“Ericka Jannel Montilla! Aba'y bumangon-bangon ka na riyan. Tanghali na, baka gusto mong matulog na lang habang-buhay!”
Iyan ang maagang talak ng "alarm clock" ni Ericka—ang kanyang ina. Napilitang mag-inat at bumangon ang dalaga bago nagtungo sa kanilang kubeta habang bumubulong. “Ito na nga po, babangon na. Agang-aga, makatalak talaga si Mama.”
“O siya, pagkatapos mo riyan ay kumain ka na, mahal na senyoreta, at ako'y mamalengke muna. Maglinis ka na rin ng bahay,” bilin ng kanyang ina bago tuluyang lumabas.
Naiiling na lang si Ericka. “Hayst, si Mama nga talaga.” Pagkakain ay mabilis niyang niligpit ang pinagkainan at sinimulang linisin ang kanilang maliit na bahay.
Hindi nagtagal ay bumalik na ang kanyang ina mula sa palengke. “O, Ma, nandiyan ka na pala.”
“Napakapagod talagang mamalengke. Penge nga akong tubig diyan, Ericka,” utos ng ina na agad naman niyang sinunod.
“Ma, labas po muna ako. Magpapahangin lang at tutulong na rin sa pag-barker ng jeepney ni Tatay Lander,” paalam ng dalaga.
“O siya sige, mag-ingat ka,” payag naman ng ina.
Agad na nagtungo si Ericka sa terminal ng jeep. Si Tatay Lander ay isang drayber na dalawang taon na niyang kakilala. Nag-umpisa ang kanilang pagkakaibigan noong labimpitong taong gulang pa lang si Ericka, nang iligtas niya ang matanda sa isang tangkang pangho-holdap. Simula noon, naging malapit na sila sa isa't isa.
“O! Nandito ka pala, Ericka,” masayang bati ni Tatay Lander.
“Opo, tutulong lang po sana ako sa inyo,” nakangiting sagot ng dalaga.
“Ikaw talagang bata ka, kahit anong raket na pagkakakitaan ay hindi mo pinapalampas. O siya, tara na nga!” natatawang sambit ng matanda.
“Sampu na lang, aalis na patungong Pag-asa!”
“Lima na lang, mga ate at kuya, lalarga na ito!”
“Dalawa na lang, aalis na!”
Malakas at agaw-pansin ang pagsigaw ni Ericka kaya mabilis na napuno ang jeep ni Tatay Lander.
“Salamat, iha,” pasasalamat ng drayber.
“Naku, wala po iyon, Tatay Lander! Kayo pa ba? Malakas po kayo sa akin,” malambing na biro ng dalaga.
“Galing mo ring mambola, eh, no? O siya, baka naiinip na ang mga pasahero, tara na,” pag-aanyaya ni Tatay Lander bago sila sumakay sa harapan ng jeep.
Habang nasa biyahe, may pumara sa kanila. Isang lalaking tila kasing-edad lang ni Ericka ang sumakay. Dahil puno na ang likod, napilitan itong tumabi kay Ericka sa harap. Doon ay biglang sumilay ang isang "mala-demonyong" ngiti sa labi ng dalaga dahil sa naisip na kalokohan.
“Kuya, anong gamit mong deodorant sa kilikili mo?” inosenteng tanong ni Ericka sa estranghero.
“What? Why?” nagtataka at malamig na tanong ng lalaki.
‘Edi ikaw na magaling mag-English at ikaw na rin ang cold, kuya,’ bulong ni Ericka sa kanyang isipan.
“Ang baho kasi ng amoy... amoy putok!” malakas na sabi ni Ericka sa mismong mukha ng lalaki. Biglang nag-ingay at nagbulungan ang mga pasahero sa likod.
“Sayang! Ang gwapo sana, mukhang may lahi, kaso amoy putok pala siya,” sabi ng isang chismosang pasahero.
“Ay, kaya pala bigla na lang bumaho nang sumakay siya,” dagdag pa ng isa.
“What the... stupid! What did you say, woman?” galit na tanong ng lalaki kay Ericka.
“Galit ka na niyan, boy? Ang sabi ko, amoy putok ’yang kilikili mo!” diniinan pa ni Ericka ang bawat salita para asarin ito lalo.
“Naku iho, pagpasensyahan mo na ang binibining ito,” pag-awat ni Tatay Lander habang humihingi ng paumanhin sa ginawa ni Ericka.
“Tsk. Stop this f*****g jeep right now!” galit na utos ng lalaki.
Nang ihinto ang sasakyan ay dali-daling bumaba ang binata. Bago ito umalis ay binigyan muna niya ng isang matalim na tingin ang dalaga.
“Ikaw talagang bata ka, puro ka talaga kalokohan,” pailing-iling na komento ni Tatay Lander.
“Hahaha! Aray! Tatay Lander naman, ba't ka ba nambabatok?” daing ni Ericka.
“Hindi talaga natatapos ang araw nang wala kang nagagawang kalokohan!” singhal ng matanda na tinawanan lang ng dalaga.
“Tatay Lander naman, nakakatuwa lang kasing pagtripan ’yong lalaking ’yon, eh!” pilyong tugon niya.
“Iyan na lang lagi ang dahilan mo. Masanay ka na lang, Tatay Lander, ganyan talaga ako, puno ng katarantaduhan ang buhay,” biro pa ni Ericka na ikinailing na lang ng drayber.
“O siya, tara na at bumiyahe para makakain na tayo ng tanghalian.”
“Mabuti pa nga, Tatay Lander, nagugutom na ang baby tummy ko, eh. Hehehe!”
Matapos ang maghapong pag-aabang ng pasahero, dumiretso naman si Ericka sa palengke para tulungan ang kanyang ina sa pagtitinda ng ihaw-ihaw.
“O, nandito ka na pala, nak. Halina at tulungan mo muna ako para makauwi na tayo agad kapag naubos ito,” bungad ng kanyang ina.
Pagkaubos ng kanilang paninda ay agad silang nagligpit at masayang umuwi para magpahinga.