“Ha? Ang aga mo ata?” gulat na sabi ni Joyce nang makita niya si Art sa harap ng kanilang bahay. Kalalabas lang nilang mag-ina para magsimba at hindi niya naisip na makikita niya kaagad ang binata. Akala kasi niya mamaya pa ito pupunta pagkatapos nilang magsimba. Iyon kasi ang napag-usapan nila kahapon. “Good morning po!” bati niya sa dalawa na sinagot naman ng ginang. “Naisip kong sumabay na lang sa pagsimba tapos tuloy na agad tayo para maaga pa tayong makauwi.” “Kung ganoon, tayo na at baka mahuli pa tayo.” Nauna na nga si Elsa at iniwan ang dalawa. “Malayo po ba kayo nagsisimba?” tanong ni Art na sumabay na nga kay Joyce. Medyo mahamog pa dahil sobrang aga pa talaga. Ngunit hindi ito nakabawas ng sigla nilang dalawa. Kung ang iba ay inaantok, sila ay parang makapag-exercise na.

