Chapter 14

1084 Words
CHAPTER 14 Sa kadahilanang may kalayuan nga ang Cavite sa school namin ay maaga rin akong hinatid ni Daddy Seb. Maaga rin tuloy akong naghintay kay Haris sa Library at ako pa lamang ang mag-isang estudyante roon. Hindi rin naman nagtagal nang may paisa-isa nang pumapasok. Medyo mahaba na ang na-review ko noong dumating si Haris at una niyang inilapag ang mga notes kong ipinahiram ko noong Sabado kay Alice. "Tapos ka na?" tanong niya nang mapansing patapos na nga ako. "Hindi pa naman." "Maaga kang dumating?" Tumango ako. "Oo. Kaya nga sabi ko kahapon ay agahan mo para makapag-review tayo ng sabay." Nanunuyong napangiti si Haris, kapagkuwan ay inilapag ang bag niya sa gilid bago siya naupo sa tabi ko. Nag-umpisa na rin siyang magbuklat ng libro at notes niya. Samantala ay kumulumbaba naman ako habang dinudungaw ang binabasa niya. Saglit akong nilingon ni Haris mula sa pagitan ng leeg at balikat niya. Ngumiti siya, tila ba nagtatanong. Umiling naman ako at ngumiti rin sa kaniya. Ibinalik ko ang atensyon sa notes ko at muling nag-review. Ilang minuto pa ang nagdaan, tapos na ako sa isang subject ko at balak na sa ibang free time naman ang iba pang subject. Tahimik kong niligpit ang gamit ko at sandali ring iniwan si Haris para ibalik ang librong hiniram ko mula sa Library. Nang bumalik sa pwesto namin ay nakita kong tapos na siya, pero masyado pang maaga kaya roon na muna kami tumambay. Pareho kaming walang imik at nagmamasid lang sa paligid. Dinaig pa namin iyong Librarian na nanghuhuli ng mga maiingay. Ewan ko kung ako lang ba, o sadya lang ding malamig ang umagang iyon kaya tila ba wala kami sa huwisyo na mag-usap. Animo'y nakuntento na kami na basta magkasama kaming dalawa. O baka wala lang din talaga kaming mapag-usapan. Sa tagal na ng relasyon namin ni Haris, kampante at kumportable na kami sa isa't-isa. Lahat na yata ng bagay ay napag-usapan na namin, nabigyan ng kasagutan at ng kaniya-kaniyang opinyon. Alam ko na ang lahat ng impormasyon sa buhay ni Haris. Kagaya na namatay ang kaniyang ina limang taon na ang nakalilipas. Ang kaniyang Daddy naman ay isang Surgeon habang ang Kuya James niya ay may pinapatakbong Home Depot na may ilan ng branch dito sa Pilipinas. "Haris," pukaw ko rito nang mapuno ko ng hangin ang dibdib ko. "Yes, Larisa?" aniya sa mababang boses. "Kung makakatagpo ulit si Mama ng lalaking mamahalin niya, okay lang kaya 'yon?" Dahan-dahan akong binalingan ni Haris. Ilang segundo niyang pinag-aralan ang emosyon ko at kung saan ko ba hinugot ang tanong na iyon. Gusto ko nang maging vocal kay Haris, kahit paunti-unti. "Bakit hindi, Larisa? Kung tanggap mo ang desisyon niya at kung hangad mo ang kasiyahan niya, bakit ka pa tututol?" Tipid akong ngumiti. "Kung para sa kaligayahan na lang niya kung bakit pa siya umibig ulit, hayaan mo na. Matagal naman ng wala ang Papa mo, marahil ay naghilom na ang sugat sa puso niya at siguro'y kaya niya nang magmahal ulit," dagdag ni Haris kung kaya ay tumango-tango ako. "So, kung magkakaroon ako ng panibagong ama ay okay lang din sa 'yo?" Bahagyang natawa si Haris. Mayamaya nang guluhin niya ang buhok ko bago siya tumango bilang pagsang-ayon. "As long as hindi ka niya sasaktan, hindi aabusuhin, ayos lang sa akin." Naging sapat na sa akin ang sinabi niyang iyon para magkaroon ako ng lakas ng loob na paunti-unting sabihin ang lahat. Hindi ko pa kaya na isiwalat sa kaniya ng isang bweltahan, baka bukas ay makaya ko na. Bago magsimula ang unang klase ay nasa kaniya-kaniya na kaming classroom. Narito na rin si Alice at tahimik lang na nilalaro ang kaniyang ballpen habang nakikinig sa Professor namin na nasa harapan. Pagkatapos ng unang subject ay nagkaroon kami ng dalawang oras na vacant. Lumabas ako ng klase para bumalik sa Library, para sana mag-review ulit ngunit nakita ko si Haris na nasa Quadrangle. "Haris!" pagtawag ko rito, kinawayan ko siya at nagmadaling lumapit sa kaniya. "Wala kayong prof?" "Wala. Nagbabantay lang ako kung may mga nagka-cut class dito." Natawa ako at sinamahan na lang siya roon. Rito ko na rin napiling mag-review. Wala naman naging reklamo si Haris. Hindi ko inakala na mas maganda ritong mag-aral sa labas, lalo at presko ang hangin dahil maaga pa naman. Nawili ako at hindi na napansin ang oras. Wala pa sa sarili nang tingalain ko si Haris nang bigla siyang mapatayo sa bench na inuupuan namin. Sinundan ko ng tingin ang tinatanaw niya at nakitang si Alice iyon at ang napapabalitang boyfriend niya; si Anthony na siya ring kaklase ni Haris. "Wait here, Larisa," sambit ni Haris at hindi na ako hinintay na magsalita. Deretso siyang tumalima kung nasaan ang dalawa na halatang nag-aaway. May ilan ng pinagtitinginan sila. Hahayaan ko na rin sana si Haris at trabaho naman niya iyon bilang Dean's officer kung hindi lang ako hinatak ng dalawang binti ko para sundan siya. Kaagad akong nakita ni Alice at kagaya ng parati niyang facial expression, hindi na nabago sa kaniya ang masamang tingin sa kahit na sinong kaharap niya. Mas masama at matalim nga lang iyon pagdating sa akin. "Tumigil na kayo kung ayaw niyong dalhin ko pa kayo sa Dean's office," ani Haris matapos niyang paglayuin ang dalawa. Napansin ko ang galit na galit na mukha ni Anthony habang nakatingin kay Haris. "Tangina, Haris, kung wala ka lang girlfriend ay matagal ko nang napatunayan na gusto mo ring pumila sa mga lalaki nitong si Alice! Lahat na lang sa batch natin na gusto siyang ligawan, hinaharangan mo. Kung sabagay—" Hindi ko alam kung anong dahilan ni Anthony kung bakit siya huminto, pero kagustuhan ko siyang sapakin para magpatuloy siya. Hindi na nga lang nangyari nang patakbo siyang lumayas. Sinundan ko siya ng tingin. Kalaunan nang ibalik ko ang tingin kay Haris. Nakatalikod ito sa akin kaya hindi ko rin kita ang naging reaksyon niya. Naabutan ko naman ang mariing paninitig ni Alice kay Haris. "Kung sabagay, ano, Haris?" nang-uuyam niyang tanong dito habang nangingisi. Unti-unti akong lumapit. Hindi yata aware si Haris na nasa likod niya ako at nagulat pa ito nang malingunan ako. Muling nanumbalik sa utak ko ang mga katagang iyon ni Anthony. Gusto nga rin ba ni Haris si Alice? Gaano katotoo na lahat ng kaklase at ka-batch niya ay hinaharangan niya? Para saan? Bilang babala nga lang ba para hindi patulan si Alice? At kung sabagay, ano? "Anong ‘kung sabagay’, Haris?" dugtong ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD