Chapter 12

1091 Words
CHAPTER 12 Maaga akong nagising kinabukasan ng linggo. Alas sais pa lang ay mulat na ako dahil tinapos ko pa ang mga hindi ko natapos kagabi. Ang sabi ni Daddy Seb ay mga damit at kaunting personal na gamit lang ang dadalhin namin. Kumpleto naman na raw ang mga gamit sa bahay na lilipatan namin. Kaya hindi na rin namin kailangan pang hakutin ang mga bulok at luma naming gamit dito sa bahay. Nakakahiya naman din at hindi iyon nababagay sa bahay ni Daddy Seb. Nang matantong okay na ang lahat ay nagdesisyon na rin akong maligo. Wala akong sariling banyo sa loob ng kwarto. Hindi naman kami mayaman para sa ganoon at may iisang CR lang dito sa bahay. Mula iyon sa gilid ng kusina. Alas nuebe pa ang alis namin kaya alam ko na tulog pa sina Mama at Daddy Seb. Hindi nga ako nagkamali dahil paglabas ko ng kwarto ay nakita ko sila sa gitna ng sala, mahimbing ang tulog habang magkayakap. Hindi ko alam kung anong oras na nakauwi si Mama kagabi. Alas dies nang makatulugan ko ang pag-aayos. Siguro ay tunay ngang ginabi siya. Pero nakapagtataka at bakit inabot siya ng ganoong oras? Kahit pa alam kong 24 hours open ang Restaurant na pinapasukan niya ay hindi pa siya kailan man pinag-overtime ng ganoong kahabang oras. O baka marahil kinulang sila sa tao kaya wala rin siyang nagawa kung 'di ang mag-overtime. Napanguso ako, kasabay nang pagkibit ng balikat ko. Saglit ko silang tinitigan. Maliit lang ang sala namin, sa laki at tangkad ni Daddy Sebastian ay alam kong nahihirapan siya sa pwesto niya. Kaya okay na rin talaga na lumipat kami. Sobra nang kahihiyan kay Daddy Seb ang tumira rito sa bahay namin. Malamang ay hindi siya sanay. Pinipilit lang niya ang sarili dahil gusto niyang makibagay sa amin. Mahina akong bumuntong hininga sa kawalan. Hawak ang kulay puting tuwalya ay dumeretso ako ng pasok sa banyo. Wala kaming shower at mano-mano ang pagligo. Kailangan ding buksan ang gripo para punuin ang isang timba. Tahimik akong naligo. Sa bawat pagbuhos ko ay halos manuot sa balat ko ang lamig na dala ng tubig sa umagang iyon. Masarap sa pakiramdam. Literal na nakakamanhid ng katawan. Ito talaga iyong habol ko kapag maaga akong nagigising. Ilang minuto ang lumipas. Hindi ko na napansin ang oras at nawili ako sa sobrang lamig ng tubig. Inabot ko ang tuwalya, tinuyo ko muna saglit ang buhok ko bago iyon ipinulupot sa katawan ko. Sa paglabas ko ng banyo ay ipinagpatuloy ko ang kaninang mahinang pagkanta ko. Kaagad nga lang natigilan nang bumungad sa paningin ko si Daddy Seb na naroon nakaupo sa lamesa at nagkakape. Pareho pa kaming nagkagulatan. Pareho ring nanlaki ang mga mata. Halos hindi naman ako makagalaw sa pagkakatayo ko at para akong naestatwa. Lalo pa noong pasadahan niya ako ng tingin mula ulo hanggang paa. Hirap akong napalunok. Kulang na lang din ay lumuwa ang dalawang mata ko. Isang higop sa kape ni Daddy Seb ay umangat ang atensyon niya sa mukha ko. Malamyos siyang ngumiti sa akin. "Ang aga mo ngayon..." pukaw niya sa namamaos na boses, halatang kagigising lang niya. Napakurap-kurap ako, kapagkuwan ay marahan tumango. "Inayos ko lang ang ibang gamit ko," mahinang sambit ko ngunit sapat na rin naman na upang marinig niya iyon. Dahan-dahan nang sapuin ko ang batok nang maramdaman ang init doon. Tila ba naglaho bigla ang lamig na bumabalot sa katawan ko. Alam ko rin na mukha na akong kamatis ngayon sa labis na pamumula ng pisngi ko. "Si—sige po, una na muna ako... sa kwarto..." Nahihirapan man din ay napagtagumpayan kong hilain ang katawan paalis sa kusina. Mabilis kong ini-lock ang pinto at kagustuhan ko pang maligo ulit sana dahil sa init na tumutupok sa katawang lupa ko. Marahas akong bumuntong hininga. Kalaunan nang mapailing na lamang ako. Nagmadali akong magbihis at mag-ayos ng sarili. Saktong alas nuebe nga nang lumabas kami ng bahay habang bitbit ang ilang bag. Isang beses kong nilingon ang bahay namin, kapagkuwan ay mapait na ngumiti. Hindi ibig sabihin na umalis kami sa bahay na iyon ay ang paglimot ko rin kay Papa. Dahil ano man ang mangyari ay mananatili pa rin siya sa puso ko at patuloy ko siyang mamahalin hangga't nabubuhay ako. Nakaabang na ang pickup ni Daddy Sebastian sa labasan. Marami man ding tanong ang mga kapitbahay namin, ni isa ay hindi ko iyon sinagot. Deretso akong pumasok sa back's seat at hinintay na makapasok din sina Mama at Daddy Seb sa kotse. "Mahaba-haba pa ang biyahe natin at sa Cavite pa iyon. Matulog ka na muna riyan," ani Daddy Seb na saglit pa akong nilingon. Ngumiti ako. "Sige po." Umimpis ang kaniyang labi para sa isa ring maliit na ngiti. Binalingan niya si Mama at nagngitian din sila. Mayamaya lang nang unti-unti na ring umusad ang kotse paalis. Niyakap ko ang bagpack ko at saka pa tinanaw ang labas. Hindi kami nagkausap ni Haris. Kasalanan ko at hindi ko sinagot ang mga tawag niya kagabi. Pagkatapos no'n ay hindi na rin siya tumawag pa kahit ngayong umaga. Kaya hindi ko rin masabi sa kaniya na ngayong araw ang alis namin. Ano nga kaya ang ginagawa ng lalaking 'yon? Kapag linggo ay maaga rin siyang nagigising dahil madalas ay tumutulong siya sa Daddy niya na mag-asikaso ng trabaho. Ngumuso ako. Hindi bale na, magkikita rin naman kami bukas sa school. Ilang oras ang naging biyahe namin. Sa sobrang aga kong nagising kaninang umaga ay madali lang akong nakatulog. Nagising na lang ako nang saktong nagbababa na sina Mama at Daddy Seb ng mga gamit namin mula sa likod nitong pickup. Napaigtad ako, dali-dali rin akong bumaba upang tulungan sila ngunit mabilis akong natigilan nang makita ang bahay na siyang bago naming tirahan. Halos malula ako at makailang beses akong napaatras. May malaking gate, pero kahit na gano'n ay tanaw ko na tatlong palapag ang bahay at purong puti ang pintura. Maganda na ito kahit dito pa lang sa labas. Nahihinuha ko na ring mas maganda at magara ang loob nito. Napanganga ako, kulang na lang ay mapasukan ng langaw ang bibig ko. Napasinghap pa ako nang akbayan ako ni Daddy Seb. Pumwesto ito sa tabi ko at tiningala rin ang bahay sa harapan namin. "Ang ganda..." bulalas ko habang hindi maalis ang pagkamangha sa mukha ko. Dagling natawa si Daddy Seb bago ako dinungaw. "Yup. Maganda." Ilang sandali nang tumabi rin si Mama sa kabilang gilid ko. Hinapit niya ang baywang ko at nakitanaw din sa bahay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD