Maagang nabulabog ang tulog ni Ericka dahil sa malakas na katok sa kanilang pintuan. Hindi pa man sumisikat nang husto ang araw, ang kaniyang ina ay abala na sa kusina at tila may hinihintay na panauhin.
“Ericka! Gising na! Nandiyan na ang susundo sa ’yo!” sigaw ni Aling Liza habang nag-aayos ng kaniyang ititindang kakanin.
“Sundo? Sino? Ma, alas-singko pa lang ng umaga, ah!” reklamo ni Ericka habang nagkakamot ng ulo at pilit na idinidilat ang mga matang hilam pa sa antok.
Nang pagbuksan niya ang pinto, halos malaglag ang kaniyang panga. Nakatayo sa harap ng kanilang maliit na gate si Boy Putok. Naka-cross arms ito, suot ang isang simpleng gray na t-shirt at maong, pero kahit gaano kasimple ang ayos nito, kitang-kita pa rin na hindi ito nababagay sa alikabok ng kanilang kalye. Halatang naiirita siya sa init at sa mga lamok na pilit niyang itinataboy gamit ang kaniyang kamay.
“Ano’ng ginagawa mo rito, TL?” takang tanong ni Ericka.
“My dad called. Sabi niya, dahil wala naman akong ginagawa rito sa bahay, I should 'learn the ropes' of your work. Whatever that means,” malamig na sagot ni TL. “Tita Liza agreed.
Sasama raw ako sa ’yo sa terminal ngayon. So, hurry up. I don’t have all day.”
Hagalpak ng tawa si Ericka habang nagmamadaling mag-ayos. “Ano? Ikaw? Magbabarker? Baka sa unang sigaw mo pa lang, himatayin ka na sa usok doon!”
Pagdating sa terminal, sinalubong sila ng ingay ng mga makina, sigawan ng mga drayber, at amoy ng krudo. Dito ay kilala si Ericka bilang "Jannel," ang pinakamabilis at pinakamalakas na barker sa buong linya. Sinalubong sila ni Tatay Lander, ang pinakamatandang drayber na itinuturing na ring ama-amahan ni Ericka, habang naglalagay ito ng tubig sa radiator ng kaniyang jeep.
“O, Jannel! Sino itong kasama mong mukhang model ng sabon? Naligaw ba ito rito sa terminal?” biro ni Tatay Lander habang tumitigil sa ginagawa.
Natawa si Ericka at pasimpleng siniko si TL na parang tuod na nakatayo sa gitna ng putikan. Inilapit niya ang mukha kay Tatay Lander at ibinulong ang isang sikretong sapat na para magpula ang buong mukha ng binata.
“Tay Lander, huwag po kayong mabulag sa kinang ng balat niyan. Si Travis Lance Guazon po ’yan, ang bago nating kapitbahay. Pero Tay, huwag kayong maingay, ah...” pilyong sabi ni Ericka bago humalakhak. “Siya ’yong napag-tripan ko sa jeep ninyo noong nakaraan, Tay Lander!”
Kumunot ang noo ni Tatay Lander, pilit inaalala ang kwento ng dalaga hanggang sa nanlaki ang kaniyang mga mata at humalakhak ito nang malakas. “Hala! Iho, ikaw pala ’yong kinuwento ni Jannel? ’Yong pinagkamalan niyang may putok kaya inabutan niya ng Rexona sa harap ng maraming tao sa loob ng jeep ko? Hahaha!”
Halos maging kamatis ang kulay ng mukha ni TL sa tindi ng hiyang naramdaman. Tumingin siya nang matalim kay Ericka na ngayon ay halos gumulong na sa semento sa sobrang tawa.
“Ericka! I told you to stop talking about that! It was a misunderstanding!” bulyaw ni TL, ang kaniyang boses ay nanginginig sa inis pero hindi siya makalikas dahil sa utos ng kaniyang ama.
“Hahaha! Pasensya ka na, TL! Hindi ko lang talaga mapigilan!” sagot ni Ericka habang hinahawakan ang kaniyang tiyan. “Opo, Tay! Siya nga ’yon! Akala ko nga hindi na magpapakita sa akin ’yan, eh. ’Yun pala, tadhana na ang gumawa ng paraan para maging magkapitbahay kami sa ilalim ng mga magulang nating mag-best friend.”
Napailing-iling si Tatay Lander habang tinatapik ang balikat ni TL. “Pasensya ka na rito kay Jannel, iho. Ganyan talaga itong bata na ito, basagulera na, pilyo pa. Pero mabuti ang puso niyan. Huwag kang mag-alala, amoy Bench naman ang pabango mo ngayon, hindi ka na namin bibigyan ng deodorant sa loob ng jeep.”
“Thank you for the clarification, Sir,” malamig at sarkastikong sagot ni TL, bagaman ramdam niya ang kaunting gaan ng loob sa pagtanggap ng matanda sa kaniya sa kabila ng kaniyang pagiging suplado.
Nagsimula na ang trabaho. Si Ericka ay mabilis na kumilos, sumasabit sa gilid ng mga jeep habang sumisigaw. “Bauyan! Bauyan! Isa na lang, aalis na! Sukli ninyo, Ma’am!” Habang si TL naman ay nakatayo lang sa gilid, nakasukbit ang mga kamay sa bulsa, at tila pinandidirihan ang bawat dumaang jeep na naglalabas ng itim na usok.
“Hoy, TL! Huwag kang tumayo riyan na parang estatwa ni Rizal! Tulungan mo ako!” sigaw ni Ericka. “Doon ka sa dulo, tawagin mo ’yong mga lalakeng may bitbit na sako. Sabihin mo Bauyan!”
Huminga nang malalim si TL. Halatang labag sa loob niya ang gagawin. Naglakad siya patungo sa tinuro ni Ericka. Sa mahina at malamig na boses, sinabi niya, “Excuse me. If you’re going to Bauyan, the jeep is over there.”
Walang pumansin sa kaniya. Para siyang nag-oorder sa isang high-end cafe sa sobrang pino ng boses.
“Hahaha! Grabe ka, TL! Para kang nag-oorder sa Starbucks! Lakasan mo! Ganito, o...” Lumapit si Ericka sa kaniya at huminga nang malalim. “BAUYAN! BAUYAN! TATLO NA LANG, LARGA NA!”
“That’s so barbaric,” bulong ni TL, pero may halong pagkabilib sa kabilisan ng dalaga. Hindi niya aakalain na ang babaeng naging dahilan ng kaniyang kahihiyan noong nakaraan sa jeep ni Tatay Lander ay siya ring babaeng kayang magpatakbo ng isang buong terminal sa kaniyang boses.
Dumaan ang ilang oras at unti-unting napapagod si TL. Ang kaniyang dating malinis na t-shirt ay may mantsa na ng alikabok. Pero sa kabila ng kaniyang pagiging suplado, hindi niya iniwan si Ericka. Pinapanood niya kung paano makipag-usap ang dalaga sa iba’t ibang klase ng tao.
“Bakit mo ba ito ginagawa?” tanong ni TL habang nakaupo sila sa isang bench sa ilalim ng puno, umiinom ng palamig na binili ni Ericka.
“Kailangan, eh. Para may panggastos sa bahay. At saka, scholar kaya ’to! Pero kailangan din ng sideline. Hindi lahat ng tao ay kasing-swerte mo, Boy Putok.”
“Stop calling me that,” mabilis na saway ni TL.
Nang matapos ang shift nila, inihatid ni TL si Ericka sa bahay. Bago bumaba ang dalaga, iniabot ni TL ang isang maliit na sobre para sa tuition nito—isang utos mula sa kaniyang ama.
“Salamat, TL. Kahit napaka-cold mo, alam ko namang may puso ka... kahit parang buto ng calamansi sa liit,” biro ng dalaga.
“Get out of my car, Ericka. You’re making the leather smell like exhaust fumes again,” sabi ni TL, pero may munting ngiti na talagang hindi niya na naitago habang pinapanood si Ericka na pumasok sa kanilang gate.