Ayradel's Side
Tiningala ko ang matayog na building sa aking harapan. Tatlong building iyon, isang puti, asul at peach ngunit magkakatabi at magkakapareho lang ng itsura. Simula ngayon ay dito na kami maninirahan habang binubuno ang apat na taon sa kolehiyo. Nakakapanibago, at napakabilis ng panahon. Parang kailan lang nang nag-enroll at nag-exam ako sa Tirona High, ngayon ay nasa panibagong level na naman kami ng buhay.
But I'm happy because I got to be with my friends pa rin. Napatingin ako sa kanila habang inaalala nila ang mga gamit namin.
"Besty, may mga gamit ka pa rito!" sigaw ni Lui mula sa sasakyang inarkila namin para madala dito ang mga gamit namin mula sa kanya-kanya naming bahay. Lumapit naman ako agad para tumulong. Dala na rin ni Mama ang ilan sa mga gamit ko pa. Si Ella naman ay bitbit na rin ang mga bags niya.
"Omaygad! Ang ganda dito!" komento ni Ella habang kumikinang ang matang nakatingin sa 3 nagsisitaygang building.
"Oo nga e, ang swerte natin, na-renta-han lang natin ng mura ang room natin dito." sabi ko.
"True, eh mukhang mayayaman pa naman mga nakakapag-rent dito." sabi naman ni besty.
Ito kasi ang El Pueblo Dormitory. Dito kami magi-stay habang nag-aaral ng college. Kung titignan ay napakalaki ng lugar, tatlong buildings, swimming pool sa gilid, gym, at studio-type room. P12,000 lang ang rent price ng bawat room, pagkatapos ay apat pa kami. Ako, besty, ella, at isang kasamahan na mamaya pa namin makikilala.
"Ano ba, ang mahalaga mukhang ligtas naman ang lugar na ito para sa inyo." singit naman ni Mama sa gilid. Si Mama lang ang magulang na libre upang samahan kaming tatlo. Ang parents ni Lui ay masyadong busy, gan'on rin ang parents ni Ella na never rin sumama sa kanya sa lahat ng ginagawa niya.
Sama-sama na naming hinila ang mga gamit namin patungo sa entrance ng building A, 'yong peach na building to be exact. Summer pa lang ay nakapag-inquire na kami dito, kung kaya hinanapan lang kami ng mga valid ID's pagkatapos ay tinulungan na kami ng mga tauhan na buhatin ang mga gamit namin patungong elevator.
"Taray, ang sosyal ng mga tao dito. Parang mga artista." bulong ni Ella nang may nakakasalubong kaming magaganda at gwapong parang dito rin nakatira. "Magpapatalo ba tayo?"
Humalakhak kami sa kalokohan ni Ella dahil bigla siyang umayos ng lakad na akala mo'y sosyal na model. Napailing-iling ako't napatingin pa sa paligid. May madadaanan ka ring lobby, at grand piano bago makarating sa elevator.
"OMG! May grand piano!" excited namang sabi ni besty. Siya lang naman ang mahilig sa music sa aming tatlo.
"Shh, huwag kayong maingay, pinagtitinginan tayo ng mga tao! Mukha tayong inosente, ano ba." saway ko naman at tinawanan lang nila ako.
Mababait ang tauhan ng El Pueblo. Tinulungan kami ng mga ito hanggang sa makarating kami sa room namin na 5-B03. Dalawang double deck, isang CR, isang study table, at lababo ang nasa loob ng bawat room. Creamy white ang kulay ng pader. Hindi ito sobrang luwag, at hindi rin sobrang sikip. Tamang tama nga lang sa apat na tao. Kapag pumunta ka naman sa bintana ay tanaw ang kalsada at ilan sa mga bahay dito sa buong lugar.
Napansin rin namin na may mga gamit na sa gilid lang ng kwarto. May maliit na cabinet na rin at may kutson na ring nakalatag sa isang kama sa double deck. Ibig sabihin ay nandito na yung isang kasama namin sa kwarto.
Nasaan kaya siya?
"O sige na, ayusin niyo na ang dapat ayusin nang matapos natin 'to agad." sabi ni Mama na may palakpak pa.
"Yehey! Ako dito sa itaas!" sabi agad ni besty.
"Okay lang, sa ibaba kami ni Ayra dahil ayaw naming ma-fall. Hmp." sagot naman ni Ella.
Parang baliw talaga 'tong dalawang 'to!
Inubos namin ang oras sa pag-a-ayos ng mga gamit namin hanggang sa may kumatok sa pinto. Pinagbuksan namin ito, pagkatapos ay tumambad sa amin ang isang babaeng sobrang cute ng ngiti at may salamin. May hawak siyang supot na may lamang tinapay.
"Annyeonghaseyo!" bati niya sabay yuko, na sa tingin ko e, "hello" ang ibig sabihin.
"OMG! Hello!" excited na sabi ni Ella sabay tayo. "Ikaw ba ang kasama namin sa room na 'to?"
"Opo! Sorry nag-ayos na ako ng gamit kasi medyo napaaga yung dating namin dito ng parents ko." aniya. "Eto po oh? Tinapay, mapapagod po kayo niyan sa pag-a-ayos. Hehe."
Ang cute niya naman! Para siyang bata!
"By the way, I'm Niña Lequin!" aniya, saka na kami nakipagkilala sa isa't isa. "Sinong kpopper sa inyo, o wattpader?"
Unang nagreact si Ella.
"WAAAAH! AKO! AKO!" na akala mo e, aagawan ng posisyon sa pagiging mahilig sa mga stories at Kpop.
"O ayan, si Ella magkakasundo kayo niyan!" tatawa-tawa namang sabi ni Besty.
Pagkatapos ng buong araw na pagaayos ay napagpasiyahan na nga ni Mama na umuwi na. Humalik naman ako sa pisngi niya pagkatapos ay hinatid na namin ito ni besty papunta sa elevator.
"Bye, tita!" ani besty.
"Bye. Osiya na ha! Magiingat kayo, at huwag kalimutang magtext o tumawag, Ayra! Ikaw rin Luisa! Nako huwag niyo kaming pagalalahaning mga magulang niyo ah?!"
Um-oo naman kami ni besty.
"Mahirap dito sa Maynila kaya huwag kayo basta-bastang magtitiwala." dagdag pa niya bago tuluyang umalis na.
"Besty, buti okay na ulit kayo ni tita?" sabi ni besty nang maglakad na ulit kami pabalik sa room namin.
"Oo naman. Bakit naman hindi." sagot ko. "Mama ko pa rin 'yun no. Ano ka ba."
"I'm so happy you're okay now. At napasa pa natin ang scholarship sa isang pinakamagandang university dito sa Manila."
Ngumiti ako.
"Wala naman na sa akin yung dati."
Tumango si besty. Okay naman na talaga ako ngayon. Ang kailangan ko na lang ulit gawin ay mag-aral ng mabuti.
"AB Theater ang course ko, ikaw?" yun ang naabutan naming paguusap nila Ella at Niña.
"BS Kdrama." sagot nito.
"Ha? May gan'on na pala? Hahahaha!"
"Joke lang. Mahilig kasi ako sa Kdrama e!" anito habang humahalakhak. "Pero Broadcast Communication ako. Hehe."
"Hay nako! Bagay kayo ni Lei!"
"Sinong Lei?"
"Basta, kaibigan ng mortal enemy ko! Mahilig din sa mga drama-drama hahahaha!"
"Kayo, Ayra, at Luisa, anong course niyo?"
"Advertising and Public Relation ako." sagot ni Besty. "Pareho tayo ng college building Niña. Sa College of Communication ka diba?"
"Hala oo nga!" sabi naman Niña.
"Ako naman, BS Entrep. College of Business." sagot ko.
Kinabukasan ay maaga kaming nagising lahat. Ngayon na kasi ang first day ng klase namin bilang mga college student. Sabay-sabay kaming apat na pumunta sa Main Building ng University of the Philippines. Katulad ng inaasahan ay dagsa na ang mga estudyante sapagkat ngayon ang General Assembly ng buong freshmen. Talagang nag-set up ng stage sa gitna ng university kung saan may naghohost at nagwewelcome sa bawat freshies na dumadating.
"Uy! Classmates!" agad na sinabi ni Niña na mukhang maswerteng nahanap na ang mga bagong kaklase niya. "Mga be, iwan ko na kayo ah, puntahan ko na 'yong mga kaklase ko."
"Osige be, ingat!" sabi naman ni Ella. Tumakbo na nga ito sa mga grupo ng estudyante sa hindi kalayuan.
"Ako kaya, nasaan ang mga kaklase ko? Hindi sila naga-update sa GC!" Reklamo ni Ella.
"Ugh! Mais sumagot ka!" si besty naman na kanina pa may tinatawagan, pero kunot ang noo dahil hindi ito sumasagot. Sumilay ang nakakalokong ngiti sa labi ko.
"Besty, si Suho ba ang hanap mo?"
"Tinatawagan ko lang, para alamin kung nasaan na ba ang mga classmates namin. Pero hindi ko hinahanap," umikot ang mata niya na akala mo'y may ka-malditahan. May pa-cross arms pang nalalaman habang tumitingin sa paligid. "Bakit ko naman hahanapin 'yon, no?"
"Ayun si Suho, oh!"
"Ha? Saan?!"
Humagalpak kami ng tawa ni Ella dahil sa reaksyon ni besty. Ang bilis niya kasing lumingon doon sa direksyon na tinuro namin.
"Hindi daw hinahanap? Hahahaha!" pang-a-asar namin.
"Aish! Nasaan na ba kasi 'yong mais na 'yon. Kahit kailan, late!"
"Sino kaya 'yon? Ang pogi naman..." tinuro sa akin ni Ella ang isang lalaking naglalakad ngayon sa hindi kalayuan. Hindi ko masyadong makita ang mukha, pero kung titignan ay maganda ang porma niya mula ulo hanggang paa. "Wait-- si..." napatingin ako kay Ella nang exaggerated na lumaki ang mata niya habang hinahampas-hampas ako. Si besty naman ay wala pa ring pake dahil naka-tingin pa rin siya sa cellphone niya. "Lui, si SUHO!"
Tinuro ni Ella 'yong lalaking maganda ang porma. Napatingin naman ako dito at halos malaglag rin ang panga nang makumpirmang si Suho nga 'yong lalaking 'yon.
Inirapan lang kami ni besty. "Sinong niloloko niyo?"
"Totoo nga Lui! Ayun na nga siya! OMG! SUHO!" tumalon-talon si Ella at kumaway upang maagaw ang pansin ni Suho. Naki-kaway na rin ako para mapansin niya kami. Kumaway rin siya sa amin nang makita kami. Si besty naman ay napa-lingon na rin sa direksyon ni Suho, at sa hindi inaasahan ay natigilan rin siya at nalaglag ang panga.
Si Suho— pero hindi si Suho. Omaygad. Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko.
"Ibang-iba na si Suho. Kailan pa siya natutong pumorma ng ganyan?" napanganga rin ako katulad ni Ella, at pati na rin ng mga babaeng nakakakita kay Suho.
Suot ang isang simpleng gray longsleeve, at pants ay parang model kung maglakad ang Suho na nakikita namin ngayon. Paminsan-minsan niya pang hinahawi ang may kahabaan at bagsak niyang buhok, habang diretso lang ang tingin sa amin.
"Omaygad, ang pogi ni Suho!" muli pang sambit ni Ella na hindi pa rin makapaniwala.
He's not wearing an eyeglasses and gel anymore. Parang gangster rin kung dalhin niya yung black bag niya dahil isang strap lang ang nakasabit sa balikat. Siguro dumagdag din sa appeal niya 'yong hindi siya nakapang-high school uniform ngayon. Dati kasi e, mukha siyang totoy. Ngayon ay talagang nagimprove ang itsura niya.
"HONEY! BESTY! ELLA!" anito, saka tumakbo papunta sa amin nang medyo nakalapit na siya.
Tumawa ako. "Si Suho nga."
Nagbago nga ang hitsura niya dahil sa pagbabago ng pananamit, pero walang nagbago sa boses nito, sa pakikitungo, at sa kislap ng mata sa tuwing nakikita si besty. Napuno ang tyan ko ng paru-paro para sa kanilang dalawa. Bakit ba kasi hindi pa tinatapos ni besty ang habulan. Halata ko namang may gusto rin siya kay Suho dati pa, hindi niya pa siguro nare-realize.
"Suho! Long time no see! Ang gwapo mo!" bati ko.
"Talaga?" nilingon niya si besty na umiwas ng tingin, ngunit nananatili pa ring tahimik. "Totoo ba, honey?"
"Tss. Tara na nga! Alam mo na ba kung nasaan sa napakaraming tao na 'to ang mga kaklase natin? Kailangan natin silang mahanap!"
Sumimangot si Suho.
"Mamaya na tayo pumunta sa kanila, kapag nahanap na nila besty Ayra at Ella yung mga kaklase nila."
"Pareho kayo ng course ni Lui, Suho?" manghang tanong ni Ella.
"Oo, gaya-gaya si honey e—"
"Asa ka naman! Ako yung ginaya mo, 'no!" singit agad ni besty.
"Psh, galit agad e. Oo na. Ako pala nanggaya. Hahaha!" sinundot pa ni Suho ang tagiliran ng masungit na si besty.
"E-eh si ano nga pala..." umubo pa si Ella habang sinasabi yon. Napakamot rin siya sa ulo. "S-Si... Santi...?"
"Ah! Dito rin siya sa UP! Ang alam ko, Entrep siya, e?" sagot ni Suho. "Bakit mo natanong si Santi, ha, Ella?"
Agad na lumaki ang mata ni Ella.
"Wala naman! Wala naman. Mabuti at hindi siya nag-AB Theater. HA! Ayoko nang makita ang pagmumukha niya no!"
Sumuntok-suntok pa sa hangin si Ella na parang timang.
"Ayon si Santi oh!"
Agad ring napalingon si Ella sa tinurong direksyon ni besty, kaya naman nagsitawanan kamin lahat.
"HAHAHAHA! Ayaw palang makita ah?!" pangaasar ni besty.
"Ikaw Luisa bumabawi ka ah!" inambahan niya pa ng palo si besty pero tinawanan lang siya nito.
"Eh, si Richard nga pala kamusta?"
Natahimik kaming tatlo nang tanungin iyon ni Ella. Inasahan ko na rin na darating doon ang tanungan na nagaganap, hinanda ko na ang sarili ko kanina pa. Ang awkward lang e, sila mismo ang nananahimik at tumitingin sa akin na parang sinasabing 'baka' affected pa rin ako hanggang ngayon.
"Ay sorry..."
"Baliw, ano ba kayo! Okay na ako! Hahahaha!" sagot ko naman para maalis ang awkwardness.
Okay naman na talaga ako. Ngumiti na lang rin sina besty at Suho.
"Si RJ?" panimula ni Suho. "Honestly, after graduation sa Lee University, hindi na namin ulit siya nakita nila Santi..." aniya.
Ayoko na sanang marinig pa ang sasabihin niya pero hindi ko maiwasang marinig.
"Ang alam ko, bumalik siya sa Korea. So... posibleng doon na rin siya mag-college."
Ngumiti lang ako nang tignan ako ni Suho.
"Hmm... Okay 'yon!" sagot ko.
"Hindi man lang siya nagsabi kung kailan siya babalik dito?" tanong na naman ni Ella.
Hindi ko alam kung bakit gusto ko nang busalan ang bibig ni Ella, e. Bago ko pa gawin ay mukhang inunahan na ako ni besty. Binatukan na nga niya si Ella.
"Aray naman!"
"Ang sabi niya, baka hindi na raw, e." sagot ni Suho na sa akin na naman tumingin. Nakakainis. Bakit kailangan sa akin tumingin?
"O siya! Tama na ang kamustahan! Kayong dalawa, hanapin niyo na mga kaklase niyo!" pagiiba ng usapan ni besty.
"Oops! Ayun. Sakto! Ayun yung mga kaklase ko! Kilala ko yung isa d'on e, pinakamaingay sa GC! Sige na ah, babye!" saka na tumakbo palayo si Ella.
Okay, ako na lang ang walang kasama. Huhu. Chineck ko ang GC ng mga future classmates/coursemates ko, at wala pang update.
"Sige na, mauna na kayo sa mga classmates niyo besty." sabi ko.
"Baliw hanapin mo muna mga magiging classmates mo. Mahirap maligaw sa school na 'to noh, lalo pa't General Assembly ang daming tao!—"
"Ayra!"
Napalingon kaming lahat sa taong tumawag sa akin. At halos malaglag ang panga ko sa taglay niyang kagwapuhan. Wala pa ring nagbago. Malawak siyang nakangiti sa akin at suot pa rin ang bonet at black eyeglasses niya. Pansin ko ang mga matang sumusunod sa kanya.
"Ayan, may kasama na pala si besty." sabi ni Suho. "Tara na honey!"
Saka niya pa hinila si besty.
"Uy! Besty! Babye— Jayvee, ingatan mo 'yang besty ko ah! Tutuktukan kita talaga!" sabi ni besty bago pa siya tuluyang nakalayo talaga.
Halakhak ni Jayvee ang nangibabaw sa pandinig ko. Katulad ng dati ay nakakamangha pa rin marinig ang halakhak niya, pero hindi gaya dati, ngayon ay wala na itong epekto sa akin.
Hindi na ako kinikilig. Hindi na ako kinakabahan.
Napatawad ko na si Jayvee sa nagawa niya noon, kaya naman magkaibigan na ulit kami ngayon. Magkapareho kami ng hilig na taong 'to kaya naman hindi na ako magtataka na pareho kami ng course na pinili. All about business.
New school year. New school. New memories... new people.