CHAPTER 15
"Haris!" pagtawag sa kaniya ng isang kaklaseng napadaan, sumenyas na nariyan na raw ang kanilang Professor.
Isang beses na nilingon ni Haris si Alice na hindi na nasagot ang kaninang tanong dahil dumeretso ito sa akin. Tipid siyang ngumiti, matapos na haplusin ang ulunan ko ay tuluyan din siyang nagpaalam.
"We'll talk later," nagmamadali niyang bigkas bago kami nilayasan ni Alice.
Hindi ko na nagawa pang magsalita at napamaang na lang sa pag-alis niya. Nang malingunan pa si Alice ay nagsimula na rin siyang maglakad palayo sa kasalungat na daan habang hawak-hawak ang braso niyang napuruhan yata ni Anthony kanina.
Marahas akong bumuntong hininga. Marami mang katanungang bumabagabag sa akin ay wala rin akong magawa. Bumalik ako sa kaninang pwesto at kahit nawala na sa huwisyo ay pinilit ko pa ring mag-review.
Inubos ko ang natitirang oras sa Quadrangle, paulit-ulit na binabasa ang isang pahina ng libro na hindi ko maintindihan. Tumayo lang ulit ako at pumanhik sa room nang oras na para sa ikalawang subject.
Sa klase naman ay wala pa rin ako sa sarili. Kahit sa sumunod pa naming subject ay literal na parang naging hangin ang presensya ko. Sa kagustuhan ko ng kasagutan ay nagmadali akong lumabas.
Oras na ng uwian namin ngunit imbes na deretsong lumabas ng school ay tumawid ako sa building nina Haris. Hindi na ako nag-atubiling sa kaniya magtanong, alam ko na posible niyang itago sa akin ang totoo.
Kaya naisip kong si Anthony na lang ang tatanungin ko, total ay mukha namang may alam siya. Tantya ko pa ay sikreto nila iyong magkakaibigan na ayaw ipaalam sa iba, kahit sa akin na girlfriend ni Haris.
Hindi ko mawari kung ano ba iyong kasunod ng ‘kung sabagay’ na iyon. Marami akong naiisip na pwedeng idugtong at lahat iyon ay masasakit. Lahat iyon ay ikasasakit ko at alin man din doon ang magiging sagot— hindi ko pa alam kung anong magiging reaction ko.
Hindi ako matatahimik, lalong hindi ako makapag-concentrate sa pagre-review hangga't hindi ko iyon nalalaman. Kaya magalit man sa akin si Haris o hindi, wala na akong pakialam.
Sapu-sapo ko ang dibdib nang huminto ako sa dulo ng hagdan. Inakyat ko hanggang fourth floor, tumakbo pa ako para lang maabutan si Anthony at ano mang oras ay mag-uuwian na rin sila.
Isa-isa kong sinilip ang mga room sa palapag na iyon. May iba na patapos na, may iba naman na wala ng estudyante. Sa dulong room ay halos mapaluhod ako nang makita si Anthony na nagliligpit ng kaniyang gamit.
"Anthony," pukaw ko rito dahilan para matigilan siya sa ginagawa.
Nilingon niya ako, kasunod ng ilan niyang kaklase na naiwan pa kasama niya.
"Hinahanap mo ba si Haris? Excuse siya sa last subject namin, malamang ay nasa Dean's office ulit 'yon," aniya, kapagkuwan ay bumalik din sa pagliligpit.
"Ikaw ang sadya ko."
Sa sinabi kong iyon ay napanood ko ang pagtuwid niya ng tayo. Halatang nagulat siya at nagkatinginan pa sila ng mga kaklase niyang lalaki, tila ba ayaw paniwalaan na siya nga ang ipinunta ko rito.
"May gusto lang akong itanong."
Tumagilid ang ulo ni Anthony. Sinigurado kong susundan niya ako bago ako tuluyang lumabas ng kanilang classroom. Gumilid lang ako sa terrace at hinarap ang malawak na kabuuan ng school namin.
Humahampas pa sa mukha ko ang malakas na hangin, sumasabay din ang buhok ko. Mayamaya nang maramdaman ko ang presensya ni Anthony na huminto sa gilid ko. Wala na akong pinalampas na segundo at kaagad ko siyang hinarap.
"Ano ba iyang tanong mo?" medyo nabuburyong tanong ni Anthony.
"Kung sabagay..." buntong hininga ko bilang panimula rin. "Anong kasunod no'n, Anthony?"
Maigi kong pinag-aralan ang expression ni Anthony at nakita ko roon ang mumunting gulat niya sa naging tanong ko. Saglit na naglumikot ang dalawa niyang mata, animo'y alanganin kung sasabihin ba niya sa akin ang sagot, o manananatiling tikom ang bibig niya.
"May dapat ba akong malaman?" dugtong ko at ramdam ko na ang pamamawis ng palad ko, oo at kinakabahan ako.
Mariin siyang tumikhim. "Hindi ko alam kung dapat ba na manggaling sa akin ito, Larisa. For sure magagalit nito sa akin si Haris. Kaya mas maganda kung sa kaniya ka na lang magtanong."
"Nandito na ako, Anthony. Hindi ko na kayang magsayang pa ng oras kaiisip kung ano ba ang tinatago ninyo sa akin."
Dahil sa totoo lang, ang dami-dami ko nang iniisip, ang dami ko ng problema, hindi ko na kakayanin pa kung dadagdagan ko pa iyon. Nadadamay pati ang pagre-review ko. Baka ito pa ang maging sanhi nang pagbagsak ko sa Midterm exam.
"Isa pa, sinabi na rin niya sa amin dati na siya na lang ang magsasabi sa 'yo," segunda ni Anthony, iritable na ang kaniyang mukha at masyado ko na siyang naaabala. "Kaya pasensya na, Larisa. Si Haris na lang ang tanungin mo at labas na kami roon."
Tangkang tatalikod na siya nang mabilis kong nahawakan ang braso niya. Narinig ko ang mabigat niyang pagbuga ng hangin. Mabilisan niya akong nilingon. Kusa namang dumulas ang kamay ko sa braso niya at bigla akong nakonsensya.
"Kung ikasisira man ito ng pagkakaibigan niyo, then it's fine. Pasensya na sa abala," maagap kong bawi.
"Hindi lang ng pagkakaibigan namin, Larisa. Kung 'di pati ng relasyon ninyo."
Sa narinig ay tuluyan nang hindi natahimik ang kaluluwa ko. Mas nagkaroon ako ng dahilan para alamin ang katotohanan. Kumapit ako sa pag-asang naaawa sa akin si Anthony kaya lalo ko pa siyang pinilit.
"Please, Anthony!" Halos lumuhod na ako sa harapan niya, hawak ko na rin ang laylayan ng kaniyang uniporme.
Sa huling pagkakataon, mabigat na bumuntong hininga si Anthony. May halong inis at awa ang itsura niya noong dungawin niya ako na bahagya nang nakaluhod.
"Hindi dapat ito manggagaling sa akin, ewan ko ba at hindi pa sinabi sa 'yo ni Haris at pinatagal niya pa ito. Siguro nga ay napamahal na rin siya sa 'yo kaya ayaw ka niyang saktan... baka mahal ka naman na talaga niya..." ani Anthony.
Nangunot ang noo ko. Isa-isa ko pang hinimay ang bawat letra ng mga salitang iyon. Nang hindi magawa ay tumitig ako kay Anthony. Hinawakan niya ang braso ko at unti-unting inilayo sa kaniya.
"Pinagpustahan ka lang namin, Larisa. Dati, noong tampulan ka pa ng tukso. Kasama sina Ricky at Shaun, naging pustahan namin kung kanino ka unang mahuhulog."
Hindi rin nagtagal nang manghina ako, para akong lantang gulay na kamuntikan nang bumulagta sa sahig. Isa ito sa hindi ko naisip kanina dahil higit sa lahat ay hindi ko inaasahang pwede pala itong mangyari, na kaya pala itong gawin sa akin ni Haris.