VII.
Hindi mapakali na nakatayo ako dito sa loob ng locker room, saktong alas singko na ng hapon at sunod-sunod na ang pagdating ng mga reporters. Kanina pa ako naluluha pero pinipigilan ko.
"Ayos ka lang, Monique?" Nag aalalang tanong ni Krizel na kakatapos lang mag duty. Hinubad niya ang suot niyang cap at hinagod ang likod ko.
"Ano nang nangyayari sa labas?" Tanong ko. Nanginginig ang boses ko kaya nag buntong hininga siya.
"Inaayos ni ma'am Leah ang lahat, pinapaalis niya 'yung mga reporters pero matitigas ang ulo nila. Yung ibang customer ay umaalis na lang dahil sa gulo."
Nanlaki ang mata ko. "Nasa loob sila?"
Umiling siya at ngumiti. "Nandoon sila Harry, ginagawa nila ang lahat para hindi makapasok ang mga iyon. Si manong guard ay halos itulak na sila.."
Napayuko ako. Hindi ko na napigilan ang pagtulo ng luha ko, kanina ay tinawagan ako ni Miracle. Sabi niya ay pupunta siya dito at siya ang haharap sa lahat kung hindi ko kaya, tumanggi ako at sinabi na wag na lang muna siyang lumabas ng school para walang makakita sa kanya. Mas safe doon.
"Monique!" Napaangat ako ng tingin nang marinig ang boses ni Ellen, hindi malaman ang itsura niya. Lumapit siya sa'kin at sinubukan hawakan ang kamay ko pero inilayo ko agad.
"Akala ko ba ay hindi mo ilalagay sa internet ang picture, Ellen? Nangako ka sa'kin." Galit ang tono ko. Dapat ay hindi na lang ako pumayag na magpa-picture ako sa kanya. Edi sana walang ganito, nangako kasi siya.
"M-monique.." Pinaglaruan niya ang kanyang daliri. "Hindi ako ang nag-upload, promise! Hindi ko alam kung sino. Hindi ko talaga alam.."
Hindi ako sumagot. Hindi ko alam kung maniniwala ako sa kanya, wala na. Nandito na ang mga reporters, alam na nila kung nasaan ako. Ito ang mga pagkakataon na hinihiling ko na sana ay hindi na lang ako anak ng isang sobrang sikat na artista, sana ay hindi na lang naging artista si mama.
"M-maniwala ka sa'kin, Monique! Hindi ko in-upload iyon." Nangingilid na ang luha niya. "Sa group chat ko lang naman natin iyon sinend, kahit sa mga pinsan ko ay pinakita ko lang sa kanila pero hindi ko sila binigyan ng kopya."
Kumunot ang noo ko. "Sa group chat?"
Tumango siya. "Tayo nila Rizza ang nandoon, hindi ka kasi nag bubukas ng sss kaya hindi mo nakikita. Kaya kung kumalat iyon--"
"Isa lang pala sa inyo ang nag-upload e!" Pag singit ni Krizel, medyo iritado. Hinawakan ko ang braso niya, hindi sila close ni Ellen kaya baka magkainitan sila.
"Wala na akong oras para isisi sa iba, nandito na ang mga reporters." Pinunasan ko ang luha ko.
"Sorry talaga, Monique.." Hindi ko na pinansin si Ellen.
Inipon ko ang buhok ko para itali, inayos ko ang itsura ko. Haharapin ko na lang sila, hindi naman matatapos ito kung hindi ko sila haharapin.
"Sigurado ka na ba?" Tanong ni Lyda. Tumango ako at nilingon si Ellen na pinupunasan ang luha niya at nakayuko.
"Monique." Mabilis kong nilingon si Nico na nakatayo sa may pinto. Hindi tulad nung una ay halos hindi siya mapansin ni Ellen.
"N-nico.."
"Ayos ka lang?" Tanong niya kaya tumango ako. "Haharapin mo ba sila? Kung gusto mo ay ako na lang.."
Namilog ang mata ko. "Bakit? Hindi na kailangan, Nico. Wala kang kinalaman dito, ayokong madamay ka.."
Yumuko siya at huminga ng malalim. Binaling ko ang tingin kila Joan at Rizza na bagong dating lang, nagulat sila na nandito si Nico lalo na si Rizza na agad inayos ang buhok.
"Ayos ka lang, Monique? Nakita ko 'yung nasa internet!" Ani Joan na kinakagat ang kanyang kuko.
"Ayos lang, haharapin ko na 'yung mga reporters."
"Sure ka?" Tanong ni Rizza. Hindi ako sumagot, kung sa groupchat lang sinend ni Ellen ang picture ibig sabihin ay isa sa kanila ang nagkalat nung picture.
Nilingon ko si Ellen na pinapanood kami. Kung hindi siya, sino?
Huminga ako ng malalim. Inayos ko ang damit ko at lumingon kay Nico, tumango siya kaya nilagpasan ko na siya. Naramdaman ko ang pag sunod nila kaya lumingon ako.
"Dito na lang kayo, please.."
Walang sumagot sa kanila. Pagkalabas ko ay maraming flash ang sumalubong sa'kin, agad na nilapit sa mukha ko ang mga recorder at mic ng iba't-ibang station. Ang mga camera ay nakatuon sa'kin, ang mga sari-sari nilang tanong ay sabay sabay kaya halos hindi ko na maintindihan.
Napahigpit ang pagkakahawak ko sa laylayan ng damit ko.
"Monique, saan kayo ngayon nakatira ng pamilya niyo? Bakit kayo nagtago?" Tanong ng isa.
Ngumiti ako. "We just wanted to have some break and live a normal life. Masyadong nasaktan si mama sa naging reaksyon ng mga tao sa issue kaya kami umalis."
"Pero bakit ka nagtatrabaho sa ganito? Ayaw mo na ba maging model? Aalis na ba sa pagiging actress si Mary Agustin?"
"Hindi ko pa alam kung anong plano ni mama, hintayin natin kung kailan siya magiging handa para humarap sa mga tao. As for me and my sister, hindi namin alam kung kailan kami babalik sa modelling career." Huminga ako ng malalim. Sobra ang kaba sa dibdib ko pero hindi ko pinapahalata. Ayokong may masabi na mali.
Tinawag ako ng isang reporter. "Hangga't hindi pa siya handa, pwede bang ikaw na mismo ang sumagot kung totoo bang may relasyon si Romeo Manzano at ang ina mong si Mary Agustin?"
Ngumiti ako ng tipid. "Ilang beses nang sinagot ni mama ito na hindi totoong may relasyon sila, sana ay hindi niyo na dugtungan ng kung anu-anong espekulasyon. Kung bakit sinabi ni Romeo Manzano na meron silang relasyon ay hindi ko alam. And now, if you'll excuse me. This is my working place, sana ay hindi na ito maulit. Please respect our privacy. And especially Mary Agustin, my mother.."
Tinalikuran ko silang lahat kaya lalong lumakas ang mga tanong nila. Tinulak-tulak na sila palayo nila Nico para umalis sila, napayuko ako at napahawak sa dibdib habang bumabalik sa loob ng locker room.
Nandoon pa rin silang lahat. Nag-aalala ang mga mukha nila Ellen, napaupo ako sa upuan at pinalibutan agad nila ako.
"Ayos ka lang? You did a good job, Monique." Ani Lyda.
"Sorry talaga, Monique." Naluluha pa rin na sabi ni Ellen.
Nginitian ko siya. "It's okay.."
Hindi na nagtagal ang mga reporters matapos no'n. Nagsimula na rin kaming magtrabaho pero mas maraming tao ngayon, kabi-kabila ang mga tumatawag sa'kin kaya nilagay ako sa kitchen ni ma'am Leah para hindi ako nakikita ng mga tao.
"Gusto mo ba munang umuwi?"
Umiling ako habang nilalagay ang manok sa isang plato. "Hindi na po, ma'am Leah. Kahit naman umuwi ako ngayon ay ganito pa rin bukas, magsasawa rin sila.."
Sumimangot siya. "Dati ay gustong gusto kong maging sikat kaya nung makita kita ay naiinggit ako sayo, pero ngayon na nakikita ko ang sitwasyon mo ay halos magpasalamat ako sa Diyos na hindi ako naging sikat. Mahirap pala!"
Tumawa ako. "Masaya po pero mahirap."
Buong duty ko na nasa kitchen lang ako, sabi nila Joan ay may mga naghahanap daw sa'kin at sinasabi nilang umuwi na ako. Lahat sila ay nag-aalala, nakakainis lang na nagdala pa ako ng problema dito.
Wala pang ala una ay nagsara na kami kaya kanya-kanya na naman kami ng linis ng mga lamesa, binuhat ko ang isang upuan at pabaliktad na pinatong sa lamesa na tapos ko nang punasan.
Nilingon ko si Gian na nagma-mop ng sahig, mukhang nailang siya nang makita niyang nakatingin ako kaya napanguso ako.
"Mon, wag mo kasing tignan! Crush na crush ka nyan dati pa!" Halakhak ni Joan kaya nanlaki ang mata ni Gian.
"Talaga?" Gulat na tanong ko. Napakamot siya sa ulo niya at natawa na lang habang nagma-mop. Kitang-kita ang pamumula ng tenga niya kaya mahina ko siyang pinalo sa braso.
"Wag ka nang mahiya sa'kin, Gian!" Sabi ko kaya naghiyawan sila Marco para kantyawan siya.
"Kilig na kilig 'yan!"
Tinuro ni Gian si Jason na nakikiasar. "Crush mo din si Monique, wag kang painosenteng ugok ka!"
"Sinabi ko bang hindi?" Pabirong sabi ni Jason kaya ako naman ang nahiya. Hinampas nila Ellen si Jason dahil doon.
"Ang landi talaga ng isang 'to, kahit kay Monique ay hindi nahiya!"
Humalakhak ako. "I like it more.."
"Oh see?" Mayabang na sabi ni Jason at inakbayan si Gian. "Learn from a pro.."
Minura siya ni Gian kaya nagtawanan kaming lahat. Tumagal ang pag lilinis namin dahil sa ginawang asaran, inasar namin si Marco na nanliligaw pala kay Joan ngayon.
"Bye, guys!" Paalam ko sa kanila at tinuro si Marco. "Hatid mo si Joan, ha!"
"Awoot!" Kantyaw ni Jason.
"Sayang nawala na naman si Nico, walang maghahatid sa'kin!" Reklamo ni Rizza kaya inasar asar siya.
"Kahit naman nandito iyon ay hindi ka naman niya hinahatid!"
Napangiwi ako. Hindi ko alam kung saan na naman nagpunta si Nico, alas dose pa lang ay bigla na siyang nawala. Lagi naman walang nakakaalam kung nasaan siya. Papagalitan na naman siya ni ma'am Leah bukas.
Nagpaalam na sila sa'kin at naiwan na naman akong mag-isa, wala si Nico at wala rin si Billy. Nagbuntong-hininga ako at pinagmasdan ang madilim na daan na tatahakin ko.
Pumikit ako, masasanay ka rin Monique! Hindi araw-araw ay laging may maghahatid sayo! Wag kang duwag.
Niyakap ko ang sarili ko at kumanta-kanta habang naglalakad sa madilim na daan na ito, kinikilabutan ako kaya binilisan ko ang paglalakad ko habang nakapikit. Buti na lang ay patag ang daan dito, kundi ay baka nadapa na ako.
Halos mapatili ako nang marinig ang isang malakas na busina, mabilis kong nilingon si Billy na nakasandal sa motorbike niya. May sigarilyo na nakaipit sa daliri niya, bumuga siya ng usok habang walang emosyon na nakatingin sa'kin.
"Ang ganda talaga lagi ng mga entrada mo eh no? Lagi na lang akong muntik atakihin sa puso!" Reklamo ko pero hindi siya sumagot. Tinapon niya ang sigarilyo sa sahig at tinapakan iyon bago iabot sa'kin ang isang helmet.
"Ihahatid mo ako?" Tanong ko kaya napatigil siya sa pagsusuot ng helmet niya at nilingon ako.
"Lagi mo na lang bang itatanong 'yan?"
Umirap ako. "Eh kasi naman.."
Umirap din siya kaya napanganga ako. Ang taray naman ng lalakeng ito! Sige, hindi na ako magtatanong. Kung ano man ang gusto niyang iparating sa paghahatid niya sa'kin sa bahay ay hindi ko na tatanungin. Hahayaan ko na lang.
"Taray sus." Bulong ko habang sinusuot ang helmet kaya lumingon ulit siya. Tinaas ko ang kilay ko kahit hindi niya naman nakikita, napapikit ako nang paluin niya ang helmet na suot ko kaya umalog 'yung ulo ko.
"Masakit, huh!" Reklamo ko.
He grinned. Sumakay siya sa motorbike niya kaya nanghahaba ang nguso na sumakay ako sa likod niya. May pangisi-ngisi pa siya, pero sa school ay kahit tignan ako ay hindi niya magawa. Habang tumatagal ay lalo akong nagtataka kung bakit niya ginagawa ito, halata naman na wala siyang gusto sa'kin.
Tulad ng nakasanayan ay naging mabilis ang biyahe, pagkadating namin sa bahay ay nagpaalam siya at sinundan ko na lang siya ng tingin palayo. Pagkapasok ko ng bahay ay nagulat ako na nasa salas si mama, natutulog sa sofa.
Napabuntong-hininga ako. Siguradong napanood niya ang naging interview ko kanina at nag-aalala siya kaya hinintay niya ako. Hindi ko na siya ginising at kumuha na lang ng unan at kumot sa kwarto niya.
Hindi pa agad ako nakatulog dahil sa pag iisip kaya naligo muna ako at nagtimpla ng gatas, umupo ako sa stool dito sa kusina.
2:30am na.
Nagulat ako nang tumunog ang phone ko na nakapatong dito sa may counter, lumabas ang pangalan ni Rigo kaya nagmamadali ko itong sinagot.
"Hello?"
"Oh, s**t. Nagising ba kita?" His voice was husky.
"Uh. No, nagpapaantok pa lang ako.."
Hindi siya agad nakasagot. Naririnig ko lang ang pag hinga niya kaya kinagat ko ang aking labi.
"Lasing ka ba?" Tanong ko.
"Hindi." Mabilis na sagot niya. "Nakainom lang."
Napangiwi ako. He's drunk. Halata sa boses niyang namamaos, uminom ako sa gatas na tinimpla ko para balewalain kung gaano ito kasarap sa tenga.
"So, sa bar ka dinala ni Kieran?" Tanong ko.
He chuckled, it was deep and warm. Uminom pa ulit ako ng gatas at muntik ko nang maubos.
"Sa isang party.."
Tumango ako. "Was it fun?"
"Not really.." Aniya. "Nagsisi ako, buong party ay iniisip kong sana ay sayo na lang ako sumama."
Kinagat ko ang labi ko. This guy really...
"If i know.. maraming girls diyan." Nahihiyang sabi ko.
"Sobrang dami." Aniya. "But i was thinking of you the whole time, hindi ko maiwasan na ikumpara silang lahat sayo and you're better than all of them."
Naramdaman ko ang pag iinit ng mukha ko. "Bolero!"
"You're always like that!" Reklamo niya, halos marinig ko ang pang hahaba ng nguso niya sa kanyang boses. Hindi ako nakasagot dahil nahihiya ako na baka kapag nagsalita ako ay marinig niya sa boses ko ang pag ngiti ko.
"Monique?" Maingat ang boses niya. "Are you okay?"
"Uh.. i'm okay."
"Napanood ko 'yung nangyari kanina kaya tinawagan agad kita."
Ngumuso ako. "Ayos lang ako, wag kang mag alala."
Tumawa siya. "Hindi naman ako nag-aalala, tumawag lang ako para sabihin na mas maganda ka sa TV."
Hindi makapaniwalang napanganga ako. "Nakakainis ka!"
"Biro lang." Humalakhak siya. "Alam mo bang gusto ko silang inggitin lahat dahil nakikita kita ng malapitan at nakakausap ng ganito?" Lumambing ang kanyang boses. "You are so used to your features, you have no idea how beautiful you look to a stranger. Hindi mo alam kung gaano ka kaganda sa paningin ko.."
Muntik ko nang mabitawan ang phone ko. Halos manghina ako sa sinabi niya.
✖️