Kabanata 3 - The strange suspicion.

1071 Words
"SALAMAT aniya kay Charles. Nagpresinta ito na ihatid siya sa pag-uwi sa bahay nila sapagkat nais daw nitong makita ang kaniyang Inay upang makumusta na rin. Hindi ito ang unang beses na inihatid siya ni Charles sa kanilang bahay kung may oras pa ito. Actually, napagkakamalan na nga na sila ay magkasintahan. Kung sabagay hindi naman kasi malabo iyon na isipin nila. Hinahayaan na lamang niya ang mga ganoong chismis dahil alam naman nila ni Charles kung ano ang totoo. Si Coult na talagang kasintahan niya ni minsan ay hindi pa siya nito naihatid dito. Naiintindihan naman niya iyon sapagkat lihim pa nga ang kanilang relasyon. Alam din ni Coult na inihahatid siya ni Charles at ayos lamang daw iyon dito. May tiwala naman daw kasi ito sa kaniya. Isa pa iyon sa ugali ng kasintahan na nagustuhan niya. Hindi ito ang tipo ng boyfriend na masasakal ka kahit sabihin na lihim pa ang relasyon nila sa ngayon. Sana lang ay hindi ito magbago kahit pa maging bukas na ang relasyon nila sa publiko pagkatapos siya nitong maipakilala sa ama naman nito. Nang makapasok na sila sa loob ng kanilang simpleng bahay ay agad niyang pinaupo ito sa de-kahoy nilang upuan na nasasapinan naman ng manipis na foam sa kanilang munting sala. “Maiwan na muna kita rito, ha? Pupuntahan ko lang ang nanay kina Darang Jho.” “Sige.” Pagkaalis ni Mayella para puntahan nga ang nanay nito sa kabilang bahay na sa Tita nga nito ay iginala niya ang paningin sa kabuuan ng bahay. Simple lang iyon at gawa lamang sa kahoy. Mayroon isang silid, ang kusinang kalapit lang ng pinakasala. May isang TV na fourteen inches na late model na dahil iyon ang klase ng TV na kuba pa ang likod ika nga. Samantalang ang uso na ngayon ay ang LED flatscreen. Hindi kaila sa kaniya ang kalagayan ng ina ni Mayella. Hindi lang isang beses niyang inalok ito ng tulong na maipagamot ang ina sa Maynila na mahigpit nitong tinatangihan naman. Ang katwiran nito sa kaniya ay kaya niya iyon gawin basta makaipon lang siya. Hindi naman daw ito nagtrabaho para sa wala lang at nais nitong iyon ay mula sa pinagpaguran niya at hindi galing sa tulong ng ibang tao kahit pa siya na kaibigan niya na. Noong una niya itong masilayan sa pradera at mapag-alamang bagong caddie ay ito na ang regular caddie na pina-assign niya sa kaniya sa tuwing maglalaro siya kasama ng iba pang player. Agad siyang nabighani sa kakaibang ganda nito. Iyong tipo ng ganda na simple pero malakas ang dating. Iyong habang tumatagal mong pagmasdan ang mukha nito at titigan ang maganda nitong mata na tila nangungusap ay lalo kang hahatakin. Labis din niyang hinangaan dito ang paninindigan at pagiging pursigido nitong makatapos sa pag-aaral sa kabila ng lahat. Labis ang kaniyang panghihinayang nang malaman niya na sinagot na nito ang panliligaw ng binata rito. Alam niya iyon sapagkat wala naman nilihim sa kaniya ang dalaga. Naikuwento rin nito sa kaniya na lihim nga lang daw muna ang relasyon nito kay Coult. Tiwala ito na hindi naman niya iyon ipagkakalat. Kaya wala na siyang nagawa kungdi itago na lamang ang nararamdaman at lihim na lamang din itong mahalin. Mahirap, pero kakayanin. May pakiramdam pati siya na tila isang nakatatandang kapatid ang turing sa kaniya ni Mayella kaya lalo siyang nag-alangan na magtapat nga rito. Marahil iyon ay dahil sa wala itong kapatid tapos ulila pa sa ama. Natanaw niya buhat sa pintuan ang mag-ina kaya dali-dali siyang tumayo mula sa pagkakaupo para tulungan si Mayella sa pag-alalay sa Nanay nito. “Salamat,” ani nito nang tuluyan na itong maipasok sa loob at pinaupo rin sa isa pang sofa na de-kahoy. “Ikukuha lamang kita ng maiinom pala, Charles. Dito muna si nanay.” Nang makaalis si Mayella ay pinagmasdan niya si Aling Helena. Katulad ng dati ay tulala lang ito at nakatutok ang paningin sa isang direksyon pero wala kang mababakas na ano mang emosyon mula rito. Ayon pa sa dalaga na hindi naman daw ito ganoon dati. Basta isang gabing umuwi ito buhat sa pagtatrabaho sa mansiyon ay nagtaka na lamang daw ito kung bakit tila tulala ang ina at hindi na nagsalita pa mula noon. Dahil may iba rin siyang pakiramdam sa talagang ipinagka ganoon ng ina ni Mayella ay ipinagako niya sa sarili na aalamin niya iyon. Kilala ang pamilya ng mga Pineda rito sa bayan na ito. Hindi dahil sa sila ang pangunahing mayaman sa probinsiyang ito, kung ʼdi dahil kilala rin ang pamilya na may mababang loob at matulungin sa lahat ng mga kababayan nila. Isang patunay na halos ang lahat ng mga negosyong pag-aari ng mga ito mula sa bayan na ito nagmula ang mga trabahante. Hindi rin kaila sa kaniya na ang lahat ng malalaking lupain na sinasaka ng mga taga-rito ay pag-aari ng Pineda. Regular player siya ng golf course na pag-aari ng mga ito at natuwa siya nang malaman na ang kompanya niya sa Maynila ang napili ng mga ito na mag-handle para sa pag-develop ng nasabing lugar para gawing isang subdivision. Ang subdivision na ipatatayo ng Pineda ay para sa mga nakatira na rin doon na kababayan nito na abot kaya ang magiging presyo kung nanaisin ng mga ito na magkaroon ng sariling bahay at lupa. Magandang ideya para sa kaniya ang ganoong klase ng pananaw lalo na at malapit ang puso niya sa mga mahihirap. “Kumusta po kayo ʼNang Helena?” Kinausap niya pa rin ito kahit alam naman niya na wala siyang makukuhang tugon mula sa matanda. “Kilala ninyo naman po siguro ako dahil madalas ko pong ihatid ang anak ninyo rito?” Tulad ng inaasahan na niya ay nakatingin lamang ito sa kaniya at labis ang kaniyang gulat nang bigla nitong hinawakan ng mahigpit ang kaniyang kanang kamay gamit ang dalawang kamay nito kasabay ng tingin na tila na may nais iparating sa kaniya. Sa kauna-unahang pagkakataon ay d’on lang niya nakitaan ng emosyon ang mga mata nito. “Nang bakit po? May nais po ba kayong sabihin?” Umasa siyang magsasalita ito ngunit maya-maya ay tila napapaso itong bumitaw sa kaniyang mga kamay nang magbalik si Mayella buhat sa kusina para nga kumuha ng kaniyang maiinum. Ang pangyayaring iyon ay nakapagpabagabag sa kaniya kaya agad na rin siyang nagpaalam sa dalaga na aalis na para makapagphinga na rin ang mga ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD