CHAPTER 03

1314 Words
“BES!!! Break na kami ni Jamesss!!!” Todo ang hagulhol ko nang makita ko si Marichu na papasok sa gate ng Ilaya National High School. Pagkalapit ko sa kanya ay para akong nauupos na kandila na napaupo sa kanyang harapan sabay yakap ko sa kanyang beywang habang umiiyak ako. Dumausdos ako at hindi sinasadyang napasama ang kanyang palda sa pagdausdos ko paibaba. Mabilis na hinila paitaas ni Marichu ang palda niya. “Ano ka ba naman, Ruth?! `Wag mo nga akong hubuan dito. Nakakahiya! Doon tayo sa bench mag-usap...” Nagpatiuna na siya sa pagpunta sa bench na malapit sa covered court. Pagkaupo ko doon ay hindi na ako umiiyak. Pero sisigok-sigok pa rin ako. “Anong sinasabi mo na break na kayo ni James?” tanong niya. Nakatulala ako na sumagot. “Break na kami ni James...” “Bakit nga?” “H-hindi ko alam. Wala siyang sinabing dahilan.” “Anong walang dahilan? Lahat ng bagay sa mundo may dahilan, Ruth! Gusto mo banatan ko ang mokong na iyon? Makikipag-break ng walang dahilan! Putragis siya!” “Mamamatay na yata ako, Marichu... Wala na akong boyfriend.” Tinapik-tapik niya ako sa likod. “Hayaan mo na. Makaka-move on ka rin.” “Hindi ko yata kayang mag-move on. Mahal ko talaga siya, eh.” MAKALIPAS ang dalawang oras sa school... “Bes!!! Halika!” tuwang-tuwa na kumaway ako kay Marichu nang makita ko na papasok siya sa canteen. Recess time na kasi at mag-isa akong nakapwesto sa isang lamesa. May pagtataka na nilapitan ako ni Marichu. “Oh, anong nangyari sa iyo, Ruth? Kanina iyak ka nang iyak, tapos tingnan mo ngayon... Para kang siraulo sa pagkakangiti mo diyan. Nahipan ka ba ng hangin?” Hindi pa rin siya umuupo. Nakapameywang pa talaga ang bruha. “Eee... Basta! May... sasabihin ako sa iyo mamaya.” “Ano naman iyon? Bakit mamaya pa? Ngayon na!” Matapos iyon ay tinapunan niya ako ng tingin na para siyang nagdududa. “`Wag mong sabihin na nagkabalikan na kayo ni James? Naku, iuuntog na kita sa lamesang ito! Panget lang tayo hindi martir!” “Gaga! Hindi kami nagkabalikan ni James. At wala na akong balak na balikan pa siya. Part na lang siya ng aking past. At naniniwala ako na... Past is past! Alam mo, masyado kang excited. Bumili ka na nga ng pagkain mo,” pagtataboy ko sa kanya. “Eh, ikaw?” “Ako na bahala sa kakainin ko...” MAKALIPAS lang ang ilang minuto ay bumalik na si Marichu. May dala siyang isang pinggan ng pancit at isang bote ng softdrinks. Ganoon na lamang ang gulat niya nang makita niya na may katabi na akong lalaki sa upuan ko. Maputi iyong lalaki, mataas ng isang dangkal sa akin at siyempre, gwapo! Pero kung ikukumpara kay James, mas gwapo pa rin si James. Third year high school din siya pero sa ibang section nga lang. “Sino `yan?” tanong niya pagkaupo. “Ah, Marichu, meet Vhong Nabago... My new boyfriend!” kinikilig na sabi ko. Biglang napatayo si Marichu sa kinauupuan niya. Naihampas pa niya sa ibabaw ng lamesa ang kanyang dalawang kamay habang nanlalaki ang kanyang mga mata. “Anooo?! New boyfriend?! Mo?!” Nilapitan ko siya at pinaupong muli. “Kalma ka lang, pwede? Bakit parang ayaw mong maniwala?” “Hindi lang ako maniwala na ganiyan ka kalandi, Ruth? Agad-agad? Sa lahat ng panget, ikaw ang napaka-playgirl. Wala pang isang linggo napalitan mo na si James! Alam mo, kailangan kitang kausapin,” sabi ni Marichu sabay harap kay Vhong. “Ah, Vhong... Maiwan ka lang namin, ha. Mag-uusap lang kami nitong bestfriend ko!” Pagkasabi niya niyon ay hinila na niya ako palabas at sa may gilid kami ng canteen nag-usap. “Pwede, paki-explain mo nga sa akin kung anong nangyayari, Ruth?” aniya. “Boyfriend ko na si Vhong. Nagkabanggaan kami kanina sa hallway. Napansin niya na umiiyak ako at tinanong niya ako kung bakit ako umiiyak. Sinabi ko sa kanya ang tunay na dahilan. Sinabi niya na matagal na niya akong crush kasi matalino ako... At niligawan niya ako at sinagot ko agad siya. Alam mo ba, Marichu, siya na yata ang “the one” ko! Biruin mo, parang tinahi ng tadhana ang pagkikita namin. Nagkabanggaan tapos nagkahulugan ng loob. How romantic!” “How romantic!” gagad niya sa sinabi ko. “Bahala ka na nga, Ruth. Pero sana `wag nang mangyari ang nangyari sa inyo ni James kasi ako ang nai-stress kapag umiiyak ka!” Umiling ako. “Huwag kang mag-alala, Marichu. Si James na ang huling lalaki na iiyakan ko!” nakangiti ko pang sabi sa kanya. PAPAUWI na ako ng hapon na iyon sa aming bahay mula sa school. Hindi ko kasabay ngayon si Marichu kasi cleaners siya. Eh, ang sabi ni nanay umuwi agad ako kasi aalis siya at walang tatao sa aming bahay. Papunta kasi siyang Manila. May aasikasuhin siya tungkol sa lupang sinasakahan namin. Mga dokumento yata. Hindi ko alam. Habang naglalakad ako pauwi ay hindi maalis-alis ang wagas na ngiti ko sa aking mga labi. Paano ba naman, hanggang ngayon ay kinikilig pa rin ako hanggang sa aking kuyukot sa paghatid sa akin ni Vhong hanggang sa gate ng school. Hindi pa rin kasi siya pwedeng umuwi dahil sa may practice pa ito ng basketball. Pero nakakapagtaka lang talaga kung bakit niya ako niligawan agad. Ang bilis ng mga pangyayari. Sa susunod nga na magkita kami ay itatanong ko iyan sa kanya. Malapit na ako sa aming bahay nang may makita akong isang babae na nakatayo sa harapan ng aming bahay. May nakabalot na manipis na tela sa kanyang mukha kaya hindi ko siya makilala. Nilapitan ko siya. “Sino po kayo?” Napapitlag siya nang magsalita ako. Hindi niya yata napansin ang aking paglapit sa kanya. Mas lalo niyang ibinalabal ang tela sa kanyang mukha at nagmamadali na naglakad palayo. Napakunot na lang ang noo ko sa nangyari. Bumbay ba iyon? Pero sa pagkakaalam ko, hindi naman nangungutang si Nanay Greta sa mga ganoon. Hindi naman kaya... “Ate Charming?” bulalas ko sabay ang pagbilis ng kabog ng aking dibdib. Susundan ko sana iyong babae pero mukhang hindi ko na siya maaabutan dahil sa napakalayo na niya. Malakas talaga ang aking kutob na ang kapatid ko iyon. Ramdam ko sa lukso ng aking dugo. “Ruth, `andiyan ka na pala. Bakit hindi ka pa pumasok?” Boses iyon ni Nanay Greta. Nakadungaw siya sa bintana habang nagbubunot ng buhok sa kili-kili gamit ang tiyani. Matamlay akong pumasok sa aming bahay. Lumapit ako sa aking ina na pinapagpagan ang kanyang kili-kili. “Mano po, `nay...” at inabot ko ang kanyang kamay at idinaiti iyon sa aking noo. “Kaawaan ka ng Diyos!” “Ang baho ng kamay niyo, `Nay!” Umirap siya. “Hayaan mo na nga. Alam mo naman na nagbubunot ako ng buhok sa kili-kili kaya mabaho! Oo nga pala. Anong ginagawa mo sa labas kanina? Bakit parang may tinatanaw ka sa malayo, Ruth?” “Eh, kasi, `Nay... parang nakita ko si ate sa labas. Nakatayo lang siya doon at may balabal ang kanyang mukha!” “Paano mo nalaman na ate mo iyon, eh , may balabal naman pala?” “Malakas po ang kutob ko na siya iyon, `Nay. Nanay, hindi kaya gusto nang umuwi ni Ate Charming?” Tumayo na si Nanay Greta. Nagpunta siya sa batalan upang hugasan ang mga kaldero at pinggan na naroon. “Kung nais bumalik ng kapatid mo dito, babalik iyon. Kilala mo naman ang Ate Charming mo, basta gusto, gagawin niya. Pero sana nga ay bumalik na siya. Nag-aalala na ako sa kapatid mong iyon, eh!” Hindi na lang ako nagsalita pa. Nangalumbaba na lang ako sa may bintana at nanalangin na sana nga ay bumalik na si Ate Charming...
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD