Ang Lihim

1032 Words
Masyado nang matalas ang mga terorista ngayon.   Isang bukas na lihim sa lahat na, para sa mga teroristang ito, kung anuman ang gusto nilang gawin ay magagawa na nila’t lagi silang nakaiisip agad ng paraan. Ang tanong na nga ng karamihan ay hindi kung ano’ng uri ng paghahasik ng lagim ang kanilang gagawin, kundi kung kailan. Sa maraming panig ng daigdig, ito na ang tumatambad ngayon bilang isang h***d na katotohanan.   Ang kabiserang lungsod ng Arguella sa Bayan ng Silangan ay hindi na rin naiiba pagdating sa masalimuot na paghahanda laban sa anumang banta ng terorismo. Maayos ang pamamalakad ng lokal na pamunuan ng mga barangay nito. 24/7 ang pagronda ng mga patrol car ng pulisya. At bilang panigurong karagdagan ay ipinakalat pa sa mga ipinapalagay na “hot spots,” o mga lugar na maaaring nakalista bilang prime targets ng mga terorista, ang ilang kasundaluhan na titiyaking bantay-sarado ang mga naturang hot spots laban sa anumang kabuktutan na maaaring maisip gawin ng mga masasamang-loob.   Isa na sa mga itinuturing na prime target ng mga terorista ay ang makasaysayang Arguella City Hall. Ang Arguella City Hall ang gusali na tinaguriang pangunahing luklukan ng kapangyarihan sa kapitolyo. Bagaman sa huling mga taon na lumipas ay hindi na mabibilang sa dalawang kamay ang mga pagbabantang natanggap nito na ito’y pasasabugin o wawasakin, buong-buo ang kumpiyansa ng lokal na pamahalaan ng Arguella, sa pamumuno ng re-electionist mayor na si Mayor Narciso Espejo, na hindi magtatagumpay ang mga karumaldumal na balaking ito at mananatili’t mamamayani ang “business as usual” na kalakaran para sa mga taga-Arguella at sa lahat ng mga nakikinabang sa kasaganaan na kasalukuyang tinatamasa ng kabisera.   Subalit, papaano ba mapipigil ang isang terorista na mabilis na nakakapagpabago-bago ng mukha at buong-buo ang loob na isugal ang sariling buhay upang maisakatuparan lamang ang isang misyon na nakabaon sa pinakapuso ng kaniyang budhi?   *   Lunes. Ikatlo’t kalahati ng umaga. Lungsod ng Arguella.   Apat na oras at tatlumpu’t limang minuto bago maganap ang unang pagsabog.   Sa loob ng binakurang patyo ng gusali ng Arguella City Hall, hindi madaling mapapansin ng mga pailan-ilang naglalakad sa bangketa patungo sa underpass o pabalik sa istasyon ng LRT (ng mga kaluluwang kung hindi papaluwas pa lamang ay papauwi na tungo sa kaniya-kaniyang destinasyon), na may barumbarong palang nakatindig sa papasók na gilid nito. Napalilibutan kasi ito ng mga di-madaling pangalanan at madadahong tanim, habang nakaumang pa sa gawing kaliwa ang isang masangang puno ng mangga na hindi na yata marunong mamunga. Idagdag pa natin ang nakayungyong na anino ng isang balkonahe ng gusali na tila nang huling ginamit ay para pa sa isang magarbong inagurasyon ng isang inihalal na punong ama ng lungsod bago pa magkagiyera ng WWII mahigit anim na dekada na ang nakararaan. Dangan naman kasi na ang multong kasaysayan ng gusali ng munisipyo ng Arguella’y hinango pa ang anyo’t dibuho sa sinaunang arkitektura bago pa mangalahati ang nakalipas na siglo; at ngayo’y mababanaag sa kutis nito na mas makapal pa sa mukha ng isang politiko ang panibagong patong ng palitada at ang panibagong pinturang malakrema upang pagtakpan nang maigi ang mga malalalim at nanlilimahid na lamat na tuluyan nang iginuhit ng malupit na panahon sa kaniyang tadhana. Hindi malayong isipin na maaaring iyung palitada’t pintura na lamang ang tanging nagpapatindig sa dakilang bakas ng kasaysayan ng kabisera. Pati tuloy ang barumbarong na ating tinutukoy ngayon ay tila binuhusan ng gatas ng kalabaw sa puti ng pinturang di-sinasadyang naipahid dito. Sa unang tingin ay mapagkakamalan ito na isang kubol lamang na gawa-gawa sa mga retaso ng plywood, trapal, at lumang gulong ng kotse; isang pinagtagpi-tagping bahay-bahayan kung saan maaaring nakasilid ang generator o di kaya’y ang tangke ng tubig ng munisipyo.   Kung mayroon mang isang maliligaw na bagong-saltang manlalakbay na kagagaling pa lamang sa lalawigan o di kaya’y isang lokal na lasenggo na kagagaling pa lamang sa isang inuman, na sadyang mapaglaro ang haraya o sadyang mahapdi na ang pantog sa kapipigil ng kaniyang ihi, na saglit na lulubayan ang paglalakad sa bangketa, at kung sa anumang kadahilana’y maglalakas-loob na silipin at tuklasin ang nilalaman ng barumbarong na ito, malamang pa sa malamang na ito’y magugulat sa kaniyang matutunghayan. Sapagkat sa loob ng barumbarong na ito’y mayroon ngang umuugong, ngunit hindi mula sa isang generator; at mayroong lumalagaslas, ngunit hindi ito galing sa isang tangke ng tubig.   Sa isang bukang siwang ng pintong kahoy ng barumbarong ay maaaninag ng kunwariang manlalakbay o lasenggo na ito na may ilaw sa loob. Mula naman sa liwanag sa loob ay masisilip ang isang banig na nakarolyo na’t nakatindig sa isang sulok. Matutuklasan din sa loob na ang ugong pala’y nagmumula sa isang kakarag-karag na electric fan na nakatutok ang hangin sa isang puting polo barong at isang bughaw na panyo na nakasampay sa isang kongkretong pako na nakatagos sa sementadong dingding malapit sa yerong kisame; at ang lumalagaslas pala’y ang tubig sa galunan na isinasalin sa isang malinis na pitsel ng isang abalang abala na anino ng isang patpatin na nilalang.   Sa makulit nating hangarin na mas lalo pang ibuka ang siwang upang masilip pa lalo ang nilalaman ng barumbarong ay nadantayan nating mga kunwariang usisero’t usisera nang labis ang pintuan. Lumangitngit ang nakapinid na pintong kahoy. Dagling huminto sa pagkilos ang anino sa silid. Nilingon ang pintuan. Inilapag ang galunan sa sementong sahig. May dalawang mahabang bagay na nakasandal sa dingding ang agaran nitong dinampot. Tila pinakikiramdaman niya ang paligid ng barumbarong na tahanan. Marahan nitong isinukbit ang dalawang mahabang bagay sa kili-kili at naglakad nang paika-ika papalapit sa pintong kahoy. Ginamit ang isang mata upang sumilip sa bukang siwang ng pintong kahoy. Sa ilalim ng mapusyaw na liwanag na nagmumula sa isang lamp post ng City Hall, mamamalas na bilog na bilog at nanlalaki na parang mata ng palaka ang isang mata ng taong sumilip sa labas ng barumbarong. Tulad ng inaasahan ay wala naman itong matutunghayan sa labas kundi ang pailan-ilang anino ng mga naglalakad sa bangketa at paisa-isang sasakyan na dumadaan sa avenue. Sa tila pakiwari nito’y ninanamnam pa ng buong gusali ng Arguella City Hall ang mga nalalabing sandali bago pa ito tuluyang kalabitin sa silangang balikat ng mismong Haring Araw upang gumising na’t bumangon.    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD