“WALANGHIYA naman pala `yang asawa mo, eh. Hayaan mo siya. Kung gusto niya ng divorce, eh, di ibigay mo! Huwag kang maghabol! Tigilan mo na ang pagngalngal. Kung ayaw na niya sa `yo, di ayaw mo na rin sa kanya. Maraming lalaki, Nicole.”
“Hindi ganoon kadali ang lahat. We’ve been together since forever. Siya lang ang lalaki para sa `kin. Siya lang ang mamahalin ng puso ko.”
“`Yan! `Yang pag-iisip nang ganyan kaya ka nagdurusa. Pinaikot mo ang mundo mo kay Jerome. Ibinigay mo sa kanya ang lahat, wala kang itinira para sa sarili mo. Siya lang ang nakikita mo. Hindi mo hinayaan ang puso mo na magmahal ng iba. Hindi mo binigyan ng pagkakataon ang ibang lalaki. Hindi ka na niya mahal. Pakawalan mo na siya. Ibigay mo ang gusto niya.”
“Mahal niya ako. Hindi ko lang maibigay ang gusto niya.”
“Hindi ka na niya mahal! Makinig ka sa `kin. Kung mahal ka niya, hindi siya magmamahal ng ibang babae. Isang babae na pinoprotektahan niya mula sa `yo sa sobrang pagmamahal niya. Kung mahal ka niya, kahit na wala kang kakayahang magkaanak ay mamahalin ka pa rin niya. Hindi man lang niya maiisip na iwan ka. Hindi ka na niya mahal, maniwala ka sa `kin. Maawa ka sa sarili mo, makipaghiwalay ka na.”
Matigas ang ulo niya, ayaw niyang pumayag. Naging mas masidhi ang pagkumbinsi sa kanya ni Jessie. Dumating na rin sa punto na nakiusap na sa kanya si Jerome. Noon niya napagtanto na totoo ang sinabi ni Jessie, hindi na siya mahal ni Jerome. Sa sobrang pagmamahal nito sa babaeng ni hindi niya alam kung ano ang pangalan, handa itong lumuhod at makiusap sa kanya na pakawalan niya ito.
“Kung mahal mo talaga siya, pakawalan mo na siya, Nicole. Maawa ka naman sa sarili mo. May ibang pag-ibig na nakalaan para sa `yo.”
Pinakinggan niya ang sinabi ni Jessie. Pinakawalan niya si Jerome dahil mahal na mahal niya ito. Hindi niya maibibigay ang kaligayahan nito. Hindi niya ito mabigyan ng pinakaaasam-asam nitong anak.
Hinayaan niya ang mga abogado na ayusin ang divorce nila. Umuwi siya sa probinsiya at doon nagluksa. Pilit niyang tinanggap ang lahat ng nangyari. Wala siyang ibang sinisi kundi ang sarili niya. Paulit-ulit niyang tinanong ang Diyos kung bakit nilikha siya nitong abnormal. Bakit hindi siya magkaroon ng anak?
Nagtungo sa ibang bansa si Jerome. Nagtungo ito sa Amerika kung saan naroon ang ina nito. Isang buwan pagkatapos ay nagpaalam si Jessie kay Nicole na magbabakasyon muna sa ibang bansa. Kung hindi raw niya ito gaanong kailangan, lalayo muna ito sa Pilipinas. Kahit na kailangan sana niya ito, hindi niya ito nagawang pigilan. Sinabi rin nito sa kanya ang totoong dahilan ng paglayo muna nito.
“I’m pregnant, Nicole. I’m so sorry.”
Nabaghan siya sa narinig niya. Walang indikasyon na nagdadalang-tao na ito. Hindi raw nito maaaring sabihin ang pangalan ng ama sa kanya. It just happened. Hindi rin ito handa na sabihin sa madla ang pagdadalang-tao na iyon. She loved her career.
Nagkahinala siya na produkto ng one-night stand ang dinadala nito. Baka hindi nito gaanong kilala ang lalaki kaya hindi nito masabi sa kanya kung sino ang ama. Nirespeto niya ang privacy nito. Kung hindi nito nais na magkuwento, okay lang sa kanya. Gusto sana niya itong samahan kahit na ilang buwan lamang ngunit tumanggi ito.
“Masyado ka nang maraming dinadala, Nicole. Ayoko nang dagdagan pa. Ayoko na ring lalo kang pahirapan sa pagbubuntis ko. Be okay, ha? Kahit na ano ang mangyari, mahal na mahal kita.”
Naisip niya na tama ito, mahihirapan siyang makasama ito. Lalo siyang malulungkot dahil buntis ito at siya ay hindi. Nagtungo ito sa Spain kung saan naroon ang ama nito. Sa unang dalawang buwan ay regular ang pagpapalitan nila ng e-mail. Palagi niyang nahihimigan sa mga mensahe nito ang kaligayahan ngunit pilit nitong dina-downplay. Tila iniisip nito na magiging insensitive ito sa nararamdaman niya.
Naging masaya siya para dito ngunit nakaramdam din siya matinding inggit at kalungkutan. Bakit si Jessie ay nabiyayaan ng anak, bakit siya hindi puwede? Unti-unti, sinikap niyang tanggapin ang sitwasyon niya. Wala naman na siyang ibang magagawa pa.
Nang humupa ang issue tungkol sa paghihiwalay nila ni Jerome ay bumalik siya sa pagtatrabaho. Nagpakaabala siya habang nanatili nang isang taon si Jerome sa Amerika. Hindi rin umuwi si Jessie hanggang sa makapanganak ito.
Dapat ay doon pa lang ay naghinala na siya. Dapat ay napagtagni-tagni na niya ang lahat. Pero ang tanga-tanga niya. Masyado siyang nagmahal at nagtiwala.
Naunang bumalik sa Pilipinas si Jerome. Nakipagkita kaagad ito sa kanya upang kumustahin siya at upang ibigay ang ilang pasalubong. Nais niya itong sugurin ng yakap at halik ngunit hindi na maaari. Hindi na ito kanya. Labis pa rin siyang nasasaktan sa hiwalayan nila. He looked good. Tila nakabuti rito ang matagal na bakasyon. Marami pa rin itong natanggap na trabaho kahit na matagal itong nawala. Naging abala na naman ito sa paggawa ng pelikula at soap opera.
Pag-uwi ni Jessie ay isang buwan na ang sanggol nito. May mga haka-hakang lumitaw na nagbuntis ito habang nasa ibang bansa ngunit pinabulaanan niya ang lahat. Jessie wanted to keep things private. Naging mabuti pa rin silang magkaibigan kahit na napakadalang na ng komunikasyon nila nang mga nakaraang buwan. Kinagiliwan niya ang anak nito na napakapogi.
Unti-unti ang naging pagbabago ng lahat, halos hindi niya napansin. Jessie and Jerome were the cleverest manipulators in the showbiz industry. Planado ng mga ito ang lahat. Matiyagang naghintay ang mga ito ng tamang pagkakataon.
Unti-unti niyang napansin at ng media ang madalas na pagsasama nina Jessie at Jerome. Naging madalas na ang paglabas ng mga ito sa publiko. Kapag tinatanong ng press ay ngingiti lang nang makahulugan ang mga ito. Hindi niya noon alam kung ano ang mararamdaman niya. She knew something was going on between her best friend and ex-husband. She was hurt. She felt betrayed.
Maaaring sabihin ng iba na wala na siyang karapatang masaktan dahil hiwalay na sila ni Jerome. Ngunit masakit pa rin kahit na wala na siyang karapatang makaramdam niyon. Best friend niya si Jessie. Alam nito na may nararamdaman pa siya sa kanyang dating asawa. Alam nito ang lahat ng pinagdaanan niya. Halos dito niya sinabi ang lahat ng bagay tungkol sa kanilang mag-asawa. Hindi naman yata tamang magkaroon ng relasyon ang mga ito.
Isang araw ay pinuntahan siya ni Jessie at kinausap. Inamin nito sa kanya na may espesyal nang namamagitan dito at kay Jerome. “Hindi ko sinasadya, Nicole. Maniwala ka, hindi ko inakalang makakaramdam ako nang ganito kay Jerome. Bigla na lang. Ngayon ko lang naramdaman ang ganito. Dati naman, galit na galit ako sa kanya dahil sa ginawa niya sa `yo. Pero hindi ko talaga mapigilan ang puso ko. Mahal ko na siya. Hihingi sana ako ng permiso—”
Mariing iling ang tanging naitugon niya rito. Hindi na niya kayang marinig ang mga sinasabi nito kaya iniwan niya ito nang walang paalam. Nagkulong siya sa silid niya at pinag-isipan ang lahat. Napakaraming babae, bakit si Jessie pa? Hindi siguro magiging sobrang sakit kung hindi ang matalik niyang kaibigan.
Mabilis na kumalat sa media ang issue tungkol kina Jessie at Jerome. Nang hiningi ang opinyon niya ay hindi na niya itinago ang nararamdaman niya. Inamin niya na masama ang loob niya. Marami ang nakisimpatya sa kanya.
Hindi nagkomento ang dalawa sa issues. Nagpalipas nang isang buwan ang mga ito bago naglabas sa social media ng ilang larawan na magkasama. Unti-unti nang naging public ang relasyon ng dalawa. Inamin ni Jerome sa isang “tell-all” interview na girlfriend na nito si Jessie Gerona. Humingi ito ng pang-unawa sa mga tao. Wala na raw talaga itong magagawa sa nararamdaman nito.
“I love Nicole, I always will. Things didn’t work out between us but she will always be dear to my heart—to both our hearts. Ayaw namin siyang masaktan.” Iyon ang naging sagot nito nang tanungin tungkol sa kanya.
The pain almost crippled her. Nang minsang dalawin siya ni Jessie ay kasama nito ang anak nito. Hinarap niya ang mga ito upang ipaalam kung gaano kasama ang loob niya rito. Nang matitigan niya ang anak nito ay tila may kung anong puwersang sumipa sa sikmura niya. Isang hinala ang nagsimulang mabuo. Nasa bahay pa niya ang ilang baby pictures ni Jerome at madalas niya iyong tinitingnan dahil ini-imagine niya na magiging kamukha nito ang anak nila. The boy looked so much like Jerome.
Nagsimula siyang mag-imbestiga. Hindi naman siya nahirapan sa pag-iimbestiga dahil hindi na pala nakakasundo ni Jessie ang make-up artist nito. Nakatulong din na mukha itong pera. Sinabi nito sa kanya ang totoong nangyari. Nalaman niya na matagal na siyang niloloko nina Jessie at Jerome.
Hindi pa raw sila nagiging malapit na magkaibigan ni Jessie ay magkakilala na ito at si Jerome. Nagkakilala ang mga ito sa isang bar. May nangyari na raw sa dalawa sa unang pagtatagpong iyon. Ayon dito, sadyang inilapit ni Jessie ang sarili nito sa kanya upang mas mapalapit kay Jerome. Hindi pa sila divorced ni Jerome ay may relasyon na ang dalawa.
Nang mapagtanto ni Jerome na mahal na nito si Jessie ay noon ito nakipaghiwalay sa kanya. Totoo marahil na kahit na paano ay espesyal pa rin siya para sa mga ito dahil nagplanong maigi ang mga ito upang mas linlangin siya. Hindi raw makakapanakit sa kanya ang katotohanang hindi niya alam. Kaya pala hindi masabi sa kanya ni Jerome kahit na ang pangalan ng babaeng ipinalit nito sa kanya. Kaya pala ganoon na lang kasidhi ang pagkumbinsi sa kanya ni Jessie na palayain na niya si Jerome sa kasal nila.
Magkasama ang mga ito sa California noong mga panahong wala sa bansa ang mga ito. Jessie’s son was Jerome’s. Pati ang unti-unting pag-amin ng mga ito sa relasyon ng mga ito ay planado.
Siyempre, hindi kaagad siya nagpapaniwala sa sinabi ng make-up artist. Hindi niya inalis ang posibilidad na maaaring nag-imbento lang ito ng kuwento upang masiraan si Jessie. She hired the best private investigator. Kinumpirma nito sa kanya na magkasama ang mga ito sa California sa buong durasyon ng pagbubuntis ni Jessie. Nalaman niya na si Jerome ang nakalagay na ama ng bata sa birth certificate. Halos lahat ng impormasyong ibinigay sa kanya ng make-up artist ay kumpirmado.
Galit na galit siya. Nang hingan siya ng komento tungkol sa pag-amin ni Jerome ay walang alinlangan niyang sinabi na hindi niya mapapatawad ang mga ito. Hindi na siya gaanong nagpaliwanag kung bakit. Umani ng sarisaring reaksiyon ang naging komento niya. Some understood her. Some couldn’t. Nakaraan na raw siya, bakit pa siya ngumangalngal? Wala raw utang ang mga ito sa nakaraan. Officially divorced na sila ni Jerome kaya malaya na itong magmahal ng ibang babae.
Ngalingali na niyang sabihin ang totoo ngunit nagpigil siya. Sa kabila ng lahat, kahit na masakit na masakit na, ayaw pa rin niyang madamay ang isang munting anghel na wala namang nagawang kasalanan sa kanya. Ayaw niyang ma-exploit ito. Ayaw niyang sanggol pa lang ito ay masabihan na itong love child o produkto ng kataksilan at pagkakamali.
Hindi niya alam kung paano mailalabas ang galit niya kaya lalo siyang nalugmok. Naging palainom siya. Hindi pa siya alcoholic ngunit sa palagay niya ay patungo na siya roon. Hindi na siya makapagtrabaho nang maayos. Minsan na siyang napagalitan ng direktor dahil nagtungo siya sa set na nakainom. Hindi siya lasing ngunit halatang-halata na may alcohol sa sistema niya. Madalas na rin siyang mag-tantrums. Nagkaroon siya ng attitude problem. Marami siyang mga nakaaway.
Halos hindi na niya makilala ang kanyang sarili.
Mas napunta ang simpatya ng mga tao kina Jerome at Jessie dahil sa bad publicity na lumalabas tungkol sa kanya. Dumami na ang kakampi ng mga taksil. Para sa mga mata ng tao, isa lang siyang nagmamapait na ex na patuloy na nagmamahal ngunit inaayawan.
“You two are going to pay for this,” mariing pangako niya. “Makakahanap din ako ng paraan para makaganti. I’ll make your lives miserable.”