Chapter 11

1098 Words
CHAPTER 11 Alas sais na ay wala pa rin si Mama kaya si Daddy Seb ay hindi pa rin kumakain. Katunayan ay narito siya sa kwarto. Nakaupo siya sa gilid ng katre habang maigi akong pinapanood mag-impake. Ang iba kasi sa damit ko, lalo ang uniporme ko sa school ay hindi ko pa naaayos. Hinakot ko na rin lahat ng gamit na naroon sa kwarto ko, kahit iyong alam kong mga bagay na pwede pa namang i-recycle. "Luma na 'to, Belle, ah?" pukaw ni Daddy Seb nang mahawakan niya ang isang notebook ko na magmula pa yata no'ng first year college ako. "Iwan mo na ito rito sa bahay. Bibilhan na lang kita ng mga kailangan mo sa school. Kahit ilan pa ang gusto mo." Napangiti ako bago siya tiningala. Nakadungaw ito sa akin kung saan ay naka-indian seat ako sa sahig habang paisa-isang tinutupi ang mga damit ko at inilalagay sa loob ng isang luma ring bag. Umiling naman ako bilang sagot. "Sayang po ang mga pages niyan, marami pang natira. Ginagawa ko kasi ay kinukuha ko ang mga wala pang sulat sa mga dati kong notebook, iba-bind ko iyon lahat para magmukhang bago." "But I am willing to support all your needs, Belle," aniya sa baritonong boses. "At saka sayang din po iyong mga nakasulat diyan. Minsan ay diyan din ako nagtitingin ng knowledge, riyan ako kumukuha ng idea o 'di kaya ay binabasa ko ulit kapag wala akong ginagawa, parang nagre-review na rin." "Uso naman na ngayon ang Google at online dictionary. One click lang ay marami ng lalabas na mga knowledge and ideas doon." "Hindi po ako madalas gumagamit ng phone. Kaya hindi rin ako naglo-load. Gamit ko lang iyon bilang komunikasyon sa mga taong malapit sa akin." "Sa lilipatan nating bahay ay may wifi roon, unli internet kaya unli ka na ring gumamit ng Google," nangingiting wika ni Daddy Seb. "Pwede ka na ring mag-online shopping." Mahinang natawa si Daddy Seb sa huli niyang sinabi, rason para maningkit ang dalawang mata niya. Sa edad niya ay wala man lang akong makitang wrinkles sa mukha niya, ni guhit sa kaniyang noo ay wala rin. Ang galing din pala talagang pumili ni Mama, ano? Gwapo rin naman si Papa, pero itong si Daddy Seb, kakaiba. Sa angking yaman ba naman nila, kaya natural na lang sa kanila ang ganiyang magaan na itsura. Himala rin at hindi siya kagaya ng ibang mayayaman na matapobre at mayabang. Napaka-down to earth niya. Napaka-welcoming ng itsura niya, hindi nakaka-intimidate. Ang bait niya... hindi na rin nakakagulat na mabilis lang niyang nakuha ang loob ni Mama sa taglay niyang kabaitan. At ngayon nga, maging ako man ay unti-unti na niyang nakukuha. "I can give you a monthly allowance, iba pa sa panggastos mo sa school at mga gusto mong bilhin," dagdag niya dahilan para mapakurap-kurap ako. Saglit akong nagbaba ng tingin sa ginagawa. Baka masyado nang naging bulgar ang paninitig ko sa kaniya. Kalaunan ay umiling ulit ako. "Kahit 'wag na po, nakakahiya. Isa pa po ay sapat na sa akin iyong bahay na lilipatan natin." Ipilit man ni Daddy Seb ang gusto niya ay wala rin siyang nagawa bandang huli. Sa oras na hinihintay namin si Mama ay marami na kaming napagkwentuhan ni Daddy Seb. Ngayon lang din yata kami nagkaroon ng ganito kahabang oras na mag-usap. Natutuwa ako na hindi ko naramdamang magkaiba kami ng mundong pinanggalingan. Hindi ko naramdamang may harang sa gitna namin. Iyong tipong ako lang ito, siya ay nasa taas at bawal kausapin. Nalaman ko nga na last year lang napirmahan ni Alicia ang annulment paper nila ni Daddy Seb. Siguro noong makilala nito ang ama ni Haris ay napagdesisyunan na niyang pumirma para na rin maging legal sila at maikasal pagdating ng araw. Kaya ngayon ay malaya na rin sina Mama at Daddy Seb. Though, alam ko na mali pa rin dahil pumatol si Mama noon kahit pa alam niyang hindi pa annulled ang dalawa. Syempre, mas lalong mali para kay Alice. Napanguso ako. Habang tumatagal ang panahon, pakiramdam ko ay napupunta ako sa dulo ng impyerno. Painit nang painit. Pahirap nang pahirap ang bawat araw na dumaraan para sa akin. Nang mag-ring ang cellphone ko ay muli akong nabalik sa reyalidad. Kanina pa iyon nag-iingay ngunit hindi ko naman magawang sagutin ang tawag ni Haris. Huwag ngayon na kaharap ko si Daddy Seb. "Hindi mo ba iyan sasagutin?" takang tanong niya habang dinudungaw ang cellphone kong naroon sa study table ko. Mabilis ko naman iyong kinuha at itinalikod kahit pa alam kong nakita na niya ang pangalan nito; HAM. Iyan ang registered name ni Haris sa contacts ko. Dagli pang natawa si Daddy Seb sa ginawa ko. "Boyfriend mo?" segunda niya na ikinatigil ko. "Alam mo, normal lang ang mag-boyfriend sa mga kabataan, lalo sa ganiyang edad mo. Sa ganda mo ring iyan, hindi na kataka-taka na may boyfriend ka." Halos masamid ako sa sariling laway. Hindi pa makapaniwala na napatitig ako kay Daddy Seb. Malamyos kung tingnan niya ako habang nakaukit sa kaniyang labi ang maliit at nakakahawang ngiti. May ilan nang nagsasabi na maganda naman daw ako, hindi lang ganoon kaganda katulad ni Alice na major head turner. Alam ko rin naman iyon sa sarili ko. Kanino pa ba ako magmamana? Sa Mama ko ring isa sa pinakamaganda rito sa lugar namin. Ang totoo ay hindi pa alam ni Mama na may boyfriend ako, lalo syempre ni Daddy Seb. Baka magulat pa siya na malamang si Haris Abraham Martin ang boyfriend ko. Hindi ko naman din ikinakahiya si Haris, hindi pa lang ako handa na ipakilala siya. "Ang masasabi ko lang ay huwag kayong magpadalos-dalos. Take it easy, mahirap ang buhay kung maaga kayong mag-aasawa," pahayag niya, tumango naman ako. "Wala pa naman po akong balak na mag-asawa." Natawa na rin ako, wala pa naman talaga iyon sa utak ko at ang top priority ko ngayon ay maka-graduate. Pagkatapos no'n ay maghahanap ako ng magandang trabaho. Syempre, lalayo pa ba ako? Gusto ko iyong may mataas na sahod, iyong kaya akong buhayin at si Mama, kayang punan ang araw-araw na pangangailangan, bilhin ang mga gusto ko, at the same time, makakaipon din. Kahit pa sabihin natin nariyan naman si Daddy Seb at malaking tulong na rin siya sa buhay namin ni Mama ay ayoko pa ring dumepende sa kaniya. Iba pa rin sa pakiramdam kapag may sarili kang pera na galing sa pinaghirapan mo. "Mabuti kung gano'n..." nakangiti niyang bigkas. "Bata ka pa, marami ka pang makikilalang lalaki sa buhay mo. Kaya piliin mo ang alam mong nararapat sa 'yo."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD