Palibhasa’y likas lamang sa isang langaw na markahan ang lahat na kaniyang dapuan bilang kaniyang teritoryo, kaya naman lumaki na nang husto ang ulo ni Brago, ang may edad na na driver ni Mayor Espejo. Pati ang di-pangkaraniwang pamimilog ng kaniyang mga matang nakaluwa’y tila mas bagay nga sa isang langaw kaysa sa isang tao. At palibhasa’y nasimulan nga ng inggit sa kikitahin sa parking lot ng Arguella City Hall ang una pa mang pagkikita ni Brago kay Iboy, kaya naman halatang-halata na mabigat ang dugo ni Brago kay Iboy; isang bagay na hindi na rin marahil dapat pang pagtakhan dahil kilala na nga rin ang opisyal na tagapagmaneho ng sasakyan ng alkalde sa mga fixer at naglalako ng pagkain sa munisipyo bilang “Little Mayor.”
Inabutan ni Brago si Iboy na nagbabasa ng diyaryo sa labas ng opisina ng alkalde, kung saan maayos na pinaghihintay ang lahat ng nais makipag-usap sa punongbayan ng Arguella.
Pasimpleng nilabitan ni Brago si Iboy at umismid. Pagdating sa harap ng nakapinid na pinto papasok sa silid ni Mayor Espejo ay may pahabol pang pasaring ang langaw. “O, kanina ka pala d’yan, eh di ba sabi ko hinihintay ka na ni Mayor sa loob. Baka gusto mong timplahan muna kita ng kape. O, kumatok ka muna. H’wag kang bastos. Para kang di tinuruan ng magulang mo n’yan ha. Kunsabagay…”
Mahinahon ang naging tugon ng ulilang lubos sa maangas na nilalang. Ay, sorry po, mabuti’t pinansin po n’yo ang aking kawalang-galang maski pa sulimpat na ang inyong tingin sa akin.
“Hoy, ano’ng sabi mo? Ano’ng sulimpat ang tingin? Ano ba ang sulimpat?”
Subalit nakakatok na sa pinto ang may pagngising si Iboy at narinig na ng dalawa ang matikas na tinig sa loob ng silid.
“Iboy? Ikaw ba ‘yan? Halika! Tuloy ka! May pag-uusapan tayong importante.”
Good morning po, Mayor.
“Ikaw naman, Iboy. hindi ba’t kabilin-bilinan kong Kuya Zeus na lamang ang itawag mo sa akin kapag wala naman tayong ibang kasamang tao. Sige ka, sa kaka-po’t opo mo sa akin e mabilis na dadami ang uban ko n’yan. Kaka-po’t opo mo, bata ka, dito ka nga umupo sa mismong upuan ko.”
Hindi nagbibiro ang binatang alkalde ng Arguella at inalalayan si Iboy sa kaniyang paika-ikang paglakad gamit ang dalawang saklay tungo sa malambot at magarang upuan ng alkalde. Nang makaupo na si Iboy ay si Mayor Espejo pa ang kusang kumuha sa dalawang saklay nito upang isandal sa isang sulok ng malawak na silid na marahil ay isangdaang beses ang laki kung ihahambing sa abang barumbarong ni Iboy.
Si Mayor Narciso “Zeus” Espejo. Anak ng dati ring alkalde ng Arguella. 35 na taong gulang, binate, makisig, artistahin ang itsura. Naging konsehal ng tatlong termino kung kaya naman iyun ang ginamit niya bilang politikal na matrikula sa kaniyang karera bilang isang lingkodbayan. Marami ang nagsasabi sa loob at labas ng larangang politikal ng Arguella na si Mayor Espejo na nga ang bagong mukha ng politika sa kabiserang lungsod. Wala na ang dating “trapo” o tradisyonal na politiko na namumudmod sa kaniyang mga tagahimod, nambabalato ng proyekto sa kaniyang mga kumpare’t kumara, nanggigipit ng mga oligarko, nambuburaot ng kaban ng bayan; wala na sa batang alkalde ng Arguella ang ganitong uri ng pamamalakad. Subalit may kasabihan na kadalasan sa politika’y walang permanenteng kaibigan at walang permanenteng, ang mayroon lamang ay permanenteng interes. Kung tutuusin, batid naman ni Mayor Espejo ang halos lahat ng maaaring malaman tungkol sa politika; ang isang kagandahan lamang sa kaniya’y hindi siya nalalango sa mala-pulot-pukyutang katas ng kapangyarihan (walang kabisyo-bisyo sa katawan ang binate kundi ang pagbasa ng mga libro tungkol sa batas, sa public administration, sa governance, at iba pang kaugnay na panitikan). Isa rin siyang magaling na manunulat ng sanaysay, at hindi na mabibilang sa mga daliri ng dalawang kamay at mga kuko ng dalawang paa ang kaniyang mga napagwagian na patimpalak para sa genre na ito ng panitikang-bayan. Isa rin siya sa mga hinirang na Ten Outstanding Young Movers ng Pilipinas, subalit tinanggihan niya ang parangal na ito at hiniling pa sa mga organizer ng naturang parangal na ibigay na lamang sa kawanggawa ang anumang kalakip na salaping premyo nito. Hindi kataka-taka na ang tulad ni Iboy ang isa sa maraming munting tinig na lubos na pinagkakatiwalaan ng dakilang Ama ng Lungsod ng Arguella. Katuwiran niya sa sarili, “Ang mga munting tinig na ito ang totoong tinig ng bayan.”
“Nagkape ka na ba, Iboy?”
“Ah, okay na ako, May-may, este, Zeus…”
“Okay, good.” Napangiti si Mayor dahil mas nagiging bukas siyang kausap kapag kapalagayang-loob na niya ang isang tao. Para sa kaniya, pantay-pantay ang lahat: bata’t matanda, malusog at maysakit, mahirap at mayaman. “Iboy, may dalawang tanong ako sa iyo, at sana maging tapat ka sa sagot mo. Siyempre, alam ko namang tapat ka sa akin, pero medyo sensitibo kasi ang itatanong ko sa iyo…”
Bahagyang napakamot ng sentido si Iboy at tinitigang mabuti ang punongbayan. Kung minsan kasi ay may sariling paraan si Mayor Zeus na timbangin ang kausap sa pamamagitan ng ilang pagbibiro na walang malisya. Sa pagkakataong ito’y nabakas ni Iboy sa pagmumukha ng binatang lingkodbayan ang pagkaseryoso.
Pagkatapos sumimple ng buntong-hininga ay mahinahong tumugon si Iboy. “Sige, Zeus, ano iyung itatanong mo? Tungkol ba sa parking area? Sabihin mo lang kung may iniisip kang bagong alituntunin para dito at nang maumpisahan na natin. Ang nais ko ngang ipanukala ay ang paglagay ng bike lane para sa mga biker…”
Bahagyang umiling si Zeus. “Ah, Iboy, hindi iyun. Medyo mas seryoso ang mga tanong ko kasi…”
Saglit na napalunok ng hangin si Iboy. Tumalikod kasi sa kaniya si Mayor Espejo, lumapit sa isang salaming bintana na nakahawi ang may dibuhong mga tabing nito, at tila pinagmamasdan nang maigi ang unti-unting pagliwanag ng umaga hindi lamang sa Arguella City Hall kundi sa buong kalungsuran.
“Iboy, makinig kang mabuti. Ang una kong gustong itanong sa iyo ay personal.”
“Ano ‘yun, Zeus?”
“May kilala ka bang Herminigildo Abis?”
“Her-mi-ni-gildo… Herminigildo… noong nasa hospisyo ako, ang natatandaan kong tanging dumalaw sa akin doon ay isang malayong kamag-anak na nagtatanong tungkol sa kung ano raw ang mga pangalan ng tunay na magulang ko. Eh, alam mo naman ang k’wento ng buhay ko, Zeus. Laking hospisyo ako kaya wala akong alam tungkol sa aking naging nakaraan, lalo na ang tungol sa aking mga magulang, o kung may mga kapatid ako. Ang pangalan ng bumisita sa akin noon ay… teka, nag-uumpisa sa letrang R ang pangalan. May edad na siya. Maputi na ang buhok at balbas-sarado…”
“Ramoncito,” ang biglang sabat ni Zeus.
“Ah, oo, Ramoncito nga! P’ano mo nalaman ‘yun, Zeus? Nagkakilala ba kayo nung Ramoncito Abis na ‘yun?”
“Si Ramoncito Abis ang ama ng dati kong kasintahang si Zita Abis, Iboy.”
Bahagyang nagulantang si Iboy sa kaniyang narinig. Nagpatuloy si Zeus sa pagsasalita.
“At si Herminigildo Abis ang kapatid ni Zita.”
Saglit na may dumaang anghel sa harapan ng dalawa dahil sa labis na katahimikan. Biglang may dinugtong si Zeus sa huli niyang sinabi kay Iboy.
“Iboy, ayon sa natanggap ko ngayong umaga lamang sa aking mga asset sa NBI, si Herminigildo Abis ang numero uno ngayon sa Most Wanted list nila.”