"Another morning na naman," ani Ericka habang nag-uunat bago tuluyang bumangon.
Dahil maagang nagising, napagpasyahan niyang ipagluto ng almusal ang kanyang ina. Isang bihirang pagkakataon ito na ikinagulat ng madatnan siya sa kusina.
"Aba'y ano kaya ang naisip ng sira-ulo kong anak at maagang nagising? Nagluluto pa talaga ng almusal, isang malaking himala!" naninibagong ani ng kanyang ina habang nakapamaywang na nakatingin sa kanya.
"Si Mama naman, grabe makapagsalita ng sira-ulo, nakakasakit sa heart," pabirong tugon ng dalaga habang umaaktong hawak ang dibdib na tila nasasaktan.
"Aray ko naman, Ma! Sakit niyo namang mamatok!" nakasimangot na reklamo ni Ericka matapos siyang lapatan ng mahinang batok ng ina.
"Papaano, sira-ulo ka naman talaga. Kita mo, puro ka na naman kalokohan. Hala siya, kumain na nga tayo," inis na sabi ng ina bago inayos ang hapag-kainan.
Matapos ang agahan, si Ericka naman ang naglinis ng buong bahay. Tanghali na nang matapos siya, at saktong-sakto ang dating ng isang pamilyar na boses.
"Pst! Ericka!" mahinang tawag mula sa labas.
"O, Fran, ba't nandito ka?" takang tanong ni Ericka sa kaibigan.
"Nagkakagulo na naman sa bangketa. Nanggugulo na naman ang grupo nila Timmy," pagbabalita naman ni Jero na kasama rin pala roon.
Dahil mahimbing ang tulog ng kanyang ina, dahan-dahang tumakas si Ericka. "Tara na, dali! Huwag na huwag kayong gagawa ng kahit anong ingay kundi makakatikim kayo sa akin," banta niya sa mga kaibigan habang patiyad na lumalabas ng bakuran.
Nang makarating sa bangketa, tumambad sa kanila ang grupo ni Timmy na nanggugulo sa mga tindera.
"Hoy, amoy-paang lalaking panget! Ano na namang ginagawa ninyo rito? 'Di ba natalo kayo sa deal natin? Ano pa ang kailangan ninyo?" inis na singhal ni Ericka.
"Gusto ko ng rematch! At ang gusto ko, grupo sa grupo na ang labanan!" maangas na hamon ni Timmy, ang leader ng kabilang grupo.
"Yabang ninyo, ah! Si Ericka pa nga lang ang nakakaharap mo, tulog ka na agad. Paano pa kaya kung sumama pa kami?" mayabang na hirit ni Jero.
Dahil sa inis, susugod sana si Timmy kay Jero pero mabilis siyang hinarang ni Ericka.
"O, ba't susugod ka na agad? Salita pa lang 'yan pero galit ka na. Paano pa kaya pag nasapak na kita?" mapaglarong sabi ng dalaga.
"Ano pa ang hinihintay ninyo?
Magsasatsatan na lang ba tayo rito, Ericka?" galit na tanong ni Timmy.
"Hinihintay ko mamatay ka sa galit... maybe?" pilosopong tugon ni Ericka na ikinatawa ng kanyang mga kaibigan.
Doon na nawalan ng timpi ang grupo ni Timmy at nagsimula ang kaguluhan.
Maraming nasirang paninda sa paligid sanhi ng kanilang rambol.
"Itigil ninyo 'yan!" Isang malakas na awat ang bumasag sa kaguluhan.
Nang makita ng grupo ni Timmy ang mga pulis, mabilis silang nagpulasan at nakatakas. Samantala, ang grupo naman ni Ericka ay tila na-blangko at hindi agad nakakilos hanggang sa mapalibutan na sila ng mga awtoridad.
"Mga duwag naman pala kayo!" sigaw pa nina Nikko at Jero sa mga tumatakas na kaaway.
"Kayo na naman! Iposas ang mga 'yan!" utos ng hepe sa kanyang mga kasamahan.
"Boss naman, naglalaro lang naman kami, 'di ba? Wala namang ganyanan... hehe," pagdadahilan ni Ericka habang kinakabahan.
"Hoy, Ericka! Kababae mong tao, lagi ka na lang talagang nasasangkot sa gulo! Anong sabi mo, naglalaro? Tingnan mo ang paligid mo, lahat nasira!" galit na sermon ng hepe.
"Hepe naman, parang others... pero sana-"
"Hep-hep! Wala nang pero-pero. Dalhin ang mga 'yan sa presinto!"
Pagdating sa presinto, agad silang ikinulong. Sa loob ng rehas, hindi mapakali ang mga kaibigan ni Ericka.
"Kuyang pulis, palabasin niyo na kami rito. Pramis, hindi na mauulit. Kaunti na lang ang sisirain namin!" pagmamakaawa ni Jero habang nakaluhod at nagdadrama.
"Manahimik ka riyan! Ang ingay-ingay mo. Para kang bakla sa ginagawa mo!" iritadong saway ng pulis.
"Kung pinalalabas niyo na kasi kami rito, 'di sana hindi ka naiingayan at nairirita riyan!" banat naman ni Ericka mula sa kabilang selda.
"Kung sana hindi rin kayo nanggulo at nagbasag-ulo, 'di sana wala kayo sa mga seldang iyan!" sagot ng pulis.
Maya-maya, isang pamilyar na ginang ang dumating. "Sir, dito po ba nakulong si Ericka Jannel Montilla?"
"Siya po ba, Ma'am?" turo ng pulis kay Ericka.
"Naku, paktay kang bata ka," kabadong bulong ni Ericka sa sarili nang makita ang kanyang ina na kausap na ang hepe.
Si Liza, ang ina ni Ericka, ang nagpiyansa sa kanila. "Naku, Ma'am, sana ay hindi na ito maulit. Lagi na lang sila ang sanhi ng kaguluhan sa bangketa," sumbong ng pulis.
"Pagpasensyahan ninyo na po ang anak ko, Hepe," hiling na lang ng ina.
Nang makauwi, binalot ng katahimikan ang kanilang bahay. Alam ni Ericka na kailangan niyang magpaliwanag sa inang ngayon ay masama ang tingin sa kanya.
"Paliwanag?" malamig na tanong ni Liza habang nakataas ang isang kilay. Kinilabutan ang buong sistema ng dalaga.
"Ah... eh..." tanging nasambit niya.
"Ericka Jannel Montilla! Ano na naman bang pumasok sa kukote mo at nasangkot ka na naman sa gulo? At hindi lang maliit na gulo, ha? Sobrang laking gulo!" sigaw ng ina sabay pingot sa tenga ni Ericka.
"Aray! Aray ko, Ma! Masakit!" daing ng dalaga.
Matapos ang matinding sermon, umalis ang ina para magtinda, ngunit bago ito lumakad at iniwan siyang "grounded." Wala siyang nagawa kundi ang manatili sa bahay habang iniisip ang kanyang mga naging kalokohan.