1
MABILIS NA tumatakbo papasok ng bahay nila si Mina. Tinawagan siya ng kapatid niya at ibinalitang binugbog na naman daw ng tatay nila ang Nanay nila. Nagpaalam siya sa amo niyang mag undertime ngayon dahil sa emergency sa bahay nila. Nag aalalang dumiretso siya papasok ng kuwarto ng kanyang mga magulang. Ang lakas ng kabog ng dibdib niya sa sobrang pag aalala para sa ina.
Simula ng magkamulat siya ng kanyang mga mata ay palaging nakikita niyang sinasaktan ng tatay ang nanay niya. Wala sigurong araw na hindi nasisigawan, nabubulyawan o kaya'y sinisipa pa minsan. Sobrang awa ang nararamdaman niya sa tuwing nakikita ang ina na palaging umiiyak. Bugbog na ang maliit na katawan nito sa mga suntok at mga latay. Wala namang magawa si Mina kundi ang damayan ang ina.
Siya si Xemina Villareal, 21 years old at nagtatrabaho para itaguyod ang kanyang pamilya. Ang tatay niya ay walang trabaho. Wala na ngang trabaho ay binubugbog pa ang kanyang nanay.
Sa murang edad natuto na si Mina magtrabaho. Hindi nila maasahan ang ama sa paghahanap buhay. Kapag hindi siya kumilos walang kakainin ang buong pamilya niya. Hanggang sa magkolehiyo ay nagpart time job siya habang nag aaral. At ngayon ay sinuwerteng makapasok ng trabaho sa isang malaking kompanya.
Nadatnan niya ang kapatid na idinadampi ang yelo sa pasa ng nanay niya sa mukha nito. Dumadaing ito sa dahil sa sakit. Hindi kayang tingnan ni Mina ang maraming latay ng kanyang ina sa katawan. Halos bumigay siya sa nakikita itsura nito.
Naglalakad na nilapitan ni Mina ang ina at ang mga kapatid. Ang kapatid niyang si Xander na labing limang taong gulang at si Xenia na sampung taong gulang na. Panay ang iyak ng bunso niyang kapatid sa tabi ng ina.
"Nay, hanggang kailan niyo po ba hahayaang bugbugin kayo ni Tatay? Ginagawa na lamang pong punching bag ang mukha niyo ni tatay n'yan," halos naiiyak na sabi ni Mina.
Napapikit si Minda. Nasasaktan ngunit ayaw niya ipakita sa mga anak niya ang pagdurusa ng kalooban.
"Anak, hindi ako nawawalan ng pag asa na magbabago pa ang tatay n'yo. Ako, kaya ko pa ang lahat ng bugbog na ibinibigay niya. Huwag lang kayo ang saktan niya. Peeo malakas ang paniniwala kong magbabago pa si Xav," umiyak na ito na pinigilan si Xander na idampi ang yelo sa pasa niya sa mukha.
Napailing si Mina.
"Ilang taon na po tayong nagtitiis, nay? Umaasa pa rin po kayo na magbabago si tatay. Wala naman pong nangyayari hanggang ngayon. Imulat niyo naman po ang mga mata n'yo. Natatakot na po ako na madatnan ko kayo sa bahay na wala ng buhay dahil sa mga latay sa inyong katawan at mukha dahil sa bugbog. Kailangan po namin kayo, 'nay" mahabang wika ni Mina.
Ito ang palaging naririnig niya sa nanay niya. Darating din daw ang araw na magbabago ang ugali ng tatay niya. Twenty three na siya, dalawang dekada nang masama ang pakikitungo ng tatay niya sa kanila.
Malungkot na tiningnan ni Minda, isa isa ang kanyang mga anak.
"Pasensiya na kayo mga anak ko. Kung nahihirapan na kayo nang dahil sa tatay n'yo," humihingi ng despensa na saad ni Minda. Kahit siya ay nahihirapan na rin sa trato ni Xav sa kanya. Simula noong ikasal sila at magkaroon ng mga anak ay hindi pa rin nagbabago ang ugali ng asawa. Kahit ngayon na malalaki na ang mga anak ay masama pa rin ugali ni Xav.
Niyakap ni Mina ang nanay niya. Maganda sana ang buhay nila kung matino lamang ang tatay nila. Hindi sana siya nagpapaka pagod maibigay lamang ang pangangailangan ng pamilya nila. Pagkatapos bubugbugin pa ng tatay nila ang nanay nila.
"Patawarin niyo po ako, nay. Kung nakakapag sabi po ako ng hindi niyo nagugustuhan. Hindi ko lang po kaya kayong tingnan na halos hindi niyo na maimulat ang mga mata niyo sa dahil sa pasa," umiiyak na kumalas si Mina sa pagyakap sa nanay niya.
"Alam ko iyon, anak. Sana lang bigyan natin ng pagkakataon na magbagong buhay ang tatay ninyo. Ayokong mawalan kayo ng isang ama. Kaya ako nagtitiis at umaasa sa pagbabago niya," untag ni Minda.
Tumango ng ulo si Mina at pinunasan ang mga luha niya sa kanyang mga mata. Lumapit na rin ang dalawa pa niyang mga kapatid sa nanay nila at yumakap dito.
Hinalikan ni Minda niya ang buhok ng mga nakakabatang kapatid ni Mina at hinawakan ang kamay ng panganay niya. Mapait na ngumiti si Minda. Pilit niyang pinalalakas ang loob para sa mga anak niya.
Simula nang magsama sina Arminda at Xavier Villareal ay ganito na ang ipinakitang ugali ni Xav sa asawang si Minda. Dahil hindi naman si Minda, ang mahal ni Xav. May nobya ito na iba at dahil sa pamimikot ni Minda sa kanya ay napilitan siyang pakasalan ito.
"Mina, asikasuhin mo na ang mga kapatid mo. Huwag niyo akong intindihin. Okay lang ako, mga anak," utos ni Minda sa panganay na anak. Naunang lumabas ang nakababatang kapatid ni Mina. Samantalang si Mina ay kinausap pa ang Nanay niya.
"Nay, nasaan po si tatay?" tanong niya.
"Hindi ko alam. Umalis siya kanina at hindi pa bumabalik," sagot ni Minda sa anak.
"Nay, okay lang po ba na ako na ang gumawa ng paraan para makaalis tayo sa poder ni Tatay? Magpakalayo layo po tayo. Kaya ko naman pong buhayin kayong tatlo sa pagtatrabaho. Tiyak ako na hindi ako pababayaan ng kompanya."
Mariing napatiim si Minda. "Hindi! Ayokong iwanan ang asawa ko. Kung gusto ninyong umalis. Sige umalis kayo!" mariing tanggi ni Minda.
"Pero, 'Nay. Tingnan niyo naman po ang ginagawa ng tatay sa atin, sa inyo. Awang awa na po kami sa inyo at sa buhay natin."
"Mahal ko ang tatay niyo. At sumumpa ako sa Diyos at sa harap ng maraming tao. Hindi ko siya iiwan kahit na anong mangyari. Iyon ang patutunayan ko."
Napailing ng ulo si Mina. Hanggang kailan ba magiging martir ang Nanay sa Tatay niya? Sa nakikita niya wala ng pag asa pang magbago ang tatay niya. Napakahaba na ng panahon na ganito ang tatay niya sa kanila. Halos kung ituring sila ay ibang tao.
Palaging sinisigawan, pinapagalitan at sinasaktan. Malupit ang kanilang ama. Gusto na rin ni Mina na tumakas. Ngunit hindi niya kayang iwanan ang nanay at mga mga kapatid sa poder ng ama.
"Sige po. Kung iyan ang desisyon niyo hindi na lang po tayo aalis. Ayaw din namin na iwanan kayo sa kamay ni Tatay na mag isa," napilitang pumayag na si Mina sa gusto ng Nanay niya.
SAMANTALANG si Xav ay nakaupo sa pasugalan. Nakakunot ang noo ito. Dahil sa napakalaki na ng naitatalo nito. Kanina humihingi siya ng pera kay Minda. Pero ang sabi sa kanya ay wala daw itong pera. Kaya nakatikim ito sa kanya ng suntok, tadyak at sampal sa mukha.
"Talo na naman! Napakamalas talaga, oh," saad ni Xav na pailing iling ng ulo. Dahil kay Minda kaya siya minamalas kanina pa. Kanina nang hihingi siya ng pera ay dapat binigyan siya para naman makabawi siya. Pero kanina pa siya umuutang sa may ari ng pasugalan ay hindi pa rin siya nakakabawi. Naubos na rin ang pera niyang inutang sa kaibigan niya.
"Paano ba 'yan, Xav? Talo ka na naman," natatawang sabi ni Dindo. Isa sa mga kalaban niya sa sugal.
"Lintek ka! Dinadaya mo ako eh!" bulyaw na bulalas ni Xav. Kanina pa siya naglalaro. Naubos na ang pera niya, talo pa rin siya. Pati ang inutang niya ay naubos na rin.
"Hoy! Huwag mo akong pinagbibintangan, ha! Malinis ako magsugal. Hindi ako gumagamit ng hukos pokus," sagot ni Dindo sa bintang ni Xav.
Naiinis na tumayo si Xav at akma nang aalis ng pigilan siya ng isa sa mga tauhan ng pasugalan.
"Saan ka pupunta, Xav?"
"Uuwi na. Saan pa ba?" sagot niya.
"Hindi ka pa puwedeng umuwi. Napakalaki ng inutang mo kay boss. Sa tingin mo makakaalis ka?"
"Huwag kang mag alala. Babayaran ko lahat ng inutang ko sa amo mo. Hindi naman ako tatakbo sa respondibilidad ko," paniniguradong sagot ni Xav.
"Siguraduhin mo lang. Masamang magalit si boss. Alam mo 'yan," banta sa kanya nito. Napilitang tumango ng ulo si Xav.
Saan kaya siya kukuha ng perang ipambabayad niya sa malaking pera na inutang niya? Sa sitwasyon ng buhay nila wala naman silang ganoon kalaking halaga ng pera. Wala siyang trabaho at si Mina lamang ang nagtatrabaho sa kanila. Kailangan niyang makaisip ng paraan para mabayaran ang may ari ng pasugalan.
Biglang nagliwanag ang mukha ni Xav at malawak na ngumis.
"MINDA! Buksan mo ang pinto!" malakas na sigaw ni Xav habang kumakatok sa pinto. Nagising si Minda sa pagkakatulog ng marinig ang malalakas na katok at sigaw ng asawa niya. Dali daling bumangon at pumunta ng pinto si Minda para pagbuksan ang asawa.
"Bakit ang tagal mong buksan ang pinto?!" malakas na bulyaw ni Xav. Halos nakatalungko ito sa hamba ng pinto dahil sa sobrang kalasingan. Umuwi na naman nang bahay si Xav ng lasing.
"P-Pasensya n-na. N-nakatulog a-ako," dahil sa takot ay nauutal sumagot si Minda.
"Baka tamaan ka na naman sa akin, Minda!" singhal ni Xav habang pumapasok ng bahay. Dali daling sinundan ni Minda ang asawa na papunta ng kusina.
"Ipaghanda mo ako ng pagkain. Nagugutom ako. Dalian mo!" maawtoridad na utos ni Xav sa asawa at umupo sa upuan na yari sa kahoy.
"Pasensya na, Xav. Wala ng pagkain na natira. Masyado ng gabi. Akala namin ng mga anak mo sa labas ka na kakain," nakayukong saad ni Minda. Hindi pa nga naghihilom ang mga pasa niya ay mukhang sasaktan na naman siya ni Xav.
"Paano ako kakain sa labas?! May pera ka bang ibinibigay sa akin! Wala naman, di ba?" malakas na napahampas si Xav sa lamesa.
Napasinghap si Minda dahil sa malakas na tunog ng paghampas ni Xav sa lamesa. At mariing napapikit ng kanyang mata.
Nakasilip sa may pinto ng kuwarto nila si Mina. Narinig niya mga malalakas na sigaw ng ama. Awang awa na talaga si Mina sa buhay nila. Dahil sa tatay niyang maraming bisyo at binubugbog pa ang nanay niya.
"Lintek na buhay ito! Mga wala kayong silbi!" galit na wika ni Xav. Tumayo ito at pumunta na lamang sa kuwarto nila.
Naiwan si Minda na nakahawak sa dibdib sa takot na pagbuhatan na naman siya ng kamay ng asawa niya.