“KILALA ko ang pamilyang pinanggalingan ni Amir. Anak siya ni Mang Adolfo–”
“Na dating tauhan sa asyenda?” nang-uuyam na putol niya sa sasabihin nito. “Tatlong buwan pa lang kayong magkarelasyon ng lalaking iyon. Hindi ka ba nagtataka kung bakit ka inalok agad ng kasal? Nangangati kasi ang mga kamay niya na tuluyang makuha ang buong Hacienda De Luna.”
“Delilah, huwag mo naman agad husgahan si Amir,” naiiling na pakiusap ni Greta. “Iba siya kaysa iniisip mo.”
“Hindi ako nanghuhusga, Ate Greta.” Humalukipkip siya. Kinalma ang kanyang sarili. “Kahit ano pa ang sabihin mo tungkol sa lalaking ‘yon, iisa lang ang pakay niya sa iyo. Ang iyong salapi.”
“Hindi totoo ‘yan.”
Nakipagtitigan si Delilah sa kapatid. Wala siyang nakikitang galit sa mukha nito. Hindi pa rin ito nagbabago. Hindi marunong magalit. Hindi rin niya maitatanggi na hindi pa rin kumukupas ang kagandahan ng kapatid sa edad na thirty-three.
Namana ni Greta ang maamong mukha ng kanilang ina. Nangungusap ang mga matang may malalantik na mga pilikmata. Morena at matangkad. Mahubog ang pangangatawan at mga binti.
Mestisahin naman si Delilah dahil sa kanilang ama nagmana. Maputi at matangkad. Seksi at kaakit-akit. Kahit hindi mag-ayos ng sarili, takaw-pansin pa rin sa mga kalalakihan.
“Iyon ang nararamdaman ko sa lalaking ‘yon. Sana nga’y mali ang kutob ko.”
“Saka mo na husgahan iyong tao kapag nakaharap mo na. Huwag ngayon na hindi mo pa nasilayan ang kanyang hitsura.”
“Makita ko man siya ay hindi pa rin mababago ang aking paniniwala na salapi lamang ang kanyang hangad sa iyo.” Humugot siya nang malalim na hininga. “At sigurado akong kayong dalawa ang pinag-uusapan ng mga residente dito sa Maxvilla Masayahin. Hindi maiiwasang husgahan ng mga tao ang lalaking pakakasalan mo.”
“Walang pinipili ang pag-ibig. Ang mga taong nanghuhusga sa pag-iibigan namin ni Amir ay makitid ang pag-iisip.”
“Hindi mo maiiwasan ‘yon, Ate. Kaya kung ako sa iyo, huwag mo nang ituloy ang pagpapakasal sa lalaking ‘yon.”
Hindi man lang niya nakitaan ng pagkabigla ang kanyang kapatid sa binitiwan niyang salita. Tumawa ito nang mahina at saka tinutop ang noo.
“Mahal ko si Amir at mahal din niya ako. Kapwa namin mahal ang isa’t isa,” paliwanag nito sa kanya.
“Nakikita ko sa mga mata mo na labis kang umiibig,” pagsang-ayon niya. “Pero paano ka nakasisiguro na mahal ka talaga ng lalaking iyon? Nagpapakitang giliw siya sa iyo dahil ipinapahayag mo ang iyong nararamdaman sa kanya. Isa kang heredera at natural lang na magpapakita siya sa iyo ng pekeng pagmamahal para makamkam ang iyong kayamanan. At kapag naging asawa mo na siya, magkakaroon siya ng kapangyarihang magdikta ng mga bagay-bagay sa iyo kapag magkasama kayo sa iisang bubong. Hindi lang ikaw ang mawawalan ng karapatan sa ating kabuhayan, pati ako. And worst, baka ilayo ka niya sa akin. Dahil alam niyang magiging hadlang ako sa kung ano man ang plano niya.”
“Puro negatibo ang iniisip mo. Mabait si Amir, sigurado akong magkakasundo kayo.” Malumanay ang boses ni Greta habang hinahaplos ang balikat ni Delilah.
Nagsalubong naman ang kilay ni Delilah sa narinig. Gusto niyang matawa sa sinabi ng kapatid. Makakasundo niya si Amir dahil mabait daw ito. Isang malaking katanungan yata iyon para sa kanya. At imposibleng mangyari iyon, dahil sa ngayon ay mainit ang dugo niya sa lalaki.
“Unawain mo naman ang nararamdaman ko. Ayaw mo bang maging masaya ako?” patuloy nito at waring napapasong inalis ang kamay na kanina lang ay masuyong humahaplos sa balikat niya. “Nasa tamang edad na ako para lumagay sa tahimik. Bakit ‘di mo isiping sana’y lumigaya ako sa piling ni Amir? Ligayang asawa lamang ang tanging makapagbibigay?”
Batid ni Delilah ang ibig ipahiwatig ng huling sinabi ng kapatid. Napilitan siyang tumayo. “Gusto ko ring lumigaya ka. Dalangin ko’y makamtam mo ang walang katapusang ligaya na hindi ko kayang maibigay sa iyo, ngunit huwag naman sa lalaking ‘yon. Kung talagang mahal ka ni Amir, hahayaan niyang lumawig pa ang inyong relasyon para mas makilala ang isa’t isa. Hindi ganito, parang minamadali ang magiging kasal n'yo.”
“Delilah, naman. Si Amir ang isinisigaw ng aking damdamin. Siya lang ang lalaking makapagpapaligaya sa ‘kin.”
“Patawad, Ate. Pero hindi ko hahayaang matuloy ang inyong kasal,” diretsehan niyang sabi na may bahid ng pagtatampo. Iyon lang at tinalikuran niya ito.
Malungkot na sinundan na lamang ng tingin ni Greta ang papalayong kapatid.
Nagpasya si Delilah na bumalik sa kanyang silid. Nasa kalagitnaan na siya ng hagdan nang makasalubong niya ang kanyang tiyahin na pababa ng hagdan.
“Kumusta ang pag-uusap n’yong magkapatid,” tanong ni Aling Clara sa pamangkin. “Napag-usapan n’yo ba ang tungkol sa kasal?”
Hindi agad nakaimik ang dalaga. Napatitig siya sa mukha ng kaharap, masaya ito.
Napansin naman ni Aling Clara ang pananahimik ng dalaga. “Iha?”
Napasandal si Delilah sa handrail ng hagdan. “Tiya, madalas bang pumunta rito si Amir?” sa halip ay tanong niya.
Tumango ito. “Halos gabi-gabi siyang nandito, nakikipagkuwentuhan sa kapatid mo. Kung minsa’y sinasama nila ako sa usapan. Marami silang plano pagkatapos ng kanilang kasal.”
Nang-uuyam siyang ngumiti. “Plano pala, ha?” aniyang hindi naitago ang inis. “Kasama ba ni Ate Greta ang lalaking ‘yon nang dumating sa villa?”
“Oo. Nagtataka nga ako kung bakit umalis agad si Amir. Inaasahan ko pa namang ipakikilala sa 'yo ni Greta ang kanyang nobyo.”
“Natatakot si Amir na makaharap ako, Tiya. Takot siyang mabukong isang gold digger. He's a greedy little viper, na gustong kamkamin ang mana ng aking kapatid.”
“Delilah!” Bakas sa mukha ng matandang babae ang pagkagulat sa binitiwang salita ng dalaga. “Hindi maganda ang lumalabas sa bibig mo. Hindi mo pa nakakaharap si Amir, huwag mo siyang husgahan nang ganyan.”
Napapahiyang nagbaba siya ng mukha. “Paumanhin, Tiya Clara. Pero ‘yon ang tingin ko sa taong ‘yon. Pilit ko ngang ipinamukha kay Ate Greta na salapi lamang niya ang nais pakasalan ni Amir. Mabait at madaling magtiwala sa mga tao ang kapatid ko. Iyon ang nakikita kong dahilan kung bakit siya nabihag ng matamis na dila ng lalaking iyon.”
“Hesus maryosep!” natitilihang wika ng ginang, nasapo ang sariling dibdib. “Ikaw talagang bata ka. Tiyak na nasaktan ang damdamin ng iyong kapatid sa ginagawa mong panghuhusga kay Amir.”
Nasasaktan ang kanyang kapatid dahil batid nitong nagsasabi siya ng katotohanan.
“Nagbubulag-bulagan siya dahil sa pag-ibig.”
“Bulag nga siguro ang pag-ibig.”
“Hindi bulag ang pag-ibig, Tiya. Ang umiibig ang bulag,” pagtatama niya.
Hindi na kumibo ang matanda. Nagpaalam ang dalaga sa tiyahin na magpapahinga muna sa kanyang silid.