“KUYA, WHAT’S HAPPENING?” Natigilan si Agatha Ruth nang biglang huminto ang kanilang sasakyan. Muntik pang tumilapon ang kaniyang cellphone dahil sa lakas ng impact niyon!
“Naku, pasensya na, Ma’am Agatha!” agad na paumanhin ng kaniyang driver na si Kuya Dante at saka unti-unting inatras ang sasakyan habang napapailing.
Kunot-noong napatingin si Agatha Ruth sa harapan ng sasakyan mula sa backseat. Napataas agad ang kaniyang kilay noong makita ang isang motorsiklo roon.
What the hell?
“Naku po… tsk, tsk!” bubulong-bulong na ani Kuya Dante habang panay ang iling-iling at hininto ang sasakyan pagtapos ng ilang pag-atras.
“Ano pong nangyari?” tanong ni Agatha na inalis ang pagkakadekwatro. Kanina pa siya nakahalukipkip at tinitingnan ang followers niya sa social media na higit twenty thousand na ang nabawas.
It’s making her blood boil. Parang gusto niyang ihagis ang cellphone pero hindi na kailangan kasi muntik na rin talagang tumilapon iyon pagtapos ng biglaang preno ng kaniyang driver.
“Mukhang may problema tayo, Ma’am Agatha. Pasensya na po,” paumanhin ni Kuya Dante at nasa mukha ang pagkabahala.
“What? Kuya! Nagmamadali pa naman tayo,” kunot-noong sabi ni Agatha na naalarma rin. She has something to deal with in their house kaya hindi siya pwedeng matagalan!
Napatingin si Agatha sa labas nang halos palibutan ng mga tao ang kanilang sasakyan.
“Boss, pasensya na! Nabangga ho ba?” tanong ni Kuya Dante nang binuksan ang bintana para tingnan ang komosyon sa labas.
“Huwag patakasin ‘yan! Naku, kawawa ang driver ng motor!” rinig niya mula sa mga onlooker.
What? Tila sumasakit ang ulo niya!
Bumaba ang driver upang tingnan ang gulo at ayusin. Napahilot si Agatha sa kaniyang noo, iniisip kung anong kamalasan na naman ba ang dumikit sa kaniya ngayong araw. Damn, life really has no intention of giving her a peace of mind.
Nakita niya ang problemadong mukha ng kaniyang driver at medyo napakamot na sa ulo. Mukhang nakikipag-usap naman ito nang maayos ngunit ayaw nang paniwalaan ng mga nakakita. Kuya Dante has been driving for her since she couldn’t remember.
Kilala niya ito at hindi naman madalas mangyari ang ganito. Matino at maingat itong mag-drive kaya imposible na sila ang nakabangga roon sa motorsiklo.
Medyo umiinit ang ulo ni Agatha dahil baka naman iyong motor driver ang tatanga-tanga. Maraming reckless two-wheel riders, anyway!
“What happened, Kuya?” tanong niya nang hindi nakatiis at binaba niya ang bintana sa tabi. Sumilip siya para mas makita nang maayos ang kaguluhan sa harapan ng kotse kung saan nakabalagbag ang isang motorsiklo na lalong ikinataas ng kaniyang kilay.
“Eh, nabangga ko raw, Ma’am. Pero sumusunod naman tayo sa traffic light at saka… ang motor ang biglang sumulpot!” napapakamot sa ulong sabi ni Kuya Dante na nahihiwagaan din kung paano sumulpot ang motorsiklo na ‘yon sa harapan nila.
Naniniwala si Agatha sa driver dahil kilala niya ito. He was never reckless in road, never engages in road rages, at siya man ay mabilis mairita sa ganoon. Napatingin tuloy siya ulit doon sa motorsiklo at nakitang nakatayo naman na iyong driver.
“Naku, boss, nabangga n’yo! Malinaw naman dahil dire-diretso kayo,” komento pa ng isang naka-motor din.
Umangat ang kilay ni Agatha. She was on her phone but she was sure it wasn’t true! Ni hindi nga mabilis ang patakbo ng driver niya!
Hindi na makasagot ang driver kahit pilit dinepensahan ang pagmaneho nito. Humugot siya ng malalim na paghinga.
“Ako na ang kakausap, Kuya,” aniya at binuksan ang pinto saka bumaba sa sasakyan. Agad na umihip ang hangin at nilipad ang kaniyang buhok. Kumunot agad ang noo niya noong nakita ang lalaking nabunggo na nakakatayo pa naman pala!
He was in all black and judging from his look, halatang kaskasero ito.
Mukhang tinitingnan-tingnan pa ng mga naroon ang lalaki. He was wearing a helmet kaya hindi niya makita nang husto.
“Ayan, magpadala ka sa ospital! Kunin mo agad plate number, boy!” ani ng mga onlooker kaya lalong napataas ang kilay ni Agatha.
“Mister, nabangga ka ba talaga o ikaw ang nakabangga sa amin?” ang agaran na tanong ni Agatha at walang ano-ano na lumapit doon. Lalong tumaas ang kilay niya noong tinuro ang harapan ng kotse. “Tingnan mo, mas sira pa itong harapan ng kotse namin kaysa diyan sa motor mo!” aniya nang nakitang mas nagka-dent iyong kotse kaysa roon sa malaki nitong superbike.
Hindi agad ito sumagot at unti-unting inaalis ang helmet. Naiirita na si Agatha dahil sayang sa oras. Kung hindi naman pala napilayan ay baka ito pa dapat ang humingi ng absuwelo.
“Hey, I’m talking to you! How much money do you need? Tutal sinadya mo yata ‘yan, eh,” aniya dahil halata namang ito ang reckless driver at hindi sila!
Saka lamang nag-alis ng helmet iyong lalaki. Bago pa siya mapatingin ay narinig niya na ang komento ng ilang nakikitingin.
“Naku, ang gwapo pa naman. Sayang ‘yan kung napilayan!”
“Mukhang bata pa! Mukhang marami pang pangarap. Muntik na!” nangingising singhap ng iba.
At noong tuluyan siyang napalingon sa tanga-tangang rider, maski siya ay sandaling natigilan. Nagtama ang paningin nila noong dumiretso ang mga mata nito sa kaniya.
Kumunot ang noo ni Agatha Ruth. Bukod sa gwapo ang mukha ng reckless driver ay mabango rin ito. Kahit itim na itim ang suot maliban sa puting t-shirt na nakailalim sa leather jacket nito, hindi ito mukhang masamang loob. Iyon ang tinatawag na pretty privilege.
She was caught off-guard for a moment, not just because he was devilishly handsome, pero dahil tila nalingunan niya na ito. She’s not good at remembering things, at isa pa ay wala naman siyang pakialam.
Gwapo sana kaso tatanga-tanga mag-drive. Lalong kumukulo ang dugo ni Agatha.
Siguro ay sinugo na ng langit ang sasalo ng kaniyang inis.
“Miss, alam mo ba kung magkano ang presyo nitong motor ko?” tanong nito sa kaniya habang salubong ang mga kilay.
Umangat ang kilay ni Agatha nang magsalita ito. His perfect set of pearl-white teeth showed. Tuluyang nalantad ang pagmumukha ng tangang rider. Sanay naman siyang makakita ng mga gwapo at matipunong lalaki, ngunit ang isang ito ay hindi maitatangging gwapo talaga kahit nalalanghap niya agad ang kayabangan nito.
Mukha pang basagulero at heto nga, mukhang handang patulan siya!
Hindi siya natatakot, pero ayaw niyang nasasayang ang oras sa mga ganitong bagay.
“Wala akong pakialam kung magkano ‘yan. Ikaw itong kaskasero at bigla na lang sumulpot! Pero sige, tell me the damage so I can pay you,” anas ni Agatha para matapos na.
Tumingin ito sa kaniya na tila hindi makapaniwala. Tuluyan nitong binaba ang helmet at talagang umaalingasaw ang kayabangan nito.
“Wow, teka lang, Miss… muntik na akong mamatay tapos babayaran mo lang?” sabi nito sabay angat ng mga kilay nitong perpekto rin sa hugis at bumagay sa mga mata nito. Halos mapairap si Agatha. Gwapo kaso tanga.
“Bakit? Ano bang gusto mo? Alalayan ko pa ‘yang paa mo papuntang ospital?” sarkastikong tanong ni Agatha matapos kunin ang kaniyang bag sa loob ng sasakyan at binalikan ito. Kumuha siya ng pera doon.
“Miss, nabasag ang headlight ko,” tila pag-inform pa nito na pinipigilan lamang ang inis nito.
Agatha is almost in disbelief. Mas concern pa ito roon sa motor nito kaysa sarili? Pamporma siguro ang motor. Napailing na lang siya at wala rin namang pakialam!
“That’s why I’m paying you. Mukha namang hindi ka nasaktan tutal kasi ay ikaw naman ‘tong bumunggo na lang sa amin basta, hindi ba,” nakangisi sa inis na sabi ni Agatha matapos iabot ang pera.
Baka naman kasi ay scammer ito. Kunwari ay nabunggo para magpabayad.
“Miss, limang libo? Higit sampung libo pa ang pagpapagawa nito. Kulang ‘to, Miss!” agad nitong saad kaya natigilan siya sa akmang pagbalik sa loob.
Napatingin siya sa paligid dahil nandoon pa rin ang ilang onlookers. Napatingin na rin sa kaniya si Kuya Dante na mukhang napakakamot na sa ulo at nababahala. Ang mayabang na lalaki ay nagtaas-baba pa ng kilay sa kaniya at ayaw tanggapin ang limang libo niya!
“Tsk, tsk… Miss, kailangan ko pang magpatingin sa ospital. Tapos basag ang headlight ko. Tatakasan mo pa yata ako, huh?” sabi nito sabay iling-iling sa kaniya at mukhang ayaw siyang paalisin.
Wow, ang tindi rin!
“Uy, Miss! Magbayad ka!” kantyaw ng ilang onlookers sa tabi na pinagsusumbungan pa nitong mayabang na lalaki.
Hindi ba alam ng mga ito na wala silang karapatan mag-demand ng cash? Kung hindi lang talaga siya nagmamadali at ayaw palakihin ang gulo na iyon.
Napatingin si Agatha sa sariling wallet at nakitang iyon lang talaga ang cash niya. Huminga siya nang malalim at hinarap ito.
“Iyan lang ang cash ko. And FYI, hindi pa nga kita dapat bayaran agad dahil hindi ka naman talaga namin nabangga. Pero sige, para matahimik ka, I’ll call our car insurance. Nagmamadali ako kaya wala akong oras ngayon,” saad niya dahil perpekto pa naman ito at hindi nalagasan ni isang hibla ng buhok. Iyong motor lang nito ang pinoproblema nito!
Arte lang nito para sabihing muntik nang mamatay.
“Hindi pwede, Miss. Tatakbuhan mo pa ako, ah? Akin na number mo, pangalan, at patingin ng lisensya,” kunot-noong saad nito na tila kung sinong maangas sa kalsada.
Naiinis na si Agatha. Ang kapal din naman ng mukha!
Nag-ring ang kaniyang cellphone para sa isang tawag. Napatingin pa roon ang hindi lang pala tangang rider kundi tsismoso rin! Umangat-angat pa ang kilay nito at demanding. Sa huli ay napilitan siyang isaksak sa dibdib nito ang kaniyang pangalan at contact number nang sa gayon ay matahimik ito!
“Tama ba ‘to, Miss? Siguraduhin mo lang,” tila seryoso pa ito.
“Scammer!” nanggagalaiti niyang giit dahil pinagbintangan pa siyang tatakbo raw. Naiinis siyang bumalik sa loob ng sasakyan. Hindi pa agad nito binalikan ang motor kaya kung pwede lang siya pa ang sasakay sa driver’s seat at babanggain niya ito mismo.
Nakakasira ng araw.
“Gwapo ko namang scammer!” mayabang pang saad nito at ginagalit pa yata siya.
“Thick faced scammer!” sigaw niya rin at walang pakialam sa mga nakakarinig sa kanilang bangayan. Pumasok na rin naman si Kuya Dante.
“Hindi lang mukha ko ang makapal, Miss!” sambit nito sabay tawa.
“Bastos!” Agatha shouted.
“Greenminded ka, Miss,” saad nito noong tinabi ang motor habang masama ang tingin niya rito at ito naman ay tila nakuha na ang gusto kaya natahimik ang kaluluwa at pangisi-ngisi pa.
“Kapal ng mukha mong scammer ka. Baka kasing nipis lang ‘yan ng toothpick!”
Nagsalubong nang husto ang mga kilay nito at tila nanghalukay ang tingin sa kaniya. Gwapo pero pikon. Ngumisi si Agatha noong nagkantyawan ang mga onlooker.
“Hala, pogi! Toothpick lang daw!”
“Patay tayo diyan, boy!”
Nakita niya pa ang iritasyon sa mukha ng antipatiko. She rolled her eyes bago tuluyan nang pinaandar ni Kuya Dante ang kotse at inis niyang sinarado ang bintana. Mukhang may sasabihin pa yata iyong ubod ng gwapo pero tangang rider, pero wala na siyang pakialam. Umandar nang mabilis ang kanilang sasakyan.
Sumandal si Agatha at huminga nang malalim nang humalukipkip.
“Pasensya na po, Ma’am Agatha,” napapakamot sa ulong sabi ni Kuya Dante dahil sa nangyari.
“Hayaan ninyo na, Kuya. Tayo na sa mansyon bago pa tuluyang masira ang araw ko sa mga scammer na feeling gwapo!” gigil niya pang dagdag at pinulot na lang muli ang kaniyang libro upang mawala ang inis sa scammer na ‘yon.
Pero gwapo talaga. Inalis ni Agatha iyon sa isipan.