CHAPTER 1

2910 Words
“Elay! Elay!” sunod sunod na tawag ang narinig ni Ella mula sa labas ng bakuran ng bahay ng kanyang tiya Mina. Hindi na niya kailangang tingnan upang alamin kung sino ito. Kilalang-kilala niya ang boses na iyon kung kaya tuloy lang siya sa paglalatag ng pinapatuyong kape sa malapad na banig na bilaran. Sigurado siyang si Wendy iyon, ang kanyang kababata at bestfriend. Alas-sais pa lang ng umaga. Napakaaga pa para mangapit-bahay at makipagkuwentuhan si Wendy. Siguradong may mabigat na dahilan kung bakit napasugod ang kanyang kaibigan. Ang pangunguha at pagpapatuyo ng kape ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga tao sa maliit at liblib na bayan ng Amadeo, Cavite. Dahil may maliit na kapehan ang kanyang tiya Mina na kapatid ng kaniyang yumaong ina, tumutulong siya sa pamimitas ng bunga at pagpapatuyo ng mga ito. Ito ang buhay na nakagisnan niya at ngayon ay gusto niyang takasan. Sanggol pa siya nang sumakabilang-buhay ang kaniyang ina na bunsong kapatid ni tiya Mina. Ang kaniyang lola Linda ang nag-aruga at nagpalaki sa kanya. Ngunit tatlong linggo lang ang nakakaraan ay namayapa na rin ang butihing matanda kung kaya dito sa bahay ng kanyang tiyahin siya pansamantalang nakatira kasama ang pamilya nito. Nang makalapit na si Wendy ay saka lang niya itinigil ang ginagawa. Dahan-dahan siyang tumayo mula sa pagkakaupo. Mga kamay kasi ang ginagamit niya upang maikalat nang pantay-pantay ang maliliit na butil ng kape. “Ano ka ba, Elay? Kagabi pa ako tumatawag sa iyo, pero parang patay ang cp mo?” humihingal na wika ni Wendy habang nilalaro ng hangin ang ilang hibla ng buhok nito sa bandang noo. Bahagya nitong pinahid ng likod ng kamay ang pawis na gumigiti sa bandang pisngi, sadyang iniwasan ang maliliit na tumpok ng tagihawat sa gitna. “Na-low bat kasi, tinamad akong i-charge hanggang makatulog na ako,” nakangiti niyang tugon habang mahinang ipinapalakpak ang dalawang kamay nang sa gayon ay mabawasan ang alikabok na dumikit sa kaniyang mga palad. “Bakit ka ba ganyan?” Hinagip ni Wendy ang dalawa niyang kamay, hindi alintana ang alikabok na nakakulapol sa mga iyon. “Paalis ka na pala, hindi mo man lang sinasabi sa akin?” Kung hindi ko pa nakausap kanina ang pinsan mo, hindi ko malalaman na iiwan mo na pala ako ngayong araw na ito,” may himig pagdaramdam na wika nito. Sanay na siya sa ugaling iyon ng kaibigan dahil mula pa sa pagkabata ay magkalaro at magkaklase na sila. Tampuhin at iyakin si Wendy na kabaligtaran naman niya. Madalas ay sa kanya ito humuhugot ng lakas sa mga panahong nanghihina o may problema ito dahil sa kanyang taglay na tapang at tatag ng ng kalooban. Ngunit ang totoo ay tinuruan lamang niya ang sarili na magkaroon ng matapang na personalidad. Nasanay kasi siya na tanging ang lola Linda lang ang kasama niya at dahil matanda na ito, hindi niya naging ugali na gambalain pa ang matanda sa mga personal na problema niya kung kaya lumaki siyang sinasarili lamang ang kung ano man ang emosyonal na suliranin niya. Kahit sa mga kaibigan o kay tiya Mina man ay hindi siya nagpapakita ng kahinaan o kalungkutan at sa halip ay sinasarili na lamang niya. Inakala tuloy ng mga taong nakakakilala sa kanya na matatag siya at hindi madaling nagpapaapekto sa mga pagsubok ng buhay, kabilang na si Wendy. If they only knew… “Pasensya ka na, Wendy,” sabi niya habang pinipisil ang mga kamay ng kaibigan. “Ano kasi, alam kong iiyak ka na naman kapag nagpaalam ako sa iyo kaya binalak kong ilihim na lang sa iyo ang pag-alis ko. Iyakin ka masyado, eh. Pero di ba, nabanggit ko na sa iyo ang tungkol dito noon pang isang linggo?” Humigpit din ang hawak ni Wendy sa mga kamay niya. Dama niya ang pagdaramdam ng kaibigan sa napipinto nilang paglalayo. Nagbabadya ang pagtulo ng luha sa namumula nitong mga mata. “Bakit ikaw ba, hindi? Huwag mong sabihin na hindi ka rin malulungkot kapag nagkalayo tayo?” Napabuntong-hininga siya. “Malulungkot rin, syempre pero kailangan, eh. Walang mangyayari sa akin sa baryong ito. Kinausap na ako ni tiya Mina noong isang araw. Tinapat niya ako na hindi niya ako kayang papag-aralin sa kolehiyo. Nauunawaan ko naman, eh, tricycle driver lang si tiyo Roger, tapos tatlo ang anak nila. Kumbaga, magiging pabigat lang talaga ako sa kanila kapag nagtagal pa ako rito.” “Pero hindi ka naman pinapaalis ng tiyahin mo, di ba?” “Hindi nga. Pero hindi naman ako makakapag-aral. Gustong-gusto kong makapag-aral sa kolehiyo, Wendy. Gustong-gusto kong makatapos para makahanap ako nang maayos na trabaho.” “Bakit, sa pupuntahan mo ba, sigurado na makakapag-aral ka?” may pagdududang tanong ni Wendy. “Oo naman. Papa ko ang pupuntahan ko. Nahanap ko na siya sa f******k at nagkausap na kami. Sabi niya, kung gusto ko siyang makita ay puntahan ko siya sa Baguio.” Umirap si Wendy upang ipakita na hindi ito kumbinsido sa sinabi niya. Napangiti na lang siya sa mannerism na iyon ng kaibigan. Siguradong isa ito sa mami-miss niya pag-alis niya. “Kung gustong makita lang,” binigyang diin pa ni Wendy ang huling salitang sinabi. “Hindi naman niya sinabi na kukupkupin ka niya, na puwedeng tumira ka sa kanya kasama ng pamilya niya, na papag-aralin ka.” Bahagya siyang napangiti. Talagang gagawin ng kanyang kaibigan ang lahat magbago lang ang isip niya. Pero kahit na ano pa ang sabihin nito, yari na talaga ang kanyang desisyon na iwanan ang mahirap na bayan nila dito sa Cavite. “Bahala na, Wendy. Sa ngayon, iyon lang ang puwede kong gawin para sa sarili ko. Saka gusto ko rin namang makapiling ang tatay ko. Sabik na sabik ako sa pagmamahal ng isang ama. Alam kong hindi niya ipagkakait iyon, lalo na kapag nalaman niya na bukod sa maganda ako ay matalino pa.” “Ayan ka na naman,” natapik ni Wendy ang noo niya, napaigik ito nang tinamaan ng palad ang inaalagaang tumpok ng tagihawat. “Oo na. Ikaw na ang muse at valedictorian ng Halang Banaybanay National High School. Si Cinderella Balagbag.” “Correction,” sambot niya. “Cinderella Balagbag Dang-aden, iyon ang kumpletong pangalan ko. Kapag tinanggap ako ng papa kong Igorot, gagamitin ko na ang apelyido niyang Dang-aden.” “Sana nga. Pero paano naman ang isang pamilya ng tatay mo? Sana lang, maging mabait din sila sa iyo.” Muling umirap si Wendy. “Of course,” natatawang pakli niya. Magbabait naman ako sa kanila, eh. Walang dahilan para hindi nila ako matanggap bilang miyembro ng pamilya nila dahil gagawin ko ang lahat upang mapamahal din sa kanila.” Biglang nagseryoso si Wendy. Itinaas pa nito ang dalawang kamay niya na hawak pa rin at itinapat sa sariling dibdib. “Mabait ka naman talaga, Elay. Kumbaga, hindi mo deserving ang mga nangyayaring kamalasan sa buhay mo. Pero tama ka, maganda ka at matalino. Kayang-kaya mong magtagumpay gamit ang mga gift na bigay ni God sa iyo. Kaya lang…” “Kaya lang ay ano?” “Malulungkot talaga ako rito, Elay. Alam mo namang ikaw ang BFF ko. I will miss you, friend. Kapag nandoon ka na, lagi mo akong babalitaan, ha?” “Oo naman.” Unti-unti na ring binabalot ng lungkot ang puso niya. Nahahawa na siya sa kadramahan ni Wendy pero hindi niya puwedeng ipakita iyon sa kaibigan. “Ako lang ang lalayo, pero yung friendship natin, maiiwan sa puso nating dalawa. “I will miss you, friend. Mag-iingat ka doon.” nagsimulang humikbi si Wendy. Naiiling na niyakap na lang niya ito dahil pati siya ay naiiyak na rin. “At sana, matagpuan mo roon si Prince Charming. Hindi ba, paborito mo ang kuwento ni Cinderella? At naaalala ko na minsan ay sinabi mo na sana ay magkatotoo sa iyo ang kuwento ng buhay ng tukayo mo.” Ni hindi nakuhang ngumiti ni Ella sa biro nang matalik na kaibigan. Sa isang banda ay may katotohanan ang tungkol sa pangarap niyang iyon pero sa mga panahong ito ay isasantabi na muna niya ang pagkahumaling sa paborito niyang fairy tale. Kagabi pa kasi niya pinipigil ang sariling emosyon. Masakit pa rin ang biglaang paglisan ng kanyang mahal na lola. Inatake ito sa puso na ikinamatay nito kamakailan lang. Kung bakit ngayon pang naghahanda na siya sa pagpasok sa kolehiyo. Oo nga at may konti itong naiwan, pero siyempre mapupunta ang mga iyon sa isang anak nito, si tiya Mina, kasi naman ay apo lang siya. Pinatira nga siya ng kanyang tiya Mina sa bahay nito ngunit naramdaman niyang nanganganib siya sa asawa nitong si Roger. Napapadalas ang pasimple nitong pananantsing bukod pa sa mga malisyoso nitong tingin sa kanya. Noong isang linggo lang ay nahuli niyang sinisilipan siya nito habang naliligo dahilan upang mapabilis ang pagpapasya niyang umalis na lang at hanapin ang sariling ama kaysa magsumbong sa tiyahin. Ayaw niyang maging dahilan iyon ng hindi pagkakaunawaan ng mag-asawa kung kaya ipinasya niyang lumayo na lang. Gusto na rin niyang maiyak. Nakahahawa ang mga hikbi ng kanyang kaibigan. Pero isinumpa niya sa sarili niyang hindi na siya iiyak. Para sa kanya, ang pag-iyak ay tanda ng kahinaan. Kung iiyakan niya ang lahat ng problemang darating sa buhay niya, paano siya magiging matapang at matatag? Halos nag-iisa na siya sa buhay ngayon matapos mamayapa ang kanyang lola. Nahaharap siya ngayon sa isang laban ng buhay na walang kasiguruhan. Sixteen pa lang siya. Sobrang bata pa at wala pang masyadong alam sa pakikihamok sa buhay. Pero desidido siya na hanapin ang kapalaran. Desidido siya na ipakita sa buong mundo na kaya niyang magtagumpay at upang mangyari ito, hindi niya dapat bigyan ng puwang ang kahinaan at kaduwagan sa buhay niya. Matapos ang matagal na paalaman at iyakan ay nakumbinsi rin niya na bumalik na sa sariling bahay si Wendy. Siya naman ay dumiretso na sa banyo upang maligo. As usual, nasa kusina na naman ang tiyuhin niya na si Roger, kunwari ay nagkakape ito pero ang totoo ay inaabangan na naman ang pagpasok niya sa banyo. Kibit-balikat na dumiretso sa loob ng banyo si Ella sabay lock ng pinto. Pero pagkaraan ng ilang minuto ay pabigla niyang binuksan uli iyon, sakto namang nasa tapat nito ang manyakis niyang tiyuhin na tila naghahanda na naman sa pamboboso sa kanya. “Tiyo Roger, ano na namang ginagawa mo diyan?” inis niyang tanong. Sinadya niyang ipahalata sa tono ng kanyang pagsasalita na alam na niya ang matagal ng gawain ng amain. Napakamot sa ulo ang nabuking na lalaki. “Ah,eh…” nag-apuhap ito ng sasabihin. “Ano na namang idadahilan mo? Kesyo akala mo walang tao? Kesyo sira ang pinto ng banyo? Ano? Sige, magdahilan ka pa?” sunod-sunod na tanong niya. Lalo namang nalito ang lalaki. “Hindi ka na nahiya sa sarili mo? Halos kasing-edad ko ang panganay mo, di ba? Ibig sabihin, parang anak mo na rin ako. Saka, pamangkin ako ng asawa mo. Bakit hindi mo ako maituring na parang pamangkin mo na rin?” walang gatol na litanya niya. Siguro nga ay matapang siya. Pinatapang ng mga hinanakit at inis niya sa mga malulungkot na pangyayari sa buhay niya. “A-ang boses mo,” mahinang sabi ng lalaki na itinapat pa ang isang daliri sa sariling bibig. “Nariyan lang sa ibaba ang tiya Mina mo, baka marinig niya, siguradong sasamain ako.” “Ah, ganon,” lalo niyang inilakas ang boses at saka nameywang. “Takot kang mabuking pero sa pamboboso, hindi? Baka akala mo, hindi ko alam na binobosohan mo ako. Alam mo ba, tiyo Roger, isa ka sa mga dahilan kung bakit kinailangan ko nang umalis sa bahay na ito? Alam ko kasi na hindi na ako safe dito. Alam kong any time ay puwede akong mapariwara kapag tuluyan nang pinasok ng demonyo iyang utak mo.” “Sobra ka namang magsalita, Cinderella. Hindi pa man, akala mo, kung sino ka na,” may galit ang tono na wika nito. “Talaga. Paalis na ako, tiyo Roger. Lalayo ako dito upang hanapin ang kapalaran ko. At isinusumpa ko na pagbalik ko sa lugar na ito, ni sulyap sa akin ay mahihiya kang gawin.” “Talaga lang, ha?” Nakakalokong ngumisi pa ang lalaki. “Parang sigurado ka na sa magiging kapalaran mo, ah. Bakit? Iniisip mo bang nasa Baguio City ang Prince Charming mo? At balang-araw ay titira ka sa isang palasyo? Hoy! Nangangarap ka yata ng gising.” Lalo tuloy nadagdagan ang inis niya. Kung puwede nga lang hampasin ng tabo sa mukha ang tiyuhin niya ay ginawa na niya. Nameywang siya at lalong inilakas ang boses. “Oo. Siguradong-sigurado ako. Kaya kung puwede lang ay umalis ka na dito sa banyo dahil kung hindi, magsusumbong na talaga ako kay tiya Mina at bahala nang magkagulo tayo. Ako, kahit na ano’ng mangyari ay aalis na talaga ako dito. Eh, ikaw? Kaya mo bang harapin ang galit ng tiya ko?” “Oo na, aalis na ako. Huwag ka nang maingay.” Bahagya pang itinaas ni Mang Roger ang dalawang palad upang matigil na siya sa pagsasalita. Mabilis naman niyang isinara ang pinto ng banyo at ini-lock. Nagpupuyos ang kalooban na itinuloy na niya ang naudlot na paliligo. Naramdaman niya ang pag-iinit ng mga mata dahil sa napipintong pagluha pero pinigil niya ang sarili. No more tears, Cinderella Balagbag. Just no more tears. Isang kaduwagan ang pag-iyak. Naipakita mo kanina lang na matapang ka, kailangang panindigan mo iyon sa iyong sarili. Sunod-sunod na buhos ng tubig ang ginawa niya upang lunurin ang nararamdamang habag sa sarili. Matapos maligo ay nagbihis na si Cinderella. Bitbit ang isang malaking bag ay dumiretso siya sa looban kung saan naroon ang kanyang tiya Mina. Kasalukuyan itong namimitas ng bunga ng hinog na kape. Matapos abutin ang kamay nito at dalhin sa kanyang noo ay niyakap niya ang tiyahin. “Talaga palang aalis ka. Akala ko pa naman, puwede pang magbago ang isip mo pero sadya palang matigas ang ulo mong bata ka,” may himig tampo na wika ni tiya Mina. Ni hindi siya sinulyapan ng tiyahin bagkus ay tuloy pa rin ito sa pamimitas ng mga hinog na bunga ng kape, marahil ay upang itago sa kanya ang namumuong luha sa sulok ng sariling mga mata. She bit her lower lip. Mahal siya ng kanyang tiya Mina, alam niya iyon. Ang totoo ay tutol ito sa plano niyang pagpunta ng Baguio City upang hanapin ang kanyang ama. Pero ayaw niyang maging pabigat pa sa tiyahin. Saka papaano ang kanyang pangarap na makapagtapos ng pag-aaral kung mananatili siya sa liblib na lugar na ito? Mababago ba ang buhay niya sa pamimitas ng kape? Matatagpuan ba niya ang kanyang Prince Charming sa kapehang ito? Maya-maya ay dumukot ng ilang perang papel sa bulsa ng suot na duster si tiya Mina at inilagay iyon sa palad niya. Sa wakas ay tiningnan siya nito sa mga mata. “Mag-iingat ka.” Pagkasabi noon ay tuluyan nang pumatak ang luha ng kanyang tiyahin. Matapos magpaalam kay tiya Mina at sa tatlo niyang pinsan ay mabibigat ang mga paa na humakbang na siya palayo sa lugar na iyon. Nagsisikip ang dibdib na sumakay siya ng tricycle upang magpahatid sa bayan. Mula roon ay sasakay siya ng bus na maghahatid sa kanya sa terminal ng Victory Liner sa Pasay. Mula sa Pasay, sakay ng Victory Liner ay diretso na siya sa Baguio. Tinandaan niya ang lahat ng detalye kung papaano siya makararating ng Baguio City minsang nagtanong siya sa isa niyang guro sa high school. Dumaan ang sinasakyan niyang tricycle sa tapat ng bahay nina Wendy. Malayo pa ay natanaw na niya ang kaibigan na nakatayo sa labas ng kanilang bakuran, parang sadyang hinihintay ang pagdaan niya. Nang ilang metro na lang ang layo sa kinatatayuan ni Wendy ay bahagya niyang inilabas ang ulo upang makita siya ng nag-aabang na kaibigan. Halos magtatalon ito nang makita siya. “Huwag kang makakalimot, Elay,” sigaw nito. Malungkot na malungkot ito at mugto ang mga mata. “Siyempre naman,” sigaw din niya habang pigil ang sariling emosyon. “I will miss you, friend. Lagi kang magte-text. Lagi tayong magcha-chat. Huwag kang makakalimot,” humahagulhol na ito habang humahabol sa sinasakyan niyang tricycle. Inilabas na lang niya ang kanang kamay sabay senyas ng okey. Ni hindi na siya lumingon. Nanlalabo na ang kanyang mga mata dahil sa nagbabadyang luha. Masikip na masikip ang dibdib niya. Lilisanin na niya ang lugar na kinalakihan. Ang lugar na saksi ng kanyang mga kasayahan at kalungkutan. Malaking bahagi ng buhay niya ang kasamang maiiwan sa liblib na lugar na ito. Ang alaala ng kanyang lola na nag-aruga sa kanya. At ang kanyang mga kaibigan at kababata kabilang na ang kanyang bestfriend na si Wendy. Subalit sa kanyang paglayo ay isang bagay ang sinigurado niyang dadalhin niya saan man siya magpunta. At iyon ay walang iba kundi ang kanyang mga pangarap… Magtatagumpay siya sa ano mang paraan. Makikita at makakapiling niya ang kinasasabikang ama. Makapagtatapos siya ng isang karera na may dignidad at pagmamalaki. At higit sa lahat ay matatagpuan niya ang mailap na Prince Charming ng buhay niya. Umaasa siyang hindi lang sa fairy tale ito nag-eexist. Who knows? Baka maging ito man ay hinahanap din siya? She smiled at the thought. Nasa Baguio City nga kaya ang kanyang nakatakdang maging Prince Charming? Well, she would find out…
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD