PAGKABABA namin sa tricycle ni Marichu ay agad akong nagbayad ng singkwenta pesos sa driver. Ang mahal pala ng pamasahe papunta dito sa bahay nina Vhong. Mabuti na lamang at kilala ng driver si Vhong Nabago kaya naman hindi na kami nahirapan sa pagpunta sa bahay niya. Pinagmasdan ko ang bahay na nasa harapan namin. Wala iyong second floor pero may kalawakan iyon. Isang tipikal na bahay ng isang pamilya na may kaya sa buhay. May bakal na gate at bakod. May garden sa harapan na may kaunting mga bulaklak.
Pero bakit ganoon? Akala ko ba ay may birthday party ngayon dito? Bakit parang walang katao-tao at tahimik. `Di ba, ang mga birthday party ng mayayaman ay karaniwan na ginaganap sa garden nila tapos maraming pagkain, maliwanag ang paligid at mga naka-gown ang mga babae habang ang mag lalaki naman ay naka-tuxedo o kaya ay suit.
“Hindi kaya hindi dito ang bahay ni Vhong?” tanong ko kay Marichu. “Parang wala namang party, eh.” Suot na namin ang gown na dala niya kanina.
“Ano ka ba? Baka naman sa loob ng bahay, ginaganap ang party. Tara na!” sabay hila ni Marichu sa kamay ko papalapit sa gate.
Gusto ko na sanang umatras dahil bigla akong inabot ng hiya pero wala na akong nagawa nang mag-door bell na si Marichu at isang babae na siguro ay nasa edad trenta ang nagbukas ng agte para sa amin.
“Sino kayo?” tanong ng babae.
“Dito po ba ang bahay ni Vhong Nabago?” Si Marichu na mismo ang nagtanong dahil nga sa nahihiya na ako.
Tumango iyong babae. “Dito nga. Pero sa pagkakatanda ko... hindi naman nag-hire ng clown si Sir Vhong, eh.” Kakamot-kamot sa ulo na sabi ng babae. Napag-alaman ko na katulong siya dahil tinawag niyang “sir” si Vhong.
Sunud-sunod na umiling si Marichu. “Ah, hindi po kami clown. Si ate naman, oh! Kaibigan po ako ni Vhong tapos itong kasama ko naman ay—“
Siniko ko si Marichu para hindi niya maituloy ang sasabihin niya. “Kaibigan niya din po ako!” sabi ko at pinandilatan ko ang kaibigan ko. Nag-aalala kasi na baka hindi pa alam ng mga kasama ni Vhong sa bahay na may girlfriend siyang panget.
“Gano`n ba? Sige, tuloy kayo. Naroon sila sa likod-bahay. Umikot na lang kayo...”
Binuksan na ng babae ang gate at pumasok na kami.
“Ang yaman pala nina Vhong, `no?” untag sa akin ni Marichu habang naglalakad kami papunta sa likod-bahay.
“Bakit mo naman nasabi?”
“Eh, kasi may door bell sila!”
“Oo nga. Ang sosyal nila,” sang-ayon ko naman.
Nang marating namin ang likod-bahay ay medyo nagulat ako sa aking nakita. Ang ineexpect ko kasi ay maraming pagkain at may mga naka-gown at tuxedo. Pero iba ang nakita namin. Isang bilog na lamesa. Anim na upuan. Anim na lalaki at kasama na roon si Vhong. Sa lamesa ay may pinggan na may crispy pata, litsong manok at mani. At may tatlong bote ng alak. Nagtatawanan sina Vhong. So, inuman session pala ang inaasahan kong birthday party. Nag-gown pa naman kami ni Marichu! Nakakahiya!
“Marichu, umuwi na tayo—“
“Oh, Ruth! Halika!” Patay na. Nakita na kami ni Vhong at pinapalapit na niya ako sa kanila. Kumaway-kaway pa siya.
Hindi na natuloy ag pagyakag ko kay Marichu na umuwi. Wala na kaming pagpipilian kundi ang lumapit sa kanila. Pagkalapit namin sa kanila ay agad na tumayo si Vhong at inakbayan niya ako. Amoy-alak na siya at pansin ko rin ang pamumula ng mukha niya. Lasing na siguro.
“Happy birthday, Vhong...” Nahihiya kong bati sa kanya.
“Salamat!” Hinalikan pa niya ako sa aking pisngi.
“Siya ba iyong sinasabi mo na bago mong girlfriend, Vhong? Bakit parang mag-sasagala pa yata iyan?” natatawang tanong ng isa sa mga kainuman ni Vhong.
“Oo, pare. Ito si Ruth Klarizza. Pangalan lang ang maganda sa kanya, `di ba?” Malakas na tumawa si Vhong.
Napayuko na lang ako sa sinabi niya. “Vhong, uuwi na muna kami ni Marichu. Magpapalit lang kami ng damit. Hindi mo naman kasi sinabi na—“
“`Wag na, Ruth. Okey na iyan. Ang ganda niyo nga, eh!” sabay hagalpak ng tawa.
Bahagyang lumapit si Marichu sa akin sabay bulong. “Sabi ko naman sa iyo, eh. Magagandahan si Vhong sa suot natin...”
“Oo nga...” ganting bulong ko sa kanya.
Bumitiw si Vhong sa pagkakaakbay sa akin at sumilip siya sa pintong nakabukas. Pinto iyon sa likod-bahay nila na papasok sa bahay. “Manang Flor, kumuha ka nga ng dalawa pang upuan!” sigaw nito.
Maya-maya ay dumating iyong babae na nagbukas sa amin ng gate. May dala siyang dalawang upuan na yari sa plastic. Inadjust nila ang mga upuan upang maisingit ang dalawa pang upuan. Sa tabi ni Vhong ako umupo habang si Marichu naman ay katabi ko.
“Oh, tagay mo na ito,” sabi ni Vhong sabay lagay sa tapat ko ng shot glass na may lamang alak. Halos mapuno na iyon.
Umiling ako sabay tingin sa kanya. “H-hindi ako umiinom, Vhong. A-ayoko...” tanggi ko.
“Hay... Kahit para sa akin, please...” Nag-puppy eyes pa siya.
Wala na. Nahipnotismo na naman ako ng pagpapa-cute niya!
“S-sige....” Kinuha ko na ang shot glass at ininom ang alak doon.
Ngunit hindi ko pa man nauubos ang laman niyon ay napaubo na ako.Pakiramdam ko ay mas lalo akong pumanget sa reaksiyon na ginawa ng aking mukha nang malasahan ko ang mapait na alak. Ang sakit sa lalamunan ng alak! Pakiramdam ko ay napapaso ang aking esophagus. Hinimas-himas ni Vhong ang likod ko habang nagtatawanan silang lahat pati si Marichu. Lecheng kaibigan kong ito. Pagtawanan ba naman ako?!
“`Wag mo kasing lasahan!” sabi ng lalaki na katabi ni Vhong.
Muli akong tumingin kay Vhong. “Hindi ko talaga kaya...” May pagmamakaawa sa mukha ko.
Napasimangot siya. “Sige na nga. Oh, si Marichu naman ang tagayan niyo,” anito.
Ang buong akala ko ay tatanggi din si Marichu na tulad ko pero nagulat ako nang parang wala lang sa kanya na tinungga niya ang laman ng shot glass. Maang na napatingin ako sa kanya. Sanay na sanay ang bruha! Nginitian niya lamang ako.
Nagpatuloy ang ganoong senaryo. Nagpaikot-ikot ang shot glass pero hindi na ako nag-attempt pa na tumagay. Kwentuhan, tawanan, biruan. Hindi na ako maka-relate. OP na ako pero tiniis ko kasi iniisip ko, baka magalit si Vhong kapag umalis ako. Para sa mahal kong nobyo, magtitiis ako. Lumipas pa ang ilang oras hanggang sa nag-alisan na ang mga kaibigan ni Vhong. Ang tanging natira na lamang doon ay ako, si Vhong at si Marichu na nakasubsob na sa lamesa. Lasing na lasing ang bruha! Nakipagsabayan ba naman sa mga lalaki sa paglaklak. `Yan ang napala mo!
Tiningnan ko si Vhong. Mukha lang siyang timang na nakatingin sa akin. Namumungay ang mga mata at mapula na ang mukha.
“Sige, Vhong, uuwi na kami ni Marichu...” sabi ko.
“Anong uuwi? Tingnan mo nga `yang kaibigan mo, lasing na lasing na. Dito na kayo matulog, okey? Doon na lang kayo sa kwarto ko tapos ako sa salas na lamang.”
Hindi na ako nakatutol nang tumayo na siya at pumasok sa loob ng bahay. Pagbalik niya ay kasama na niya si Manang Flor. Pinagtulungan naming tatlo na maipunta si Marichu sa kwarto ni Vhong. Madali naman namin siyang naihiga sa kama dahil tatlo kami. Pagkalabas ni Manang Flor ay nagulat ako nang bigla akong yakapin ni Vhong. Isinandal niya ako sa dingding at pinaghahalikan ang leeg ko.
“V-vhong, a-ano ba?! Tumigil ka nga!” sabay tulak ko sa kanya.
Alam ko kung ano ang gusto niya pero ayoko.
“Ayaw mo? Magmamaganda ka pa?!” naiirita niyang sabi.
“Hindi naman sa ganoon, Vhong. P-pero, bata pa tayo...”
“Ang arte mo naman. Kung tutuusin, lugi pa nga ako sa iyo, eh! Diyan ka na nga!” at mabigat ang loob na lumabas ng kwarto si Vhong.
“Vhong!” habol na tawag ko sa kanya pero hindi na siya bumalik.
Para akong nauupos na kandila na napaupo sa sahig. Nanginginig ang buong katawan ko sa samu’t saring emosyon na nararamdaman ko. Tahimik na napaiyak na lang ako pagkalabas niya. Iyon lang ba ang gusto ni Vhong kaya niya ako niligawan at ginawang girlfriend? Gusto lang ba niyang tumikim ng exotic na uri ng babae? Kinalma ko na ang sarili ko at saka ako humiga sa tabi ni Marichu. Nang makahiga ako ay saka ko naramdaman ang sobrang pagod at antok. Kaya naman naging mahimbing ang tulog ko...