Kabanata 2

1039 Words
Isang pakaliwa’t kanan at pataas-babang hagod pa ng itim na bilog ng naturang mata upang makadobleng tiyak na wala ngang tao sa labas ng barumbarong at umatras na ito na parang ulo ng pagong na bumalik sa kaniyang sariling taklob. Mapayapa nang umupo ang anino sa isang bangkito malapit sa isang maliit na lutuang de-koryente, isinandal ang mga saklay sa tabi, kinurap-kurap ang mga mata, at binaling-baling ang leeg. Mamamataan natin na may nakasalang na pala na kalderong sinaing sa isang lutuan na nakasadlak sa malayong sulok ng barumbarong.   Sandaling ipinikit ng anino ang kaniyang mga mata. May tila ibinubulong sa sarili. Isang maikling bulong ng pasasalamat. Pasasalamat na naging matahimik maski papaano ang buhay na pinili niya dito ngayon. Dito sa barumbarong sa gilid ng Arguella City Hall. Malayong-malayo sa kaniyang pinagtataguang bangungot. Sa kaniyang tinatakasang lihim.   May katuwiran nga naman na magpasalamat ang nilalang na ito sa loob ng kubol na ngayo’y sampid sa gusali ng Arguella City Hall. Aba! – ito ang makasaysayang lungsod ng Arguella. Ang kapitolyo ng buong bansa. Ang natatanging perlas sa konstelasyon ng mga naghugis-kabibeng mga pulo sa kontinente ng Ayisa. Hindi ba’t ito ang makasaysayang Arguella City Hall kung saan nagsilang ang isang pambansang himagsikan laban sa mga mapang-aping dayuhan? Hindi ba’t ito ang tanyag na sagradong batong kuta na bantay-sarado sa tuwing may halalang nagaganap at nagsisilbing pinakahalimbawa ng malinis at maayos na pagpapalit ng mga nakapuwesto sa politikal na kapangyarihan sa ilalim ng isang tunay na demokrasya? Hindi ba’t ito ang lunsaran ng napakaraming mga progresibong batas at dikreto na lalong nagpapatibay sa mga institusyong itinatag ng mga ninuno ng isang bayan na buo ang paniniwala sa kapangyarihan ng katotohanan, katarungan, kalayaan, pagkakapantay-pantay, at pag-ibig nang higit sa lahat? Ito ang Arguella: isang abalang lunan ng lahat ng mga bago’t sariwa, lahat ng mga kakaiba’t katangi-tangi, lahat ng mga abot-langit na agaw-pansin. Aba! Hindi lamang pasasalamat ang dapat ibulong ng nilalang, kundi ang masidhing pagtanaw ng utang ng loob sa pribilehiyong kupkupin ng lungsod ang isang katulad niya.   Isang ulilang lubos na binatilyo, na dahil sa polio ay de-saklay na ang paglalakad.   Siya si Primitivo Abis. Si Iboy. Mapungay ang mga mata. Pango. Gupit-bao ng niyog ang buhok sa bumbunan. Patpatin ang pangangatawan, at ang kaliwang paa’y palaging nakabalot ng itim na medyas.   Si Iboy. Ang batang katiwala na inatasan ng alkalde ng Arguella na mamahala sa parking lot na inilaan para sa mga empleyado’t patron ng munisipyo.   Si Iboy.   Mula sa liwanag sa loob ay tila mababakas natin sa kaniyang mukha ang masidhing pagnanais na malutas ang isang lihim na palaisipan na malaon nang bumabagabag sa puso’t isipan ng binatilyo. Subalit kung mababatid lamang niya, na tulad ng paparating na na liwanag ng umaga, ay malapit nang mahawi ang tabing ng isang maitim na ulap na sadyang bumalot sa kaniyang munting daigdig.   *   Hindi mapakali si Iboy. Wala naman siyang sakit, subalit ramdam niya na parang nangangapoy ang paligid ng kaniyang mga mata at ang likurang balat ng kaniyang mga kawaling tainga. Ganitung-ganito rin ang naramdaman niya limang taon na ang nakararaan. Nung nagpaalam siya kay Sister Emma at sa lahat ng mga itinuring niyang kaibigan at kapamilya sa loob ng hospisyong kumupkop sa kaniya. Binihisan siya’t pinakain. Pinaglaanan siya ng mapagpapahingahan at matutulugan. Pinag-ukulan siya ng pagmamahal at pag-aaruga na ni minsan ay hindi niya naramdaman sa kaniyang malupit na tiyuhin sa Tondo. Bakit nga ba siya lumabas pa ng hospisyo?   Kung kailan nasa kama na si Iboy ay bumalik pa siya sa banig. Hindi pa nakuntento’t lumipat pa sa bangketa. Dito na ba niya nais na pulutin kung saka-sakali? Sa katabing pusali ng isang huklubang gusali? Dito na ba niya matatagpuan ang malaon na niyang hinahanap?   Gaano na ba naging katindi ang atake ng lihim na ayaw siyang tantanan at maya’t maya’y inilulugmok siya sa isang mala-bangungot na sumpong? Isang bangungot habang gising.   Ano ba ang gamot sa bangungot?   Habang nakapikit ay muli na namang naramdaman ni Iboy ang pagdating ng isang bisita na hindi niya inaasahan ang pagdalaw sa napakahalaga pa namang Lunes na ito.   *   Sumabay sa pagkulo ng milagrosang sinasaing ni Iboy ang malakas na pagsipol ng kinapapalooban nitong kaldero. Napaigtad sa kinauupuan ang bantay na binatilyo na dahil sa polio’y mas payat at impis ang kaliwang binti at paang naka-itim na medyas. Kinapa niya ang dalawang saklay na nakasandal sa kahoy na bangkito at huminga nang malalim. Hindi niya matiyak kung kailan ba talaga nagwawakas ang kaniyang realidad at kailan naman nagsisimula ang kaniyang bangungot. Ang tiyak lamang sa kaniyang puso’t isipan ngayon ay ito: gamit ang dalawang kamay ay isinukbit niya ang mga saklay sa ilalim ng kaniyang magkabilang balikat na akmang titindig na, subalit hindi pa pala. Sa halip ay marahang iniangat ng binatilyo ang magkabilang braso’t kamay na tangan ang mga saklay, at animo’y isang lawin na nakahanda nang ipagaspas ang mga bagwis para sa napipinto nitong paglipad. Kaalinsabay nito’y mas lalo pang umigting ang pagsipol ng kaldero, kasama ang maingay na pagkalantog ng mabigat na takip nito.   Doon po sa amin Bayan ng Silangan Ay umalimbukad Pawang Kalayaan…   Ito na ang hudyat.   Ang pagdating ng lihim na bangungot ni Iboy.   Bangungot nga ba o realidad?   *   “Iboy!”   Napaigtad na naman si Iboy sa kinauupuan. May tumatawag sa kaniya sa labas ng barumbarong. At dahil ito’y totoo na, may kasama nang malakas na pagkatok sa pinto nang muling nanawagan ang pamilyar na maangas na tinig.   “Iboy! Si Brago ‘to! Nar’yan na si Mayor sa opisina! Bilisan mo na d’yang magbihis at keylangan ka raw niyang makausap! Ako’y mag-aalmusal muna ng goto doon sa lugawan sa LRT!”   Ilang sandaling hinintay at pinakinggang Mabuti ni Iboy na nakalayo na nga ang siga-sigang driver ni Mayor Espejo sa harapan ng kaniyang barumbarong. Nang makasiguro na ang batang katiwala ng tinaguriang Ama ng Lungsod ng Arguella hindi lamang sa larangan ng pagiging tagabantay ng parking area sa palibot ng City Hall, kundi pati na rin sa ilang sensitibong bagay na tanging sila lamang dalawa ang nakababatid, unti-unti na naman at pikitmatang iniangat ni Iboy ang dalawang saklay na para bang mga bagwis ng isang agila.   Maya-maya pa’y may naulinigan siyang pamilyar na huni ng isang mahiwagang ibon. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD