Makalipas ang isang buwang pananatili sa Ingresia ay naging gamay na si Raymond sa kanyang trabaho. Kilalang-kilala na rin siya ng mga regular na empleyado dahil sa angkin niyang kasipagan. Nagkaroon na siya ng mga bagong kaibigan mula sa iba't ibang ahensya sa loob ng planta.
"P’re, naghihintay na 'yong darling mo oh."
Palabas na siya sa Production Area nang bigla siyang tawagin ng kaibigan niyang si Jack, isang FAWC (Friends At Work Corporation) production crew. Hindi na niya ito nilingon dahil nakita na niya ang tinutukoy nito; si Mikki na matamang naghihintay sa kanyang paglabas.
"Darling, tara breaktime na tayo," malambing pang sabi nito nang makaharap na niya.
"Sige, susunod na 'ko sa locker," sagot niya.
Napangiti pa siya nang mapansin niyang nakatingin sa kanila ang mga tao sa paligid. Marahil ay iniisip talaga nila na siya ang boyfriend ni Mikki. Minsan pa nga dahil sa pagiging malapit nila sa isa't isa ay nalaman niyang kinaiingitan si Mikki ng mga kaibigan nitong bakla.
Sabay silang nagpunta at kumain sa canteen kaya pakiramdam niya ay marami na namang mga matang nakatingin sa kanila. Kaya unti-unti na talaga siyang nakakaramdam ng pagkailang sa kanilang pagkakaibigan.
"Oh tikman mo 'tong chocolate na binili ko kahapon," alok sa kanya ni Mikki, na akma pang isusubo ang pagkaing iyon. "Para lang sa 'yo 'to, darling," paglalambing pa nito.
"Kayo na ang sweet gurl," pang-aasar sa kanila ni Maui, na isa sa mga kaibigan nito. "Daig n'yo pa ang Kathniel eh."
Tinablan na siya ng hiya kaya kinuha na lang niya ang chocolate sa kamay nito saka niya kinain.
"Sayang ang moment oh. Pa-hard to get ang peg ng darling mo, gurl," hirit pa ni Angel, na katabi lang ni Maui.
Natahimik na lang siya nang mapansin niyang napanguso si Mikki dahil sa kanyang ginawa. Alam niyang sumama ang loob nito pero nagpanggap lang itong hindi nasasaktan.
Simula nang araw na iyon ay mas lalo pang naging malambing sa kanya si Mikki kaya napagtanto na niyang higit pa sa pagkakaibigan ang inaasam nito.
AYAW niyang makasakit ng tao kaya naisip niyang kausapin na ito nang maayos. Kaya nang magkaroon siya ng pagkakataon ay sinadya niyang magpaiwan sa kanilang locker upang makapag-usap na silang dalawa.
"Mikki, may gusto sana 'kong sabihin sa 'yo," panimula niya.
Hinarap siya nito at naupo sa tabi niya. "Ano 'yon darling?"
"Ano'ng nagustuhan mo sa 'kin?" diretsahan niyang tanong kaya nginitian siya nito.
Pinisil pa nito ang kanyang ilong ng marahan bago sumagot. "Ikaw kasi ang ideal guy ko, darling. Matangkad ka na, ang tangos pa ng ilong mo kaya lalo kang gumaguwapo," kinikilig nitong paliwanag habang nakatitig sa kanya.
"Binobola mo naman ako eh." Napakamot na lang siya sa ulo dahil mukhang hindi nito siniseryoso ang pag-uusap nila.
"Hindi ah, very wrong kaya 'yon," pagtanggi nito sabay hawak sa kanyang kanang kamay. "Higit sa lahat, nagustuhan ko ang misteryoso mong mga mata, kaya nga minsan pakiramdam ko natutunaw ako kapag nakatingin ka sa 'kin eh."
"Okay, naiintindihan ko na," seryoso niyang sagot. Ilang beses siyang napalunok upang ihanda ang kanyang sarili sa mga gusto niyang ipaintindi kay Mikki. "Alam kong masasaktan ka sa sasabihin ko pero sana maintindihan mo 'ko, Mikki. Ayaw kitang patuloy na saktan, kaya gusto kong malaman mo na pagkakaibigan lang talaga ang kaya kong ibigay sa 'yo..."
"Tama na..."
Hindi na siya nakapagsalita pa dahil sa pag-iyak ni Mikki. Tinalikuran din siya nito at mabilis na naghubad ng damit at nagpalit ng uniporme.
"Okay na 'ko, Raymond. Naiintindihan ko ang mga gusto mong mangyari. Sorry kung ginagawa ko ang mga 'yon sa 'yo," giit nito sa kanya.
"Salamat. Sorry din," matipid na lang niyang sagot.
Nang iwan siya nito ay tinanong niya ang kanyang sarili kung tama nga ba ang ginawa niyang pamba-basted. Ito ang unang beses na may nanligaw sa kanyang bakla kaya hindi niya alam kung kasing sakit lang din ba ng nararamdaman ni Mikki ang naramdaman niya noong na-basted siya.
"Ayoko lang naman masaktan ka kasi kaibigan pa rin kita..." bulong pa niya sa kanyang sarili.
"MAY GMP AUDIT PALA NGAYON, MON."
Napabuntung-hininga si Raymond nang marinig niya ang mga sinabi ng kasamahan niyang si Lorenzo, isang tomboy. Isa ito sa apat na taong naka-puwesto sa Production Bottling Area kung saan sila kabilang ni Richard. Ang Good Manufacturing Procedure o GMP ay isa sa mga alituntuning kailangang isagawa habang nagtatrabaho sa planta.
"Okay, magge-general cleaning na 'ko after break natin," sagot niya saka ipinapatuloy ang kanyang pagkain.
"Good luck sa 'tin," natatawang sagot ni Lorenzo.
"'Wag kang mag-alala gamay na natin 'yon," paliwanag pa niya.
"Okay, sabi mo eh," sang-ayon nito.
Ilang beses na rin nagkaroon ng audit sa kanilang area kaya hindi na siya masyadong nahihirapang maglinis. Dahil iyon sa tulong ng ilang mga regular ng Ingresia at mga production crew na FAWC.
Agad niyang sinimulan ang ibayong paglilinis pagkatapos niyang kumain. Pangkaraniwang alas dyis ng umaga pumapasok ang mga auditor sa production area kaya nagulat siya nang hindi sila dumating sa ganoong oras.
Mag-aala una na ng hapon pumasok ang mga auditor kaya halos kababalik lang niya mula sa breaktime. Agad siyang ipinatawag ng supervisor ng QA Department upang kausapin dahil naabutan nila ang maruming footbath.
"Dapat on-time ang pagpapalit mo ng tubig sa footbath ‘di ba?" tanong nito sa kanya.
"Opo, Ma’m. Pasensya na po," magalang niyang sagot sa kabila ng kabang kanyang naramdaman. Sapagkat iyon ang unang pagkakataong pinagsabihan siya ng isang regular na empleyado.
Hanggang sa matapos ang audit ay laman pa rin ng isip niya ang sinabi ng supervisor. Kababawan para sa iba ang isipin pa iyon pero para sa kanya naging pabaya siya sa kanyang trabaho kaya nangyari iyon. Kaya ipinangako niya sa kanyang sarili na hindi na iyon mangyari pang muli.
ALAS tres ng hapon nang makatanggap siya ng tawag mula sa kanyang ina.
"Mon, isinugod na namin si Bebe sa hospital kasi ilang beses na siyang sinumpong."
Nagulat siya nang marinig niya ang ibinalita nito. Hindi na niya naituloy pa ang kanyang pagkain dahil sa sobrang pag-aalala. Iniwan niya ang kanyang mga kasama sa canteen upang makausap ng pribado ang kanyang ina.
"Okay na ba siya ngayon, Ma?" nag-aalala niyang tanong.
"Sa ngayon okay na siya pero inooserbahan pa rin siya ng doktor. Kasama ko si Tita Heidi mo rito sa hospital kaya 'wag ka nang mag-alala," sagot nito.
"Sige po didiretso ako d'yan pag-uwi ko. Basta po, balitaan n'yo ko sa anumang mangyayari," pakiusap na lang niya.
"Okay, Mon. Sige na, pupuntahan ko muna 'yong doktor," anito saka tinapos ang kanilang pag-uusap.
Nakahinga siya nang maluwag dahil sa mga sinabi ng kanyang ina ngunit naiisip pa rin niyang umuwi ng alas kuwatro upang agad na makita ang kanyang kapatid.
Hindi na siya nakapagtrabaho ng maayos dahil sa sobrang pag-aalala. Parang gusto na nga niyang hatakin ang oras upang makauwi na.
KASALUKUYAN siyang naglilinis ng mop nang bigla siyang lapitan ni Mikki. Mukhang kakausapin na siya nito matapos ang halos isang linggong pag-iwas nito sa kanya.
"Mon, may problema ba sa inyo?" usisa nito sa kanya.
"'Yong kapatid ko nasa hospital," malungkot niyang sagot.
"Ha? Dapat nagpaalam ka na kay Sir Yos para kanina ka pa nakauwi."
"Hayaan mo na, okay naman daw siya sabi ni Mama," katwiran niya. Hindi na siya nagsabi sa kanilang supervisor dahil naghihinayang siya sa dalawang oras na mawawala sa kanya. Makakatulong din ang perang iyon upang maibili niya ng gamot si Diosanne.
"Kahit na ba. Dapat umuwi ka pa rin," giit nito sa kanya.
Nangilid ang kanyang mga luha nang maisip niyang may punto si Mikki. Kaya emosyonal niyang ikinuwento rito ang sensitibong kalagayan ng kanyang nakakabatang kapatid. Hindi niya lubos maisip na sa kabila ng ginawa niya rito ay dadamayan pa rin siya nito.
"Mon, 'wag kang mag-alala gagaling ang kapatid mo. Manalig lang kayo sa Diyos..." sinsero nitong payo. Marahan din nitong pinahid ang luhang tumulo sa kanyang pisngi. "'Wag ka ng umiyak kasi baka sabihin nila pinaiyak kita," pagbibiro nito.
"Oo nga. Sige, salamat ha."
"Wala 'yon darling este Mon pala," hirit pa nito kaya napangiti na rin siya.
"Hoy, ano'ng ginagawa n'yo d'yan?" Sabay silang napalingon nang marinig nila ang boses ng kasamahan nilang si Argie.
"Wala naman eh, Gie," natatawang sagot ni Mikki.
"Kaya kayo natsitsismis eh, sobra n'yong sweet," biro pa nito sa kanila.
Hindi na siya sumagot pa dahil totoo namang iyon ang dahilan kung bakit sila pinag-uusapan. Masyado lang talagang malambing na tao si Mikki kaya hindi sila dapat mag-isip ng kung ano-ano.
"Oh tara na nga, Gie. Masyado kang malisyoso eh. Very wrong kaya 'yon."
"Sabi mo eh," natatawa nitong sagot.
Hindi na mahalaga sa kanya ang iisipin ng ibang tao tungkol sa kanila ni Mikki dahil alam niyang itinuturing na lang siya nito bilang isang kaibigan.
Itutuloy...
Mysterious Eyes | Xerun Salmirro