"Cassa, limang buwan na 'yang tiyan mo, pero wala pa ring trabaho 'yang asawa mo."
Napasandal na lang si Jerome Castillo sa dingding ng kwarto nilang mag-asawa nang marinig niya ang maagang pagbubunganga ng nanay nito.
"Ano ka ba, 'Nay. Baka marinig ka ni Jerome," saway ng asawa niyang si Cassandra dito na alam niyang naririndi na rin sa sariling ina.
"Wala akong pakialam kung marinig niya nang mahiya naman siya sa 'min ng ate mo," giit nito.
Nakaawang nang kaunti ang pinto ng kanilang kuwarto kaya rinig na rinig niya ang kanilang pinag-uusapan. Halos araw-araw na lang ay ganito ang eksena sa kanilang bahay kaya nasanay na siya. Lahat ng sermon nito ay pinapapasok lang niya sa kanang tenga at labas sa kaliwa.
"Kung alam ko lang na wala siyang maipapakain sa 'yo, sana 'di na lang ako pumayag na magsama kayong dalawa," gigil pang sabi ni Aling Natasha dahil sa problemang ibinigay nilang mag-asawa.
"Sino ba'ng may gusto no’n?" aniya sa sarili.
Hindi niya rin naman ginusto na magsama na silang dalawa ni Cassandra. Hindi na sila mga tinedyer kaya nakahanda siyang panagutan ang kanyang responsibilidad. Nakapag-usapan na nila na hindi sila titira sa iisang bahay dahil nga hindi siya gusto ng ina nito. Sa kabila noon, siyempre siya ang magbabayad sa lahat ng pangangailangan ni Cassandra. Pero wala na siyang nagawa nang pilitin siya ni Aling Natasha na tumira sa bahay na ito upang iwasan ang kahihiyang iisipin ng mga kamag-anak nila.
"Tama na po. 'Wag na nga kayong maingay. Nakakahiya na sa mga kapit-bahay oh. Araw-araw na lang..."
"Siguraduhin mo lang na may pambabayad kayo sa hospital kapag nanganak ka na, kundi bahala kayo sa buhay n'yo."
Hindi na kinaya ni Cassandra ang pakikinig sa sermon ng kanyang ina kaya padabog siyang umalis. Dumiretso siya sa kuwarto nilang mag-asawa at dahan-dahang naupo sa tabi nito.
"Sige, buruhin n'yo ang mga sarili n'yo d'yan sa loob," pang-uuyam pa ni Aling Natasha bago siya walang ganang nagpunta sa labas ng kanilang bahay.
Inasikaso na lang niya ang mga paninda nilang pagkain sa harap ng kanilang bahay. Naabutan niyang abala na sa pagbabalot ng mga order ang panganay niyang anak na si Anastasia.
"’Nay, nasayang lang laway n'yo no?" Inaasar pa siya nito kaya mas lalo lang siyang nagalit.
"Ang kapal ng mukha ng tamad na 'yon. Pagpapalaki lang ng bayag ang gustong gawin," sarkastiko niyang sagot.
Hinimas na lang ni Anastasia ang likod ng kanyang ina dahil sa mga sinabi nito. "Hayaan n'yo muna sila 'Nay. Baka ma-high blood lang kayo eh," payo niya rito. "Sa daily sermon n'yo siguradong nakabaon na 'yong mga sinasabi n'yo sa mga kokote nila," natatawa pa niyang paliwanag.
Napabuntung-hininga na lang si Aling Natasha. Alam naman niyang sumusobra na siya sa panenermon sa mag-asawa pero hindi niya mapigilan ang kanyang sarili kapag nakikita niyang nahihirapan na si Cassandra.
Kapapanganak pa lamang niya kay Cassandra noon nang mamatay ang kanyang asawang si Gregorio sa isang aksidente. Kaya mag-isa niyang binuhay ang dalawa niyang anak sa loob ng labingwalong taon.
Kaya hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap na nabalewala lang ang pagpapakahirap niyang maigapang ang pag-aaral ni Cassandra dahil sa maaga nitong pag-aasawa. Sa kabila ng mga nangyari, akala niya makakatulong sa kanila si Jerome pero wala rin pala itong silbi.
Nagpanggap si Jerome na tulog nang makapasok si Cassandra sa kanilang kuwarto. Hinayaan na lang niya ito sa marahang paghaplos sa kanyang buhok.
"Mahal, alam kong nahihirapan ka na sa sitwasyon pero sana 'wag mo kaming sukuan ni Jerssandra..." bulong nito na naging dahilan upang imulat na niya ang kanyang mga mata.
Hinawakan niya ang pisngi nito at inilapit sa kanyang mukha. "Mahal na mahal ko kayong dalawa kaya 'di ko kayo iiwan," sinsero niyang sagot.
Si Cassandra na ang gumawa ng paraan upang maglapat ang kanilang mga labi. Isang saglit na halik na sinundan ng mahigpit na pagyayakapan. Tanging ang kanilang pagmamahalan lamang ang matibay nilang sandata upang malampasan nila ng magkasama ang mga problemang kanilang haharapin.
KINABUKASAN, kasalukuyang naglalaba si Jerome ng mga damit nilang mag-asawa nang lapitan siya ni Cassandra.
"Mahal, tumatawag si Jack," paliwanag nito.
Agad niyang pinunasan ang kanyang mga kamay upang kausapin ang kanyang kumpare.
"Hello p're kamusta na?" bungad niya rito. "Ba't ka napatawag? May problema ba?"
"Okay naman ako p're," natatawang sagot nito. "May opening na kasi rito sa pinapasukan ko. Production crew din. Ano payag ka ba?"
"Sige. Basta tulungan mo muna ako sa pag-aapply ha. Alam mo naman..." natatawa niyang sagot. Sigurado naman siyang hindi siya pababayaan ni Jack.
"Siyempre naman p're, ikaw pa. Basta puntahan mo 'ko rito sa bahay bukas ng alas singko y medya ng umaga para isabay na kita sa pagpasok ko. Dalhin mo na rin 'yong mga requirement mo ha. Okay?" paalala pa nito.
"Okay p're. Maraming salamat ha."
"Wala 'yon. Sige bye na, baka ma-overbreak ako eh."
Pagkaputol ng tawag ni Jack ay hinawakan niya ang kamay ni Cassandra. "Mahal, maibibigay ko na ang lahat ng mga pangangailangan n'yo ni Jerssa," aniya habang nakatitig sa mga mata nito.
"Salamat mahal ko. 'Wag kang mag-alala ako na ang hihiram kay Ate Asia ng pera para pamasahe mo bukas."
"Okay. Salamat."
Tila nabunutan si Jerome ng tinik sa kanyang lalamunan dahil sa inaalok na trabaho ni Jack. Alam niyang may kakilala itong supervisor sa Friends At Work Corporation kaya sigurado siyang matatanggap roon. Napagplanuhan na niyang ang una niyang sahod ay ibibili nila ng mga damit at gamit ni Jerssa upang wala ng masabi pa si Aling Natasha sa kanya.
NATANGGAP si Jerome bilang isang production crew makalipas ang halos limang araw na pagpapabalik-balik sa FAWC. Ngayong araw ang pagsisimula niya kaya maaga siyang nagpunta sa planta ng Ingresia Incorporation kung saan siya magtatrabaho.
"Castillo, Flores, Tiozon, Galardo, sumunod na kayo sa 'kin."
Mula sa opisina ng FAWC ay isinama na sila ng kanilang coordinator na si Darryl Contreras patungo sa male locker. Mabilis nilang isinuot ang kanilang mga puting cover-all uniform. At magkakasama pa rin silang apat sa pagpila papasok sa Production Area.
Sa Export Line o Line 02 naipuwesto si Jerome kung saan niya nakasama bilang isang bottle feeder si Jack. Ang trabaho nila ay ang paglalagay ng mga production materials gaya ng bote o pcon (plastic container) sa conveyor patungo sa filler kung saan ito nilaglagyan ng laman na nasa loob ng Bottling Area.
"P're, hindi ka ba nahihirapan sa trabaho natin?" tanong sa kanya ni Jack nang makapag-breaktime sila sa canteen.
"Hindi p're. Mas mahirap pa nga 'yong sa dati kong trabaho," katwiran niya.
Sa plastic factory na pinagtrabahuan niya noon ay siya ang nagbabantay sa limang makina na nagluluto ng mga plastic. Kaya kapag kahit isa lang ang masira sa mga iyon ay mahihirapan na siyang bantayan ang iba pa. Kahit na ganoon ang nararanasan niya ay tinapos pa rin niya ang kontrata roon.
"Mahihirapan ka lang sa linya natin kapag marami na tayong gagawing produkto," paliwanag sa kanya ni Jack.
"Okay lang 'yon, p're. Wala namang madaling trabaho eh. Kaya kahit na ano handa 'kong gawin para sa mag-ina ko," seryoso niyang sagot.
"Tama. 'Yan din ang prinsipyo ko sa buhay."
"Tara na."
Sabay silang tumayo nang mapansin nila ang oras. Tapos na ang kanilang breaktime kaya mabilis silang bumalik sa kanilang locker upang makapagpalit ng uniporme at muling pumasok sa Production Area.
Nang mabuno nila ang labindalawang oras na trabaho ay masaya pa ring nilisan ni Jerome ang planta ng Ingresia. Sapagkat para sa kanya ay ito na ang simula ng pagbabago ng buhay ng kanilang pamilya. Hinding-hindi siya basta-basta mapapagod alang-alang sa kanyang mag-ina.
Nakisakay siya sa motorsiklo ni Jack upang kahit paano ay makabawas sa kanyang pamasahe pauwi. Ilang minuto pa lamang silang nakakalayo sa planta nang mahagip ng kanyang mga mata ang isang taong pamilyar sa kanya ang mukha.
"Sadya talagang napakaliit ng mundo..." aniya sa sarili habang pinagmamasdan niya ang pigura nito mula sa side mirror. Nakaramdam din siya ng kakaibang kaba habang naiisip niya ang mukha nito.
Itutuloy...