CHAPTER 3 - Kaibigan at Kontrabida

1231 Words
Kaibigan at Kontrabida TUWANG- tuwa si Cristina habang isinisilid sa loob ng bulsa ang perang kabayaran sa paglilinis niya. Natuwa si Mrs. Mendieta sa pulido at maliksi niyang pagkilos kaya pinabaunan pa siya ng masarap na ulam. Ang meryendang suman at tinapay na hindi niya nagalaw ay inilagay nito sa isang supot na plastik at ang tangkay ay isinabit sa kanyang braso. Talagang hindi niya iyon kinain upang maiuwi. Ang gusto niya’y makasalo ang lola at mga kapatid. Nais niyang matikman din ng mga ito ang pagkaing madalang makain, o mas tamang sabihing hindi nila nakakain. Nahiya pa nga siya dahil dinagdagan pa iyon ng maawaing ginang nang malamang iuuwi niya. Maging ang tatlong sako ng mga plastik at diyaryo ay ibinigay na lang sa kanya. Halos maiyak siya sa laki ng pasasalamat. Palabas na siya sa gate ng malaking bahay nang makita si Regina. Maagap itong lumapit. Tinulungan agad ang kawaksi ni Mrs. Mendieta sa paglalabas ng mga sako. Matapos magpasalamat sa mabait na ale, si Regina naman ang pinasalamatan niya. “Maryosep Cristina, e wala naman akong ginawa puro ‘thank you’ ka d’yan. Hindi naman kita tinulungang maglinis, a.” Nakatawa nitong sabi habang hinihila ang dalawang sako na hawak sa magkabilang kamay. “Kung hindi mo ako ipinakilala kay Manang, hindi sana ako kumita ng pera. Tignan mo, o.'” Nakangiti niyang sabi sabay dukot sa pera at ipinakita kay Regina. Saka niya ipinagpatuloy ang nais sabihin, “May libreng ulam na at miryenda, may kalakal pa!” Muling nakadama si Regina ng awa at paghanga para sa kaibigan, “Kahit bakas sa mukha mo ang matinding pagod, kahit marumi at basang-basa ng pawis ang iyong katawan, nagagawa mo pa rin ang ngumiti. Sa simpleng biyayang nakuha mo, ibayong tuwa na ang dulot sa’yo.” “O siya sige, buhatin na natin ito sa inyo. Pagkatapos, pakainin mo ako niyang sumang dala mo at isang tasang kape.” “Oo ba! Gusto mo softdrink pa, e.” Nagtatawanan na sila nang iangat at hilahin ang mga sako papasok sa eskinita. Nang makita nila Romer at Mercedes ang paparating na magkaibigan, nagtatakbo ang mga ito at sumalubong. Ibig sanang tumulong ngunit tinanggihan ni Cristina. Sa halip, ang bitbit na plastic ang iniabot sa kapatid na lalaki. Ang ngiti sa mga labi ng dalawang kapatid pagkakita sa laman ng plastik ang dagliang nakapawi sa pagod na nararamdaman ng dalaga. Nang makarating sa tapat ng kanilang bahay, humanda na sila sa pagkain. Pinagsaluhan nila ang pasalubong na meryenda habang masayang nagbibiruan. Nasisiyahan si Mireng sa nakitang pagsisikap ng panganay na apo. Ang pagiging responsable sa kabila ng murang edad ay taglay na nito. Nasisiguro niyang hindi ito magugutom dahil marunong gumawa ng paraan sa buhay. Hindi nahihiya kahit pa mistulang alila, basta kikita sa marangal na paraan. Natitiyak niyang anuman ang mangyari, hindi nito pababayaan ang dalawang kapatid. Pagkatapos kumain, tuwang-tuwang ibinalita ni Cristina ang naging usapan nila ni Mrs. Mendieta, “Pinababalik pa ako ni Misis sa linggo. Patutulungin ako sa birthday party ni Attorney. Kaya tiyak na mas masasarap at mas marami ang madadala kong pasalubong. Baka nga may cake pa!” Nagpalakpakan naman sila Regina at ang dalawang kapatid sa magandang balitang narinig. Si Mireng man ay pumalakpak din. “O siya sige na, bilib na bilib na kami sa’yo. Magpalit ka na muna ng damit at amoy pawis ka na!” biro ni Regina sabay takip ng ilong. '”A, gano’n?” Pagkasabi'y niyakap ni Cristina ang kaibigan at ikiniskis sa mukha nito ang pawisang noo. Nagpapasag si Regina habang tumitili, nagpipilit kumawala. Nagkukunwaring nandidiri sa mabahong amoy ng kaibigang matalik. Malulutong na tawanan ang sumunod na narinig sa loob ng kanilang bakuran. “Ano na naman ba ang mga basurang ito ha, Mireng? Ginagawa na niyong bodega ng kuyagot ang bakuran ko, a! At kung magtawanan kayo ay parang kayo lang ang tao rito!” sita ni Rosie. Biglang naputol ang tawanan sa biglang pagsulpot ng masungit na ale. Nakapamewang pa ito at panay ang paypay sa mukha ng kulay gintong abaniko. Ang tingin nila dito ay parang si Donya Agueda na kontrabida sa sikat na teleseryeng ‘Flordeluna’. Tumayo na si Regina at magalang na nagpaalam sa babaeng nakaarko ang isang kilay. “Hmp! Mabuti pa nga, nakakadagdag ka lang ng gulo dito.” Sinenyasan ni Cristina ang dalawang kapatid, pinapapasok sa loob ng bahay. Agad namang sumunod ang mga ito. Lumapit si Cristina sa tatlong sako na nakahiga sa lupa at isa-isang hinila. Patayong isinandal sa gilid ng kanilang pintuan, habang nakasunod ang matalim na titig ng lolang nakalimutan yatang sila ay apo rin. “Pasensya na po kayo, Lola Rosie. Mga diyaryo at plastik lang naman ang laman ng mga sakong ‘yan. Malilinis naman po,” hingi niya ng paumanhin at pagpapaliwanag. Inako na niya ang paghingi ng paumanhin upang hindi na ang lola niya ang gumawa ng gano’n. “Kahit ano pa ang sabihin mo, basura pa rin 'yan! Dala kayo nang dala ng mga kalat dito! Baka kung ano’ng mikrobyo ang nandiyan at mapunta pa sa amin! Maige sana kung kayo lang! Matibay na ang katawan niyo sa dumi dahil sanay kayo sa basura! E, paano kami?! Hay naku! Palibhasa’y sanay kayo sa mabaho. Alisin niyo agad ‘yan ditto! Nagkakaintindihan ba tayo?” sigaw nito habang ang matalim na mga mata’y kay Mireng nakatingin. “Opo, Lola.” Mabilis niyang sagot upang matigil na ito sa katatalak. Tumalikod na nga si Rosie. Nanghahaba ang nguso nito at panay pa rin ang bulong habang naglalakad palayo. Sinulyapan niya ang lola. Ngumiti lang ito sabay kibit ng mga balikat. Gano’n ang lola niya, hindi nagpapahalatang nasasaktan upang maiwasang mas lumaki ang problema. Nagpapakita ito ng isang halimbawa. Lagi nitong sinasabing dapat igalang ang nakakatanda. Kaya naman kahit gustung-gusto na niyang sumagot at lumaban ay hindi niya magawa. Ayaw niyang suwayin ang mga pangaral nito sa kanila. Nang malingunan niya ang dalawang kapatid, nakasilip ang mga ito sa maliit nilang bintana. Ang kaninang saya sa mukha ay napalitan ng lungkot. Ngumiti siya sa mga ito at pinakenkoy ang mukha. Lumingon siya sa pinanggalingan ni Rosie at saka ginaya ang itsura ng mukha nito kanina habang nagsusungit sa kanila. Tumawa uli ang dalawa niyang kapatid. Maging si Mireng ay natawa rin nang makita ang pangagagaya niya sa ale. Nang may ituro si Romer sa gawing likuran at ang mukha ay parang natakot. Natigilan siya sa ginagawa. Mabilis na napalingon sa pag-aakalang bumalik ang masungit na lola at nakatingin sa kanya. Nang makitang wala naman, nilingon niya uli ang mga kapatid. Pinagtatawanan na siya. Pinasingkit niya ang mata at kunwaring nagagalit, at saka sinugod ang mga kapatid na nagtakbuhan agad sa loob ng bahay. Nang maabutan, pinagkikiliti niya ang mga ito. Saglit lang at napuno na uli ng matitinis na tawanan ang kanilang bahay. “Shhh. Huwag kayong maingay at baka bumalik na naman ang Ate. Kayo rin,” saway pananakot ni Mireng sa mga apo. Agad namang tumahimik ang tatlo at nagkatinginan, pagkatapos ay nagtawanan uli habang nakatakip ng kamay ang bibig. Natawa na rin si Mireng sa mga apo. Kahit mga bata pa, natutunan na ng mga itong pagaanin ang loob ng isa't isa sa sitwasyong nakakalungkot.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD