Ang Isla de Recuperación
Kung kahit sandali lamang ay mayroon tayong mahihiram na isang drone na may camera at paliliparin natin sa wastong distansiya mula sa lupang nakapabalat sa kabiserang lungsod ng Arguella; at pagkatapos ay pahihimpilin ito na parang isang maliit na satellite sa tamang lugar, makikita natin sa monitor ng isang computer, na nagsisilbing homebase ng naturang drone, na may isang ilog - ang Ilog Dalampasig - na malaulupong ang hugis at tumatagos sa bandang kalagitnaan ng teritoryo ng capital city. Gamit pa rin ang nasabing drone ay mapapansin din nating ang ilang mga tulay na nagdudugtong sa magkabilang pampang ng naturang ilog ay tila mga daliri ng isang malaking kamay. Bahagya nating imamaniobra ang drone at ibababa natin ang altitude nito sa tamang sukat upang matutukan ng ating paningin ang isa sa mga tulay na ito: ang tulay ng Alayan.
Kung maituturing nga natin na mga daliri ang mga tulay ay tila ito ang lakas-loob na nakasakmal sa Ilog Dalampasig na tila malaulupong ang pagdaloy dahil sa paligoy-ligoy nitong hugis at para bang nagpupumiglas sa kuko ng mga nasabing daliring tulay. At kung mayroon man sa atin ang mahilig sa pagkuwento ng mga alamat, maaaring gawing elemento ng isang alamat tungkol sa Ilog Dalampasig ang mga tulay ng lungsod ng Arguella, pati na rin ang malaulupong na hugis ng naturang ilog. Bakit? - tanong ninyo. Sapagkat ang Ilog Dalampasig ay malaon nang itinuring ng mga taga-Arguella na isang ilog na malapit-lapit nang malagutan ng hininga. Sa talahambingan ng kathang-isip na alamat ng Ilog Dalampasig na ito, ang mga daliring tulay na nakadagan sa malaulupong na hugis ng ilog ay simbolo ng walang-patumanggang pagdaloy ng dugo ng komersiyo sa mga ugat ng kamay ng kabiserang lungsod. Oo, ang mga daliring tulay ang sumakal sa buhay ng isang ilog na, sa hugis nitong hindi na rin malayo sa merliyon na mayabang na nakapostura sa opisyal na Selyo ng Lungsod ng Arguella, tila nagmistulang isang biktima na lamang ng tinatawag na matinding urbanisasyon sa ngalan ng kaunlaran.
Balikan natin ng sipat ang tulay ng Alayan.
Kung maituturing nga natin na isang daliri ang naturang tulay ng Alayan at ang merliyon sa opisyal na Selyo ng Lungsod ng Arguella ang Ilog Dalampasig, mapapansin natin mula sa perspektiba ng ating drone na ang daliri ng Alayan ay tila nakadagan sa pinakaulunan ng ilog na inihalintulad natin sa merliyon. Oo, dahil mula sa tulay ng Alayan ay may isang isla na nagmistulang ulo na lumitaw sa pagkakadagan ng daliri sa nasabing lawas ng merliyon.
Ito ang Isla de Recuperación.
Kung palalapitin natin ang ating drone sa isla’y matatanto natin na dito sa islang ito nakatayo ang Hospicio de San Cristobal.
*
Ang Hospicio de San Cristobal ang nagsilbing tahanan ni Iboy bago pa niya naisipang lumayas dito at nagpasyang gumagala-gala sa mga eskinita’t lansangan ng kabiserang lungsod nang mahigit isang taon; at mula sa kahabag-habag na kalagayang ito’y masuwerteng ampunin siya ng mismong ama ng lungsod ng Arguella, si Mayor Zeus.
Kung ang merliyon na nasa coat of arms ng Lungsod ng Arguella ay nagsilbi bilang simbolong nagpapahayag ng tibay at determinasyon, sa murang edad pa lamang ay sa hospisyo natutuhan ng ulilang lubos na batang lalaki na ito - at ito lamang! - ang dalawang katangiang kakailanganin niya upang magtagal ang kaniyang buhay sa daigdig na ito.
Sabihin na lamang nating maaga siyang pinahirapan ng tadhana. At kung ang merliyon sa Selyo ng Lungsod ng Arguella ay may hawak na isang sundang, ang nagsilbing kasangkapan at sandata naman ni Iboy ay ang kaniyang dalawang kahoy na saklay.
Kung ang Hospicio de San Cristobal ang nagsilbing tahanan ni Iboy mula kasanggulan hanggang bago pa siya sumapit sa kaniyang ika-sampung kaarawan, ang mga Katolikang madre ng pang-foster care na institusyong ito ang masasabi nating siyang tumayo bilang sangkananayan sa kaniya at sa sampu ng kaniyang mga katulad na sa murang edad ay kinapos na ng pag-aaruga at ng maayos na guhit ng kapalaran.
Mula sa tumayong sangkananayan ng mga Katolikang madre ng Hospicio de San Cristobal, si Sister Emma Caridad ang naging nanay-nanayan ni Iboy. Sabihin na lamang nating bigay-susong inaruga ni Sister Emma ang batang may polio ang paa dahil na rin kinakitaan niya ito ng isang panloob na lakas ng loob, at hindi ng panlabas na kahinaan ng katawan.
Noong pitong taong gulang na si Iboy ay si Sister Emma ay nagpagawa na ang madre ng mga kahoy na saklay. Sa pamamagitan ng mga saklay na ito’y lumaki ang daigdig ng bata. Noong una’y naging kasakasama siya ng madre sa kaniyang maagang pagdarasal sa kumbento na nasa loob ng hospisyo. Kapag wala namang klase, imbes na sumali sa mga laro ng kaniyang kaedaran sa basketbolan, binibisita ni Iboy si Sister Emma sa kusina ng hospisyo. Ang nanay-nanayan niya kasi ang itinalagang tagapamahala ng mga lulutuing pagkain sa naturang institusyon. Bago pa kasi pumasok sa pagkamadre si Sister Emma ay isa siyang kolehiyala na kumukuha ng kursong BS Nutrition. Tinuring ng madre na isang hulog ng langit ang kaniyang pagkakapasok sa hospisyo, dahil sa loob ng naturang takbuhan ng mga inihuhulí, ang mga ibinababang-turing, at ang mga inililigáw sa Lungsod ng Arguella, Bayan ng Silangan, Pilipinas, ay naibahagi niya ang kaniyang puso’t kaluluwa sa mga layuning para sa kaniya’s nagpalaya at naging mapagpalaya sa sarili: ang tumulong sa kaniyang kapuwa.
Nang makapagtapos si Sister Emma sa kolehiyo ay naging matindi na ang pagkontra ng kaniyang pamilya na maglaan siya ng community service. Anila, “Emz, naihanda na namin ang iyong passport! And, for sure, bilang isang graduate with honors ay hindi ka mahihirapang mag-apply para sa iyong masteral sa ibang bansa! We would understand if you want to take some time off, iha, but, my God! Why do you want to do community service eh hindi naman ‘yan mandatory sa pag-graduate mo?! And of all places! Alam mo bang napapalibutan maduming ilog ang godforsaken place na ‘yan?!”
Tahimik at masunuring anak si Emma Caridad. Isang huwarang anak na maituturing sa kaniyang mga magulang na kilala ang reputasyon sa ilang sirkulo ng alta sociedad at ng mga negosyanteng bilyonaryo, at maging ng mga politikong umukit din ng kanilang pangalan, ikanga, sa paraang hindi pinag-uusapan sa labas ng mga kumpesaryo’t kama ng mga kerida’t fuccbois. Tahimik, masunurin, matalino, may angking kagandahan bilang isang Filipina. Ano ba talaga ang magtutulak sa isang dalagang nakapagtapos ng kolehiyo na may karangalang gawad, na walang luho sa katawan kundi ang pag-aaral at manalangin sa loob ng kaniyang silid, na walang nais pag-ukulan ng oras kundi ang kaniyang mga kakilala’t kaibigan na tulad din ang hangarin na dumadaloy sa kaniyang puso’t isipan, na walang sinisinta kundi ang pagtulong sa kapuwa sa abot ng kaniyang makakaya?
Ano pa nga ba kundi isang uri ng pagmamahal na radikal! Isang pagmamahal na dahil sa pagmamahal ay hindi na sapat ang magtiis lamang, na naniniwalang kung nagmamahal nga ay dapat lamang ipaglaban ang minamahal! Isang pagmamahal na nasa pinakapuso ng pagiging bayani at pagbabayanihan sa Bayan ng Pilipinas! Isang pagmamahal na pawang wagas at walang kasukat kundi ang sariling buhay at kaluluwa kung kinakailangan!
*
Saglit na napaigtad si Iboy sa gilid ng kama niya sa loob ng kubo-kubo. Isinandal muna niya ang dalawang kahoy na saklay sa dingding at dinukot sa bulsa ng kaniyang polo ang selyadong liham na iniabot sa kaniya ni Mayor Espejo.
Sa isang siwang ng kubo-kubo ay lumagos ang liwanag ng isang bagong umagang may hatid na pakikipagsapalaran sa karaniwang buhay ng isang batang tila pinagkaitan ng kakayahang mabatid ang kaniyang tunay na tadhana sa mundo.
Bagaman, sa kasalukuyan, tila may dalawang bagay na nagtuturo sa kaniya ng isang masalimuot na landas sa mga susunod pang panahon: ang sariwang balita na dahil sa pagkaka-red-tag ng kaniyang ama, at ang selyadong liham na nagmula sa kaniyang itinuturing na ina.