HINDI alam ni Alondra kung bakit sa aksidenteng pagkakakita niya kay Knight at Gayle ay napahawak siya sa daliri niya, kung saan naroon ang singsing na sinimulan ng lahat-lahat sa kanila ng kabalyero.
Wala sa loob at walang rason na kinapa niya 'yon. Hindi rin niya alam kung bakit sa pagkakataong 'yon ay bigla na lang tila humulagpos ang singsing mula sa matinding pagkakapit niyon sa daliri niya.
Oo, lumuwag 'yon hanggang sa maalis na niya. Nagulat man siya ay saglit lang, ang inisyal niyang reaksyon sa nasaksihan ay tumalikod na sa eksenang nasaksihan niya kipkip sa nakakuyom niyang palad ang singsing.
Mahigpit niyang kuyom ang kaniyang kamao nang makasakay na siyang muli sa elevator na maghahatid sa kaniya palabas ulit sa gusaling 'yon. At sa nanlalabong paningin dulot ng namuo niyang luha ay nasulyapan niya pa ang paglabas ni Gayle sa pinto ng bahay ni Knight bago tuluyang sumara ang pinto ng elevator.
Nasulyapan niya 'to at gano'n din 'to sa kaniya. Kung nagulat man 'to na nakita siya, saglit lang din na pinakita 'yon sa kaniya, nakayuko na kasi at may pagmamadali nitong tinungo ang sariling pinto ng bahay nito.
Ah, wala na siyang pakialam dito. Mas lalong wala na siyang pakialam kay Knight Winters. Ang dapat niyang isipin ay ang makaalis na kaagad sa gusaling 'yon bago pa siya tuluyang mawalan ng malay dahil sa nararamdaman niyang panginginig ng tuhod at panghihina dulot ng kaniyang nasaksihan na eksena.
Mahal niya na si Knight, kaya gano'n na lang ang panlulumo na nararamdaman niya ngayon.
Confirmed. Kung kailan at paano, hindi niya alam.
Ang unfair lang nga na hindi niya man lang namalayan at hindi niya mahanap ang sagot sa paano samantalang noon naman sa gagong ex niya ay alam niya ang kasagutan.
Ang unfair lang na ngayon pa talaga tumimo sa isip niya ang kasabihan na 'pag nagmahal ka, wala naman 'yong rason. Hindi mo rin alam kung kailan mo ba naramdaman. Na 'pag nagmahal ka, biglaan na lang. Na 'pag nagmahal ka, hindi maaaring hindi ka masaktan.
Sobra naman yata para sa mga salitang 'yon ang sakit na nararamdaman ko ngayon. Unfair ngang tunay.
Marahas niyang pinahid ang mga luha niya na dumaloy na sa kaniyang pisngi. Dapat siyang umayos hanggang sa makauwi siya pabalik sa k'wartong inuupahan nila ni Poks. Buti na lang ay hindi naman siya gumastos habang nasa poder siya ni Knight. Ang nabawas lang sa huling pera na meron siya bago siya ay ang binayad niya sa upa.
S'yempre pa ay hindi naman kayang bayaran ng solo 'yon ng kaibigan niya kaya kahit hindi na siya natutulog do'n nitong mga nakaraan na nasa poder siya ng kabalyerong siraulo ay nagbayad pa rin siya para sa share niya.
Nang makaupo na siya sa taxi ay muli niyang sinulyapan ang singsing na nananatiling nasa kuyom niyang palad.
Isasangla kita. Ang sakit mo kasi sa mata. Ah, mas masakit ka pala sa puso...
Sino ba ang niloko niya? S'yempre ay isasanla niya ang singsing na 'yon bilang ganti sa kahayupan ni Knight Winters sa kaniya. May pa-baby-baby pa 'to sa kaniya kaninang umaga at sasamahan daw siya na magpa-check up, kamukat niya ay babalikan din pala nito si Gayle!
E, gaga rin naman siya, wala namang dapat sisihin sa nangyari kundi siya rin. Bumigay siya sa kabalyero at hinayaan niya ang set up nila na para talagang mag-asawa sila kahit alam naman niyang kunwarian lang ang lahat sa kanila.
Hinayaan niya ang sarili niyang mahulog sa kabalyerong hindi naman siya iniligtas sa kinasuungan niyang kamalasan noon sa singsing nito bagkus ay nag-demand pa sa kaniya upang pasakitan at bumalik ang ang ex nito rito. At ngayon na nakuha na nito ang gusto, ano na siya?
Ano na sila ngayon ng anak niya?
Months later...
"ISASANLA natin ang singsing na 'yan?"
Isang beses pa ay nakangiwing naikot ni Alondra ang mga eyeballs niya sa inulit na lang na tanong sa kaniya ng kaibigan niyang si Poks.
Magkasama sila nito ngayon na naglalakad papunta sa ospital kung saan siya mangangananak. Naglakad lang sila dahil nga kasalukuyan na siyang nagle-labor. Mas ilalakad niya, mas madaling lalabas ang bata, ayon nga sa matandang kasabihan na wala namang mawawala kung susundin.
"Paulit-ulit ka naman," reklamo niya rito. "Hindi na natin afford na galawin ang savings ko. May baby na at alam nating pareho na magastos ang may baby. Mas maigi nang may nakalaan na pera para sa gastusin sa baby. Ang pera na mayroon tayo ay puhunan na lang natin at kaunting ipon sa kita niyon na baka kulangin. Ikaw lang din ang iniisip ko, ikaw ang kasama kong mag-aasikaso ng lahat sa ospital."
Mula kasi nang nasuot sa sariling problema nito si Poks ay tumigil na rin 'to sa pagtatrabaho sa bar. Nagdesisyon silang lumipat ng bahay at sa bagong tinirhan nila ay nagtinda na lang sila ng almusal at merienda. Masarap magluto ang kaibigan niya kaya napakinabangan nila 'yon. 'Yon na ang bumuhay sa kanilang dalawa sa mga nakalipas na buwan at masasabi niyang all in all ay goods sila sa buhay.
Sakto pa rin naman at hindi sila nahihirapan, at least, ngayon ay hindi na sa nakakatakot na hanapbuhay nabubuhay ang matalik niyang kaibigan na siyang dalangin niya noon pa man para rito.
"E, pero kasi..."
Nangingiwi siya sa hilab ng t'yan na dinaranas niya ngayon. Nauubusan siya ng lakas sa pakikipagtalo sa kaibigan niya kaya hindi na lang siya sumagot, dumiretso na siya sa sanlaan kung saan ilang hakbang na lang sa kinaroonan nila nito. Magsasara na 'yon at malapit na kasing mag-alas singko ng hapon kaya wala ng oras para magpatumpik-tumpik pa siya.
Bahala na kung matubos kita, pagkausap niya pa sa singsing na mahigpit niyang hawak sa kaniyang palad.
Mahirap na, baka may makatunog na may gano'n siyang singsing at sa holdap pa ang punta nilang magkaibigan. Mapaanak pa siya ng 'di oras.
Oo, sa tagal niyang binalak na isanla 'yon sa galit niya sa may-ari niyon ay ngayon lang talaga matutuluyan ang singsing. Sana lang ay tanggapin sa sanlaan at hindi k'westyunin kung bakit may gano'n siyang klase ng singsing.
HABANG tumatagal ay napapadalas ang hilab ng t'yan ni Alondra kaya napapangiwi siyang talaga habang hindi niya malaman kung ano ang una niyang sasapuhin— balakang niya ba, puson o ang maumbok niyang t'yan?
"Miss, matagal pa na 'yan? Mangaganak na kasi 'tong kasama ko kaya nga namin isinasanla 'yan," naiinip nang sabi ni Poks sa babaeng nasa sanlaan na kumuha ng singsing niya upang suriin 'yon.
"T—Teka lang po," magalang naman nitong tugon.
Muli itong pumasok sa loob kung saan nito dinala ang singsing at iniwan sila. Muli rin naman na tinignan sila ng guard ng sanlaan.
"Grabe, akala ko ba pasara na 'to, manong guard?" tanong pa ni Poks sa guard.
Nagkamot ng sariling ulo nitong makinis na pala ang manong guard. "Oo nga ho, hindi ko rin maintindihan. Kahit ako ay overtime na."
Napailing na lang siya nang wala silang makuhang sagot na matino. Napailing at napabuga ng hangin dahil sa maya't-mayang matinding hilab na nararamdaman sa balakang niya. Sa totoo lang ay nais niya nang umiyak sa sakit ng hilab na nararamdaman, inaawat lang niya ang sarili.
"Ano kaya kung bawiin na natin? Kaya mo pa ba?" nag-aalalang tanong ng kaibigan niya.
"O—Oo, kaya ko pa naman," tugon niya kahit kandangiwi na siya.
"Hindi na yata, baka mapaanak ka pa rito, Alondra, tsk!"
"Sandali na lang siguro... 'yan..."
"Ally!" Isang tao lang naman ang tumatawag sa kaniya ng gano'n...
Si... "K—Knight..."
Kahit na parang humumpak ang pisngi, medyo pumayat at hindi na yata naharap ang pang-ahit magmula nang huli niya 'tong makita ay kilalang-kilala 'to ng puso niya. Sa katunayan nga ay tila may kumurot sa puso niya pagkakita niya rito, kaya hayun, ang inaawat niyang mga luha at awtomatikong humulagpos.
"K—Knight..."
"Ally— a—ano ang nararamdaman mo? Dadalhin kita sa ospital."
"Hep!" ang akmang pagkarga sa kaniya ni Knight ay inawat ni Poks. "May singsing kami na isinasanla, kumalma ka, mister."
Bumuntonghininga si Knight. Pinaglipat ang tingin sa kanilang dalawa ni Poks. "Alam ko, okay."
"A—Alam mo... ang...?"
"Ally, I came here because of that ring. Dahil sinasanla mo 'yon, na-trace kita. Kaya ako narito ngayon. Matagal na kitang hinahanap."
"Ah, gets ko na, ito ang tatay ng anak mo, 'no?" pagsingit ni Poks sa sinasabi ni Knight.
Nanghihinang tinanguan lang niya ang kaibigan.
"Umalis ako nang makita ko kayo ni Gayle."
"Ally, that's not what you think. Actually, si Gayle pa nga ang nagsabi sa 'kin na nakita mo kami. Na inabutan ka niya sa elevator. Kaya lang ay sinabi lang niya 'yon noong inutos ko na sa mga security na ipakita sa 'kin ang record ng CCTV sa loob at labas ng condo. Kung may maganda man sa nangyari ay nakapag-usap kami ni Gayle na hinding-hindi na maibabalik ang kung ano kami dati. At 'yon ay dahil sa 'yo," masuyong wika ng kabalyero sa kaniya, masuyo rin nitong hinahaplos ang palad niya. "Pinahanap kita at patuloy na pinapahanap pero dahil sa hindi naman malinaw na background mo ay nahirapan ang investigator sa pagtunton sa 'yo. Isa pa ay napag-alaman kong nagtatago kayo."
"Hoy! Huwag kang maingay!" singit na naman ni Poks.
Tinapunan lang 'to ng sulyap ni Knight bago nagpatuloy na kausapin siya. "Nagtatago raw kayo dahil sa kaibigan mo—"
"Sinabi na ngang—"
"Miss, p'wede bang huwag ka na munang umepal sa pag-uusap nila?" anang kung sino, mukhang kasama 'to ng 'asawa' niya. Hindi naman niya 'to nakilala noon, sigurado siya.
Hinila ng lalaki palayo ro'n si Poks, pumapasag ang huli ngunit sumenyas naman sa kaniya na hihintayin siya sa labas ng pawnshop na 'yon.
"Ikaw lang naman ang tinataguan ko," aniya kay Knight.
"Na hindi mo dapat na ginawa."
"E, gusto ko e. Pakialam mo ba," ingos niya rito.
"I'm sorry, Baby, willing ako na mag-explain, just let me be."
"Mag-explain lang?"
Napatda muna 'to bago siya sagutin. "Willing din ako na pakasalan ka ulit."
"Pakasalan lang ulit?"
"Yep, bago ka umalis no'n ay may singsing naman na 'ko para sa 'yo, kaya nga pinapatanggal ko na sana ang singsing no'n sa daliri mo."
"May kulang pa," pangungulit pa niya rito.
"Willing ako sa lahat, basta kasama kita. Basta hindi ka na lalayo."
"Hmn... k—kulang pa talaga, Knight Winters..."
"Huh?"
Hay, ang slow ah. Pero okay na rin. Wala naman siyang dapat nang ikareklamo kundi 'yon dahil narito na 'to sa kaniyang harap. Hindi siya binigo ng Diyos. Ibinigay Nito ang dinarasal niyang buong pamilya para sa anak nila.
"Slow mo naman!" kulang sa lakas na sambit niya.
Pagak 'tong natawa. "Ah, alam ko na! I love you, Baby."
'Yown. Nakuha rin!
"And I love you too." Nang akma siyang hahalikan ng kabalyero ay inawat niya 'to. "Makakapaghinatay 'yan, 'tong anak mo, mukhang... h—hindi na..."
'Yon lang at taranta na siyang binuhat nito na tila noon lang naalala na nagle-labor na siya.
Gusto sana niyang matawa kung hindi lang masakit na talaga. Gano'n pala ang pagle-labor, mas masakit pa sa heartbreak!
"Knight," bulong niya.
"Don't speak, okay, calm down, sandali na lang 'to. Malapit lang naman ang ospital, aabot tayo. Trust me."
"Knight..."
"Just stay calm, Ally, okay. Si Akilles na ang pagda-drive-in ko para tabi tayo sa backseat—"
"Knight, ang singsing!"
"H—Huh?"
"Naiwan ang singsing sa sanlaan! 'Yon ang rason kung paano tayo nagkakilala, 'yon din ang rason kaya tayo nagkita ulit. Nagbago na ang isip ko, saka ko na lang 'yon isasanla 'pag nambabae ka!"
He chuckled. "That will never happen, Baby. Also, safe ang singsing na 'yon. Kay Arkin ba naman ang pawnshop na pagsasanlaan mo sana."
Oh. Kaya pala ang tagal ng babae kanina, siguro ay kinontak nito si Arkin at Knight at sinabi ngang naroon ang singsing at siya.
"O, siya, lalabas na..."
"Lalabas na?"
"Lalabas na si Baby Angelite!"
Hindi na nakapagsalita si Knight. Ang ngiting pinakawalan nito sa narinig ay nagsasabing naunawaan na nito kung bakit 'yon ang napili niyang pangalan ng baby nila.
Oo, gano'n ang pagmamahal na kaya niyang ibigay rito. Sakaling hindi man dumating ang araw na 'yon, handa siyang iukit sa alaala niya na minsan ay nagmahalan sila. Kaso lang ay hindi na 'yon mangyayari dahil heto na ang kabalyero, kasama niya nang bubuo ng panibagong alaala kasama ang kanilang Baby Angelite.
Calm and soothing, indeed.
~The End~
Thank you for reading!
Remember~ Love moves in mysterious ways, maybe it's all part of a plan :)
©LUNAMARGARET