''Mali ito Adam, tigilan na natin ito!'' mariing sigaw ko sa kan'ya.
Napailing-iling naman ito ng marahas. At matalim ang mga titig nitong pinukol sa'kin.
''Bakit? Dahil ba sa kanila?! Ano ba Gemma? 'Di ba sinabi ko sa'yo na huwag mo silang iintindihin! 'Wag kang magpapaapekto sa kanila!'' malakas na bulyaw nito sa'kin na halos magpabingi sa teynga ko.
Napapikit ako nang mariin at tinuon ko sa kan'ya ang isang malamig na tingin na magpapahiwatig sa kan'ya na buo na ang aking desisyon.
''Bakit hindi ako magpapaapekto sa kanila Adam? Tama naman sila sa mga opinyon nila tungkol sa atin, ang relasyon na mayroon tayo ay isang malaking kahihiyan,'' madiin na pagkakasaad ko sa kan'ya.
Napasinghap ito at ramdam na ramdam ko ang pang-gigigil niya dahil mahigpit na nakakuyom ang mga palad nito.
''Kahihiyan? Paanong naging kahihiyan? Dahil ba sa sampong taon na agwat ng edad natin? f**k Gemma! Wala akong pakialam sa mga walang kwentang opinyon nila! Ang mahalaga sa akin, ikaw. Tayo,'' tugon agad niya at binigyan ako nito ng malamyos na titig.
Napalunok ako habang pinagmamasdan ang mga mata nito na nangungusap at nagsusumamong 'wag ituloy ang kung anong binabalak ko.
Ngunit hindi. Hindi ako maaaring magpatinag sa kan'ya.
Huminga ako nang malalim. At binigay ko ang buo kong lakas kahit nanghihina na ang tuhod ko sa tensyon na namamayani sa'min.
''Adam, you're just 21 years old! Masyado ka pang bata para masabi mo ang mga bagay na iyan---''
''Puwede ba tigil-tigilan mo na ako sa kakatawag sa'king bata! Hindi na ako bata! Marunong na akong mag-isip! May sarili na akong utak para magdesisyon para sa sarili ko! At kaya ko nang magmahal ng totoo, kaya na kitang ipaglaban, makakaya ko nang isugal ka Gemma,'' pagpuputol nito sa sasabihin ko at halos mapaiwas ako ng tingin nang mamataan ko ang nangingilid nitong luha sa kanyang mga mata.
''Nasasabi mo lang 'yan kasi may nakukuha ka sa'kin! Inaalay ko ang sarili ko sa'yo! Binibigay ko ang init na hinahanap mo! 'Di ba? Kaya ka nagkakaganyan dahil sa tawag ng laman!'' singhal ko sa kan'ya.
Naningkit naman ang mga mata nitong napatingin sa akin nang nasambit ko ang mga katagang 'yon. Pawang 'di ito makapaniwala sa narinig niya mula sa'kin maski ako ay nagulat sa tinuran ko. Ngunit tinatagan ko ang loob ko. Tumindig pa ako lalo nang tuwid at diretso at sinalubong ang mga tingin nito gamit ang mapagkunwari kong mga mata.
''Gan'yan pala ang tingin mo sa'kin?'' nakapangising ani niya at ngumiti pa ito ng mapakla.
Napalunok naman ako ng sarili kong laway at 'di ko magawang ibuka ang mga bibig ko. Dahil naramdaman kong labis ko itong nasaktan sa mga salitang lumabas sa bibig ko.
Kinakagat ko nalang nang mariin ang ibabang labi ko upang mapigilan ko ang pagsabog ng aking emosyon.
''Ang tingin mo pala'y pinaglalaruan lang kita? At ang lahat ng pinapakita ko sa'yo ay may hinahangad akong kapalit? At iniisip mo na ikaw ay hamak lang na taga-alis ng init sa katawan ko?Kumbaga parausan lamang kita? Wow, hinuhusgahan mo ang----''
Hindi ko na hinayaan pang matapos nito ang kanyang sasabihin at agad ko na siyang sininghalan.
''Hindi ba totoo? At sino ka ba para 'di kita husgahan? Ikaw si Adam Ledger na kilalang playboy at mapanakit sa mga babae! Puro katarantaduhan at gulo ang nasa utak mo! Hindi ka kailanman nagseryoso sa buhay! Nagpapakasasa ka sa yaman na mayroon ka! Walang ibang mahalaga sa'yo kundi ang sarili mo! Hindi mo iniisip ang mga taong nasa paligid mo! Manhid ka at walang puso! 'Di ko nga maintindihan ang sarili ko at hinayaan kong makapasok sa mundo mo,'' mahabang litanya ko sa kan'ya.
Kitang-kita ko ang sakit na gumuhit sa kanyang mga mata. At ang sakit na 'yon ang tumusok sa puso ko.
''Tapos ka na ba?'' walang ganang tanong nito.
Hindi ako agad nakakibo sa tinuran niya. Hindi ko na alam kung saan pa ako kukuha ng lakas ng loob para saktan ito. Dahil mas nadudurog ako. Mas nagbibigay ng kirot sa puso ko ang pagmasdan ang lalaking pinakamamahal ko ngayon na nasasaktan dahil sa'kin.
''O-Oo tapos na rin tayo,'' nangangatal ang boses ko na sagot ko sa kan'ya.
Unti-unti na akong sumusuko. Hindi ko na makayanang salubungin ang mga tingin nitong pawang humihigop sa'kin.
Kaya't agad ko itong tinalikuran. At kasabay nang pagkatalikod ko sa kan'ya ang pagtulo ng mga luhang kanina ko pa pinipigilan.
''Tigilan na natin ang kalokohang ito Adam! Maghanap ka na lang ng babaeng kasing-edad mo, madali lang naman sa'yo 'yon dahil maraming nagkakagusto at nagkakandarapang magaganda sa paligid mo! Kung tutuusin, wala akong panama sa kanila, 'wag kang magsettle sa'kin na may edad na! Na napag-iiwanan na ng panahon---''
''Yes, aminado naman ako na gago ako, mabilis uminit ang ulo ko, wala akong awa sa mga taong nasa paligid ko. Lahat ng babaeng naghahabol sa akin pinapatulan ko at pinapaikot-ikot lang! Pero alam mo na kaya kong magbago! Kaya ko namang maging matino! Kaya kong baguhin ang sarili ko para sayo! Gemma, kayang-kaya kong magpakatao dahil natutunan ko 'yon sa'yo.''
Lahat ng mga salitang binigkas niya ay tumagos sa kaibaturan ko.
''Tama ka na madali lang sa'kin na makahanap ng babae. Isang pitik ko lang may babae na akong maidadala sa kama at madali kong makukuha ng walang kahirap-hirap. Marami akong puwedeng pagpilian pero mismong puso ko ang pumili sayo,'' dagdag pa nito.
Marahas kong pinunasan ang luhang walang tigil sa pagtulo mula sa aking mata.
At huminga ako nang malalim at hinanda ang sarili at matapang na humarap sa kan'ya.
Pinakita ko rito ang mga tingin kong walang kahit anong emosyon.
''Tumigil ka na sa mga kalokohang pinagsasabi mo Adam! Dahil wala na akong panahon na makipaglaro sa'yo! Tapos na ako sa ganito, hindi ko na gugugulin ang panahon ko sa mga panandaliang kaligayahan katulad ng relasyong mayroon tayo! Gusto ko ng umusad! Gusto ko ng maging malaya sa pekeng mundong kasama ka! Kaya please lang Adam, hayaan mo na ako. Hayaan mo na akong mawala sa'yo,'' mahinahon at madiing ani ko sa kan'ya.
Ngunit wala akong nakuhang sagot mula rito bagkos ay bigla-bigla na lamang niya akong hinatak papalapit sa kan'ya at siniil ako nito ng mapusok na halik.
Nagitla naman ako sa ginawa nito at pilit akong pumapalag.
Ngunit wala akong naging laban sa lakas nito.
Kahit anong iwas ko ay nagawa pa nitong ipasok ang dila niya sa loob ng bibig ko at hinalikan ako nito ng marahas.
Unti-unting tumulo ang luha sa mata ko at nang mamalayan niya iyon ay kusa itong tumigil sa ginagawa niya.
At marahan niyang pinunasan ang mga luhang pumapatak sa mata ko.
''Mahal na mahal kita Gemma,'' punong-puno ng sinseridad na turan niya.
Ngunit agad kong winaksi ang mga kamay nito at buong lakas ko itong tinulak papalayo sa'kin.
''Ano ba Adam! Hindi ka ba talaga nakakaintindi sa isang salita? Pinapamukha mo lang talaga sa'kin na bata ka pa at hindi ka marunong makinig!'' sigaw ko sa kan'ya at nanlilisik ang mga mata kong tinignan ito.
''Ilang beses ko bang sasabihin sayo Gemma na hindi na ako bata? Oo! Malaki ang agwat ng edad nating dalawa pero hindi konektado iyon sa utak na mayroon ako! Alam ko ang ginagawa ko! Alam ko kung ano ang tama kong gagawin 'yon ay ang ipaglaban ka!''
Awtomatikong nagbago ang paraan ng pagtitig ko sa kan'ya. Hindi ko mawari kung gaano ako ka-suwerte sa lalaking nasa harapan ko ngayon.
Ramdam na ramdam ko ang totoo nitong pagmamahal para sa'kin. Ngunit ang sinukli ko ay ito, sakit at kasinungalingan.
''Ikaw ba? Alam mo ba ang ginagawa mo? Sa tingin mo ba nag-iisip ka ng tama sa ginagawa mo sa'kin ngayon?'' dugtong pa nito.
Hindi ko na alam kung ano pang salita ang sasabihin ko sa kan'ya. Gustong gusto ko na itong yakapin at aminin na ang lahat ng ito ay palabas ko lang at 'di ko kayang mawala ito ngunit hindi, hindi ko nagawa. Dahil alam kong ito ang tama.
Tama na sana una ko pa lang ginawa.
Nabigla na lamang ako nang bigla na lang itong lumuhod sa harapan ko.
Halos madurog ang puso ko sa sakit habang pinagmamasdan ito. Ngunit nanatili akong kalmado at animo'y walang pakialam kahit na hinang-hina na ako't gusto kong sabihin sa kan'ya kung gaano ko ito kamahal.
''Adam! Tumayo ka nga riyan! Kahit lumuhod ka pa hindi na magbabago ang desisyon ko kaya---''
''Alam kong nagsisinungaling ka sa'kin. Kilala kita Gemma! Alam kong hindi mo magagawa sa akin ito! Alam mo kung bakit ako naging ganito! Alam mo ang nakaraan ko pero hinarap ko 'yong takot ko dahil sayo. Gemma, 'wag mo namang gawin sa akin ito. Alam kong mahal mo ako! Alam ko,'' umiiyak nang sabi niya.
Pagkasabi niyang iyon agad kong kinuha ang mga litratong nasa bag ko at hinagis ko iyon sa kan'ya.
Alam kong ito na ang tamang pagkakataon. At ito ang alam kong makakapag-patigil sa kan'ya.
Nagtataka naman itong napatingin sa akin ngunit pilit ko siyang nginitian at binigyan ito ng makahulugang tingin.
''H-Hindi. Hindi ikaw ito! Gemma 'wag mo akong pinagloloko---''
''Sa una palang niloko na kita Adam. Pero ngayon, nagsawa na ako kaya titigilan na kita,'' mabilis na pagputol ko sa sasabihin nito.
Nanginginig naman ang mga kamay nitong nakahawak sa litrato at ang mga mata nito'y nag-aalab sa matinding galit.
Matagal ko nang pinaghandaan ang tagpong ito. Alam kong ganito ang mangyayari ngunit tila habol ang aking hininga dahil 'di ko kayang maisip na pagkatapos ng gabing ito ay kakamuhian na niya ako't kasusuklaman.
Sa isang iglap ay tumahimik ang buong paligid. Ang tanging naririnig ko lamang ay ang malakas na pagkabog ng dibdib ko.
Wala akong nakuhang kahit anong sagot mula sa kan'ya kaya't kahit nangangatal ang boses ko ay pinilit kong magsalita.
''Ngayon nalaman mo na ako ang babaeng 'yon. Ako ang babaeng matagal mo ng hinahanap. Sa wakas, nakilala mo na ang babaeng---''
''Babaeng lumandi sa aking ama na naging dahilan kung bakit nawasak ang pamilya ko,'' nanggagalaiti na pagputol nito sa sasabihin ko.
At marahas nitong pinunit ang litrato at mabilis na tumayo't binigyan ako ng tingin na wala ng bahid nang pagmamahal.
Sa sandaling iyon ay alam kong nagbago na ang lahat.
At ang wagas nitong pag-ibig sa akin ay naglaho na't napalitan na ng matinding galit at poot.