Chapter 13

1105 Words
CHAPTER 13 "Ayaw mo ba talaga na mag-resign sa trabaho mo, Marisa? Sobrang layo na nito sa Restaurant na 'yon. Mapapagod ka lang." Dinig kong tanong ni Daddy Seb kay Mama nang madaan ako sa kusina. "Although, kaya naman kitang ihatid-sundo." Narinig ko ang mumunting pagtawa ni Mama. "Ano ka ba, Seb. Trabaho ko na iyon simula pa noong magkaanak ako. Roon ako nakaipon at nakabibili ng mga pangangailangan ni Belle. At hindi ba nga't doon din tayo nagkakilala?" "I know, Marisa. Kahit nga huwag ka nang magtrabaho. Rito ka na lang sa bahay, at least ay makakapagpahinga ka pa. Sinabi ko naman sa 'yo na bubuhayin ko kayo ni Belle." "Alam mo, iba pa rin kasi kapag may sarili kang pera, Seb. Nandoon na tayo na sobrang swerte ko sa 'yo, na kaya mo kaming buhayin ng anak ko, pero syempre, gusto ko pa ring nagtatrabaho at tulungan ka rin. Ayokong iasa ang lahat sa 'yo. Hindi pa naman ako matanda, hindi rin baldado. Huwag ka nang mag-alala, Seb. Kaya ko ang sarili ko." Wala sa sarili nang mapangiti ako sa katotohanang iisa lang ang opinyon namin ni Mama pagdating sa ganitong usapin. Hindi hamak na sa kaniya nga talaga ako nagmana. Palaban at ayaw dumepende sa ibang tao. Imbes na istorbohin pa sila ay nilampasan ko ang kusina. Lumabas ako sa sala at hanggang ngayon, kahit paulit-ulit ko na itong nalibot at natitigan ay paulit-ulit din akong namamangha. Lalo ang malaking chandelier na nasa gitnang bahagi ng sala. Mataas ang kisame nito at mula rito ay tanaw ang ikalawang palapag. Carpented din ang floor. Kumpleto ang gamit, pamula sa sala set, flatscreen TV, bookshelves, cabinet at iba pang electronic devices. May ilang mga abstract painting na nakasabit sa dingding. Mayroong mga malalaking halaman at bulaklak na nakadisenyo sa bawat sulok ng sala. Mula pa sa gitnang bahagi ay naroon ang enggrandeng staircase. Maganda lahat, wala akong masabi. Higit sa lahat ng ikinamangha ko ay ang mga katulong na tahimik naglilinis. Hindi ko maikubli ang galak sa puso ko. Para bang isa itong panaginip at ang hirap paniwalaan. Nagmistulan din akong batang paslit na tuwang-tuwa habang patakbong iniikot ang kabuuan ng sala. Ilang sandali nang lumabas ako sa isang pinto patungo sa pool area. Asul na asul ang tubig nito, malaki at malawak din ang nasabing swimming pool. Halos mapunit na ang labi ko sa sobrang pagkakangiti. Hindi ko na rin namalayan ang pagdaan ng oras. Naroon lang ako sa gilid ng pool habang nakababad ang dalawang binti sa tubig. Mayamaya nang may lumabas na isang katulong at kaagad akong hinanap. "Ma'am Larisa, ipinapatawag na po kayo ni Sir Sebastian at kakain na raw po kayo," magalang na pahayag nito. Pumalakpak yata ang tainga ko dahil sa narinig. Ang sarap pala talaga sa pakiramdam kapag nirerespeto ka ng mga tao. Ngayon ko lang ito naranasan, sa hindi ko pa talaga kakilala. Matamis akong ngumiti. "Sige po. Salamat." Tumayo na rin ako at isinuot ang tsinelas. Hinintay ako ng katulong para paunahin na makapasok sa bahay. Muli ko siyang nginitian at kumaway pa rito nang pumasok ako sa dining area. Sa pahabang lamesa ay nakahain doon ang iba't-ibang putahe, maraming pagkain na animo'y may okasyon. Dinaig pa nito ang handaan sa tuwing birthday ko. Ni minsan ay hindi ko ito naranasan, ngayon pa lang. May ilang katulong pa nga na patuloy pa ring naglalapag ng nalutong pagkain sa hapag. Amoy na amoy sa kabuuan ng dining area ang mga ulam. Nakaupo na si Daddy Sebastian sa kabisera at si Mama naman ay nasa kanan nito. "Halika na, Belle, kumain na tayo," anyaya ni Mama na maagap kong tinanguan. Pumwesto ako sa tapat ni Mama kung saan ay sa kaliwa ni Daddy Seb. Tiningala ko siya at naabutan ang nakangiti niyang mukha. "I want to celebrate our first day here at our new home, so please, kumain kayo nang marami," pahayag ni Daddy Seb. "Naku, napakadami naman nito, Seb. Hindi naman namin ito mauubos ng isang kainan lang," pagsingit ni Mama at saka pa tumawa. "Mabuti sana kung may malapit tayong mga kapitbahay, bibigyan ko talaga sila isa-isa. Pero hindi bale, magbabaon na lang ako para mabigyan ko rin ang mga katrabaho ko." Humalakhak si Daddy Seb. Tuwang-tuwa siya sa tinuran ni Mama. Kung sa kanila siguro ay hindi na sila nag-iinit ng pagkain, automatic nang itatapon nila ang tira at hindi naman iyon kabawasan sa kanilang mayayaman. Ngumiti ako at hindi na iyon masyadong inisip pa. Sa pangunguna ko ay saglit kaming nagdasal bilang pasasalamat sa araw na iyon at sa mga pagkaing nakahain sa harapan namin. Nagsimula rin kaming kumain, kalaunan nang matapos ay nagpresinta akong maghugas ngunit napigilan ako. "Kami na ho riyan, Ma'am Larisa," anang isang katulong. "Hindi niyo po ito trabaho." Tantya ko ay kaedaran ko lang ang iba rito. Katulad ko ay galing din sa hirap. Bilang pagrespeto ay tumango na lamang ako. Lumabas ako at tinungo ang sarili kong kwarto. Mas malaki pa ito sa kabuuan ng bahay namin kaya sobrang nakakalula. Palundag pa akong nahiga sa malambot na kama. Matapos kong kunin ang cellphone ko ay dumapa ako ng pwesto. Nakita kong may naiwang miss call si Haris. Anong magagawa ng wifi kung wala rin akong social media accounts? Mayamaya nang saktong tumawag ulit si Haris na kaagad kong sinagot. Sa sobrang kasiyahan ko ay hindi mawala-wala ang ngiti sa labi ko. Kung nakikita lang ako ni Haris, baka mapagkalaman ako no'ng baliw. "Haris!" masaya kong turan. "Kagabi mo pa hindi sinasagot ang tawag ko," mahina at malambing niyang sinabi sa kabilang linya. "Busy ka? Sa pagre-review?" "Hmm, hindi." Humagikhik ako. "Lumipat na kami ng bahay, Haris." "Really?" Bakas ang pagkamangha sa boses niya kaya lalo akong napangiti. "Can I come?" dagdag niya. "Medyo malayo, Haris. Sa Cavite pa, baka mahirapan ka sa biyahe..." "I have my own car, Larisa." Natawa si Haris dahilan para mapanguso ako. Hindi ko alam kung ito na ba iyong tamang panahon para ipakilala ko si Haris kay Mama bilang boyfriend ko. Sa totoo lang, kay Mama siguro ay okay lang. Pero kung pati kay Daddy Seb ay hindi ako sigurado. "Saka na lang siguro, Haris..." alanganing sambit ko, unti-unti nang nawala sa huwisyo ngunit pinilit kong ibalik ang saya sa boses ko. "Nasaan ka ngayon?" "Nasa kwarto," sagot niya, ilang sandali nang makarinig ako ng ingay sa background niya. "Agahan mo bukas, ah? Sabay tayong mag-review sa library." Matagal bago sumagot si Haris. "Sure." "Si Larisa ba 'yan, Haris?" Dinig kong boses babae sa linya ni Haris na naging mitsa para dagli akong matigilan. Alice? Anong ginagawa niya sa kwarto ni Haris??
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD