CHAPTER 2

2373 Words
No. 044 Golden Green Subdivision, Baguio City. Kabadong kumatok si Ella sa nakasaradong pinto. Ilang katok pa at unti-unting bumukas ang pinto. Isang magandang babae na marahil ay nasa early 40’s ang nasa harap niya ngayon. Matangkad ito, maputi at balingkinitan ang katawan. Saglit siyang tiningnan nito mula ulo hanggang paa, pagkuwa’y mahinang nagsalita habang nakataas ang isang kilay. “Ikaw ba si Cinderella Balagbag? Ang anak ni Nicanor kay Corina Balagbag?” mataray na tanong nito. “O-opo,” kinakabahang tugon niya. Hinagilap ng kanyang mga daliri ang dulo ng kanyang mahabang buhok na nakasampay sa balikat niya. Marahan niyang pinaikot-ikot iyon gamit ang dulo ng hintuturo. That was her mannerism every time she got nervous. “K-kilala po ninyo ako?” “Kahapon lang. Kahapon lang kasi sinabi ni Nick na may nabuntis pala siya noon na isang Cavitena,” tila inis na tugon nito. Napatungo siya. Nakadama siya ng pagkapahiya sa pagpapaalala sa kanya kung paano siya naging tao. Napabilis ang pagpapaikot niya ng dulo ng kanyang buhok sa kanyang daliri. Tumitindi ang kaba sa kanyang dibdib. “N-nariyan po ba siya?” Halos walang boses na lumabas sa kanyang bibig. Kung nakatutunaw ang titig ng babae ay baka kanina pa siya naglaho. “Of course,” mataray na sagot ng babae. “Hindi siya umalis ng bahay sa araw na ito dahil ine-expect niya ang pagdating mo. Ang galing mo rin naman, ano? Nahanap mo pa rin ang taong nang-abandona sa inyong mag-ina?” Parang patalim na humiwa sa kanyang dibdib ang mga salitang binitawan ng babae. Oo, masakit ang iwan ka ng inaasahan mong magulang pero mas masakit ang ipamukha pa ito sa iyo. Para itong isang sugat na hindi kayang paghilumin ng panahon. Maaaring mag-iwan ng peklat ngunit sa kaunting pagsagi rito ay muling umaatake ang hapdi at kirot. Sasagot pa sana si Ella nang isang boses ang nadinig niya mula sa loob ng bahay. “Sinong kausap mo riyan, Blessy?” boses lalaki iyon. Napakislot siya. Kumabog ang kanyang dibdib sa isiping maaaring iyon na ang kanyang ama. “Itong anak mo, Nick. Narito na siya.” Bahagya pang lumingon ang babae upang makita ang nagsalita. “Talaga? Narito na siya?” tila excited na muling nagsalita ang nasa loob. Maya-maya pa ay hangos na lumapit ito sa kinaroroonan nila. “P-papa?” bulalas ni Ella. Ngayon ay nakatayo na sa tabi ng babae ang kaniyang amang kaytagal na panahon niyang pinanabikan. Hindi ito katangkaran, siguro ay nasa 5’6” lang ang height nito, tipikal sa isang Igorot. Mukhang bata ito sa edad na kuwarenta’y dos. Kayumanggi ang kulay ng balat, singkit ang mga mata na animo ay isang Hapones. Dito niya namana ang kanyang kulay at pagiging tsinita. There was an urge to embrace him but she felt a hindrance between them. Paano’y matalim na nakatingin sa kanya ang babaeng tinawag nitong ‘Blessy’. “Ella? Anak?” mahinang wika ng kanyang ama. Tears peered on the corner of his eyes. Pagkuwa’y lumapit ito sa kanya at yumakap. Walang pag-aalinlangan na ginantihan niya ang yakap nito. Bigla’y gusto niyang maiyak. Kaytagal na panahong inasam niya na mayakap ang ama. Sabik na sabik siya sa pagmamahal ng ama. Kung hindi nga lang maagang namayapa ang kanyang ina, hindi sana magiging estranghero para sa kanya ang yakap ng isang magulang. “P-papa!” Tears fell from her eyes. Ganito pala ang pakiramdam kapag nakikita at nahahawakan na ang napakaimportanteng tao na naging dahilan kung bakit siya nag-exist sa mundong ito. “Eherm,” si Blessy, naniningkit ang mga mata nito sa pagkakatingin sa kanilang mag-ama. “Papasukin mo na ang anak mo sa loob, Nick. Baka makita pa kayo diyan ng mga kapitbahay, pagpiyestahan pa tayo ng mga tsimosa diyan,” inis na wika nito. Kumalas mula sa pagkakayakap sa kanya si Nick pagkuwa’y nakangiting umakbay sa kanya. “Halika sa loob, anak. Siyangapala, siya si Blesilda, ang misis ko. Tawagin mo na lang siyang tita Blessy.” “K-kumusta po, t-tita Blessy?” alinlangan niyang bati sa ipinakilala. Umirap lang ang babae sa kaniya sabay talikod. “Ihahanda ko na ba ang hapunan, Nick?” “Aba’y oo. Siguradong gutom na gutom na itong dalaga ko,” nakangiting wika ni Nick sabay pisil sa kanyang balikat. Bahagyang lumingon sa kanilang mag-ama si Blessy habang patungo sa kusina. “Huwag kang ganyan, Nick. Alam mong selosa ang dalawang anak mo. Baka magtampo ang dalawang iyon, ikaw rin.” “Oo nga pala. Nasaan ang dalawang iyon?” pambabalewala ni Nick sa sinabi ng kabiyak. “Nasa silid nila. Tatawagin ko na lang kapag nakahain na.” Tuluyan nang pumasok sa kusina ang babae. Naiwan silang mag-ama sa salas. “Ang laking bulas mo pala, anak? Sixteen ka lang pero parang dalagang-dalaga ka na?” nakangiting wika ni Nick nang makaupo sila sa sofa. Nagniningning ang mga mata nito sa kaligayahan. “Nagmana po kasi ako kay mama, matangkad din po kasi siya. Pero hindi lang naman height ang namana ko sa kanya kundi pati brain. Class valedictorian ako, papa,” pagmamalaki niya. “I know. Nakikita ko sa f******k ang mga posts mo. Hindi lang height and brain ang nakuha mo sa kaniya, anak, kundi pati beauty. Kamukhang-kamukha mo ang mama mo.” May lungkot na bumahad sa mukha ng kanyang ama. “Nami-miss mo rin ba siya kahit papano, papa?” Sa wakas ay nasabi din niya ang tanong na matagal na niyang gustong itanong sa ama. “Oo,” walang gatol na tugon ni Nick. “Hindi ko alam na matagal na pala siyang patay. Kung hindi pa tayo nagkakilala sa f******k at nagkabalitaan.” “Namatay siya noong ipinanganak niya ako, papa. Bale si lola Linda na ang nag-aruga sa akin.” Muling bumadha ang lungkot sa mga mata ni Nick. “Pasensya ka na, anak, kung hindi ko nagampanan ang tungkulin ko sa iyo bilang ama mo. Nauna kong nakilala at minahal ang ina mo pero dahil sa isang hindi inaasahang pangyayari ay hindi ko napanagutan ang obligasyon ko sa kanya.” “Ang ibig mo bang sabihin ay minahal mo rin si mama? Hindi mo siya niloko katulad ng palaging sinasabi ng aming mga kamag-anak?” sabik na tanong niya. Marahang tumango si Nick pagkuwa’y nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga. Halos ayaw lumabas sa bibig nito ang mga sumunod na pangungusap. “Minahal ko ang ina mo. Malinis ang layunin ko sa kanya. Hindi ko nga lang kayang suwayin ang mga magulang ko noon sa kagustuhan nilang pakasalan ko ang anak ng kanilang kaibigan. Pero labis ko iyong pinagsisihan, anak. Sana’y mapatawad mo ako.” Napangiti si Ella. Nakaluluwag ng dibdib ang mga narinig niya mula sa kanyang ama. “Wala kang dapat alalahanin, papa. Hindi naman ako galit sa iyo. Ang importante, magkasama na tayo ngayon.” Umaliwalas ang mukha ni Nick. Hindi nito maitago ang kasiyahan ngayong naririto na siya. “Oo nga, anak. Nagpapasalamat ako at niloob ng Diyos na magkakilala at magkasama tayo.” Muli siyang niyakap ng kanyang ama at gumanti naman siya ng yakap din. Nang bigla siyang may naalala. Mabilis siyang kumalas mula sa pagkakayakap ni Nick. “Papa, may gusto akong sabihin sa iyo…” Pero bigla siyang naudlot sa pagsasalita. Kinakabahan kasi siya sa magiging reaksyon ng kanyang ama sa kaniyang sasabihin. Muli niyang pinaikot ang dulo ng kanyang buhok gamit ang mga daliri dahil sa nerbyos. “Ano iyon? Sige, sabihin mo,” utos nito. “Puwede bang dito na ako tumira kasama ng pamilya mo, papa? Patay na kasi si lola Linda. Si tiya Mina naman na kapatid ni mama ay hindi ako kayang pag-aralin. Gusto ko kasing maging isang nurse, papa. Ikaw lang ang pag-asa ko.” Bahagyang natigilan si Nick. Mukhang hindi nito inaasahan ang kaniyang sinabi. Kung bakit kasi noong nagcha-chat sila ay hindi niya agad sinabi rito ang tunay niyang pakay kung bakit hahahanapin niya ito sa Baguio City. Iyon ay sa dahilang nangangamba siya na tumanggi ito. “Wala na kasi akong pamilyang tutuluyan, papa.” Halos maiyak na siya dahil sa tila pagdadalawang-isip ng ama. “Ipinapangako ko na hindi ako magiging pabigat dito, papa. Tutulong ako sa mga gawaing-bahay basta papag-aralin mo lang ako. Nakikiusap po ako sa inyo.” Inakbayan siya ng kanyang ama. “Wala namang problema sa akin, anak. Kaya lang ay…” “Kaya lang ay ano, papa?” Hindi na sumagot si Nick. Tila balisa na nakatutok ang mga mata sa ibang parte ng bahay. Sinundan niya ang bahaging tinitingnan nito. Sa paanan ng hagdan ay nakita ni Ella na may dalawang babae na nakatayo rito. Sa tingin niya ay kasing-edad lang niya ang mga ito. Nakapameywang at sa anyo ay tila kanina pa nakikinig sa usapan nilang mag-ama. Ang matatalim na mga titig ay tila nagbabanta sa kaniya. May pangambang unti-unting nagbabangon sa dibdib niya. Mula sa kusina ay narinig nila ang tinig ni Blesilda, sinasabing nakahanda na ang hapunan. Dali-daling tumayo si Nick sabay yaya sa kanya. Bantulot na sumunod na lang siya sa kaniyang ama kahit hindi pa nito nasasagot ang kanyang tanong. Nauna namang pumunta sa dining area ang dalawang babae matapos siyang tapunan muli nang matatalim na sulyap. Habang naglalakad ay hinagod niya ng tingin ang kabahayan. Sakto lang ang laki nito, ordinaryo lang ang mga kasangkapan bagamat tila kumpleto naman. Palatandaan ito na katamtaman lang ang pamumuhay ng kaniyang ama at ng pamilya nito. Pero ayos lang sa kanya na hindi mayaman si Nick. Ang importante ay handa itong tanggapin siya at papag-aralin. Iyon naman talaga ang pakay niya kung kaya hinanap niya ito. At desidido siyang mapapayag ang kanyang ama kesehodang harangan pa siya ng sibat. At itong dalawang bruha na sinusundan niya ngayon? Puwes, hindi siya kailanman magpapasindak sa mga ito, bruha lang sila samantalang siya ay dragon, bumubuga siya ng apoy kapag nagagalit. Lima silang lahat na nakaupo sa pabilog na dining table. Naramdaman niya ang tensyon na bumabalot sa kaniyang mga kasama. Siya man ay ganoon din, pero mas pinili niyang dedmahin ang pagkailang. Kanina pa siya nagugutom. Puro tubig lang at biscuit ang kinain niya sa biyahe mula Cavite. Kokonti ang perang dala niya, kailangan niyang magtipid. Ganado siyang kumain kahit halos malusaw na siya sa tingin ng tatlong babae sa harap niya. Tatlo dahil kasama na si Blesilda na animo’y nakakakita ng taong grasa sa pandidiri sa kanya habang magana niyang nilalantakan ang luto nitong ulam. “Pinikpikan ang tawag diyan, anak,” sabi ni Nick nang mahalata na nagugustuhan niya ang ulam. “Paborito iyang luto sa manok sa rehiyong ito. Tinatawag din iyang ‘killing me softly’ kasi dahan-dahang pinapatay ang manok sa pamamagitan ng mahinang palo. Iyong namuong dugo sa katawan nito ang nagpapasarap diyan.” “Ganoon po ba? Tinola lang ang alam ko sa manok, papa.” Lumikha ng tunog ang ginawa niyang paghigop sa sabaw. Lalong tumaas ang kilay ng tatlong babae na tahimik lang na kumakain. Paminsan-minang nagtitinginan ang mga ito. Nakakailang subo pa lang si Nick ay tumuwid na ito sa pagkakaupo. Humugot muna ito nang malalim na hininga na tila naghahanda sa isang mabigat na announcement. “Mga anak,” baling nito sa dalawang teen-ager na tila ayaw bumaba ang mga kilay. “I want you to meet your elder sister, Ella. Ella, this is Grace, and this is Charity.” Kimi niyang nginitian ang dalawang ipinakilala. Ang tinukoy na Grace ay tila kasing-edad niya. Morena rin ito tulad niya, itim ang tuwid na buhok at mas kamukha ng kanilang ama. Si Charity naman ay maputi at kulot ang may kulay na buhok, mas kamukha naman ito ni Blesilda. Kapwa sila maganda kahit hindi magkamukha at tila pareho ring maldita. Tinapunan lang siya ng sulyap ng mga ito. Walang kahit na ano’ng salita ang lumabas sa mga bibig, tuloy pa rin ang kain. Nakaramdam siya ng pagkapahiya dahil sa malamig na trato ng mga kapatid pero hindi siya nagpahalata, matamis siyang ngumiti at bumati sa mga ito. “Hi, Grace. Hi, Charity.” Wala. Dedma talaga. Muling nagsalita si Nick, tila hindi pansin ang matabang na pagtanggap sa kanya ng dalawang anak. “Sasamantalahin ko na ang pagkakataong ito upang sabihin sa inyong tatlo na mula sa araw na ito, dito na titira si Ella.” Parang may kuwitis na biglang sinindihan sa gitna nilang lima. Napakislot si Grace at Charity, pagkatapos ay nagsulyapan sa isa’t isa. Si Blesilda naman ay padarag na binitiwan ang hawak na kubyertos. Maging siya man ay nagulat. “Wala sa usapan iyan, Nicanor. Ang sabi mo ay dadalaw lang dito ang anak mong iyan sa labas. Sa ano’ng dahi- lan at ngayon ay dito siya na titira?” nanlilisik ang mga matang tanong ni Blesilda. Kalmado namang sumagot si Nick. “Pasensya na, Blessy. Wala nang uuwian itong bata. Patay na ang lola niya, mahirap din naman ang tiyahin niya. Kaya bilang ama, obligasyon kong kupkupin siya.” “At paano naman ang tunay mong mga anak? Hindi ka ba nahiya na ititira mo rito ang anak mong iyan sa labas kasama ng mga tunay mong anak? Ano na lang ang sasabihin ng mga tao?” Tiim-bagang na hinarap ni Nick ang asawa. Halata ang pagtitimpi nito. “Huwag mong isipin ang sasabihin ng iba, Blessy. Puwede naman tayong maging isang masayang pamilya kung babawasan mo nang bahagya ang kasamaan ng ugali mo.” Sasagot pa sana si Blessy nang biglang padabog na tumayo si Grace at walang pasintabi na tumakbo patungo sa hagdan. Agad ding sumunod dito si Charity. “Nakita mo na?” Nanlilisik ang mga mata na tumayo na rin si Blessy at iniwan sila. Nag-aalalang napasulyap siya sa kanyang ama. Napapailing na sinalubong nito ang kanyang mga tingin, halata ang pagkapahiya sa mukha. Malungkot na ibinalik ni Ella ang tingin sa kanyang plato na may natitira pang pagkain. Biglang nawala ang kanyang gana. Ngayon pa lang ay alam na niyang hindi madali ang kanyang magiging buhay sa tahanan ng sarili niyang ama.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD