbubulungan at nanlalait na tingin ng ilang kaeskwela. Pinalilipas niya ang ilang minutong recess sa pagbabasa ng libro o ng notebook na sinulatan ng mga lecture. Pagkatapos ng klase ay dadaanan niya naman ang mga kapatid at sabay-sabay silang maglalakad pauwi kahit katanghaliang tapat. Pangkaraniwan na sa kanila ang ganoon. Nakasanayan na at hindi sila nagrereklamo. Pagkauwi ay magsasalang agad siya ng sinaing, at saka uumpisahang gawin ang takdang aralin ng mga kapatid. Hihintayin nilang dumating ang kanilang lola na may dalang lutong ulam at saka sila sabay-sabay kakain ng tanghalian. Magbobote ang kanilang lola. Araw-araw ay lumalabas ito tulak ang kariton ng mga nabiling dyaryo, bote, plastik, lata at kung ano-ano pa, basta puwedeng gawing pera. Nang dumating si Mireng, sinalubong agad nilang tatlo. Nagmano sila kahit ayaw sana nito dahil marumi ang kamay. Kahit pagod na pagod ay nagawa nitong sila ay ngitian. Iniabot nito sa kanya ang isang balot ng ulam at isang plastik na may lamang sabaw. Agad silang naglinis ng mga kamay. Pagkasalin sa tasa ay nag-umpisa na silang mananghalian habang ikinukuwento sa isa’t isa ang mga pangyayaring naranasan sa nakalipas na kalahating araw. Nasasalitan pa ng paminsan-minsang tawanan at pagbibiruan ang pagsasalu-salong iyon. Habang nakikitawa sa mga kapatid, hindi maiwasan ni Cristina ang mahabag sa itsura ni Mireng. Nangingintab ang mukha nitong nasunog sa araw. Subalit ni minsa’y hindi niya ito naringgan ng reklamo o pagdaing. Nakakangiti pa rin. Hindi madali ang pagdaan ng mga araw sa buhay nilang maglo-lola. Hindi alam ni Cristina kung paano nairaraos ng lola nila ang pang-araw-araw na gastusin. Gusto niya sanang sumama uli isa pagbobote ngunit tumatanggi ito. Mabibilad lang daw ang kanyang balat sa init ng araw, kaya pa raw nito ang magtulak ng kariton kahit mag-isa. Isa pa ay baka raw may makakitang kaklase at tuksuhin pa siya. Tama na raw na mag-aral siyang mabuti upang makatapos ng highschool. Kapag daw nakahanap na siya ng permanenteng trabaho ay saka na siya tumulong. Parang nangangarap pa ang kanyang lola sa tuwing sasabihin ang gano’n. Kaya naman sinisikap niyang mag-aral mabuti. Hindi niya alintana ang panunuya ng kapwa mag-aaral kapag pumapasok na tsinelas lang ang suot. Balewala sa kanya ang pagbubulungan ng mga ito dahil ang bag niya ay galing lamang sa pumpon ng mga basurang napulot. Kung kahihiyan ang bag niya para sa iba, sa kanya ay hindi. Sapagkat iyon ay pinaghirapang linisin at tahiin ng kanyang lola. Palagi itong nagbakasakaling may pakikinabangan pa sa nakatambak na basura sa bawat kalsadang nadadaanan. E, ano kung napulot lang ang bag niya. Ang importante’y may nagagamit siya. Malinis kahit luma. Ang katwiran niya’y hindi sa ganda ng bag nagsusukat ang natututunan sa loob ng paaralan. Ang suot na sapatos ng mga kapatid niya ay napulot lang din ng kanilang lola. Nilinis, dinikitan at pinakintab lang nito. Hindi nga masasabing bago, ngunit maayos namang nagagamit. Maging ang mga manika ni Mercedes at mga laruang robot ni Romer ay napulot lang din. Karamihan ng gamit sa loob ng maliit nilang bahay ay galing naman sa mga itinapon ng mga kapitbahay na nakakaluwag sa buhay. Nireremedyuhan lang nila at nililinis, napapakinabangan na. Ang mga kurtinang nakapalibot sa dingding at nakasabit sa bintana’t pintuan ay sa pulot lang galing. Ganoon din ang linollieum na nakalatag sa kanilang sahig. Ang laging pangaral ng lola nila, kahit daw mahirap lamang ay puwede silang maging masaya. Matutunang pahalagahan ang kung ano mayroon at pagtiisan kung ano lang ang kaya. Ang importante ay walang nagkakasakit at nagmamahalan silang magkakapatid. Lagi rin nitong sinasabing huwag kalilimutan ang magpasalamat sa Diyos sa lahat ng biyayang tinatanggap malaki man o maliit. Kapag dumaranas sila ng paghihirap, ang sabi nito’y pagsubok lamang ang lahat at malalampasan din pagdating ng araw. Iminumulat sila na ang mabuti at masamang gawain ay may kapalit. Kaya nasa kanila na kung ano ang kapalit na gustong makamit. Gano’n ang palaging pangaral ng kanilang lola. Kaya naman kahit mahirap ang kanilang pamumuhay ay nagagawa pa rin nilang tumawa at maging masaya, at higit sa lahat, mabuti ang gusto nilang makuhang kapalit. Gusto talaga niyang makatulong sa pagkita ng pera kaya nag-isip siya kung paano. May mga pangangailangan sila na ayaw na niyang ang lola pa ang mag-intindi. Gaya na lang ng mga project sa eskwelahan. Halos araw-araw ay may kailangang bilhin para sa mga assignment at kung ano-ano pa. Malaking porsiyento ng grades ay kinukuha sa mga proyektong dapat maipasa, kaya naghahanap siya ng paraan kung paano kikita. Ang huwag na madagdag sa alalahanin nito ay makakaginhawa na. Naglakas loob siyang magtanong sa kaibigang si Regina kung may alam na magpapalinis ng bahay, magpapalaba o magpapabunot ng mga damo sa hardin ng may kaya nilang mga kapitbahay. Natuwa siya nang sabihin nitong nagpapalinis nga raw ng bahay si Mrs. Mendieta at kailangan pa ng tao. Sinamahan siya ng kaibigan sa tahanan ng mga Mendieta upang mag-prisinta. Nakausap nila ang kawaksi. Tinanggap siya nito at pinababalik kinabukasan.Tuwang-tuwa siyang nagpasalamat sa kaibigan. Malaking ginhawa sa kanila ang halagang kikitain niya. Natuwa rin si Regina nang makita ang kasiglahan sa tinig ng dalaga. Sa isipan nito’y naroon ang pagnanais makatulong. Sa ganoong paraan man lang, mapasaya ang matalik na kaibigan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD