"Why didn't you bring me food?" seryoso niyang tanong.
Hala! Hindi ba siya dinalhan ni Rhea? Akala ko siya na ang bahala.
P*tay! Lagot ako nito.
"Dumiretso na po ako rito, baka kasi magalit na sa akin si Princess. Tsaka, Boss, sabi kasi ni Rhea siya na ang bahala. Hindi niya po ba nadala sa inyo? Ay baka nakalimutan lang ni—"
"Rhea?" putol niya sa nais ko pang sabihin, dahilan para mapatango ako. "Nandito siya?" tanong niya pa, animoy hindi siya makapaniwala. "Where is she? She didn't bring me the food. Where is she?"
"Umalis na po ata. Sabi niya aalis na siya at babalik sa totoo niya—"
"Why didn't you tell me she was here?!" sabi niya habang kunot ang noo, dahilan para mapayuko ako sa takot.
Hindi ko naman kasi alam na dapat palang sabihin sa kaniya e.
"Sorry po, akala ko po kasi alam niyo rin," sabi ko, nang tignan ko muli siya, nakita ko sa kaniyang mga mata na para bang malungkot na ito ngayon. "Hinintay niyo po ba siya?" Hindi ko napigilan ang aking sarili na magtanong.
Malalim siyang napalunok.
"Siya ba ang dapat magdadala ng pagkain sa akin kanina na tinapon mo?" pag-iiba niya sa aking tanong.
"Opo, sorry," sabi ko, dahilan para magsalubong muli ang kaniyang kilay.
Galit na naman siya... Naku naman!
"She prepared that food for me," mahina niyang sabi. "And you just wasted it," sabi niya sa madiin nang tono, dahilan upang maramdaman ko ang pagbilis na pagkabog ng aking puso.
Lalo pang nadagdagan ang kabang nararamdaman ko nang makita kong nakahawak na siya sa kaniyang baril na nakalagay sa kaniyang belt.
Kitang-kita ko ang paglabas ng kaniyang mga ugat, dahil pahigpit nang pahigpit ang kaniyang paghawak dito.
Napayuko ako na lamang ako at napakagat sa ibaba kong labi, dahil sa pagpipigil ko sa pag-iyak.
Natatakot ako...
Alam kong balak na niya akong barilin.
"F*ck!" sigaw niya, nakita kong inalis na niya ang pagkakahawak niya sa kaniyang baril. "Get out of my sight, Nathalia, before I lose control!"
"Sorry... Sorry po talaga..." sabi ko na lamang at nagmadali na akong naglakad palayo.
Nang makalabas ako ng gusali ay 'di pa rin nawawala ang takot na nararamdaman ko.
Naramdaman kong may tumulo ng luha mula sa aking mga mata.
Ito ang unang araw ko sa trabaho kong walang kwenta. Banta muli sa buhay ko ang nangyari, at sigurado akong araw-araw ko itong mararamdaman.
Hindi ko alam kung kakayanin ko ito lalo na't bawat kilos ko ay dapat hindi ako magkamali, dapat hindi ako makagawa ng bagay na ayaw nila.
Ang galit ni Lucas sa akin, dahil kay Rhea... Hinintay niya si Rhea. Ngayon alam ko na... na importante sa kanila si Rhea. Tatandaan ko ito para makaiwas ako sa bagay na ikakagalit nila kung tungkol kay Rhea.
Napahawak ako sa aking tiyan dahil ito ay sumakit.
Ang isang shanghai lang ang kinain ko ngayon... na kinupit ko pa sa inihanda ni Rhea para kay Lucas.
Hindi lang pala takot at kaba ang nararamdaman ko ngayon, pati pala gutom.
.
.
.
"Ito, ubusin mo 'yan."
"Ba't may pabaon? Bibili na lang ako sa labas, Ate," sabi ni Ethan at balak iabot sa akin ang baon niya na niluto ko, ngunit sa halip na kunin ko iyon ay agad kong hinawakan ang tenga niya pataas, dahilan para uminda siya sa sakit.
"Ikaw, akala mo ba 'di ko alam na naabutan ka na naman ni Mama na may babae sa kwarto mo, ha?"
"A—aray, Ate, tama na. Aray!" inda niya, hawak niya ang kamay ko na nakahawak sa kaniyang tenga.
Tinanggal ko na ang pagkakapingot ko sa kaniya.
"Kunin mo 'yang niluto ko. At isa pa, kapag mabalitaan ko na nag-uwi ka na naman dito ng babae, papatulugin kita sa CR. Ikukulong kita roon," sabi ko, at hinarap ko si Mama na pinagmamasdan lang kami.
"Ma, sabihin mo sa akin 'uli ah," sabi ko, at tumango lang naman si Mama sa akin habang at sumubo ng pagkain.
"Baguhin mo 'yang ugali mo, Ethan. Sinasabi ko sa'yo."
"Sorry na, Ate. Tiyaka, si Anthony rin naman naabutan ko rin 'yan noong isang araw, may dinala ring babae," sabi niya, dahilan para magsalubong ang aking kilay.
"Nasaan 'yon?!"
"Ayon oh!" sabi ni Ethan, at napatingin ako sa tinuro niya na pababa ng hagdan, pabalik na sana muli ito sa taas.
"Bumaba ka rito," matigas kong sabi, dahilan upang nakayuko siyang bumaba.
Nang makalapit siya sa akin ay agad ko rin siyang piningot sa tenga, dahilan para uminda siya sa sakit.
"Sa dami ng mamanahin mo, bakit 'yang kuya niyo pa?"
"Aray, Ate!" inda niya, at tinanggal ko na rin ang pagkakapingot ko sa kaniya.
"Epal ka talaga, Kuya Ethan! Ayaw nalalamangan... sinumbong mo pa talaga ako."
"Syempre..." malokong sagot naman ni Ethan.
Tinignan ko sila ng masama, at ang tingin naman nila sa akin ay para bang natatakot sila.
Napailing ako.
Hindi ko alam kung bakit ganiyan sila... ginagawa nilang laruan ang mga babae, kung sinu-sino ang tinatalik nila. Ang bata-bata pa nila sa ganitong bagay. High school pa lang sila, ganito na sila.
Napabuntong-hininga ako nang maisip ko si Papa.
Oo nga pala, si Papa noon... nakuwento ni Mama sa akin na parehas na parehas daw sila ni Ethan. Noon, kung sinu-sinong babae rin daw ang pinapatulan ni Papa. Ngunit tanging si Mama lang ang nakapagpabago sa kaniya.
Masasabi ko naman na totoo iyon, dahil hanggang ngayon, kita ko ang pagmamahalan nila. Kahit pa palaging wala si Papa dahil busy sa business niya, lagi naman silang nagkakausap sa tawag o video call.
Sweet pa rin silang dalawa hanggang ngayon.
"Si Mathew?" tanong ko sa kanilang dalawa.
"Ayon, tulog. Paniguradong hindi papasok 'yong kapatid mo. Lasing 'yon kagabi nang umuwi," si Mama naman ang sumagot, habang kumakain pa rin.
Napapikit ako at napahinga ng malalim.
"Mga pasaway talaga kayo!" sabi ko, lalakad na sana ako paakyat para gisingin at sermunan si Mathew, ngunit natigil ako nang mapansin ko ang oras.
Siguradong nasa kanto na ng street namin ang sundo ko papunta sa mafia building.
"Gisingin niyo si Mathew. Papasukin niyo!" sabi ko sa dalawa kong kapatid, habang inaayos na ang bag ko at nilalagay ang niluto kong pagkain na aking baon.
Maaga akong gumising para makakain at makapagluto ng baon.
"Ano? Walang susunod?" tanong ko, habang tinitingnan ang dalawa kong kapatid.
Nakita ko na tinignan ni Ethan ng masama si Anthony, kaya walang nagawa si Anthony kung 'di ang tumayo. Pero bago siya maglakad ay tumingin pa siya kay Mama, animoy nagsusumbong pa ito.
"Sige na, Anak. Gisingin mo na. Tama ang ate mo. Kasalanan rin ni Mathew 'yan kung may hang-over siya, kailangan niya pumasok," sabi ni Mama... syempre, habang kumakain pa rin siya.
Habang tinatawag ni Anthony si Mathew, nagpaalam na ako kay Mama na papasok na ako, at nagbilin pa muli ako kay Ethan na huwag na uulit sa kaniyang kalokohan, para hindi siya tularan ng ibang kapatid namin.
Syempre kahit anong bilin ko sa kanila, alam kong hindi agad sila magbabago, pero balang araw, kung pagsisihan nila ang mga gawain nila, malalaman nilang hindi kami nagkulang sa paalala o payo sa kanila.
Sana, dumating 'yung panahon na iyon... na magbago sila, o makatagpo sila ng taong makakapagbago sa kanila.
.
.
.
"Leave."
"Mag-isa ka lang kakain?"
"Get out."
"Sabay tayo. Mas nakakagana kumain kapag may kasa—"
"Get out," nakatingin na niyang sabi sa akin. Mapait na napangiti na lamang ako kay Princess, tinanguan ko siya at lumabas na ako.
Pagkalabas ko sa kwarto niya, napahinga pa ako ng malalim.
Alam kong nakakatakot siyang dalaga, pero bakit parang bigla akong nakaramdam ng pag-aalala sa kaniya?
Pakiramdam ko kasi ay malungkot siya.
May kakaiba sa kaniya... kahit nakakatakot siya at walang emosyon, para bang ang totoo ay malungkot ang pagkatao niya, na tinatago niya lang ito.
Sana maramdaman nila na ang totoong buhay ay mas maganda at mas masarap kung hindi dinaraan sa mga bagay na mali... tulad sa kung anong mundong mayroon sila ngayon.
Naglakad-lakad na lamang ako, naghahanap ng lugar kung saan puwede akong kumain.
Sa paglalakad ko sa ground floor, napansin kong nasa kitchen area na ako. Napansin ko ito agad dahil open area lang ang kitchen at malaki ito.
Nakita ko roon ang isang babae na nasa edad 50 siguro. Nakakatakot rin ang itsura niya... parang may strong personality rin.
Lahat talaga ng tao rito ay may strong aura.
Nakaitim rin siya at kakaupo lang sa isang upuan sa kitchen.
Kakatapos lang siguro niya magluto.
"Hello po," nakangiti kong bati, kahit pa natatakot ako.
Tinignan niya naman ako nang seryoso.
"Sakto, luto na ang pagkain," sabi niya at tatayo sana, ngunit agad ko siyang pinigilan.
"Ay, may baon po ako," sabi ko at tinaas ang purple kong baunan. "Pero puwede po ba ako kumain dito? Wala po kasi akong pwesto, e. Pinapalabas po ako ni Princess tuwing magluluto at kakain siya."
"Oo naman. Bukas 'to sa lahat ng nandirito, iha."
"'Yung luto niyo po, puwede rin po ba talaga ako kumain?"
"Aba, syempre. Ang luto ko ay para sa lahat ng nandirito... Oo nga pala, iha, ang pagkakaalam ko, kahapon ka nag-umpisa. Bakit hindi ka kumain dito?"
Puwede pala talaga akong kumain dito? Libre pala ang pagkain?
Wala man lang nagsabi sa akin. Gutom na gutom pa naman ako kahapon.
Sobrang sakit pa nga ng tiyan ko nang makakain ako pag-uwi. Nabigla ang tiyan ko dahil buong araw walang laman.
"Ay naku, hindi ba nila sinabi sa ’yo? May baon ka naman ba kahapon?" tanong pa niya, dahilan upang mapailing ako at nakita ko na animoy bigla siyang naawa sa akin. "Kawawa ka naman pala. Pero... Sige, ’wag ka na magbaon, ah... dito ka na kakain palagi at kakain ka ng luto ko. Maliwanag ba? Masarap ako magluto, Nathalia," nakangiti nitong sabi, dahilan para mapangiti rin ako.
Ngayon na nakangiti siya, gumaan pa lalo ang pakiramdam ko sa kaniya.
Mukhang bukod kay Rhea ay magugustuhan ko rin siya.
At... kilala niya ako?
"Sige po, pero… kilala n’yo po ako?"
"Oo, nasabi ka na sa akin ni Lucas, at ang tungkol sa trabaho mo," sabi nito, at napatango-tango naman ako.
"Ako nga pala si Enang, ang tawag nila sa akin dito ay Manang."
Siya pala si Manang... nabanggit rin siya ni Rhea kahapon.
Niyaya na niya akong kumain, kaya umupo na ako at sinimulan ko ng kainin ang baon ko.
Kinuhanan rin ako ni Manang ng kaniyang lutong menudo... masarap ito kaya mas ginanahan akong kumain.
"Manang, si Boss Lucas po ba ay nahatiran na ng pagkain?"
"Hindi ’yon nagpapahatid ng pagkain, kusa ’yon bababa kapag nagutom na," sabi nito, dahilan para magsalubong ang aking kilay.