Marahang hinaplos ni Raymond ang ulo ng kanyang kapatid na si Diosanne upang muli itong makatulog nang mahimbing.
"Be, sana gumaling ka na para 'di na kami malungkot ni Mama," malambing niyang bulong dito.
Halos magtatatlong araw ng nananatili si Diosanne sa Valenzuela Medical Center. Marami na ring isinagawa test sa kanya gaya ng CT Scan, EEG at MRI upang malaman ang totoong kalagayan ng kanyang ulo dahil sa sakit niyang epilepsy o seizure disorder. Kailangan niyang tulungan ang kanyang ina sa pagbabantay dito kaya humingi siya sa kanyang supervisor ng dalawang araw na leave sa trabaho.
"Gagawin namin ang lahat, lalo na si Kuya para hindi ka na mahirapan pa..." pangako pa niya matapos niya itong halikan sa noo.
Mag-aalas siyete na ng gabi nang makabalik sa hospital ang kanilang ina. Umuwi ito sa kanilang bahay kaninang alas dyis ng umaga upang makapahinga ng maayos mula sa ilang gabing pagpupuyat.
"Mon, matulog ka muna. Ako na ang magbabantay sa kanya," utos nito habang inaayos nito ang mga dalang gamit mula sa kanilang bahay.
"Opo, pero 'di na 'ko uuwi sa bahay. Sa labas na lang po ako matutulog para makabalik agad ako rito," sagot niya.
"Sige, anak..." Kinuha na lang nito ang isang baunang naglalaman ng pagkain at tubig para sa kanyang hapunan. "Oh kumain ka na. Maaga akong natapos sa paglalabada kay Tita Heidi mo, kaya nakapagluto pa 'ko."
Naawa siya sa kanyang ina dahil nagawa pa rin nitong maglaba upang kahit paano ay kumita ng kaunting halaga sa sa kabila ng pagod na nararamdaman nito.
"Dalhin ko na rin po 'to sa labas, baka masita na tayo," sagot niya dahil isang bantay lamang ang pinapayagan ng pamunuan ng hospital sa bawat pasyente. "Palo-load-an ko na rin po kayo para matawagan n'yo ako agad kapag may nangyari," paliwanag niya.
"Sige. Mag-iingat ka sa labas ha," bilin pa nito.
Tumayo na siya at isinuot ang kanyang itim na jacket. "Opo."
Pumunta siya sa maliit na gusali sa harap ng hospital upang doon kumain. Iyon ang lugar kung saan pinapayagang maghintay ang sinumang may kaugnayan sa mga pasyente.
Katatapos lang niyang kumain ng makatanggap siya ng tawag mula kay Sir Yosef. Kinakamusta nito ang kalagayan ng kanyang kapatid.
"Sir, hinihintay na lang po namin ang mga resulta ng mga test na ginawa sa kanya," sagot niya.
"Okay. Tumawag nga pala ako para sabihin rin sa 'yo na puwede ka pang mag-extend ng leave mo kung kailangan," paliwanag nito.
"Talaga po sir? Salamat po."
"Wala 'yon Raymond. Basta magpakatatag ka para sa Mama at kapatid mo. Tawagan mo lang ako kung may maitutulong kami sa 'yo."
"Salamat po uli, Sir Yos."
"Sige, bye na."
Pagkaputol ng tawag ay ikinabit na niya ang headset ng kanyang cellphone upang makinig ng musika. Sa tulong ng mga himig ay magiging magaan ang kanyang pagtulog.
Ilang minuto pa lamang siyang nakakaidlip nang magising siya dahil sa malakas na pag-iyak ng isang babae.
"Bilisan n'yo baka mamatay ang Papa ko!" histerikal nitong sigaw habang ibinababa sa ambulansya ang ama nito. Mabilis namang kumilos ang mga nurse upang agad itong magamot.
Nahagip ng kanyang paningin ang mukha ng babaeng iyon na agad din niyang nakilala. Siya si Arianne Del Mara na isang quality assurance analyst sa Ingresia. Siya rin ang babaeng lihim niyang hinangaan kaya alam niya ang ilang detalye sa buhay nito.
Magkaedad lamang silang dalawa ni Arianne. Gaya niya, ito rin daw ay certified single. Naging NGSB o no boyfriend since birth daw ito dahil sa pagsunod sa ama. Hindi dahil sa pagiging istrikto nito kundi dahil sa sobrang pagmamahal dito sapagkat naulila ito sa ina noong ito ay limang taong gulang pa lamang.
"Ang Papa pala niya ang dahilan kung bakit siya nag-leave sa trabaho," aniya habang naglalakad palapit sa Emergency Room upang alamin ang nangyayari sa ama nito.
Hanggang sa pagsilip niya roon ay naririnig pa rin niya ang pag-iyak ni Arianne. "Papa, 'wag mo 'kong iiwan. Ayokong mag-isa..." anito habang nanlulumong nakamasid sa amang wala pa ring malay.
Pilit na ini-revive ng doktor ang ama nito na inatake pala sa puso. Pakiramdam niya ay mistulang nakikisabay ang pintig ng puso niya sa bawat pag-pump sa dibdib nito habang nakamasid siya rito.
"Paano kung ganito..." Hindi na niya kinaya pang tingnan ang ganoong eksena dahil naiisip niya lang si Diosanne.
Unti-unti siyang lumayo sa pinto ng ER at malungkot na bumalik sa kanyang pinanggalingan. Hanggang sa hindi na siya nakatulog pa dahil sa sobrang pag-iisip.
ALAS OTSO ng umaga nang muli siyang nakapasok sa hospital dahil iyon ang simula ng oras ng pagdalaw. Bumili siya ng instant coffee at tinapay upang makapag-almusal na rin ang kanyang ina.
"Lumabas na po ang resulta ng mga test kay Diosanne..."
Papasok na siya sa kuwarto ng kanyang kapatid nang makita niyang kausap ng kanyang ina si Dr. Benjamin Mangana. Agad siyang lumapit sa kanila at naupo sa kama ni Diosanne.
"Dok, ano po ang resulta?" usisa niya rito.
"Ayon sa inyo, nagkaroon siya ng head injury dahil sa nangyaring aksidente sa kanya noon, na naging dahilan din ng pagkakaroon niya ng mild stroke. Nagkaroon ng ilang pagbabago sa utak niya kaya dahil sa pagre-recover nito ang pagkakaroon ng epilepsy naging resulta. Sa ngayon ay unti-unti na itong naghihilom..."
"Nagagamot naman po ang gano'ng sakit 'di ba?" tanong ng kanyang ina.
"May mga kaso po'ng tuluyang nawawala. Ang kay Diosanne ay maaaring makontrol sa tulong ng mga gamot. Kailangan niya ring sumailalim sa therapy twice a month para maka-recover ang katawan niya."
Halos magkasabay silang napatingin kay Diosanne. Hinawakan pa ng kanyang ina ang kamay nito.
"Be, gagaling ka na. Gagawin namin ang lahat..." Siya naman ay muling humarap kay Dr. Mangana. "Dok, maraming salamat po. Puwede na po ba kaming makauwi?"
"Puwede na. Kailangan lang bantayan n'yo siyang mabuti at painumin ng irereseta kong mga gamot," paliwanag nito.
"Opo, dok. Sige po..."
Nang makalabas si Dr. Mangana ay masinsinan silang nag-usap ng kanyang ina bago siya lumabas upang asikasuhin na ang mga bayarin sa hospital.
Kulang-kulang na labing-limang libong piso ang halaga ng kailangan nilang bayaran. Kaya inutusan siya ng kanyang ina na humingi ng tulong sa kanilang mayor at iba pang mga opisyal sa kanilang lugar na bukal ang mga puso.
Palabas na siya ng hospital nang makasabay niya si Arianne na palabas din dito. Bahagya itong nakayuko at bakas pa rin ang matinding kalungkutan sa mukha.
"Miss Arianne, kamusta ang Papa mo?" tanong niya kaya huminto ito upang harapin siya.
"Raymond..." Agad rin siyang nakilala nito kahit pa bihira silang mag-usap. "Medyo okay na siya, pero under observation pa rin ang kalagayan niya," paliwanag nito.
"Mabuti naman. 'Wag ka ng malungkot kasi hindi siya pababayaan ng Diyos," sinsero niyang sabi na bahagyang nagpangiti kay Arianne.
"Salamat ha. Sino nga pala'ng dinalaw mo rito?" usisa nito saka nagsimulang maglakad. "Tara na..." aya nito na agad niyang sinunod.
"Na-confine 'yong bunso kong kapatid. Epilepsy ang sakit niya pero kahit pa'no okay na siya ngayon kaya baka makauwi na kami mamayang hapon," pagkukuwento niya habang naglalakad sila.
"Sana kahit pa'no gumaling na rin si Papa," taimtim nitong panalangin.
"Gagaling siya Miss Arianne basta manalig ka lang..."
Huminto si Arianne sa tapat ng isang botika. "Sige, dito na 'ko Raymond. Salamat uli. Ingat ka," pamamaalam nito sa kanya.
"Sige, ingat ka rin, Miss Arianne."
Habang nasa jeep ay hindi pa rin niya malimutan ang pag-uusap nila ni Arianne. Hindi niya akalaing makakausap niya ito ng malapitan at ganoon katagal. Sapagkat kapag nasa Ingresia sila ay hindi ito masyadong nakikisalamuha sa ibang tao. Para sa kanya ay para bang napakamisteryosang tao ni Arianne kaya gusto niya itong lubos na makilala.
Nakakalap si Raymond ng mahigit anim na libong piso mula sa mga taong hiningian niya ng tulong. Kaya upang mapunan ang kulang na halaga ay nagpunta siya sa Ingresia upang isangla ng sampung libong piso ang kanyang atm card sa isang regular doon.
Kinabukasan ng alas dyis ng umaga ay naiuwi na nila si Diosanne. Ipinambili na rin niya ng mga gamot nito ang kanilang naiwang pera.
Nang gabing iyon ay muli na rin siyang pumasok sa kanyang trabaho upang makabawi sa mga araw na nawala sa kanya. Pinagbigyan siya ni Sir Yos na mag-straight mula alas ng gabi hanggang alas dos ng hapon ng sumunod na araw. Kaya kahit alam niyang mahihirapan siya ay ginawa pa rin niya para sa pangangailangan ng kanyang pamilya.
Itutuloy...
Mysterious Eyes | Xerun Salmirro