CHAPTER 02

2163 Words
RECCES. Nasa bench ako sa harapan ng room namin. Nakaupo lang ako doon habang naglalaro ng Space Impact sa aking cellphone na Nokia 3310. Nasa ikalawang master na ako nang ma-dead ako. Sa sobrang inis ko ay Snake naman ang nilaro ko. Nagpapatay lang kasi ako ng inip. Hinihintay ko kasi si Marichu. Ang tagal-tagal niya! Kanina pa siya bumibili ng banana cue sa canteen pero hanggang ngayon ay wala pa rin siya. Ano na kaya ang nangyari sa babaeng iyon? Nang magsawa ako sa paglalaro ng Snakes ay binasa ko naman ang mga text messages sa akin ni James. Ang aking boyfriend. First boyfriend to be exact. Oo nga pala, hindi ko pa naikukwento ko sa inyo ang tungkol sa aking nobyo na si James Banco. Matagal na kami ni James. Ang totoo niyan, next week ay ika-walong buwan na namin. Hay, grabe nga siya, eh. Sa kanya ko naramdaman kung paano ang maging babae. Siya lang ang palaging nagpapakilig sa akin. Grabe talaga! Nang ligawan niya ako noong June, isang araw pa lang ay sinagot ko na agad siya. Matagal ko na kasi siyang crush simula nung first year pa lang kami. Gwapo kasi siya at palaging hinihirang na escort ng class officer. At alam niyo ba, ipinagmamalaki ko talaga ang boyfriend kong `yan. Paano kasi noong mga panahon na hindi pa kami, lagi siyang bagsak sa mga subjects. Pero noong maging kami na, pasado na palagi siya. Kapag nga may quiz o exams, sa akin siya tumatabi. Ang sabi niya, inspirado daw siya kapag magkatabi kami. Oh, `di ba, lucky charm niya ako... Inggit na inggit nga sa akin si Marichu, eh. Kahit daw panget ako, nagka-boyfriend ako ng tulad ni James. Pero lately, napapansin ko na parang nanlalamig na sa akin ang nobyo ko. Hindi na siya tulad noong nagsisimula pa lang ang klase. Ngayong patapos na ang school year, madalang na lamang kaming mag-usap. Tulad ngayon, naroon siya sa canteen at kasama ang mga barkada niya. Naku, napapakwento na naman ako. Ang tagal-tagal naman kasi ni Marichu! Pero infairness, maswerte pa rin si Marichu kasi inaya siyang mag-date ni Steven—ang ptinanghal na pinakagwapo sa Ilaya National High School! January na ngayon at malapit na ang February 30. Teka, iche-check ko nga sa calendar ng phone ko kung ilang araw na lamang bago ang February 30 para makapag-countdown kami ni Marichu. Happy rin naman ako para sa kanya. Baka ito na ang katuparan ng pangarap niya na magkaroon ng boyfriend tulad ko. Kinuha ko ang phone ko at tiningnan ang Calendar. Nagpunta ako sa buwan ng February. Napakunot ako ng noo. Huh? Nasaan dito ang February 30? Hanggang 28 lang siya, eh... Maya-maya ay bigla akong natigilan. Hindi kaya— “Ruth! `Eto na ang banana cue mo. Sorry kung natagalan. Ang haba ng pila, eh.” Patay. `Andiyan na si Marichu! Sasabihin ko ba ang natuklasan ko? Na wala naman talagang February 30? Na pinagti-tripan lang siya nina Steven? Pero alam kong masasaktan ng labis ang kaibigan ko kapag sinabi ko. Nag-expect siya, eh. Nag-assume. Bakit kasi hindi ko naisip kanina na wala nga palang 30 ang February. “Ah, thank you...” pinagpapawisan na kinuha ko ang banana cue ko sa kanya sabay kagat. “May problema ba, Ruth? Pinagpapawisan ka.” “W-wala. Mainit lang kasi.” “Anong mainit, eh, ang lamig-lamig kaya. May bagyo yata sabi sa TV.” “Ah, Marichu. May sasabihin sana ako sa’yo pero... `wag ka sanang magagalit,” napakagat na ako sa aking ibabang labi. “Ano ba `yon, Ruth?” Medyo nag-alinlangan lalo akong sabihin sa kanya nang sumeryoso ang mukha niya. Nakakainis naman kasi si Steven! Ano bang nagawa sa kanya ni Marichu at pinagti-tripan niya ito ng ganito? Ah... Siguro dahil panget ang kaibigan ko. Aminado naman ako na may pagkatanga at uto-uto kami ni Marichu pero abuso na sila talaga! Ang pinagkaiba nga lamang namin ay medyo matalino ako sa mga school subject, siya hindi. Top two nga ako ngayon sa klase, eh. Ah, bahala na nga. Kailangan kong sabihin kay Marichu ang katotohanan. Kung hindi ko sa kanya sasabihin ay parang kinonsente ko na rin ang Steven Saliba na iyon, `di ba? “Eh, kasi... Sa palagay ko, pinagti-tripan ka lang ni Steven, Marichu...” Sa wakas ay nasambit ko rin. Kumunot ang noo niya. “Ha? Ano bang pinagsasasabi mo diyan, Ruth?” “Marichu, walang February 30! Hanggang 28 lang ang February this year. Niloloko ka lang nina Steven. Pinagti-tripan ka lang niya. Sorry, bes. Ayoko sanang sabihin sa iyo ito pero ayokong magmukha kang tanga kakahintay sa pagdating ng February 30...” Nakita ko ang pangingilid ng luha sa mga mata ni Marichu. Bago pa man bumagsak iyon ay agad niyang pinalis iyon ng kanyang kamay. “Putragis siya! Niloko niya ako! Pinaasa niya ako! Porke’t panget ako ay ginaganito na niya ako?!” galit na sabi ni Marichu. Paiyak na ang loka! Hinimas-himas ko ang likod niya. “Tama na, Marichu. Ang importante ay alam mo na.” “Salamat, Ruth at sinabi mo. Pero hindi ako makakapayag na ganoon na lamang. Lintek lang ang walang ganti! Heto, hawakan mo ang banana cue ko!” sabay abot niya sa akin niyon. “S-saan ka pupunta?” “Kay Steven Saliba. Makikita ng lalaking `yon!” Hala! Parang sumabog na bulkan na ang mukha ni Marichu sa sobrang galit. Ngayon ko lang nakita na galit na galit ang friend ko na iyan. Mukhang mag-uumpisa na ang World War III! Agad ko siyang sinundan papunta sa canteen. Naroon siguro si Steven. “Hoy! Marichu, ano ka ba? Hayaan mo na nga lang sila!” “Hindi, Ruth. Sumosobra na sila, eh! Hindi sila titigil sa kakalait at pangti-trip sa atin kung hindi natin sila lalabanan.” Mukhang wala na akong magagawa para pigilan siya. Dire-diretso siya sa pagpasok sa canteen at agad naming nakita si Steven. Nakapwesto ito sa isa sa mga table doon kasama ang mga kabarkada nito na ang role yata ay taga-tawa lang sa mga kalokohan ni Steven. Nakakuyom ang mga kamay na nilapitan ito ni Marichu habang ako ay nakasunod pa rin sa kanya. Hinawakan ko siya sa braso ngunit pumiksi lang si Marichu. Oh no... Napangiti si Steven nang makita niya na papalapit sa kanya si Marichu. Tumayo pa ito. “Oh, Marichu... What’s up?” sabay lahad pa nito ng kamay. Walang sabi-sabi na biglang sinuntok ni Marichu sa nguso si Steven. Napatawa ako nang bahagya nang sa tatlong segundo ay nakita ko ang pagka-distort ng mukha ng pinakagwapong lalaki ng Ilaya National High School. “Hindi porket gwapo ka ay may karapatan kang paglaruan ang mga panget na katulad ko, Steven! February 30 mo mukha mo!” matapang na sabi ni Marichu sabay walk out. Nakasunod pa rin ako sa kanya paglabas niya ng canteen. Grabe, gusto kong bigyan si Marichu ng around of applause at standing ovation sa ginawa niya. Sana nga lang ay tumigil na si Steven sa pangti-trip niya sa amin. Well, kung titigil man si Steven sa pangungutya niya sa amin... sana pati `yong ibang tao na ginagawang katatawanan ang mga panget sa mundo ay tumigil na rin. “NANAY! Bakit kayo ang nagbubuhat ng mga sako ng palay? Baka malaglag ang bahay-bata niyo!” nag-aalalang sigaw ko kay Nanay Greta nang makita kong ibinababa niya mula sa kanyang balikat ang sako ng palay sa imbakan namin. Kakauwi ko lang sa school at masakit para sa akin na makita na nahihirapan ang taong nagbigay sa akin ng buhay. Hingal-kabayo si nanay nang lumapit siya sa akin. Pinahid niya ang kanyang pawis ng tuwalya na nakasampay sa kanyang balikat. “Hayaan mo na ako, anak. Alam mo naman na wala na ang ate mong kargador. Wala nang magbubuhat ng mga mabibigat na bagay dito sa atin. Isa pa kailangan ko itong gawin para mabuhay tayong dalawa. At para makapag-aral ka...” Teary-eyed at teary nose naman ako sa sinabi ni nanay. Bigla ko kasing na-miss ang Ate Charming ko. Kahit naman hindi kami masyadong nag-uusap ay mahal ko pa rin naman iyon. Kumusta na kaya siya? Nasaan na kaya siya? “Magaan sana ang buhay natin, `Nay kung `andito lang si Ate Charming. Kasalanan ko naman kasi kung bakit siya umalis.” “Huwag mong sisihin ang sarili mo, Ruth. Wala kang kasalanan sa paglalayas ng kapatid mo. Kung may dapat mang sisihin ay ako iyon. Dahil hindi ako naging mabuting ina sa kanya... Hindi ko nakita ang sakripisyo niya. Akala ko maiintindihan niya ako na kaya ikaw ang palagi kong inaasikaso dahil palagi kong naaalala sa iyo ang namayapa mong ama. Parehas kayong panget.” Napangiwi ako sa sinabi ni Nanay Greta. Nilait ba niya ako o ano? Ay, ewan! “Sige na, anak. Pumanhik ka na sa bahay. Magsaing ka na rin.” “Sige po, `Nay,” sagot ko at sinunod ko na ang kanyang utos. MABIBILIS ang mga hakbang ko. Nakita ko kasi si James sa palengke. Sabado ng araw na ito at siyempre, wala kaming pasok. Nasa bilihan na ako ng mga pirated DVD nang mahagip ng aking mga mata si James na papunta sa bilihan ng mga buy one take one na damit. Ayun nga siya! Nakita ko siyang tumitingin-tingin sa mga damit na naka-display sa isang maliit na tindahan. Mas binilisan ko pa ang aking paglalakad. Gusto ko na siyang makausap. Miss na miss ko na talaga siya! Ilang araw din kami na hindi nagkausap kahit na classmate ko siya. “James!” Hindi ko maitago ang pagkasabik sa aking boses nang malapitan ko na siya. Nakatalikod siya sa akin. Ganoon na lamang ang aking kilig nang humarap siya sa akin at makita ko ang gwapo niyang mukha. Gustung-gusto ko talaga ang kanyang ilong na matangos. At nang mga sandaling iyon ay nais ko siyang yakapin at pugpugin ng aking kiss na matamis pero siyempre, nagpapaka-dalagang Pilipina pa rin ako. Pigil-pigil din! “Ruth? Anong ginagawa mo dito?” nakakunot ang noo na tanong sa akin ni James. Parang hindi naman siya masaya na nakita niya ako. Ah, baka stress lang siya sa eskwela. Ngumiti ako. “Namimili ako ng pang-ulam namin ni nanay tapos nakita kita. Kaya nilapitan kita para makausap...” Nilapitan ako ni James at hinila niya ako papasok sa loob ng fitting room ng tindahan na iyon. Isinara niya ang kurtina. “J-james, bakit mo ako dinala dito? `Wag naman dito... B-baka—“ “Sinusundan mo ba ako? Hindi ka ba marunong makaintindi, Ruth? `Di ba ang sabi ko sa iyo, `wag tayong mag-uusap sa public?” halos pabulong ang kanyang boses na may kasamang inis. “Pasensiya ka na, James. Alam ko naman iyon pero, na-miss lang kasi kita—“ “Kahit na!” giit niya. Lumayo siya sa akin ng konti sabay halukipkip. “Oo nga pala. Kumusta pagmo-move on mo?” seryosong tanong niya sa akin. “Move on? Bakit ako magmo-move on?” nagtatakang-tanong ko. “Break na tayo kahapon, ah,” balewalang tugon niya. “Ha?! Break? K-kahapon? Nag-break ba tayo kahapon? Hindi naman tayo nag-usap kahapon, ah. Ah, alam ko na. Joke lang ito, `di ba?” “Mukha ba akong nagjo-joke, Ruth? Hindi ako nagbibiro. Break na tayo kahapon.” Laglag ang panga ko sa sinabi ni James. Mukha ngang hindi siya nagbibiro. Napakaseryoso ng mukha niya. Ilang segundong katahimikan ang namagitan sa amin. Naninikip ang dibdib ko at nag-iinit na ang gilid ng aking mga mata. Alam kong anumang oras ay lalaglag na ang aking mga luha. Ganoon na lang ba kadali para kay James na tapusin ang lahat? “Break na tayo?” paninigurado ko pa. “Oo.” “Bakit hindi ko alam? Bakit hindi mo ako ininform?” “Busy kasi ako. Sige na. May gagawin pa ako. Maiwan na kita!” sabay alis na niya. Tigalgal ako pagkaalis niya. Tulala ako at hindi makapaniwala na sa isang iglap ay nawala ang relasyong inaalagaan ko ng ilang buwan. Ang daming “bakit” sa aking isipan. May nagawa ba akong hindi niya nagustuhan? O baka naman nauntog na si James at naisip niyang hindi na niya kaya na magkaroon ng isang girlfriend na panget? Hindi ko na namalayan kung gaano ako katagal sa aking pagkakatulala. Basta, namalayan ko na lang na tigam na ako sa luha. Ipinilig ko ang aking ulo at pinahid ang basang-basa kong mga mata at pisngi. Inayos ko muna ang sarili ko bago ako lumabas ng fitting room. Pagkalabas ko doon ay nagulat ako nang harangin ako ng sales lady. “Bakit po?” tanong ko. “Ah, ang sabi po kasi ng kasama niyong lalaki na kayo daw ang magbabayad sa mga binili niyang mga damit at shorts. Three hundred fifty po lahat,” nakangiti pang sabi ng sales lady. Maang akong napatingin sa kanya. “Seryoso?” At mas lalo akong napaiyak nang tumango ang sales lady. Jaaammmeeesss!!!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD