Humahangos na tumatakbo ang isang dalagang si Ericka patungo sa pinangyarihan ng gulo, kung saan nagaaway ang dalawang grupo ng mga tambay. Kasali sa kaguluhan ang kanyang mga kabarkada’t kagrupo.
“Hoy, mga panget! Ba't nanggugulo na naman kayo sa teritoryo namin?” maangas na sigaw ng dalaga pagkarating sa harap ng mga ito.
Napatigil naman sa pagsasapakan ang dalawang grupo nang marinig nila ang boses niya.
“Hoy, tomboy na pinaglihi sa harina! Hindi kami panget, no! At anong sinasabi mong teritoryo ninyo ito? Mas nauna kami rito,” may bahid ng inis na tugon ng leader ng kabilang grupo habang mahigpit ang hawak sa isang dos-por-dos na kahoy.
“Eh, gago ka pala!” galit na ganti ni Ericka sa lalaki.
“Galit na galit, gusto manakit, Ericka?” pang-aasar pa ng leader sa kanya.
Napangiti na lang nang nakakaloko ang dalaga. Dahan-dahan siyang lumapit sa kaaway at sa hindi inaasahang pagkakataon ay bigla niya itong sinuntok nang sobrang lakas. Hindi man lang nakaiwas sa pagkabigla ang lalaki at napatumba ito.
“O, ngayon, sino ang susunod sa kanya?” masayang tanong ni Ericka na ikinaatras naman ng buong grupo sa takot.
“Hoy, saan kayo pupunta? Aba’y nakalimutan ninyo ang mahina ninyong leader dito! Kukunin ninyo o kayo ang...” pabiting pananakot ng kaibigan ni Ericka na si Nikko. Hindi na siya pinatapos ng kabilang grupo at dali-dali na nilang inakay ang kanilang leader paalis.
“Galing mo roon, Ericka, ah! Iba ka talaga,” humahangang papuri ni Jero sa dalaga.
“Well, ako pa ba! Hahaha!” pagmamayabang naman niya sa kanyang mga kaibigan.
“Tama na nga ’yan, humahangin na naman dito dahil sa kayabangan,” masungit na pananaway naman ng kaniyang kaibigang si Fran.
“O siya, total ayos naman na kayo riyan, maiwan ko na muna kayo at magbebenta muna ako ng mga street food,” paalam ni Ericka sa mga ito bago tuluyang umalis.
“Sige, kita-kits na lang bukas!” sabay na bigkas ng tatlo na kalaunan ay nauwi sa tawanan.
Nagtungo agad ang dalaga sa palengke kung saan nakapwesto ang kanilang maliit na tindahan ng mga street food.
“O Ma, musta benta natin?” tanong agad ni Ericka sa kanyang ina pagkarating sa pwesto.
“Maayos naman, kaso medyo matumal ngayon ang benta natin, anak,” malungkot na sagot ng kanyang ina.
“Ma, maupo na po muna kayo riyan, ako na muna ang bahala rito. Pramis, Ma, uubusin ko itong lahat,” magalang na pangungumbinsi ng dalaga.
Walang nagawa ang kanyang ina kundi ang maupo sa isang tabi habang pinapanood ang anak na nagaasikaso sa iniihaw.
“Bili na kayo, bagong luto! Barbecue! Isaw! Dugo! Paa ng manok!” malakas na tawag ni Ericka sa mga mamimili. “Mga ate, mga kuya, bili na kayo! Mainit na mainit pa, mas mainit pa sa relasyon ninyo!”
Ito na ang kinalakihang pamumuhay ni Ericka. Noon pa man, ito na ang bumubuhay at nagpapaaral sa kanya. Sa murang edad na pito ay nawalan na siya ng ama dahil sa isang aksidenteng nakawan sa palengke. Nabaril ang kanyang ama nang subukan nitong hulihin ang magnanakaw.
“Pabili ng limang barbecue, ate.”
“Ate, pabili pong barbecue!” pag-uulit ng isang bata.
“Anak, kanina ka pa riyan tulala, may bumibili,” pag-agaw pansin ng ina ni Ericka sa kanya.
“Ay, pasensya na po, Ma, may iniisip lang po ako,” dahilan niya bago mabilis na inasikaso ang bata.
“Ano ba ang iniisip mong bata ka?” tanong ng kanyang ina.
“Wala po, Ma. Iniisip ko lang, nalulunod din ba ang isda? At what if alisin ko ang bagwis ng ibon, lilipad pa rin kaya iyon?” lutang na paliwanag ng dalaga.
“Hay nako, anak. Lutang ka na naman. Kanino ka ba nagmana ng pagiging lutang?” nakahawak sa noong tanong ng ina.
“Siyempre, kanino pa po ba, Ma? Eh, 'di sa inyo po! Hahaha!” nakakalokong sagot ni Ericka.
“Hayst, magtinda ka na nga lang diyan, nak,” nailing na lang ang kanyang ina.
Makaraan ang ilang oras ay niligpit na nila ang mga tinda at umuwi sa kanilang bahay para maghapunan.
“O siya, ikaw na ang bahala riyan at ako'y tataas na, anak,” wika ng kanyang ina matapos kumain.
“Opo, Ma. Ako na po ang maghuhugas nito. Aakyat na rin po ako pagkatapos ko,” tugon ni Ericka.
Pagkatapos ng mga gawaing bahay ay pumasok na rin ang dalaga sa kanyang silid. Nahiga siya sa kanyang kama at napangiti habang kinakausap ang sarili.
“Hay nako, Ericka Jannel Montilla na 19 na taong gulang. Isang araw na naman ang nagtapos sa kabanata mo at bukas ay panibagong araw, panibagong kalokohan. Saan na naman kaya patutunguhan ng mga kalokohan mo, self?”
Maya-maya lang ay dinalaw na siya ng antok. “Makatulog na nga, nabubuang ka na naman, self. Hahaha,” natatawang huling hirit niya bago tuluyang nakatulog.