NAALIMPUNGATAN ako sa aking pagtulog dahil bigla akong nakaramdam ng ginaw. Awtomatikong pinahid ko ang laway na tumutulo sa gilid ng aking bibig. Kaya pala, nawala na iyong kumot na nakabalot sa akin. Dahil madilim sa kwartong iyon ay kinapa-kapa ko na lang ang kumot. Bahagyang nawala ang aking antok nang mapansin ko na parang mag-isa na lang ako sa kama.
Bumalikwas ako ng bangon at doon ko nakumpirma na wala na akong katabi. Wala si Marichu. Kinuha ko ang aking cellphone upang tingnan kung anong oras na. Alas-tres pa lang ng madaling araw! Imposible naman na umalis na siya. Sobrang dilim pa. Hindi kaya nag-i-sleep walk ang bruhang `yon? Napakamot ako sa aking ulo. Bumangon ako upang tingnan iyong CR sa kwarto ngunit wala doon si Marichu.
Hindi kaya nasa labas siya? Sa kusina kaya? Baka umiinom ng tubig.
Akmang lalabas na ako ng kwarto nang may marinig akong mahihinang mga ungol. Ungol na nanggagaling sa may salas. Ungol na parang pigil na pigil. Biglang bumilis ang t***k ng aking puso. Ipinilig ko ang aking ulo upang maalis ang imahe na nabubuo doon. Kinumbinse ko ang sarili ko na multo lang ang naririnig ko.
Multo lang iyon, Ruth... Multo lang!
Naisip ko na bumalik na lang sa pagkakahiga ngunit inatake na naman ako ng pagiging maurirat ko. Marahan akong naglakad palabas ng kwarto.
Sumilip ako sa may salas at ganoon na lang ang pagkagimbal ko sa aking nakita. Kahit patay ang ilaw sa buong kabahayan ay sapat na ang ilaw sa poste sa labas na tumatagos sa bintanang salamin para makita ko ang malaswang kaganapan sa salas... Si Vhong, nakapatong kay Marichu! Ayos lang naman kung nakapatong lang pero kapwa sila walang suot na damit. At sila ang gumagawa ng mahihinang ungol na naririnig ko.
Parang gripong binuksan ang luhang umagos sa aking mga mata. Pakiramdam ko ay ilang beses akong pinagsasaksak ng ice pick sa dibdib. Hindi ko alam kung gaano ako katagal na nasa ganoong pwesto. Nang makita ko na tapos na sila ay nagmamadali akong bumalik sa kwarto at humigang muli. Walang patid ang aking luha. Isinubsob ko na ang aking mukha sa unan upang pigilan ang aking paghikbi. Wala sa hinagap ko na mangyayari ito. At talagang kaibigan ko pa? Ang sakit... Sobrang sakit!
Naramdaman ko na bumukas ang pinto ng kwarto. Agad akong pumikit nang makita ko na papasok na si Marichu. Nagkunwari akong tulog. Humiga na siya sa tabi ko at pinalipas ko muna ang ilang minuto bago ako muling nagmulat.
Tiningnan ko ang natutulog na si Marichu. Humihilik pa talaga ang gaga! Napagod yata sa pagkabayo sa kanya ni Vhong kanina! Gusto ko siyang sabunutan at sampalin, ingudngod sa bowl at ihampas ang mukha sa pader. Pero hindi ko kaya. Nananaig pa rin ang pagmamahal ko sa kanya bilang kaibigan.
NAUNA akong magising kay Marichu kinabukasan. Pagod na pagod talaga yata ang bruha! Pero sa totoo lang ay hindi na ako nakatulog simula nang makita ko iyong eksena nina Vhong at Marichu sa salas. Wala kong ginawa kundi umiyak nang umiyak.
Hindi na kami naligo ni Marichu. Wala naman kasi kaming dalang damit kundi itong gown na suot namin. Paglabas namin ng kwarto ay si Manang Flor lamang ang sumalubong sa amin. Tulog pa daw si Vhong.
“Sige po, pakisabi na lang kay Vhong na umalis na kami...” pagpapaalam ko.
LUMIPAS pa ang mga araw. Nagpatuloy ang relasyon namin ni Vhong. Nagpatuloy din ang pagkakaibigan namin ni Marichu. Walang nagbago sa pakikitungo ko sa kanila kahit na napapansin ko ang pagiging malapit nila sa isa’t-isa. Masakit para sa akin. Hanggang ngayon ay malinaw pa rin sa aking ala-ala ang eksena nila sa salas.
Natapos na ang school year. Katatapos lamang noon ng Recognition Day. Naglalakad na kami pauwi ni Nanay Greta. Masayang-masaya si nanay kasi nakuha ko ang top two sa class. Tapos Best in Math, English at Araling Panlipunan pa ako.
Nagulat kami ni nanay nang biglang lumapit sa amin si Marichu. Napansin ko na namumugto ang kanyang mga mata.
“Ruth, pwede ba tayong mag-usap? Iyong tayong dalawa lang...” ani Marichu.
Kinabahan ako. Tiningnan ko si Nanay Greta. “Ah, `nay, mauna na kayo sa bahay. Mag-uusap lang po kami ni Marichu.”
“Sige, anak. Basta, umuwi ka kaagad at ipagluluto kita ng paborito mong ulam.”
“Opo, `nay...”
Nagpunta kami sa tambayan namin ni Marichu. Iyon ay sa isang sira-sirang kubo na malapit sa palayan. Kami lang ang nagpupunta doon.
“May problema ba, Marichu?” tanong ko agad sa kanya. Tumango siya sabay iyak. Ang panget niya umiyak. “Bakit ka umiiyak? Ano bang problema?” nag-aalala kong tanong. Hinimas-himas ko ang likod niya.
“Ruth, t-tulungan mo naman ako, oh...” umiiyak na turan niya.
“Anong tulong?”
“Ruth... B-buntis ako!” bulgar niya. Labis akong nagimbal sa sinabi niya. “At si Vhong ang ama!”
“H-ha?” Pakiramdam ko ay mas tinalo ko pa ang luha ni Marichu.
Hinawakan niya ang isa kong kamay. “Ruth, sorry talaga! Hindi namin sinadya ni Vhong na lokohin ka. Basta nangyari na lang, eh.”
Ano daw? Hindi sinasadya? Ano iyon, nagkabanggaan sila tapos bigla siyang nabuntis? Ang sakit pala kapag sinampal na sa iyo ang katotohanan. Akala ko sa telenovela lang nangyayari ang ganito... Iyong tatraydurin ka ng kaibigan mo.
Agad kong pinahid ang aking luha at ngumiti kahit na deep inside ay nasasaktan ako. “Okey lang, Marichu. W-wala kang dapat ihingi ng tawad. Ano bang tulong ang maibibigay ka sa iyo?” tanong ko pa.
“Salamat, Ruth... Gusto ko sanang tulungan mo kami ni Vhong na magsabi kina Nanay at Tatay na buntis ako.”
Tumango ako at niyakap si Marichu. Kahit na sinaktan ako ng kaibigan ko ay wala akong maramdaman na galit sa kanya. Mas nananaig pa rin ang awa ko sa sitwasyon niya ngayon. Siguro nga, tulad ni James... si Vhong ay hindi para sa akin.
MABILIS na lumipas ang limang taon. Ngayon ay masasabi kong medyo nakakaluwag na kami sa buhay ni Nanay Greta. Ipinagbenta namin ang aming palayan tapos nagtayo kami ng maliit na water refilling station sa lugar namin. Napaayos na rin namin ang aming bahay. Yari na iyon sa semento at yero. Nakapag-college naman ako. Undergraduate nga lang ako sa kursong kinuha ko. Sarili kong desisyon ang pagtigil ko sa pag-aaral. Matanda na kasi si Nanay Greta at hindi na niya kaya ang magpatakbo ng aming maliit na negosyo. Ako na ang humalili sa kanya habang nasa bahay na lang siya.
After ng paghihiwalay namin ni Vhong ay wala na akong naging boyfriend pa ulit. Nag-focus na lang ako noon sa aking pag-aaral. Natanggap ko na ang panget na tulad ko ay walang karapatang mahalin ng isang gwapong lalaki. Sa mga kwento lang iyon nangyayari. Pero bakit si Marichu, masaya nang namumuhay kasama si Vhong? Hay... minsan ay naiinggit din ako sa bruhang iyon! Aba, tatlo na agad ang anak nila ngayon, ha.
Kalalabas ko lamang ng munisipyo ng araw na iyon dahil ni-renew ko ang lisensiya ng aming water refilling station. Pasakay na sana ako sa tricycle nang may humintong kulay pulang kotse sa tabi ng tricycle. Hindi ko na sana siya bibigyan ng pansin pero natigilan ako nang isang sopistikadang babae ang bumaba mula doon. Naglakad siya papunta sa munisipyo.
Biglang lumakas ang kabog ng aking dibdib habang minamasdan ang likod ng babaeng iyon.
“A-ate...” naluluhang bulong ko. Bumaba ako ng tricycle at hinabol iyong babae. “Ate!” tawag ko pa.
Tumigil iyong babae at lumingon sa akin. Tinanggal niya ang shades niya at nanlalaki ang mga mata na tiningnan ako. “Ruth?!” gulat na sabi niya.
“Sinasabi ko na nga ba, ikaw iyan, ate! Na-miss kita, ate!” Akmang yayakapin ko siya nang biglang may dalawang lalaki na mukhang bodyguard ang humawak sa aking braso. Hindi ko tuloy nayakap ang ate ko. Nagpumiglas ako. “Ano ba, bitiwan niyo nga ako!”
Tumingin ako kay Ate Charming na may pananabik sa aking mga mata. Pinandilatan ako ni Ate Charming. Ang laki na ng pinagbago niya. Lalo siyang gumanda at pumuti. Tapos ang suot pa niyang damit mukhang mamahalin at napakaganda. Sa kanya rin kaya iyong kotse na sinakyan niya kanina? Asensado na si Ate Charming. Mukhang napabuti para sa kanya ang ginawa niyang paglalayas noon.
“`Wag niyo siyang bibitawan or else babarilin ko kayo!” banta ni ate sa dalawang lalaki na nakahawak sa aking braso. Mataray akong nginitian ni Ate Charming. “`Wag kang lalapit sa akin Ruth! Papatayin kita!” galit na turan niya.
“Ate, bumalik ka na sa atin. Miss ka na ni nanay. Wala na siyang ginawa kundi ang mag-Zombie Tsunami para lang hindi ka niya maisip, ate!”
“Wala akong pakialam sa inyo!”
“Hanggang ngayon ba naman, ate, hindi mo pa rin kami napapatawad? Hanggang ngayon ba naman?!”
“Oo, Ruth! At hanggang ngayon ba naman ay panget ka pa rin?!”
“Ate, please, bumalik ka na!”
Inirapan lang niya ako sabay talikod. Tinawag ko siya pero nagbingi-bingihan siya. Hanggang sa tuluyan na siyang makapasok sa munisipyo. Saka lang ako binitiwan ng dalawang lalaki. Kailangan ko nang umuwi. Sasabihin ko kay nanay na nakita ko na si Ate Charming. Siguradong matutuwa siya!