Tawid-Ilog Umaga pa rin ng Lunes. Pumalo na sa ika-anim ang mga kamay sa mataas na toreng orasan ng Arguella City Hall. Dalawang oras at limang minuto bago maganap ang unang pagsabog. Kung tutuusin, magkatabing distrito lamang ang mga pook na kinalulugaran ng Arguella City Hall at ng Hospicio de San Cristobal sa Isla de Recuperación. Nagkataon lamang na parang bitukang manok na paligoy-ligoy ang pangunahing daan papunta’t pabalik sa dalawang nabanggit na pook na ito. Subalit kung nagmamadali ang isang nais maglakbay mula sa hospisyo tungo sa city hall ay may isa pang paraan na lingid sa kabatiran ng karamihan. Sa Ilog Dalampasig. Sa pagtawid ng ilog, ang mahigit-kumulang na apatnapu’t limang minutong biyahe sa lupa (kung walang trapik, dahil kung minamalas ang biyaherong datnan ng rus

