3

2383 Words
NAGSIMULA nang makarating kay Nicole ang mga balitang napapadalas na ang paglabas ni Jerome kasama ang ibang babae. Kapag tinatanong niya ito ay ipinapaliwanag nito na lumalabas nga ito kasama ang mga babae ngunit kasama rin nito ang ibang kaibigan nitong lalaki. They were not romantic dates, they were just friendly group dates. Hindi raw siya dapat na nagpapadala sa mga sinasabi ng iba. May mga tao lang na masyadong naiinggit sa magandang relasyon nila kaya pilit silang sinisiraan. Pinaniwalaan niya ito. Matagal na siya sa show business at madalas na ginagawang big deal ang hindi big deal para lang makapanira o para lang may mai-report. Ngunit habang tumatagal ay lalong dumadalas ang paglabas ng mga balitang may ibang babae ito. Ilang kaibigan din niya ang nagsasabi na nakikita ng mga ito si Jerome na may kasamang ibang babae sa isang restaurant. Walang ibang kasama ang mga ito at sweet na sweet ang mga ito na tila tipikal lang na magnobyo. Na-link din ito sa isang modelo. Sinikap niyang huwag pakaisipin ang lahat. May tiwala siya kay Jerome at sigurado siya sa pagmamahal nito sa kanya. Alam niya na hindi siya nito lolokohin o pagtataksilan. Kinumbinsi niya ang sarili na nagkamali lang ng nakita ang mga kaibigan niya. Malambing naman talaga si Jerome sa halos lahat ng tao. She was in denial until she saw the proof herself. Na-cancel ang taping niya nang araw na iyon kaya nagdesisyon siyang sorpresahin si Jerome sa bahay nito. Inakyat niya ito sa silid nito upang gisingin. Pakiramdam niya ay pinagsakluban siya ng langit at lupa nang makita niya itong nakayakap sa isang babae. Walang saplot ang mga ito at mahimbing na natutulog. Ni hindi nagawang magkumot ng mga ito. She stood there, frozen. Hindi siya makagalaw sa sobrang shock. Ang sabi ng isip niya, sugurin niya ang mga ito at pagsasabunutan ang babaeng nasa kama kasama ang nobyo niya. Nais niyang magwala, magsisigaw hanggang sa mapaos siya, ngunit hindi niya mautusang gumalaw ang katawan niya. Nakikita na niya ang ebidensiya ngunit tila ayaw pa ring tanggapin ng isip niya. Sandali niyang pinaniwala ang kanyang sarili na nananaginip lang siya at anumang sandali ay magigising na siya. Jerome stirred. Unti-unti itong nagising at nanlaki ang mga mata nang makita siya sa paanan ng kama. Noon niya nagawang kumilos. Sa halip na sugurin ang mga ito, pisikal na saktan, o komprontahin ay umiiyak siyang tumakbo palabas ng silid. Dali-dali siyang sumakay sa kotse niya at pinasibad iyon palayo. Hindi maampat ang mga luha niya at milagro na nakauwi siya sa bahay nang hindi naaaksidente. Sinubukan siyang kausapin ni Jerome nang mga sumunod na araw ngunit hindi niya ito hinayaan. Nagkulong siya sa silid niya at hindi tumanggap ng bisita o tawag. Nang tumimo na sa kanya ang ginawa ni Jerome ay hindi na niya kinayang mag-deny sa kanyang sarili. Totoo ang lahat ng sinasabi ng mga tao sa kanya. Taksil ito. Galit na galit siya rito at sa modelong kasama nito sa kama. Hindi niya malaman kung paano nito nagawa ang bagay na iyon sa kanya pagkatapos ng lahat ng ginawa niya para dito. Ibinigay niya ang kanyang buong puso rito. Paano siya nito nagawang saktan nang ganoon? Pagkalipas ng isang linggo ay hindi na siya maaaring magpatuloy sa pagkukulong sa bahay. Kailangan na niyang magtrabaho. Kailangan na niyang harapin ang mga responsibilidad niya. Napansin ng mga katrabaho niya na may mali sa kanya. Panay rin ang pagdalaw ni Jerome sa set upang humingi ng tawad ngunit hindi niya ito pinansin. Hindi na niya kayang maniwala tuwing sinasabi nito na mahal siya nito. Kahit na mahal niya ito, hindi niya ito mapatawad. Nakaukit na nang permanente sa isip niya ang nadatnan niyang hitsura nito sa kama nito kayakap ang ibang babae. Pagkalipas ng dalawang linggong pangungulit nito ay tumigil din ito. Lumipas na ang galit niya. Depression sets in. Hindi na nagpakita sa kanya si Jerome. Sunod na lang niyang nabalitaan ay lantaran na nitong idine-date ang modelong nadatnan niyang kasama nito nang araw na iyon. Labis siyang nasaktan. Pinag-fiesta-han ng media ang napabalitang hiwalayan nila. Nang tanungin siya sa isang ambush interview kung totoong hiwalay na sila ni Jerome, galit na kinumpirma niya iyon. Sinabi pa niya na magpakaligaya ito kasama ang babae nito. Naisip ng lahat na bitter siya sa hiwalayan. Kahit na nahihirapan, pilit siyang nag-move on. Maraming gabi na iniyakan niya si Jerome. Ni hindi man lang sila nagkaroon ng pormal na hiwalayan. Ni hindi sila nagkapag-usap nang matino. Hinayaan niya ito. Hindi na niya ito hinabol o sinubukang kausapin kahit na gustong-gusto niya. Kalat na kalat sa sirkulo nila ang pagiging maligaya nito sa modelong girlfriend nito. Moving on was the best revenge, sabi nga nila. Ang ginawa niya ay nagpaganda siya nang husto. Siniguro niya na mas maganda siya sa modelong ipinalit ni Jerome sa kanya. Inalagaan niya nang husto ang sarili niya. Pinaunlakan din niya ang pagyayaya ng date ng mga lalaking nagkakainteres sa kanya. She made sure the public knew she was actively dating and currently happy with her life. Naging cover siya ng napakaraming magazine. Sinubukan niyang magmahal ng iba. Alam ng Diyos na sinubukan talaga niyang turuan ang kanyang puso. Ngunit hindi talaga nawala ang pagmamahal niya para kay Jerome. Tuwing nakikita niya ito, isinisigaw ng puso niya ang totoong nararamdaman niya. May mga pagkakataon na ang akala niya ay naka-move on na siya, ngunit mapagtatanto kaagad niya na niloloko lang niya ang kanyang sarili. She was still in love with Jerome despite everything that happened. Nagkahiwalay ito at ang modelong babae. Hindi niya napigilang matuwa sa nalaman niya. Napansin ng mga kasama niya na mas nag-bloom siya. Nagkita silang muli ni Jerome dahil nagdesisyon ang management na pagtambalin uli sila sa isang malaking proyekto. Enggrande ang comeback nilang dalawa bilang magkapareha. Marami ang na-excite. Namula na naman ang hasang ng fans nila. Sa set ng teleserye uli sila nagkausap at nagkapatawaran. Naging malapit uli sila sa isa’t isa. Isang buwan pa lang silang nagte-taping ay nagpahayag na ito ng kagustuhang makipagbalikan sa kanya. Nagbunyi ang puso niya ngunit hindi kaagad siya pumayag sa gusto nito. Kahit nanatili ito sa puso niya sa kabila ng nagawa nito, hindi rin niya basta-basta na lang maipagkakatiwala uli ang kanyang puso rito. Matagal siya nitong sinuyo hanggang sa mapasuko siya nito. Gaga raw siya sabi ng ilang kaibigan niya. Kung nagawa na nito minsan na manloko, magagawa nitong muli. Mas pinakinggan niya ang kanyang puso. She believed in second chances. Naramdaman naman niya ang pagmamahal nito sa kanya. Naging tama naman ang desisyon niya. Nagpakabait na si Jerome. Hindi na ito nahilig sa babae. Sa kanya nito ibinuhos ang buong atensiyon nito. Five months after they got back together, they went to Las Vegas for a vacation. Hindi niya inasahan na magpo-propose ito ng kasal sa kanya. Pumayag kaagad siya. Ang gusto nito ay ikasal sila kaagad. Ayaw na raw siya nitong pakawalan. Hindi niya pinangarap na ikakasal siya sa Las Vegas. Nais sana niyang sa Pilipinas ikasal kasama ang mga kapamilya nila. Ngunit okay na rin sa kanya ang naging kasal nila. Pinlano nito iyon at hindi minadali. Naging espesyal pa rin ang seremonya ng kasal nila. Naging maayos ang pagsasama nilang mag-asawa. Hindi siya tumigil sa pag-aartista ngunit nagkaroon ng limitasyon ang mga kaya niyang gawin. Choice naman niya na huwag nang magpahalik sa iba. Lalong hindi na siya nagkaroon ng love scenes. Noong una ay desisyon nilang huwag munang magkaroon ng anak. Gusto nilang enjoy-in ang buhay-may-asawa na sila lang. Kagaya ng mga tipikal na asawa, nagkakaroon din sila ng hindi pagkakaunawaan at pag-aaway, ngunit palagi naman nilang naaayos kaagad at hindi na lumalala iyon. After their third anniversary, Jerome brought up the subject of having a baby. Nahihiya nitong sinabi sa kanya na nakukulitan na ito sa ilang kapamilya at kaibigan na tanong nang tanong kung bakit wala pa silang baby. Totoo marahil ang sinabi nito ngunit alam din niya na gusto na talaga nitong maging ama. Pinag-isipan niya nang maigi ang gusto nito. Hindi siya sigurado kung handa na ba siyang maging ina. Bahagya siyang natakot sa responsibilidad na kaakibat niyon. Iba na kapag anak ang pinag-uusapan. Ngunit naisip din niya na matagal na silang kasal ni Jerome. Kahit na ang sarili niyang pamilya ay palaging nagtatanong kung buntis na siya. Kailan siya magiging handa sa pagbubuntis at pagiging ina? Sa palagay naman niya ay hindi talaga napaghahandaan iyon. Nag-usap sila nang masinsinan ni Jerome habang nag-aagahan at masayang sinabi niya rito ang desisyon niya. His face lit up like she had never seen before. Naging determinado siyang magbuntis dahil alam niyang lubos na ikaliligaya iyon ng kanyang asawa. For two years, they tried. And failed. Na-frustrate na silang dalawa sa pagsubok. Napilitan na silang sumangguni sa doktor. Walang makitang diperensiya sa reproductive system nila. Normal ang lahat sa katawan nila. They were both healthy. Baka raw hindi lang nila matiyempuhan. May mga mag-asawa raw talaga na minsan ay nahihirapang magbuntis kahit na walang nakikitang problema physically. Sinunod nila ang mga payo ng doktor. Nagbakasyon sila nang matagal upang mawala at makalayo sila sa stress. Nang hindi pa rin umubra ay gumamit sila ng fertility awareness methods—basal body temperature method, cervical mucus method, at calendar charting method. Minsan, ikinaiinis ni Jerome na tila may schedule ang s*x life nilang mag-asawa. Hindi pa rin umubra ang mga method na iyon. They still tried other methods and techniques. She started taking fertility pills. Pati diet niya ay binago niya para lang mabuntis na siya kaagad. Kung saan-saang simbahan siya nagdasal at humingi ng anak. Umabot na sila sa punto na pinayuhan na sila ng doktor na subukan ang mas makabagong paraan at teknolohiya. Jerome didn’t like the idea. Nais nitong mabuo ang anak nila sa natural na paraan. He didn’t want a test tube baby and surrogacy was morally wrong in their opinion. Doon nag-umpisang magkalamat ang relasyon nila. Sinukuan na ni Jerome ang pagkakaroon ng anak. He stopped sleeping with her. Tumanggap ito ng napakaraming trabaho kaya palagi itong abala. He also stopped talking to her. Nag-aalala siya rito at sa relasyon nila ngunit wala siyang magawa. Sa palagay niya ay kailangan ng asawa niya ng kaunting panahon. Sinisi niya ang kanyang sarili. Kumbinsido siya na siya ang may kasalanan ng lahat. Ang katawan niya ang may problema at hindi lang iyon makita ng mga doktor. Nagpakaabala muna siya sa trabaho upang ma-distract niya ang kanyang sarili. Walang mangyayari kung hahayaan niya ang kanyang sarili na ma-depress. Naisip niya na baka dumating din ang araw na maging bukas ang isip ni Jerome sa ibang alternatibong sinasabi ng doktor. Nasa punto na siya na gagawin ang lahat magkaroon lang ng anak. Noon siya napalapit kay Jessie Gerona. Halos sabay silang pumasok sa show business ngunit nagkakabatian lang sila sa mga event at hindi talaga naging malapit na magkaibigan. Nagkasama sila sa isang soap opera dahilan upang mabuo ang isang magandang pagkakaibigan. Masyadong liberated ang tingin ng mga tao rito ngunit naging napakabuti nitong tao sa kanya. Ipinakilala niya ito kay Jerome at kaagad ding nagkasundo ang dalawa. Naging napakalapit nilang tatlo sa isa’t isa. Nakatulong nang malaki si Jessie sa pagkakaayos ng relasyon nila ni Jerome. Hindi na sila bumalik sa dati nilang masayang samahan, ngunit at least ay nag-uusap sila. Kay Jessie niya nasasabi ang lahat, kahit ang problema nilang mag-asawa. Palagi naman itong may nakahandang magagandang payo at encouraging words. Palagi itong nakaalalay sa kanya—sa kanila ni Jerome. Minsan ay sinasamahan pa siya nito sa clinic. Tuwing kinukutya siya ng media na baog, palagi siya nitong ipinagtatanggol. Nililibang siya nito kapag depressed na depressed siya. Ito ang nagturo sa kanya na gumimik sa mga club at bar. Kahit na noong hindi pa siya kasal ay hindi siya mahilig sa nightlife, mas gusto niyang matulog na lang sa bahay. Hindi siya gaanong palainom. Nang mag-asawa siya ay lalong dumalang ang pagpunta niya sa mga club at bar. Madalas siyang tuksuhin ni Jessie na masyadong manang. Kahit na raw may asawa na siya, hindi dapat niya hinahayaan na palagi lang siyang nasa bahay. Masyado pa siyang bata para hindi enjoy-in ang mga ganoong paglabas. Malakas itong uminom at mahilig itong sumayaw. Mahilig din itong makipag-flirt sa mga lalaki. Kahit na paano ay nakakalimutan naman niya ang mga alalahanin niya kapag kasama niya ito dahil masaya talaga itong kasama. Madalas maiulat sa mga showbiz news ang pagpunta niya sa mga club at bar kasama si Jessie. May mga kumakalat na tsismis na kaya nanlalamig sa kanya ang asawa niya ay dahil sa “pagwawala” at “pagrerebelde” niya. Hindi na siya pumapatol dahil hindi naman talaga nagagalit ang asawa niya. Tila masaya pa nga ito na lumalabas siya kasama si Jessie. Hindi naibabalita na sinasamahan din siya ni Jessie sa pagsisimba at pagno-novena. Hindi siya magsasawang humiling sa Panginoon na biyayaan na siya ng anak. “Baka naman kasi masyado kayong obsessed sa pagkakaroon ng anak? Sa sobrang frustration n’yo, hindi n’yo na nagagawa nang tama ang paggawa ng baby. Baka masyado kayong focused na mabuntis ka. Kailan kayo nag-s*x kasi gusto n’yo lang?” Iyon ang payo sa kanila ni Jessie noon. Naisip niya na tama ito. Ang akala niya ay tuluyan na silang magkakaayos na mag-asawa. Ikinabigla niya nang isang gabi ay kinausap siya nito nang masinsinan. He wanted to divorce her. He was in love with someone else. Iniwan siya nito sa silid niya habang tulala niyang ipinoproseso ang sinabi nito. Hindi niya mapaniwalaan ang mga narinig niya. Hindi iyon maaaring gawin sa kanya ni Jerome dahil mahal na mahal siya nito. Kinumbinsi niya ang sarili na binabangungot lang siya at paggising niya ay magiging maayos na ang lahat. Ngunit hindi lang bangungot ang lahat. Jerome was really divorcing her. Nagmakaawa siya na huwag siya nitong hiwalayan. Nangako siya na bibigyan niya ito ng anak, huwag lang siya nitong iwan. Lumuhod pa siya sa harap nito. Ngunit matigas si Jerome. Matindi ang paghahangad nito na iwan siya para sa isang babaeng ayaw nitong sabihin man lang sa kanya ang pangalan. Si Jessie ang tinakbuhan niya upang iyakan noon. Niyakap siya nito nang mahigpit at inalo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD