NANINIBUGHO ang damdamin ni Delilah, umalis siya sa sala at pumunta sa kanyang silid. Galit ang laman ng kanyang dibdib. Hindi para sa kapatid, kundi para sa lalaking kinahuhumalingan nito.
Hindi napigilan ng dalaga na isumpa si Amir sa isip niya!
Isang buwan na lang at ikakasal na ang magkatipan. Tatlong linggo na ang nakalipas mula nang bumalik siya sa Pilipinas at tumira sa kanilang asyenda, ngunit hindi pa rin niya nakaharap ang lalaking magiging brother-in-law niya.
Masama ang kalooban na humiga siya nang padapa sa kama. Wala siyang mapaglabasan ng paghihinagpis kaya pinagsusuntok niya ang malambot na unan.
Marahas siyang napabuntong-hininga, sinusubukang pakalmahin ang sarili. Bigla siyang bumangon sa kama. Hindi siya dapat mawalan ng pag-asa. Baka tinatakot lang siya ng Ate Greta niya para tahasan siyang pumayag sa pagpapakasal nito kay Amir. Isang buwan pa bago ang takdang petsa. May mga araw pang natitira para kumbinsihin ang kapatid na umatras sa nalalapit na kasal.
Padaskol siyang tumayo mula sa pagkakaupo sa kama. Nagpasya siyang maligo bago umidlip.
M.C
SINALUBONG ng dilim ang kanyang paningin. Kinusot niya ang mga mata at saka kinapa-kapa ang ibabaw ng nightstand at binuksan ang lampshade.
Alas sais y media na ng gabi, ayon sa wall clock. Napasarap ang tulog niya. Humihikab pa siya nang bumaba sa kama.
Kinuha ni Delilah ang roba sa kabinet at isinuot. Lumabas siya ng silid nang sumalubong ang malamig na simoy ng hangin sa kanyang katawan. Lumapit siya sa barandilya at tumingala sa mabituing kalangitan.
Muling umihip ang hangin, at nilipad nito ang kanyang buhok. Niyakap niya ang sarili habang pinagmamasdan ang mga bituin sa langit nang bigla siyang mapaigtad sa tunog ng busina ng sasakyan. Mula sa kanyang kinaroroonan ay nakita niyang nagbukas ng gate ang mayordoma nilang si Manang Lorena.
Hindi ‘yon kotse ng kanyang kapatid kaya hindi pumasok sa driveway ang sasakyan. Nakita niya ang isang lalaki na bumaba sa sasakyan at umikot sa kabilang pinto at binuksan ‘yon. Tinulungan pa nitong bumaba ng sasakyan ang kanyang Ate Greta.
Dumaan ang lalaki sa harap ng kotse at natamaan ito ng headlight ng sasakyan. Nakita niyang hinalikan ito ng kapatid sa pisngi. Hinintay niyang gumanti ito ng halik ngunit hindi ‘yon nangyari.
Hindi nag-atubili ang lalaki na pumasok sa gate ng bahay. Kumaway lang ito sa kanyang kapatid. At nang bumalik ang lalaki sa naghihintay na sasakyan ay pinag-aralan niya ang kilos nito.
Sa kilos at pananamit, hindi ito nalalayo kay Beau. At base sa paglalakad at sa suot nitong damit kahit na medyo madilim, talagang hawig ito ng binata.
Ngunit imposibleng si Beau ang lalaki, sabi niya sa sarili habang pinagmamasdan ang sasakyang papalayo. Civic ang sasakyan ng lalaki at hindi Toyota Sequoia. At imposibleng magkakilala ang binata at ang kanyang Ate Greta.
Ang lalaking pakakasalan ng kanyang kapatid ay may pagkakahawig kay Beau. Pero bakit hindi tumuloy ang lalaki sa bahay nila? tanong niya sa isipan.
Kahit na hindi pa niya nakakaharap ang nobyo ng kanyang Ate Greta, alam niyang si Amir ang lalaking naghatid sa kanyang kapatid.
Kilala ba ni Beau si Amir?
Magkamag-anak ba ang dalawa?
Kung anu-anong tanong ang namumuo sa kanyang isipan. Mga tanong na hindi niya mabigyan ng tamang sagot.
Bumalik siya sa kanyang silid. Pagkatapos magpalit ng damit ay lumabas ulit siya, dumiretso sa hagdan at bumaba sa sala. Walang tao roon kaya sigurado siyang nasa komedor ang kanyang hinahanap.
Papalapit pa lang siya sa komedor ay narinig niya ang masayang boses ng kanyang Ate Greta na kausap ang kanilang tiyahin at mayordoma. Hindi siya tuluyang pumasok. Natukso siyang makinig muna sa usapan ng tatlong babae.
Nakatalikod sa kanya sina Tiya Clara at Manang Lorena. Kaharap ng mga ito ang kanyang kapatid na nakaupo sa isang silya sa hapag-kainan.
“Kanina’y nagtatampo ka kay Amir,” wika ni Aling Clara. “Ngayon nama’y abot hanggang tainga ang ngiti mo. Saan ba kayo galing, ha?”
“Ang saya-saya ko, Tiya Clara. Matagal ko nang inuungot kay Amir na mamasyal kami sa isang beach resort. Alam niyang nagtatampo ako sa kanya. Kaya para makabawi, dinala niya ako sa isang pribadong resort sa Batangas,” masayang tugon ni Greta.
Mula sa kinatatayuan ni Delilah ay kitang-kita niya ang kaligayahan sa mukha ng kapatid habang nagsasalita.
Lumapit si Manang Lorena kay Greta para iabot ang basong naglalaman ng malamig na tubig. “Señorita, malapit na ang inyong pag-iisang dibdib ni Amir. Hindi ka ba naniniwala sa pamahiin?”
“Manang, panahon pa ng kupong-kupong ang pamahiin na may masamang mangyayari sa mga ikakasal kapag laging magkasama. Narinig ko na ang pamahiing iyon, ngunit hindi ako naniniwala sa mga bagay na iyon.”
Nagulat si Delilah nang makita niyang nakatuon ang atensyon ng kapatid sa kanya. Napalunok siya at nagkunwaring walang narinig habang papasok sa komedor.
“Si Amir na magiging asawa mo ang naghatid sa ‘yo, Ate?” tanong niya sabay upo sa silya katabi ng inuupuan nito.
Sumilay ang matamis na ngiti sa labi ni Greta. “Nakita mo kami pagdating namin sa villa?”
Nagkibit-balikat siya. “Nasa terrace ako nagpapahangin,” walang ngiti niyang sagot. “Bakit hindi mo siya pinapasok para sana nakilatis ko ang lalaking ‘yon?”
Sinenyasan ni Aling Clara si Manang Lorena na lumabas ng silid-kainan upang bigyan ng privacy ang magkapatid.
“Inimbitahan ko nga para makilala ka niya, pero nagmamadali siya. May importante raw siyang pupuntahan. Sa ibang araw na lang daw siya haharap sa iyo.”
“Oh, really?” panunuya niyang sabi at ngumiti ng mapakla. “Baka natatakot siyang makilala ako, o baka naman natatakot siya na tama ang hinala ko na fortune hunter siya?”
“Hindi siya natatakot na makilala at makausap ka,” umiling-iling na sabi ni Greta. “May importante talaga siyang pupuntahan, at iyon ay may kinalaman sa kanyang bagong trabaho.”
Tumayo siya nang hindi inaalis ang tingin sa mukha ng kapatid. “Hindi pa rin ako kumbinsido na wagas ang pagmamahal niya sa ‘yo. Kaya makilala ko man siya o hindi, tutol pa rin ako sa plano mong pakasalan si Amir. Ayokong magising tayong dalawa na isang araw mawala lahat ng pinaghirapan ng mga magulang natin. Gagawin ko ang lahat para pigilan ang kasal mo sa lalaking iyon, at kung kailangan kong gumamit ng pera hindi ako mangingiming gawin iyon.”
Tinalikuran ni Delilah ang hindi nakahumang si Greta. Hindi pa man nakakarating ang dalaga sa pintuan ng komedor ay huminto siya sa paglalakad at lumingon sa kapatid na nanatiling nakaupo, matamang nakatingin sa kanya.
“Sabihin mo sa akin ang totoo, Ate. Galing ba sa bulsa mo ang pera na ginamit ni Amir sa pambili ng kotseng minamaneho niya?” pahabol niya.
Hindi ito sumagot sa tanong niya. Kinagat nito ang labi at tumingin sa kanya na parang nagpipigil ng galit na nararamdaman.
Sa hindi pagsagot na iyon ng kanyang kapatid ay napagtanto niyang ito nga ang bumili ng sasakyan ng lalaki.
Ang suwerte naman ng lalaking ‘yon. Mayroong ginagatasan at hinuhuthutan. Binili ng kanyang Ate Greta si Amir ng bagong kotse! Lihim siyang naghihimutok.
Lumabas si Delilah mula sa komedor.
Nakasalubong niya ang kanyang tiyahin, at may sinasabi ito sa kanya ngunit hindi niya ito pinansin. Nagmamadali siyang naglakad hanggang sa marating niya ang matarik na hagdan. Lakad-takbo ang ginawa niya patungo sa sariling silid. Naghuhuramentado ang isip niya sa nalaman.