“Tay, dalhin ka na namin sa ospital para magamot ka ng mabuti. Tatawag lang po ako ng tricyle para maisakay kayo,” sabi ko kay tatay na ilang araw ng iniinda ang kanyang likod.
Nadulas daw kasi siya sa bukid at tumama ang likod niya sa pilapil. Ang masama pa nga ay naitukod niya ang kanyang mga kamay nang bumagsak siya kaya naman medyo napilay din.
“Naku! Huwag na, Daria. Tamang tapal-tapal lang ng mga kung anong dahon ay mawawala na ito,” sagot sa akin ng tatay ko.
Wala pang senior ang edad ng tatay ko ngunit mas matanda na talaga siyang tingnan sa edad niya.
Bata pa lang ay batak na siyaa sa trabaho sa bukid.
Sa ilang taon niyang nabubuhay sa mundo ay talagang sa bukid niya na nilaan.
Sa pagtatanim ng kung anu-anong pananim gaya ng palay, mais, kamote at mga gulay niya kami binuhay. Ngunit dahil napapadalas ang pagdaan ng bagyo sa lugar namin ay nahirapan ng makabawi si tatay lalo pa at wala naman siyang sapat na ipon na nakalaan para sa kanyang bukid.
“Tay, doktor na po ang kailangan niyo at hindi na mga dahon. Kaya hahanap na po ako ng pwedeng maghatid sa atin sa ospital sa bayan,” giit ko pa.
“Huwag na, nak. Saan na naman tayo kukuha ng pera pambayad ng ospital? Kaya magpapahinga na lang muna ako at aayos din naman ang pakiramdam ko.” Ang patuloy din na pagtanggi ni tatay na dalhin ko siya sa ospital.
“Tay, makakagawa naman po siguro ako ng paraan. Tatawag din po ako kay ate at baka may maibigay siya kahita magkano lang. Hindi ko naman kayo dadalhin sa private hospital bagkus ay sa public lang. Wala naman po ng bayad.” Paliwanag ko pa kay tatay. Mula kagabi ay daing siya ng daing sa kung anong masakit sa katawan niya kaya alam kong hindi talaga ayos ang katawan niya.
Dapat ay kanina ko pa siyang madaling araw dadalhin ang kaso lang ay tulog pa ang karamihan na mga tao kung sakaling hihingi ako ng tulong.
Hindi ko naman siya pwedeng iangkas sa bisikleta ko.
“Hayaan mo ng dalhin ka na namin sa ospital para matingnan ka na ng doktor,” giit na rin ni nanay na wala rin tulog sa buong magdamag. Panay nga ang pagdadarang niya ng mga dahon na matiyaga niyang tinatapal sa bahagi ng katawan ni tatay na masakit.
“Kung anu-ano lang naman ang sasabihin sa akin. Baka mamaya ay sabihan pa nila ako na may malalala akong sakit gayong nadulas lamang ako? Kaya nakakatakot sa ospital, e! Baka turukan na lang ako ng kung anong gamot at matuluyan na lang ako.” Kontra pa ni tatay na ayaw talagang magpadala sa ospital kahit buong magdamag na siyang dumadaing sa sakit.
Nagpaalam na ako kay nanay na hahanap ako ng tulong para may maghatid na sa amin sa bayan. Wala kasing malapit na kapitbahay ang may sasakyan kaya malayo-layo pa ang hihingan ko ng tulong.
Tumunog ang cellphone ko.
Si ate ang tumatawag kaya madali ko itong sinagot at sinabi sa kanya ang kalagayan ng tatay namin.
Magpapadala raw siya ng pera at dalhin ko na nga raw sa ospital.
Papatayin ko na sana ang cellphone ko ng makita na nagchat pala sa akin si Matias at bumati ng good morning. Nakita niya siguro na naka kulay green na ang account ko indikasyon na gising na ako.
Maya-maya nga ay tumatawag na siya para makipag-videocall pero pinatay ko.
“Ang sungit mo naman,” aniya sa chat kaya nireplayan ko na.
“Busy ako. Naghahanap ng sasakyan.” Sagot ko na agad niyang nabasa at tumawag muli na sinagot ko na.
Bumungad sa akin ang bagong gising na mukha ni Matias.
“Umuwi ka na at ako na ang maghahanap ng sasakyan,” sabi niya sa akin.
Ganito naman talaga si Matias. Lagi siyang nakasaklolo kapag talaga kailangan ko ng tulong kahit na anong oras.
Kaya naman wala na nga akong nagawa pa at umuwi na ulit ako ng bahay. Inayos ko na lang ang mga gamit na dadalhin ni tatay sa ospital. Hindi pwede ang dalawang bantay kaya malamang na si nanay ang makakasama sa loob ng ospital ni tatay.
Hindi nga nagtagal ay may narinig na kaming ugong ng sasakyan sa labas ng bahay namin. Lumabas na ako para alamin kung si Matias na ba ang dumating.
Si Matias nga na hindi tricycle ang dalang sasakyan kung hindi isang kotse.
“Mabuti pinayagan ka ng amo niyo sa hacienda na hiramin ang sasakyan mong dala?” tanong ko dahil mukhang bago ang sasakyan niyang dala. Pangarap ko kayang magkaroon ng ganito kagarang sasakyan.
“Nakahanda na ba si Tatay?” sa halip ay tanong niya sa akin kaya tumango ako.
Si Matias pa ang bumuhat sa tatay ko dahil nga hindi na kaya ni tatay ang maglakad pa sa sobrang sakit na kanyang nararamdaman.
Mabuti na lang at malaking tao si Matias na kayang-kaya niyang buhatin ang tatay ko.
Ligtas naman kaming nakarating sa ospital at agad na inasikaso si tatay.
Mabuti na lang at may natatabi akong ipon na siyang nagamit ko ngayon dahil agad may bayad ang laboratory test at x-ray ni tatay.
May natira pa naman na limang daan kaya inaabot ko ang two hundred kay Matias.
“Para saan yan?” tanong niya na bumili pa ng kape at tinapay.
“Para sa gasolina ng sasakyan. Nakakahiya naman na ginamit tapos hindi ibalik ang gasolina,” sabi ko pa. At saka baka si Matias ang mapagalitan kapag nagkataon.
Hinawakan ni Matias ang kamay ko na may hawak na dalawang daang piso at saka kinulong sa kanyang malaking kamao.
“Itago mo na yan, Daria. At ito pa nga at ibibigay ko sayo para panggastos ng mga magulang mo dito sa ospital.
May inilabas sa kanyang bulsa si Matias at inipit din sa loob ng palad ko.
“Ano to?” tanong ko lalo at nakitang sampung-libo ang pera.
“Mukhang masama ang pagkakabagsak ni tatay kaya dapat may hawakn ka na pera. At kapag nagkulang pa yan, huwag kang mahihiya na magsabi sa akin, Daria.”
Ha?
Nagulat ako at naguguluhan.
Madalas talaga akong tulungan ni Matias lalo na sa pinansiyal pero sobra naman yata itong ibinibigay niya sa akin ngayon.
“Matias, hindi ko yata ito matatanggap lalo pa at alam kong hindi ka rin naman mayaman. Sigurado ako mula ito sa tinipid mong baon,” sabi ko pa.
“Daria, nakapagtrabaho ako at malaki-laki ang kinita ko kaya huwag ka ng mag-isip pa ng kung ano. Importante ay gumaling ang tatay mo,” saad ni Matias.
“Kung talagang ipipilit mo kukunin ko talaga ito. Pero, hiram lang. Ibabalik ko kapag nagkapera na ako. Kapag nangibang bansa na ako. Heto ang dahilan kung bakit mataas ang ambisyon ko na makapag-trabaho talaga sa ibang bansa. Ang hirap ng may magkakasakit sa pamilya ko tapos kung hindi pa namimilipit sa sakit ay talagang magtitiis dahil alam na wala naman kaming panggastos sa ospital. Kaya oras talaga na makaalis ako at kumita na ng pera sa ibang bansa ay baka matagalan na ang pag-uwi ko dahil hindi ako uuwi hanggat hindi ako nakaipon ng maraming pera,” ang siyang sagot ko.
Mahirap maging mahirap lalo na talaga kapag panahon na mayroong may sakit.
Magtitiyaga sa pag-inom ng mga herbal o kaya ay tapal-tapal ng mga dahon dahil nga kapag sinabing ospital ay kalangkap ay ang salitang gastos.
Kaya paano na lang kung kahit piso ay wala ka sa bulsa?
Mamamatay ka na lang talagang nagtitiis sa sakit lalo kung mahina talaga ang loob mo.
“Bahala ka pero hindi ko naman pinapabayaran yan. Masaya akong tumulong lalo na kung sayo at sa buong pamilya mo. At saka, hindi pa ba nagbabago ang isip mo? Paano kong sa pag-alis mo ay magkasakit na naman sa mga magulang mo? Paano mo sila maaasikaso at maaalagaan kung nasa malayo ka?” tanong ni Matias.
“Kaya nga ako nangarap ng mataas ay para sa kanila. Hindi kasalanan ang pinanganak na mahirap pero kasalanan na wala ka man lang ginawa para makaahon sa pagiging dukha. Kaya aalis pa rin ako. Kailanman ay hindi nagbago ang pangarap kong makapag-abroad.”
Talagang hindi magbabago ang pangarap ko lalo na pa ngayon na napapadalas na ang pagkakasakit ng mga magulang ko.
Kapag nabigyan ko sila ng komportableng buhay ay hindi na sila mapapagod na siyang dahilan kaya sila nagkakasakit.
“Dito ka na lang, Daria. Tutulungan naman kita kapag kailangan mo ng tulong. Kaya huwag ka ng umalis pa. Paano na lang din ako kapag wala ka na sa tabi ko.”
Ewan ko kung anong ibig sabihin ni Matias sa sinabi niya.
“Maghahanap din ako ng afam doon para mapag-asawa na rin ako,” biro ko naman.
“Naghahanap ka pa ng afam ay narito naman ako. Hindi ako mukhang afam pero mas gwapo pa ako sa mga afam na yan. At saka, hindi ka nakakasiguro kong may pera ang afam na magugustuhan ka. Paano kong saktan ka pa? Kaya huwag ka ng umalis at dito ka na lang.”
Mataman kong tinitigan si Matias ngunit ng hindi niya rin inaalis ang tingin niya sa akin ay para bang may iban akong naramdaman kaya ako na ang umiwas ng tingin.