CATTLEYA'S P.O.V
"May half-half pala si Sir Luhan e, hindi mo manlang sinabi sa akin, Jen." Usal ko habang pinapatuyo ang buhok ko gamit ang tuwalya ko na nakasampay sa batok ko. Napatulog ko na si Kesleigh kaya malaya kami ni Jen ngayon na mag-inuman. Hindi naman ito inuman na talagang maglalasing kami ng malala. Inuman lang 'to na pampasarap lang ng tulog.
"Anong half-half na sinasabi mo dyan? Gaga! Pure pinoy siya. Kanino mo naman nabalitaan yan." Pamamaktol niya sa akin habang dala-dala 'yong isang pitsel ng nestea na katatapos niya lang timplahin dahil 'yon ang magsisislbi naming chaser. Inilapag niya sa gitnang lamesa ang dala niya mula kusina at umupo siya sa playmat na nakalapag sa may sahig.
"Nadiscover ko."
Pinagtaasan niya ako ng kilay dahil hindi siya makapaniwala sa sinasabi ko. Kinuha niya ang isang piraso ng chichirya at binuksan niya iyon. Nagsisimula na din akong magsalin ng alak sa kanya-kanya naming mga baso. May sipon kasi ako, ayoko naman na mahawaan siya lalo na't mahirap siyang magkasakit, kala mo kukunin na ni Lord.
"Half anghel, half demonyo."
"Siraulo!" Binato niya ako ng dalawang pirasong kornik at buti na lang at hindi 'yon tumama sa mukha ko. "Hindi naman siya half angel e, three-fourth lang siguro o baka wala pa sa one-eight." Saka kami nagtawanan pero natauhan kaming dalawa nang maisip namin nay may Kesleigh pala sa kwarto na mahimbing na natutulog.
"Hindi, ganito kasi 'yon, binilhan niya kasi ako kanina ng mga formal na damit. Hindi lang isa ah, isang dosena, bes, lahat 'yon kung tutuusin hindi ko afford. Ang gaganda pa ng mga kinuha niya. Naiinggit nga ako para kay Leigh, hindi ko manlang siya napabilhan ng mamahaling damit kahit isang pares lang."
"Sugar Daddy ang atake, 'te?" Pamamaktol ni Jen sa akin. "Tsaka, binilhan ka lang, mabait na agad? Ang bilis mo namang kumagat, Leya. Baka gusto mong magkaroon ulit ng bagong Kesleigh nyan ah."
"Uy! Hindi ganon, ang akin lang, malay natin hindi naman talaga siya 'yong tipo ng tao na masungit. Malay natin may tinatago rin siyang good side. Masyado siguro lang tayo judgemental."
"Wow ah! Limot mo agad 'yong ginawa niya kay Leigh nitong nakaraan ah. Sige, ipagpalagay natin na meron nga siyang kabaitan na tinatago, o ano naman ngayon? Kakagat ka sa kanya? Hoy! Leya, huwag sana galing sa kalandian mo ang ipapakain mo dyan sa anak mo." Kinirot pa ni Jen ng bahagya ang binti ko kaya napaaray ako.
"Ang OA, hindi naman ako ganon ah. Ang point ko lang, parang gusto ko siyang tulungan." Saka ako tumagay sa baso ng alak na hawak ko. Ni hindi ko maramdaman ang pait non dahil sa pagiging sanay ko. Hindi naman ganon katapang ang alak na nilalalak namin ngayon, sapat lang na hindi kami malalasing ni Jen.
"Sagip kapamilya? Kahapon lang para kang tigre na galit na galit sa kanya at parang nasilihan ang pwet mo't di ka mapakali tapos ngayon gusto mo siyang tulungan? Ibang klase ka naman, friend."
"Ramdam ko kasi na mahal na mahal niya 'yong Stephanie na 'yon. Ang hirap kayang magpigil ng luha kapag ganon na nakikita ko siyang nagrerelapse don sa office niya. Sobra siyang nakakaawa."
Naalala ko na naman 'yong kaganapan kahapon na may dumating na babae. Hindi ko na 'yon sinabi sa kanya dahil alam ko uusok na naman ang ilong non lalo na kapag nalaman niya ang sinabi ni Maam Stephanie. Lalo pa akong naawa nong makita si Sir Luhan sa may coffee shop kagabi na parang may inaantay at umiiyak pa. Makikita talaga sa mukha niyang mahal na mahal niya ang babae na 'yon.
"Kung talagang mahal niya si Maam Steph, bakit nagawa niyang makipagchukchakan sa ibang babae? Sige nga? Alam mo, hindi na ko magtataka kung pati ikaw makuha sa mga pabigay-bigay niya ng mga mamahaling gamit o 'di kaya panlilibre ah. Hindi ka kasi aware na may histoy siya ng pagiging womanizer dati."
"Ay? Totoo?" Gulat na gulat na tanong ko.
"Kung ako sa'yo, umatras ka na dyan sa pagiging sekretarya niya at tigilan 'yang kuryosidad mo laban sa kanya. Ipapahamak ka nyan, Leya, ako na nagsasabi sa'yo." Pagpapaalala ni Jen sa akin sa seryosong tinig saka kami nagtoast ng baso ng alak namin.
Hindi na ako nakapagsalita pa ulit. Hindi ko alam kung gusto ko ba talagang maging sekretarya ni Sir Luhan dahil mukha akong pera o sadyang chismosa lang ako. Parang ang interesting lang kasing alamin ang katotohanan sa likod ng issue na 'yon.
Kinabukasan ay wala akong mapag-iiwanan kay Kesleigh dahil saktuhan na may sakit ang hinire kong yaya. Kaya wala akong choice kundi ang isama siya. Mas maaga pa kami sa manok na nagsigising, ni hindi ko naramdaman ang hangover dala ng pag-inom namin ni Jen kagabi. Parang hindi na namin kailangan ng alarm o tilaok ng manok dahil si Leigh pa lang ay okay na kami. May instant human alarm clock kami.
Tuwang-tuwa ang anak ko dahil isasama ko siya sa trabaho kahit sa kaloob-looban ko ay kinakabahan ako ng sobra lalo na at hindi na lang ako basta empleyado ni Sir Luhan, sekretarya na niya ako. Hindi ko alam kung anong pagpapaliwanag ang gagawin ko sa kanya sa pagdadala ko sa anak ko. Basta ang alam ko ay gagawan ko na lang 'yon ng paraan, sana lang maintindihan niya ako.
"Leya, patay talaga tayo nyan kay Sir Luhan. Winarningan ka na nya noon, di ba?" Panenermon ni Jen sa akin habang papasok kami sa building ng Guererro Company. Kung gaano ako kakabado, mas doble sa kanya. Baka daw kasi maulit na naman 'yong nangyari nong nakaraan.
"Alangan naman iwan natin si Leigh don sa bahay ng mag-isa. Hayaan mo na, kakausapin ko nalang si Sir Luhan." Pagpupumilit ko.
"Jusko! E bakit pa kasi nagkasakit ang Gemma na 'yon. Psh!"
Nagpapadyak si Jen na sumunod sa akin papasok ng building. Kahit na anong pagpipigil ang gawin niya ay hindi ko siya pinakinggan. Mas inuna kong isipin ang kaligtasan ng anak ko. Kaya naman nong maghiwalay na kami ay todo paalala siya na bantayan ko ng maayos si Kesleigh at tawagan siya if may emergency. Mas marunong pa talaga ang tita kaysa sa ina.
"Oh, anak, behave ka lang dito ha? If nagugutom ka, tawagin mo lang si Mama, okay? Basta, behave ka lang, laro ka lang ng barbie doll mo ha, huwag kang makulit, hmm?" Pakiusap ko kay Kesleigh at natutuwa naman ako dahil todo tango siya na animoy pumapayag siya sa gusto kong mangyari.
Ramdam ko ang kaba sa dibdib ko dahil dinala ko na nga ang anak ko dito sa office, late pa ako. Sana lang talaga mas nauna akong dumating kay Sir Luhan dahil kung hindi, patay ako.
"s**t! Mag twenty minutes na akong late." Pagkatingin ko sa wrist watch ko. "Leigh, 'nak, tara, kargahin ka na ni Mama." Binuhat ko na si Leigh dahil masyado kaming mabagal dahil sa paglalakad niya.
Maingat ko siyang dinala sa mga bisig ko. Kinailangan pa naming makipagsiksikan sa elevator para lang umabot ako at hindi na naman naiwasan ng maraming mata ang pagtinginan kaming mag-ina. Nagbubulungan na naman sila tungkol sa nangyari nitong nakaraan dahil namumukhaan nila ang anak ko. Hindi ko na lang sila pinansin at pagkabukas ng elevator ay dali-dali na akong lumabas.
Patakbo akong pumaroon sa office ni Sir Luhan. Hindi ko alintana ang pagod ko dahil buhat-buhat ko ang anak ko basta ang mahalaga sa akin ay makarating na ako ng office. Kapit na kapit naman si Leigh sa batok ko at pasalamat ko na lang at hindi ako nadapa o di kaya nawalan ng balanse.
Pagkarating sa tapat ng office ni Sir Luhan ay maingat kong pinihit ang doorknob saa kami pumasok. At nakakadalawang hakbang pa lang ako ay napatigil kaagad ako nang maabutan si Sir Luhan sa may sofa na nakadekwatrong nakaupo na animoy hinihintay ako. Salubong ang dalawa niyang kilay at mahahalata din na hindi maganda ang kanyang gising.
"Alam mo bang kada isang minuto ng late mo ay may bawas sa sweldo mo?" Malamig niyang tugon na diretsong nakatitig sa gawin naming mag-ina. "At bakit dinala mo 'yan dito? Hindi ba't pinagsabihan na kita?" Pagtutukoy niya kay Kesleigh nang makita niya itong buhat-buhat ko.
Bago ko siya sinagot ay ibinaba ko muna si Kesleigh saka ko inayos ang sarili ko. "Pasensya na, Sir, wala kasi akong mapag-iiwan e, nagkasakit kasi 'yong magbabantay sa kanya. Ayoko naman na iwan siyang mag-isa sa bahay e baka mapano."
"Then, it's not my problem anymore. Responsibilidad mo bilang ina ang gawan 'yan ng paraan." Panenermon niya sa akin.
"Kaya ko nga po dinala nalang dito para mabantayan siya."
"Labas ang personal mong buhay kapag nakaapak ka na sa kompanyang 'to. Kung ano ka man sa bahay nyo, iwan mo lahat don at gawin ang nabigay na trabaho sayo kapag nandito ka."
Gago to ah! Parang gusto ko tuloy bawiin yong sinabi ko kagabi kay Jen na mabait siya. Halimaw siya e. Kala mo hindi dumaan sa pagkabata na gustong sumama sa nanay kapag ganon na may pupuntahan. Hindi naman sigurong masama na unahin ko ang kapakanan ng anak ko. Palibhasa kasi hindi pa siya magulang kaya makitid ang utak niya.
"Sir, mawalang galang na po, magagampanan ko naman po ng maayos ang trabaho ko dito kahit na kasama ko 'tong anak ko. Kaya ko pong gawin lahat ng ipag-uutos ko basta hayaan niyo lang ako na alagaan itong anak ko habang nagtatrabaho."
"How sure you are na hindi 'yan makakagulo? She's a f*****g kid, malamang makulit 'yan."
Ramdam ko na isiniksik ni Kesleigh ang katawan niya sa akin dahil sa pagtataas ng kumag na 'to ng boses. "Mama, 'yan si monster, di ba?"
Sa sinabi na 'yon ni Kesleigh ay kaagad kong tinakpan ang bunganga niya dahil baka may malala pang mangyari sa aming mag-ina.
"Shh! Kesleigh, bad 'yon." Panenermon ko sa anak ko saka ko ibinalik kay Sir Luhan ang atensyon ko. "Normal naman po siguro 'yon sa bata, Sir. Parang hindi naman kayo dumaan sa pagkabata, imposibleng hindi kayo nagpupumilit sumama sa nanay niyo non kapag ganon na umaalis siya."
Doon ko napansin ang pag-iiba ng itsura niya. Kinabahan ako dahil baka may nasabi ako na hindi maganda sa pandinig niya. Jusko lord. Gusto ko lang naman masigurado ang kaligtasan ng anak ko.
Nakipagtitigan ako sa kanya at hindi ko mabasa kung ano ang iniisip niya nong mga oras na 'yon. Ganon na lang ang t***k ng puso ko nang tumayo siya't naglakad papunta sa gawi naming mag-ina.
"I’ll allow it this time. Just this time.” Wika niya at nilayasan na niya kaming mag-ina patungo sa swivel chair niya.
Napangiti naman ako at iginaya si Kesleigh sa sofa. Sinabihan ko siya na manatili lang siya doon sa sofa at huwag pakikialaman ang kahit na anong gamit dito sa opisina ni Sir Luhan. Napanatag naman ang puso ko dahil mukhang nakakaintindi ng sitwasyon ang anak ko.
Sinimulan ko na kaagad ang trabaho lalo na maraming mga papeles na kailangan gawin at pirmahan ni Sir Luhan ngayong araw. Pasalamat ko na lang din at wala siyang meeting ngayon at puro online lang. Paminsan-minsan ay nahuhuli ko siyang nakatitig kay Kesleigh. Hindi ko alam kung ano ang tumatakbo sa isip niya kapag ganon na nakatitig siya sa anak ko. Minsan pa ay nahuhuli ko siyang nakangiti habang pinapanood niya si Leigh na naglalaro. Paano niya natatago na mahilig din pala siya sa bata.
"Ano na namang katangahan ang sasabihin niyo sa'kin, Roi? Na'san na si Bella? Anong wala pa? Paano't nasasalisihan pa kayo ng taong 'yan? Ang dami-dami niyo dyan, hindi niyo pa siya mahanap? Walo ang utak na meron diyan pero ni isa walang gumagana. Ponyeta!"
Sa pagsigaw na 'yon ni Sir Luhan ay nagulat si Kesleigh kaya naman nilapitan ko kaagad siya at niyakap. Naglabas ako ng marsmallow mula sa bag niya na dala ko para mapunta roon ang atensyon niya at hindi sa nag-aalburuto na parang bulkan ko na boss. Kaagad naman na nadistract si Kesleigh kaya tahimik akong bumalik sa ginagawa ko.
Napasulyap ako kay Sir Luhan na napapahilot na sa kanyang sentido habang nakasandal sa kanyang swivel chair. Stress na stress siya kung ilalarawan ko. Gusto ko man magtanong pero hindi ko magawa baka sa'kin pa siya magalit. Pero dahil chismosa tayo, pasimple akong nagtanong.
"Sir, bakit hindi mo nalang ako hinire bilang investigator kaysa secretary mo? Kaya ko naman maghanap ng tao e. Sino ba 'yan?" Malumanay na tugon ko para hindi ko mahuli ang pitik niya.
Napakagat ako ng pang-ibabang labi nang tapunan niya ako ng masamang tingin. Mukhang nawrong move ako don ah. Ramdam na ramdam ko 'yong gigil sa mukha niya e. Nagsisisi tuloy ako na sinabi 'yon.
"Hindi parte ng trabaho mo ang pakialaman ako."
Kahit nakakamatay na 'yong titig niya sa akin ay hindi pa rin ako nagpatinag. "'Yan ba 'yong tungkol sa issue mo, Sir? 'Yong scandal? Meron ka ba non? Pasend naman oh."
"Shut up!"
Napatahimik ako at napayuko sa sigaw ni hudas. Nagsisisi akong nagbiro pa ako ng ganon. Akala ko kasi matatawa siya e, hindi pala. Nanginginig na tuloy ang buong katawan ko kasi feeling ko mauubos ko na 'yong pasensya niya at baka pagbuhatan na niya ako ng kamay. Mabuti na lang at medyo malayo si Kesleigh sa amin, nandon siya sa may pinakasulok, nagkukulay sa dala niyang coloring book.
Takot na takot na ako sa mukha niyang parang apoy na nagliliyab sa sobrang galit. Sising-sisi ako sa ginawa ko. Gosh! Nakaramdam ako nang kaba nang diretso siyang tumitig sa akin na para bang nangungusap. Ang laki ng epekto sa kanya ng issue na 'yon, ngayon alam ko na. At gulat na gulat ako sa huling sinabi niya na nagbigay katanungan sa utak ko.
"Not everyone of you knows the whole truth. Not a single details you heared is true. And not everyone of you wants to know the f*****g truth!"